*Pagsulong sa Ortograpiyang Filipino
Bilang Salamin ng Kasaysayan at Kulturang Pambansa
By Mario I. Miclat, Ph.D.
May sariling katangian, na hiwalay sa pag-unlad ng kultura, ang wika.
Samot-sari ang pagkikilanlan ng kultura ng isang bayan—ang kaisipan, kaugalian,
kasanayan, at sining ng sambayanan—mga katangiang nilinang sa mahabang panahon.
Bagaman sinasalamin, inaagapayanan, o tinutuhog pa nga at pinag-uugnay-ugnay ng
wika ang iba’t ibang salik ng kalinangan, may sinusunod itong sariling batas ng
pag-unlad. Halimbawa, anuman ang maging katangian ng lipunang
Filipino—mala-komyunal sa panahon ng mga baranggay; may mahigpit na herarkiya
sa panahon ng kolonyalismong Espanyol, Amerikano at Hapon; o ultra-demokratiko
sa kasalukuyang panahon—naroroon at naroroon pa rin ang katangian ng mga
panlaping “mag,” “um,” “in,” at “an.”
Kaya nga ba may hiwalay na larang ng pag-aaral tungkol sa wika, ang
lingguwistika. Maraming aspekto ang gawang pag-unawa, pagpapayaman, at
siyentipikasyon ng wika. Una, ang pagsasatitik nito mula sa basta sinasalita
patungong isinusulat na simbolo ng komunikasyon. Ikalawa, ang kodipikasyon nito
sa mapanghahawakan kahima’t hindi mahigpit na gramatika—mula sa pagbibigay
kahulugan sa mga pinakamalilit na morpema, panlapi at mga salita, pati
pagbusisi sa iba’t ibang paraan ng pagbubuo ng kahulugan ng mas malalaki nitong
bahagi (tinatawag na semantika); hanggang sa pagbubuo ng mga parirala at
pangungusap (na sintaktika naman ang tawag); o pag-aaral sa mga morpema at sa
komposisyon ng mga ito (morpolohiya); pag-aaral ng mga espesipikong tunog at
mga kombinasyon nito (ponolohiya); o ang katanggap-tanggap na sistema ng
pagsulat (ortograpiya). At ikatlo, ang paggamit dito sa iba’t ibang larangan ng
kaalaman at disiplinang akademiko tulad ng siyensiya, teknolohiya, matematika,
batas, pilosopiya, teolohiya, politika, at humanidades.
Kung ang wika ang sistema ng simbolo sa tinig at sulat na ginagamit ng tao sa
pagpapatalastas ng isip at damdamin, walang wika sa kahit na anong lupalop sa
daigdig ngayon ang kahapon lamang isinilang. Halos magkakasing-edad ang lahat
ng sinasalitang wika, at sumulpot mula nang maging tao ang tao, mga kalahating
milyong taon na ang nakararaan. Sa kasamaang palad, ang pinakamaagang rekord ng
wika sa nakasulat na paraan ay mga 6000 taon pa lamang katanda. Sa cuneiform ng
mga taga-Sumer (o Iraq
ng kasalukuyan), makikita ang mga panimulang hakbang sa intelektuwalisasyon ng
wika. Sa nasusulat na wikang tulad nito ipopokus ang talakay na ito.
Liban sa ilang creole, pidgin, at artipisyal na wika, karamihan sa mga
tinatawag ngayong opisyal o panlahat o pambansang wika ang isinilang sa
kabesera ng isang bansa at pinalaganap sa network ng komunikasyon at mga
aklatan, sa sistema ng edukasyon at sa tinatawag na pambansang panitikan.
Anupa’t malaking pampasigla sa pag-unlad ng wikang pambansa ang nasusulat na
anyo ng wika. Dito sa Filipinas, isang palayok na yari noong ca.1400, at
kinatititikan ng sinaunang baybayin sa may gawing balikat nito, ang nahukay sa
isang libingan sa Calatagan, Batangas. Pero hindi ito ang pinakamaagang nakasulat
na rekord na natuklasan sa Filipinas. Isang lahang tanso, na may inskripsiyon
tungkol sa sanglaang naganap noong taon 900, ang nadeskubre sa may wawa sa
Pagsanjan, Laguna. Pinatutunayan nito na mayroon nang nakasulat na anyo ang
wikang Filipino kahit noon
pa mang 1100 taon na ang nakararaan. Sabi nga ng misyonerong Heswitang si Pedro
Chirino sa kaniyang Relacion de las Islas Filipinas (1604): “Totoong mahilig
sumulat at bumasa ang mga tao sa mga pulong ito, kung kaya bibihira ang lalaki,
at lalong kaunti ang babae, na hindi nakababasa at nakasusulat ng mga titik na
gamit sa Maynila.” Sa ganitong pangyayari, napakahaba na ng mapaghuhugutan
natin ng karanasan sa pagpapaunlad ng pambansang wika.
May apat na pangunahing paksang tatalakayin ang papel na ito kaugnay ng
pag-unlad ng pambansang wika. Una, ang mga pagbabago sa ortograpiyang Filipino
sa kasaysayan. Ikalawa, ang konsepto ng “karaniwang Filipino” na gumagamit ng
pambansang wika. Ikatlo, ang pagpapasulong ng lingua franca at pambansang wika.
Ikaapat, ilang implikasyon ng patakarang “Kung ano ang bigkas, siyang sulat.”
Sa manwal panlaboratoryong Embriolohiya ng Vertebrata (1997) ni Annabelle
Herrera na inilathala ng UP Sentro ng wikang Filipino, mababasa ang sumusunod
(may kaunting pagbabagong editoryal):
Ang sistemang panreproduksiyon ng lalaki ay binubuo ng isang pares ng testes,
ng vas deferens, urethra, penis, at mga aksesoryang glandula.
Ang testes [ang] nakabalot sa visceral peritoneum na tuloy-tuloy sa mesorchium.
Ang kapsula na fibrous na connective tissue ay ang tunica albuginea na
tuloy-tuloy sa mga septa na nagbubukod sa testes mula sa mga lobule. [Nasa]
loob ng mga ito [ang] mga nakaikot na mga seminiferous tubule na [kakikitaan]
ng mga spermatogenic cell na bumubuo sa germinal epithelium. May nakapalibot na
basement membrane sa mga tubule. Nasa pagitan ng mga tubule ang interstitial
tissue na mayroon ding [tungkuling] endocrine.
Mapapansin sa halimbawa sa itaas ang gamit ng mga mga salita na bahagyang
lumilihis sa patnubay ng Komisyon ng Wikang Filipino kaugnay ng alpabeto at
ispeling. Hindi naman basta makalihis kaya bahagya ngang lumilihis ang
patakarang editoryal ng UP SWF. Pinaglimi-limi ito nang husto at ibinatay sa
napakaraming multidisiplinal na konsiderasyon.
Isa pang halimbawa. Sa isang survey ng SANGFIL (Sanggunian ng mga Unibersidad
at Kolehiyo sa Wikang Filipino) noong 1999, tinanong ang mga piling respondent
mula sa mahigit 120 kasaping institusyon sa iba’t ibang panig ng bansa tungkol
sa ilang problema sa ispeling. Bagama’t ang UP-SWF ang nagsisilbing
pangkalahatang kalihiman nito, ang De La Salle University naman ang siyang puno
noon ng komite sa ispeling.
Kasama sa survey ang isang listahan ng mga posibleng ispeling sa Filipino ng
mga binanghay na modernong salitang IT at siyentipiko tulad ng x-ray, xerox, at
fax. Habang tinatalakay ang resulta ng survey, maraming delegado sa ikalimang
pambansang kongreso ng SANGFIL na idinaos sa Far Eastern University ang
nagkonklusyon na sapat naman ang umiiral na gabay sa ispeling. Tinutukoy doon
ang “Alpabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino” na inihanda ng Surian
ng Wikang Pambansa at ipinalaganap ng DECS sa Kautusang Pangkagawaran Blg. 81,
S. 1987.
Sa kalahatan, sinusunod ng Patnubay ang prinsipyo ng pagbaybay ng salita ayon sa
bigkas. Parang ang gamit ng walong dagdag na letra sa alpabetong Filipino
(viz., C, F, J, N, Q, V, X, at Z) ay limitado sa mga hiniram na pangngalang
pantangi at espesipikong katutubong katawagang pangkultura tulad ng canao,
hadji, masjid, at azan (unang panawagan ng pananalangin). Eksepsiyon ang mga
hiram na salitang “kapag binaybay ayon sa alpabetong Filipino ay hindi mabakas
ang orihinal na ispeling” tulad ng x-ray at xerox “na makabubuting
pansamantalang hiramin nang walang pagbabago sa ispeling ngunit salungguhitan.”
(Mga Tanong at Sagot tungkol sa Alpabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang
Filipino, 1998, 37). May elaborasyon ang tuntunin na nagpapahiwatig na mas
mabuti kung hindi na binabanghay ang mga salita, o kung sakali man, ay
ihihiwalay sa panlaping Filipino sa pamamagitan ng gitling. Inihalimbawa ng
Patnubay ang mga salitang tulad ng maka-Rizal, taga-Luzon, at mag-Sprite (42).
Natatanging kaakuhan ng Filipino ang posibilidad na mabanghay ang lahat ng
pangngalan para maging pandiwa sa Filipino. Magtutunog pilit ang mga
pangungusap na may hiram na salitang hindi binanghay. Napakabaduy, halimbawa,
kung sasabihin ng doktor sa kaniyang pasyente na “Ipaiilalim kita sa x-ray”
para lamang makasunod sa posibleng tuntunin ng ispeling na bulag sa kuwestiyon
ng pagbabanghay ng salita. (Lalo pa’t alam natin na nakapatayo ang karaniwang
x-ray pati na pasyenteng hindi naman “nakapailalim,” tulad ng aakalain sa
salitang “undergo,” ng Ingles.) Walang problemang nakita ang mga kalahok sa
kongreso sa mga pandiwang tulad ng mag-x-ray, mag-xerox, mag-fax. Pero
karaniwan na ngayong makarinig ng mga pangungusap na gaya ng “E-x-ray-in kita.” Kung susundin ang
Patnubay, mangangahulugan iyan ng paglalagay ng tatlong gitling sa napakaikling
salitang may pipitong letra, huwag nang sabihing kakailanganin pang
salungguhitan ang apat na letra dito.
Kung susundin ang Patnubay, napakahirap isulat ang simpleng pangungusap na
tulad ng “I-f-in-ax ko na sa iyo ang artikulo ko,” o kaya’y “Borador pa lamang
ang sanaysay, bakit mo i-x-in-erox agad?” Lalo pa’t kung ima-mouse ang gitling
at salungguhit sa Microsoft Word! May nagmungkahi na gamitin ang ganoong
pangungusap sa pasalita, pero baguhin kung isinusulat na. Gaya ng, “Ipinadala ko na sa iyo ang kopya ng
artikulo ko sa pamamagitan ng fax.” Pastilan gid! Napakahaba naman.
Tanong: basta na lamang ba tayo papayag na masadlak ang Filipino sa tadhana ng
mga wikang Amerindian tulad ng Quechua at Guarani na naghihingalo nang mga oral
at hindi isinusulat na wika sa hi-tech na panahong ito ng World Wide Web?
Lengguwahe ng mga illiterate? Lengguwaheng pabigkas lamang ang mga tipo ng
signipikasyon at hindi maaaring i-computer? Mukhang ayaw nating pahintulutan na
gamitin sa mas murang e-mail, bagkus ay ipatatali na lamang sa mas magastos na
teleponong long distance, kung halimbawa’y gusto nating ibalita sa mga
kamag-anak o kaibigan natin na:
Xinasaylophone ni bunso ang kawayan sa papag!
Maalaala ko tuloy nang minsang may isinusulat akong maikling kuwento sa
Filipino. Naglimi-limi ako nang husto sa tumpak na salitang dapat gamitin sa
loob ng isang diyalogo. Matapos timbang-timbangin nang maraming beses ang iba’t
ibang singkahulugan—angkas, suno, sukob, baba, bakay, makisakay—ang sumusunod
na pangungusap pa rin ang isinulat ko: “Siguradong may mapaghi-hitchhaykan…
miski army truck” (Mario Ignacio Miclat, Pinoy Odyssey—Stories & Kuwentos,
1989, 60).
Sa mga nabanggit na halimbawa, palagay ko’y papayag na tayong talaga na
nangangailangan na ng pagbabalik-suri sa ispeling o ortograpiyang Filipino. Naglabas
na rin naman ng Kartilya at Gabay ang UP SWF, lalo na tungkol sa pag-iiba ng
panghihiram sa English at Espanyol. Pero dapat kong aminin na hindi pa rin iyon
sapat.
Mga Pagbabago sa Ortograpiyang Filipino
Sa tuwinang may nagaganap na dakilang pagbabago sa kasaysayan ng lipunang
Filipino, nagkakaroon din ng kaukulang adjustment sa nakasulat na anyo ang
wikang Filipino. Sa pag-aadjust, yumayaman ito, lumalago, yumayabong, at
nakaaangkop sa tawag ng panahon.
Bago ang ika-16 na siglo, puwedeng sabihing pinakarasyonal na yatang paraan ang
baybaying naimbento ng ating mga ninuno para mairepresent sa panulat ang wika
nilang sinasalita. Buo na sa iisang yunit ang bawat pantig. Mabilis kung
katutubong salita ang sangkot. Pumapasok ang problema kapag may salitang hiram
sa loob ng pangungusap. Tingnan ang sumusunod na pangungusap:
Aahon ako matapos ang anihan.
Kaunin mo ako sa pasigan.
[insert baybayin text]
Madaling isulat sa baybayin ang pangungusap sa itaas. Tingnan naman ang kahawig
na pangungusap:
Sa Deciembre ang viaje ko.
Traeme sa muelle.
[insert baybayin text]
Bagama’t pareho pa rin ang diwang isinasaad ng pangalawang pangungusap sa una,
mahirap na itong ibaybayin dahil sa mga salitang hiram mula Espanyol. Puwede sa
kung puwede, pero hindi na makinis at tiyak.
Sa mabuti o masama, madaling tinanggap ng ating ninuno ang mga bagay na
Espanyol. Pagsapit ng 1610, halos 40 taon matapos gawin ni Miguel Lopez de
Legazpi na kabesera ng kapuluan ang Maynila, isusulat na ni Thomas Pinpin
(Introduksiyon, Librong Pagaaralan nang manga Tagalog nang uicang CaStila,
Bataan: Diego Talaghay, Impressor de Libro, 1610) ang sumusunod na puna:
Di ba quin ang ybang manga CaStila, ay inyong quinalologdan, at guinagagad din
ninyo, Sa pagdaramitman, at Sa pananandataman, at sa paglacadman at madlaman
ang magogol, ay ualarin hinahinayang cayo, dapouat mamochamocha cayo Sa
CaStila.
Kaya nga marahil nang mas maaga pa, noong 1593, kinailangang isulat din sa
titik gotiko Romano, bukod sa baybayin, ang Doctrina Christiana en lengua
espanola y tagala. Hindi madaling ibaybayin ang mga salitang “doctrina” at
“Christiana.”
Mahihinuhang maluwag na tinanggap ng karaniwang Filipino ang paglipat patungong
letrang Romano. Sa kabuuan, ang ortograpiyang Espanyol ang sinunod, bagama’t
ang Espanyol man noon ay
hindi pa estandardisado. Pansinin ang titik “h” sa “Christiana” at Thomas
Pinpin. Sa katunayan, sa lisensiya ng libro ni Pinpin na ibinigay ni Gobernador
y Capitan General Don Juan de Silva noong Abril 14, 1610 binaybay ang pangalan
ng bansa na “Islas Philipinas.” Doon naman sa
Declaracion de la Doctrina Christiana en Idioma Tagalog ni Juan de Oliver OFM
(1599), “Piliphinas” naman ang ispeling. Sa kaniyang “Sucesos” (II Blair
&Robertson, 196-216), palit-palit na “Filippinas” (197), “Filipinas” (201),
at “Philipinas” (215) ang gamit ni Miguel Lopez de Legazpi, na nagsasalit din
ng “Billalobos” sa baybay ng pangalan ni Villalobos. Isang liham ni Pau Cortley
na inilimbag sa Barcelona
noong 1566 ang tumukoy sa ating kapuluan sa baybay na “Philippinas” (II Blair
&Robertson, 223).
Noong ika-19 siglo, nabuksan ang Suez Canal, nabuksan ang Maynila sa kalakalang
internasyonal, at nabuksan ang isip ng Filipino sa mga liberal na kaisipan.
Lumaganap ang kilusang propaganda tungo sa kasarinlan. Mas lumakas ang diwa ng
pagkabansa na nag-udyok naman sa atin na lalong unawain nang husto ang ating
sariling pagkamamamayan na iba sa Espanyol. Nagpatuloy ito kahit sa pag-aaral
ng ating wika. Nagmukhang kakatwa ang baybay Espanyol ng mga salitang Filipino.
Kinailangan na muling timplahin ang ortograpiyang Filipino. Isinulat ni
Trinidad H. Pardo de Tavera (1857-1925) ang kaniyang Contribucion para el
estudio de los alfabetos filipinos noong 1884. (The Rizal-Blumentritt
Correspondence, Vol I, 1886-1889, 1992, 11).
Sa kaniyang “Estudios sobre la lengua Tagala” (Cecilio Lopez, tr. Ang Balarila
ni Rizal, 1962), ipinagamit ni Jose Rizal ang letrang “k” sa mga salitang gaya
ng “kuha” na binabaybay noong “cuha.” Nasa alfabetong Espanyol naman ang “k”
pero bihira lamang gamitin at tila reserbado sa mga salitang hiram. Kailangang
palitan ng “qu-” ang matigas na “c” kapag ginamit ang gitlaping “-in-” sa
ortograpiyang Espanyol. Ibang-iba na tuloy ang porma ng binanghay na salita sa
salitang-ugat. “Cuha,” “quinuha,” at hindi “cinuha.” Mas simple kung gagamitin
ang “k”—“kuha”, “kinuha.”
Samantala, ang letrang “h” ng Espanyol ay hindi binibigkas. Ang paggamit ng
binibigkas na “h” ay makalulutas ng kahawig na problema sa letrang “c” kaugnay
ng malambot at matigas na “g” sa mga salitang Filipino na ginitlapian ng
“-in-,” tulad halimbawa ng “ganti,” “guinantihan.” Ayon dito, ang “gigante” ay
magiging “higante.” Binigyan din ng gamit ang letrang “w.”
Malaking hakbang pasulong para sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino ang
mga pagbabagong ipinasok ng mga propagandista at rebolusyonaryo sa ortograpiya.
Pansinin ang pagkakaiba ng edisyong 1870 ng Pinagdaanang Buhay ni Florante at
ni Laura sa Cahariang Albania
ni Francisco Baltasar (reprint ng edisyong 1838?), sa bersiyon ni Apolinario
Mabini sa panahon ng kanyang pagkadestiyero sa Guam
noong 1901.
Cun pagsaulang cong basahin sa isip
Ang nangacaraang arao ng pag-ibig
¿may mahahaguilap cayang natititic,
liban na cay Celiang namugad sa dibdib?
Malapit na sa kasalukuyang ortograpiya ang sulat kamay na bersiyon ni Mabini
kung ang gamit din lamang ng “k,” “g”, at “w” ang pag-uusapan, ngunit hindi ang
gamit ng “ng.”
Kun pagsaulan kog basahin sa isip
Ag nagakaraag araw ng pagibig,
Maymahahagilap kayag natititik
Liban na kay Celiag namugad sa dibdib?
Ayon kay Carlos Quirino, direktor ng aklatang pambansa noong 1964, “a cursory
examination of Mabini’s version and the 1870 edition… shows that Mabini… made
changes in the orthography as advocated by Rizal.” (Mabini’s version of
“Florante at Laura” with a Preface by Carlos Quirino and a New English
Translation by Tarrosa Subido, 1972, viii).
Makikita ang bilis ng pagtanggap ng karaniwang Filipino sa mga susog
panggramatika ni Rizal sa mapapansing pagbabago sa baybay ng mga salitang gaya
ng “ko,” “kay,” “kaya,” “titik,” “araw,” “hagilap” sa mga dokumentong Filipino
noong pagsisimula ng ika-20 siglo.
Sa pagbuwelta ng tingin sa gamit ng Espanyol sa letrang Romano, nagsimula na
ring sumulpot ang konsepto ng abakadang Filipino. Yayamang sa Filipino at
Espanyol ay pareho ang bigkas ng “b” at “v,” pinag-isa na lamang sa “b” at
inalis na ang “v” sa nabubuong abakada. Nakalilito ang gamit ng “c” at “j” at
mukhang kadoble lamang ng gamit ng “s” at “h,”kaya inalis din sa abakada. Hindi
mabigkas ng karamihan sa Filipino ang “f,” kaya tinanggal rin. Nalimita nga sa
20 ang titik ng nabuong abakada.
Sa abakada, tuluyan nang kumawala sa Espanyol ang Filipino. Makikita sa
Diccionario Tagalog-Hispano (1914) ni Pedro Serrano Laktaw ang mga salitang
tulad ng “pirma, piskal, pista” na binanghay nang “pumirma, pinirmahan,
pamista,” at “mamiskal (fizcalizar)” na hindi maipaliliwanag sa gramatikang
Espanyol kundi tanging sa gramatika at ortograpiyang Filipino lamang.
Sa unti-unting pagkakabuo ng ortograpiyang Filipino, hindi lamang binago ng
Filipino ang porma ng mga salitang Espanyol, nagkalakas din tayo ng loob na
isakatutubo ang maraming salita. “Limbagan ni I.R.Morales, Liwasang Miranda,
Kiyapo” anang address ng tagapaglathala ng edisyong 1915 ng salin ni Patricio
Mariano ng El Filibusterismo. Pansinin ang gamit ng “limbagan” at “liwasan” sa
halip na “imprenta” at “plaza.” Gayundin ang gamit ng mga letrang “ki” imbes na
“qui” sa Quiapo. Nag-umpisa rin tayong maghagilap sa mga diyalektong rehiyonal
ng mga salitang wala sa Tagalog na gusto nating ipalit sa mga salitang
Espanyol. Halimbawa na ang “lungsod,” “lunan,” “binibini” at “katarungan” mula
Sebwano. Sa wakas, hindi na maipagkakamali ng mga dayuhan na diyalekto lamang
ng Espanyol o pidgin Castilian ang Filipino. Puwede na nating ipaliwanag nang
tama na ang “mamatay,” halimbawa, ay hindi korupsiyon ng “matar” bagkus ay
nanggaling sa salitang ugat na “patay” na may unlaping “mang.” (Puwede na rin
tayong magbiro na ang sailitang “mate” sa chess ang siyang korupsiyon ng
salitang Filipinong “patay.”)
Dumating ang punto na binago na rin ang baybay pati ng mga pangngalang pantangi
para umangkop sa abakada. Tulad nga ng “Kiyapo” sa itaas. Kahit hindi tinanggap
ng karaniwang tao, makikita pa rin natin ang labi ng ganitong tendensiya sa mga
pangalang tulad ng Hesukristo [“H, k” imbes na “J,c”], Hudyo [“H, dy” imbes na
“j, de”]. Kamuntik na ngang sumunod ang Huse, Huwan o Suwan [“h” at “s” imbes
na “j”] at Lukas [k].
Dala marahil ng labis na entusiyasmo ng mga mananagalog, nabuo ang panulat na
kitang-kita ang katangiang restriktibo. Halos nabalik tayo sa baybayin. Hindi
na natin maisulat sa sarili nating wika ang ating mga pangalan.Hindi na mayakap
ng ating wika, sa pormang nakasulat, ang pagkasamot-sari ng etnisidad na
Filipino. Ang “Luzon” at “Rizal” ay naging mga
exception na lamang imbes na bahagi ng tuntunin sa pagbaybay. Parang naging
wikang dayuhan ang mga pantanging tulad ng “Ifugao” at “Ivatan” sa halip na
dangal ng mahaba nating kasaysayan. Anupa’t hindi lamang sa napasaisantabi ang
marami sa ating kababayan, kundi nahihiwalay din mismo ng nakasulat na wikang
batay sa atavistikong abakada. Hindi nito makayang katawanin ang buo nating
kabansaan, taliwas sa katotohanang ang wika ang diwa ng sambayanan.
Nakita natin sa atin mismong karanasan na sangkot sa suliranin ng wika hindi
lamang ang ilang grammarian, linguist, o guro kundi ang buong lipunan. Kung
hindi tatanggapin ng karaniwang Filipino, walang magagawa kahit ang may
pinakamabuting intensiyong planong pangwika. Nakita rin natin na napakahalagang
konsiderasyon sa mga pagbabago sa ortograpiyang Filipino ang katangi-tangi
nitong paraan ng pagbubuo ng salita gamit ang mga panlapi.
Ngayon heto na ang alpabetong Filipino, kinakanta-kanta ng mga mag-aaral sa
primarya sa buong bansa. Ito’y pagkilala ng Komisyon sa Wika na nahaharap na
naman tayo sa malaking pagbabago sa kasaysayan. Ang mga pagbabagong ito ay may
dalawang pangunahing aspektong nakaiimpluwensiya sa isa’t isa: internal at
external. Sa loob ng ating lipunan mismo, nagkaroon ng pagbabago sa konsepto ng
pamamahala mula noong Rebolusyong EDSA ng 1986. Sa anumang gawaing panlipunan
ngayon, malakas na ang tuon sa demokrasya, karapatan ng tao, rehiyonalismo at
etnisidad. Nadagdagan ang papel ng civil society habang mas inuusig ang
tradisyonal na papel ng sentral na pamunuan. Mula sa labas, nasaksihan naman
natin ang kamangha-manghang pag-unlad ng siyensiya at information technology.
Ano ngayon ang papel na dapat gampanan ng wikang Filipino sa harap ng
malalaking pagbabagong ito? Kung sa mga dantaong nagdaan, hindi ito hinayaang
mapariwara ng ating mga ninuno bagkus ay pinaunlad at pinaangkop sa tawag ng
panahon, may katwiran ba ang ating henerasyon ngayon na mag-iba ng tungkulin?
(Sa panahong ito ng globalisasyon at internet, nakikita natin ang mga Tsino,
Hapon, Thai, Espanyol, Franses, Aleman na natural lamang na nagpapabrika ng
computer at nagdedevelop ng program sa kani-kanilang wika. Sa pamamagitan ng
mga computer at programang ito, lumilikha sila ng sanlibo’t sanlaksang consumer
at capital goods na bumabaha sa ating pamilihan. Kinukonsumo natin ang kanilang
mga produkto kahit hindi natin naiintindihan ang lengguwaheng nakasulat sa mga
etiketa nito. Ginagamit nila ang kanilang talino para tumubo. Ginagamit natin
ang ating utak para mas gustuhin ang imported.)
Lengguwahe ng “Karaniwang Filipino”
Nabanggit natin sa itaas na ang anumang wika ay dapat na maging
katanggap-tanggap sa “karaniwang Filipino.” At magiging katanggap-tanggap ito
kung makikitang naglilingkod sa kaniyang interes. Sino nga ba ang “karaniwang
Filipino”?
Siya ba ang magsasaka sa bukid? Ang vendor sa bangketa? Ang istambay sa kanto?
Mula sa punto de bista ng ekonomista, ganito ang sabi ni Cayetano W. Paderangga
Jr.:
The “average Filipino”… would be the “weighted average” of Filipinos from all
social, geographical, economic, and other classes. [He] is a multidimensional
agent, i.e. a consumer, saver, entrepreneur, and worker across all
output sectors (1997 Faculty Conference Report, Subic Bay:
1997, 28).
Sa pagtinging ito, ang “karaniwang Filipino” ay hindi ang “least common
denominator” kundi ang “weighted average.” Hindi ang pinakatamad sa lipunan,
kundi ang pinagsamang pinakatamad at pinakamasipag. Ang patapon at ang may pinakamataas
na potensiyal.Sa paglalapat ng depinisyong pang-ekonomiyang ito sa larangang
pangkultura, hindi lamang ang mangmang ang kabilang kundi pati ang henyo. Hindi
lamang ang nakapila sa Pera o Bayong kundi ang nasa Battle of the Brains at
iyong mga nag-ipon para makapanood kay Pavarotti.
Professor sa unibersidad at titser sa kindergarten; manggagawa, entrepreneur at
kapitalista; manunulat at mambabasa; pintasero at pinipintasan. Sa
kani-kanilang sirkulo, may ginagamit silang eksklusibong salita at parirala na
hindi naiintindihan ng kabilang grupo. Pero sa kabuuan, kapag may mahahalagang
isyung kinakaharap ang bayan, nagkakatagpo sila, nag-uusap at nagpapahayag ng
opinyon sa radyo at telebisyon sa pamamagitan ng wikang Filipino. Tingnan na
lamang ang mga pag-uusap ng iba’t ibang panig hinggil sa mga problema sa Palawan, Basilan, at Sulu at ilang bahagi ng Mindanao.
Naniniwala ang kalihim ng DECS, si Dr. Andrew Gonzales, na 98% ng mga Filipino
ang nakauunawa ng Filipino. Ayon naman kay Senador Blas Ople, ang ating wikang
pambansang salig sa Tagalog ang pangwalo sa lahat ng wikang ginagamit sa mga
sambahayan sa America,
higit sa German, Italian, o French. Ito rin aniya ang isa sa mga wikang
maririnig sa mga public address system na nagpapatalastas ng mga produkto sa Saudi Arabia, Bahrain, at Dubai. Nagkaroon ng
survey ang Social Weather Station noong 1998 na nagtanong sa representatibong
pambansang sampol kung saang lengguwahe nila mas gustong nasusulat ang mga
textbook sa primarya. Open-ended ang tanong, at “49% of the respondents
answered Tagalog, 31% said that it should be Tagalog and English, and 20% said
that it should be English” (Mahar Mangahas, “People prefer teaching in
Filipino” Manila Standard, May 28, 1999, Opinion page).
Anupa’t ang Filipino nga ang wika ng karaniwang Filipino, ang ating lingua
franca at pambansang wika.
Lingua Franca at Wikang Pambansa
Sa isang lathalain kaugnay ng paggamit ng bernakular sa edukasyon na inilathala
sa Paris noong
1953, inilarawan ng UNESCO ang lingua franca na “a language used habitually by
people whose mother tongues are different in order to facilitate communication
between them” (sinipi sa Ronald Wardaugh, An Introduction to Sociolinguistics,
1986, 55). Ayon kay Wardaugh, kung minsan ay tinatawag din itong trade
language, contact language, o auxiliary language. Tsino ang lingua franca sa East Asia (pansinin ang top ten sa MTV Asia). Lingua
franca ng daigdig ang Ingles ngayon, at ang Latin noon.
Tinatawag ding lingua franca ng Filipinas ang Filipino. Pero higit pa sa
simpleng talastasan lamang o pantulong sa kalakalan ang papel nito. Hindi ito
basta contact o trade language.
Ang Filipino ang wikang hindi lamang sa tabloid at komiks mababasa.
Matutunghayan din ito sa mga walang kamatayang panitikan ng nakaraan, o sa mga tula at nobelang
pam-Palanca o pan-Sentenyal ng kasalukuyan, at sa salin ng mga classics ng
pandaigdigang panitikan. Ito ang wikang hindi lamang nakasulat sa mga polyeto
ng mga kandidatong politiko at sa patalastas ng mga produkto. Ito rin ang wika
sa mga aklat na nagbibigay kahulugan sa esensiya ng katarungan, kabuhayan,
batas at pamamahala. Ito ang wikang hindi lamang nagpapahayag ng lahat ng tindi
ng pag-ibig, galit, tuwa at lungkot. Ito rin ang wikang nakapag-papaliwanag ng
pinakamaliit na detalye ng paggalaw ng atom at pag-expand ng universe (tulad ng
mapapatunayan sa proyektong textbook ng UP-SWF).
Sa maikling salita, ito ang wika ng namumukod na katangian, kaakuhan, kabansaan
ng mga mamamayan ng Filipinas. Iyan ang mas malalim na dahilan kung bakit natin
ito tinatawag na wikang pambansa.
Kung ganito kalaganap ang wikang Filipino sa loob at labas ng ating bansa, kung
may malawak na kinalaman ito sa kung ano-anong larangan ng buhay, hindi
maaaring hindi ito isinusulat.
Kung ano ang bigkas, Siyang sulat?
Isinasaad ng Kautusan ng DECS na “kung ano ang bigkas ay siyang sulat, at kung
ano ang sulat ay siyang basa.” Sa ibang salita, kung papaano ang bigkas, ito
ang baybay kaugnay ng ortograpiya; at kung papaano ang sulat, ito ang bigkas
kaugnay ng ponetika. Magandang tuntunin ito bilang panimulang hakbang sa
pagsasatitik ng oral na wika. Pero isa itong ideal na napakahirap matupad sa
kalaunan ng kahit na anong wika.
Puwede nating sabihin na ang alituntunin sa itaas ang sinunod ni Antonio Pigafetta,
chronicler ni Magellan, nang tangkain niyang iromanisa o ilatinisa ang mga
salita sa Sugbuhanon. Tingnan natin ang mga sumusunod na halimbawa (sa XXXIII
Blair & Robertson, 188-89):
Boho (buhok), matta (mata), chilei (kilay), nipin (ngipin),
Dilla (dila), sico (siko), coco (kuko), pusut (pusod),
Vtin (uten), licud (likod), tuhud (tuhod), ilon (ilong),
Hanggang ngayon, 479 taon na ang nakararaan, maiintindihan pa rin nating mga
Filipino ang mga tinutukoy sa bokabularyo ni Pigafetta. Bagama’t maayos naman
ang ginawa niya, may sumusulpot na katanungan dito: Sino ba ang bibigkas at
sino ang susulat? Nagsasalita noon
ang katutubong Sebwano, isinusulat naman sa bulgar na Italyano sa halip na
edukadong Latin, ni Pigafetta. Ang bulgar na Latin, kaipala, ay binibigkas nang
iba-iba sa iba-ibang lugar ng sinaunang daigdig (Wardaugh, 55).
Buti na lamang at hindi na natin isinusulat ang ating mga salita sa
napakakrudong paraang bigkas-sulat ni Pigafetta. Pihado kong hagalpakan ang mga
Sebwano kapag binibigkas na nila ang mga sinulat nilang salita. Kahit papaano’y
may sinusunod na tayong higit na aral na ortograpiya angkop sa ating gramatika
at katanggap-tanggap sa karaniwang Filipino, kahit magkaminsan ay kinakailangan
itong pagbalikang-suri at mag-adjust.
Hindi lamang sa Latin, kundi sa kahit na ano pang phonetic alphabet, ang
nalilikhang nakasulat na anyo ay simbolo ng salita na gabay sa pagbigkas. Dahil
sa paglakad ng panahon at heograpikong paglawak ng wika, nagkakaroon ng
magkaiba at magkahiwalay na dinamika ang pag-unlad ng nakasulat at ng
binibigkas na wika. Hindi pa tinitingnan diyan ang panloob na kadahilanan sa
bawat indibidwal tulad ng galaw ng masel ng dila ayon sa utos ng hypoglossal
nerve ng medulla oblongata, at kung ano-ano pang konsiderasyon!
Higit na nakararaming literate na tao sa mundo ngayon ang may wikang nakasulat
na kung babasahin ay binibigkas sa iba’t ibang paraan sa iba’t ibang lugar.
Kunin lamang ang suma total ng mga marunong ng Ingles, French, Arabe, Espanyol
at Tsino, at makikitang lampas na ang bilang nila sa dalawang katlo ng
populasyon ng mundo.
Matagal nang nawari ng mga Tsino, na may pinakamahabang nakasulat na kasaysayan
at may wikang may pinakamaraming nagsasalita, na iba ang bigkas, iba ang sulat.
Ideogram at hindi alpabeto ang inimbento nilang sistema ng pagsulat na
tinatawag ngayong kanji (o hanzi, Chinese characters). Pareho ang kanji sa Tsina, Korea
at Hapon pero ibang-iba kung basahin ng mga taong ito. At kahit sa hanay ng mga
Tsino mismo, kahit iisang set lamang ng character ang ginagamit sa pagsulat ng
mga taga-Beijing, taga-Shanghai at taga-Canton, hindi sila magkakaintindihan
kung hindi sila magpapakitaan ng sulat at babasahin lamang nila iyon sa
kani-kanilang diyalekto. O kahit pa sa iisang probinsiya lamang, tulad halimbawa
ng Fujian,
hindi maiintindihan ng binatang taga-Fuzhou ang dalagang taga-Amoy, kahit
parehong tinatawag na Fookienese ang kani-kanilang diyalekto, hangga’t hindi
sila magsusulatan sa kanji, o kaya’y gagamit ng pambansang wikang Mandarin na
nakabatay sa diyalektong Beijing.
Sa ibang salita, nagkakaintindihan sila sa sulat, hindi sa bigkas. Isang porma
ng ideogram na mas pamilyar sa atin ang Hindu-Arabic numeral. Iba-iba ang basa
ng iba’t ibang bansa sa mga simbolo ng numero pero iisang idea lamang ang
kinakatawan ng mga iyon.
Hinding-hindi ko iminumungkahi dito na gumamit tayo ng nasusulat na sistemang
katulad ng kanji. Bagama’t ipinagmamalaki ng mga taga-Silangang Asia ang kanilang kanji, sila rin mismo ang magsasabi na
napakakomplikado ng kanilang sistema ng pagsulat. Pero may mga ginagamit din
naman tayong mga Filipino na nakasulat na wikang hawig sa gamit ng ideogram,
ang ating mga akronim. Halimbawa nito ang “PNU” na maaari kong basahing
“Pamantasang Normal ng Pilipinas.” Pero hindi ko maiuugnay sa pamantasang
normal, kundi sa kapulisan, ang mas tama sanang abrebiyasyon nitong “PNP.”
Bagama’t may simbolong hindi gaanong salamin ng konseptong sinisimbolo,
natu-tutuhan naman natin iyon. Hindi ko sinasabing ideal na sistema ng
ortograpiya ang nangyari sa French o Ingles. Ang sinasabi ko lamang, mas
maraming tao sa mundo ang hindi gumagamit ng alituntuning “bigkas/sulat.”
Sa ano’t anuman, totoo din ang paghiwalay ng bigkas at sulat maging sa
Espanyol, na may ortograpiyang halos bigkas/sulat ang tuntuning mahigpit na
sinusunod sa ortograpiya, at may nagpapasunod na akademya. May malaking
kinalaman diyan ang heograpiya at pagtakbo ng panahon. Halimbawa’y ang letrang
ekis. Alam nating “ha,” “he” at “hi” ang bigkas, kahit nakikita nating “x” ang
nakasulat sa tradisyonal na ispeling ng mga pangalang tulad ng Roxas, Xerex at Mexico, habang
may gumagamit na rin naman ng pormang Rojas, Jerez at Mejico. Natatandaan ko pa noong
aking kabataan, noong sapilitang pa ang 24 yunit ng Espanyol. Parang may
sasabog na generational war noon
sa University College dahil may mga kabataang guro na
nag-aral sa Mexico
na nagsabing “shjo” ang bigkas ng “yo” (ako), samantalang iginigiit ng
matatanda na “io” pa rin ang tamang bigkas. Hanggang sa maghari ang hinahon at
maipaliwanag na ang “io” sa Madrid
ay halos “shjo” sa America
Latina. Gawa ng
agwat na heograpiko na naragdagan ng national at ethnic pride, nagkaiba ang
bigkas. Gaya ng
Latin ng unang panahon at Ingles ng kasalukuyan, gayon din naman ang Espanyol.
At maidagdag na, ganiyan din sa Filipino.
Binubuo ang ating bansa ng maraming komunidad na etniko, rehiyonal, at
lingguwistiko. Maipagmamalaki ng bansa ang mayamang kaligirang pangkulturang
ito sa tuwinang makaririnig tayo ng Kasilag, Abelardo, Ryan Cayabyab, o Parokya
ni Edgar; manonood ng Filipiniana, Bayanihan, o Ramon Obusan; tumitingin ng
Luna, Manny Baldemor, o Imao; humahanga sa vinta, sa pay-yo, at sa San Agustin.
Hindi ba maaari ring salaminin ang kayamanang pangkulturang ito sa ating
nasusulat na wika?
Tanggap na natin na mula sa tatlong patinig ng baybayin, nagkaroon tayo ng
limang patinig sa romanisadong Filipino, ang a, e, i, o, at u. Gayunman, sa
iba’t ibang rehiyon ng bansa, o kahit sa iba’t ibang lugar ng iisang rehiyon,
iba’t iba ang bigkas sa limang patinig. Ang “w,e,n” sa Ilocano ay maririnig na
“wen” “wen” o “win.” Ang “e” sa Tagalog ay maaaring “e” sa Maynila, “ei” sa
Batangas, “e” sa Rizal o “ai” sa Subic. Ang
“o” ay bigkas Ingles sa Ilocano, bigkas Espanyol sa Tagalog, at tila
pinagsamang maikling “o” at maikling “u” sa Sebwano. Sa tatlong wika pa lamang,
may 12 nang bigkas sa limang patinig.
Mayroon ding iba-ibang bigkas ng katinig sa mga rehiyon. Pakinggan na lamang
ang pagkakaiba ng bigkas-Sebwano sa lungsod at sa nayon ng salitang “balay” o
ang natatanging bigkas ng mga Aklanon sa “l” at “r.” Kapag sinabi nating “kung
ano ang bigkas, siyang sulat,” aling rehiyon ang susunding bigkas, aling
rehiyon ang susulat? Konsiderasyong rehiyonal pa lamang iyan. Mayroon ding
konsiderasyong sosyal. Anong antas ng edukasyon ang dapat na inabot ng
bibigkas, anong antas ang sa susulat? Kung susundin natin ang depinisyon ng
“karaniwang Filipino” sa itaas, ang least common denominator kung ispeling din
lamang ang pag-uusapan ay hindi ang may pinaka-mababang antas ng pag-iisip,
hindi ang pinakapaslit sa lahat ng paslit.
Pinatutunayan ng karaniwang Filipino na hindi siya malilito, hindi siya
mahihirapan, sakali ma’t hindi iisa ang bigkas ng bawat letra. Hindi siya bobo
kompara sa ibang nasyon. Kaya niyang matandaan ang iba’t ibang tunog ng isang
letra depende sa pagkakagamit.
Tingnan na lamang ang pagbibigay natin ng pangalan ngayon. Hindi na lamang
problema sa paggamit ng “J” o “H” o “S” sa Juan kundi paggamit na ng “J” na may
iba’t ibang tunog, tulad ng Jasper, Jannah at Juvenal. Lumalayo na sa
kinagawiang tradisyon ng pagbibinyag ayon sa listahan ng mga pangalang Katoliko
sa pormang Espanyol o Ingles, may bagong kultura na ngayong paghalo-haluin ang
pangalan ng mga magulang, biyenan, kamag-anak, kumare, kumpare, kaibigan,
lugar, pangyayari, at mga karanasan. Makikita natin ang mga pangalan, tulad sa
aking class record, na tulad ng Odnerolf, Elsbeth, Emmabelle, Jhonamyr, Al
Kaizan, at Grazzielle. Mga pangalan iyang tangi sa Filipino, sinulat sa paraang
tanging Filipino lamang ang gagawa, at dapat lamang na maipakita sa ortograpiya
ng wikang Filipino. Hindi lamang sa ginagamit ng karaniwang Filipino ang mga
letra na may iba’t ibang katumbas na bigkas, tiyak ko ring pinaghihirapan ng
mga magulang ang “dating” na estetiko ng nasusulat na pangalan ng kanilang
anak. Sa tingin ko, sapat na ang kasalukuyang alpabetong Filipino. Hindi na
kailangang magdagdag pa ng kung ano-anong simbolo sa bawat tunog na mamumutawi
sa labi ng lahat ng Filipino.
Nag-aambag ang kaalaman ng karaniwang Filipino sa ispeling Ingles upang
magkaroon ng kaisipan na dapat maganda sa mata ang baybay ng mga salita. Hindi
na problema kahit ng mga batang Filipino na puwedeng palitan ng katunog na
letra ang mga binabanghay na salita. Halimbawa,
k, c sa joke/ jocular (L. jocus)
b, ~b sa number/ numerous (L. numerus)
v, p sa perceive, perception
c, t sa Venice, Venetian; at higit sa lahat
ph, f sa Philippines, Filipino
Kapag sinasabing “maganda sa mata” ang porma ng nakasulat na salita, tinutukoy
din natin na hindi kinakailangang ibuka pa ang bibig kapag nagbabasa nang
mabilisan. Di maihihiwalay na bahagi ng intelektuwalisasyon ng wika ang
pagbabasa nang matahimik sa paraan ng silent reading at speed reading.
Sa lahat ng mga halimbawang nabanggit, nakikita natin ang papel ng civil
society sa pagtimbang ng kung ano ang maganda o hindi sa ispeling na Filipino.
Mahihirapan ang anumang linguistics department o kagawarang Filipino ng kahit
na pinakaprestihiyosong unibersidad na magpilit ng estilo ng ispeling batay sa
“bigkas/sulat” ng iisang sentro. Hindi akademyang pangwika tulad ng sa Pranses
o Espanyol ang hinahanap ng mga Filipino. Sa karaniwan ay ayaw ng Pinoy na
basta sumunod sa sentralisadong pamumuno.
Ngayon, balik tayo sa mga salitang ginagamit sa makabagong teknolohiya at
telekomunikasyon, na sa katunaya’y hiram natin sa mga anyong Ingles—x-ray,
xerox, fax, xylophone at hitchhike—sa ganang akin ay maganda pa ring sundin ang
alituntunin ng Surian na inisyu ng CHED. Pero dapat magkaroon ng bahagyang
inobasyon. Mas magiging maganda siguro sa mata kung aalisin na ang hyphen na
maghihiwalay sa panlapi at sa salitang hiram na isinulat sa orihinal (malamang
Ingles) na ispeling. Alisin na rin natin ang salungguhit. Ang mangyayari,
magxerox, magfax; ifinax, ixinerox.
Mula sa bentahe ng iba’t ibang disiplina, tumingin tayo sa sarisaring
karanasang pangwika dito sa Filipinas at sa ibayong dagat upang makakita ng
konsepto tungo sa pinag-isang pamamaraan ng pagsulat sa Filipino, batay sa
espisipiko at namumukod na katangian ng ating wika, lahi, at kabihasnan. Sa
gayon, tayo bilang isang bansa, ang karaniwang mamamayan kasama ang mga
dalubhasa sa wika, ay mabilis nang makakikilos tungo sa higit na
intelektuwalisasyon at siyentipikasyon ng Filipino, ang ating tunay na wikang
pambansa, ang ating intelektuwal na kaakuhan.