Tuesday, December 16, 2014

Bakit Kailangan ng Filipino ang Filipino

Bakit Kailangan ng Filipino ang Filipino
(By Virgilio S. Almario)

Ang unang dapat usisain: Bakit ba ipinasiya ng 1935 Kumbensiyong Konstitusyonal na isang wikang batay sa isa sa mga katutubong wika ng Filipinas ang ating maging wikang pambansa?

Nakapagtataka ito kapag inisipa na ang mga delegado sa naturang kumbensiyon ay pawang mga edukado at kabilang sa mataas na uri ng lipunang Filipino. Bilang mga edukado, mayorya sa kanila ang mahusay sa Espanyol. Iyon ang dahilan kaya ang una nating republika, ang Republikang Malolos ay Espanyol ang wikang opisyal sa pamahalaan. Ang medyo nakababata sa mga delegado ay nagdaan sa edukasyong pinalaganap ng mga Amerikano o naging pensiyonado kaya't bihasa sa wikang Ingles. Nasa ilalim pa tayo noong 1935 ng mga Amerikano kaya't siguradong may malakas na saloobin sa kumbensiyon na Ingles ang hiranging wikang pambansa. Alam ng mga delegado ang realidad ng politika at ang magandang mga posibilidad para sa paggamit ng wika ng kanilang bagong Mananakop.

Kung pinili lamang nila kahit ang Espanyol ay nagtatamasa sana tayo ng higit na matalik na ugnayan sa Espanya at mga bansa sa Amerika Latina. Kung pinili lamang nila ang Ingles ay wala tayong pinag-uusapang problema ngayon. Ngunit hindi nila pinili ang Espanyol at hindi rin nila iginiit man lamang ang Ingles bilang wikang pambansa. Sa halip, pinagtibay nila ang pagbuo ng isang wikang pambansang nakabatay sa isang katutubong wika ng Filipinas.

Bakit? Dahil higit na nanaig sa kanila ang paniwala na higit tayong magkakaisa bilang isang bansa at makapagsasarili sa politika at ekonomya kung isang wikang katutubo sa atin ang ating wikang pambansa. Ang paniwalang ito ay bahagi ng matinding nasyonalismo na dulot ng nakaraang Himagsikang Filipino at maalab na maalab pa noon sa puso ng mga lider at naging delegado sa kumbensiyong pansaligang-batas. Gayunman, ang paniwalang ito ang namatay na sa ating isip at ibig nating ilibing ngayon kasama ng mga gunita ng Himagsikang Filipino.

Puwede ka namang maging makabayan kahit nagsasalita ng Ingles. Ito ang malimit ikatwiran ng mga Inglesero ngayon. Ang ibig sabihin, baka higit pang makabayan ang pagsasalita sa Ingles dahil higit na kailangan ng mamamayan ang kahusayan sa paggamit ng Ingles para umasenso ang buhay. Sa kabilang dako, pangarap lamang noon ang wikang Filipino at hindi na ito kailangan ng bayan. Ito ang nasa isip ni GMA sa pag-uutos ngayon sa DepEd na ibalik ang pagtuturo lamang sa Ingles mula Grade 1. Ito rin ang katwiran ni Meyor Lito Atienza sa pagtatagubilin na Ingles lamang ang gawing medium of instruction sa Maynila.

Sa biglang malas, ang isyu ng pagiging makabayan at ang isyu ng dapat maging midyum ng pagtuturo sa mga paaralan ay dalawang magkahiwalay na usapin. Gayunman, totoong magkaugnay ang dalawa kapag nilinaw ang problema ng edukasyon sa Filipinas. Ang ibig kong sabihin, ang problema ng ano ang dapat maging midyum ng pagtuturo ay nagsisimula at nagwawakas sa kalidad ng nasyonalismo ng mga nagsasabing makabayan sila at kaya nais nilang Ingles ang maging midyum ng pagtuturo.

Para sa ikalilinaw ng problema, balikan natin ang kasaysayan ng mga pagtutol sa paggamit ng Filipino bilang wikang pambansa at midyum ng pagtuturo.

Unang pagtutol: Tagalog lamang ang Filipino. Isang bagay itong matagal nang sinagot. Sa isang banda, aksidente lamang ng kasaysayan na Maynila at hindi Cebu ang ginawang sentro ng kolonyang Espanyol sa dakong ito ng daigdig at patuloy na naging sentro ng politika at ekonomya ng bansa nitong ika-20 siglo. Kung sa Cebu namalagi si Legazpi, Sugbuanon sana ang batayan ng ating wikang pambansa. Sa kabilang banda, ang pagiging Tagalog ng Tagalog ang bentaha nito laban sa wikang banyagang gaya ng Ingles. Iisa ang pamilya ng lahat ng katutubong wika ng Filipinas. Sa diksyonaryo halimbawa ni Panganiban (1972), naglista siya ng mahigit 27,000 pangunahing lahok at sa mga ito, mahigit 11,000 ang may kogneyt sa pinili niyang 12 wikang katutubo sa Filipinas bukod pa sa mahigit 12,000 homonim ngunit di-singkahulugan. Kaya nakapakabilis matututo ng Filipino ang isang Ifugaw o Tausug kompara sa paghihirap niyang matuto ng Ingles o anumang wikang di-kapamilya ng mga wika natin.

Ikalawang pagtutol: Imperyor ang Filipino sa Ingles. At kaugnay nito, mahirap gamitin ang Filipino sa matataas na disiplina, lalo na sa agham at matematika. Ito ang nagin saligan ng Bilingual Policy sa edukasyon noong 1970. Sa isang banda, walang imperyor o superyor na wika sapagkat bawat wika ay may sistema upang tupdin ang pangangailangan ng gumagamit nito at upang umunlad kung nagbabago rina ng buhay at interes ng gumagamit nito. Sa kabilang banda, napatunayan na ng mga saliksik at eksperimento na puwedeng-puwedeng gamitin ang Filipino sa anumang disiplina. Sa U.P., bukod sa totohanang paggamit ng Filipino sa mga klase sa agham at matematika ay nakapaglathala na ng maraming textbuk sa iba't ibang larangang akademiko. At sa totoo lang, Filipino naman ang lihim at siyempre di-opisyal na ginagamit ng mga titser kapag kinakapos sa Ingles ngunit nais talagang makatulong sa pagkatuto ng mga estudyante.

Umiikot lamang sa naturang dalawang pagtutol ang mga isyung inihaharap laban sa Filipino magmula nang iutos ang pagtuturo nito sa mga paaralan. Sa kabilang dako, natupad na ng Filipino ang mga gampanin upang kilalanin itong wikang pambansa at opisyal na wikang panturo. Ito ang totoong lingua franca ng Filipinas. Sa isang survey ng Ateneo de Manila noong 1989, lumitaw na 92% ang nakakaintindi ng Tagalog sa buong bansa, 88% ang nakakabasa nito, 83% ang nakakapagsalita nito, at 81% ang nakasusulat dito. Lumitaw din na 51% lamang ang nakakaintindi ng Ingles at 41% ang nakakaintindi ng Sugbuanon. Tandaan, noong 1989 pa ang estadistikang ito. Tiyak na malapit nang maging siyento porsiyento ngayon ang nakakaintindi ng Filipino mulang Basco hanggang Bonggao.

Subalit binubuhay ng mga Inglesero ang lumang pagtutol sa pamamagitan ng inibang katwiran. Ginagamit ngayon ang "globalisasyon" bilang sangkalan upang idiin na kailangan natin ang Ingles upang maging "globally competitive" at upang mas magkaroon ng oportunidad ang bawat paslit na Filipino na umasenso. Para sa mga Inglesero, pagiging makabayan ang pagsisikap matuto ng Ingles dahil kailangan ito para sa pagsulong ng kabuhayang bansa at sa pag-asenso ng bawat mamamayang Filipino.

Totoo ba ang katwirang ito ng mga Inglesero?

Una, ilang Filipino ba talaga ang nagkakaroon ng pagkakataong magtrabaho sa ibang bansa? Sa istatistiks noong 1984, umaabot sa dalawang milyon ang ating overseas workers. Siguro, triple na ngayon. Ngunit kahit sabihing 10 milyon, sila ba ang pundasyon upang maisalba ang ating bansa sa kasalukuyang krisis? Ayon sa istatistiks, umaabot sa 75% ng mga overseas workers ang atsay, drayber, yaya, at piyon sa mga konstruksyon. Kailangan nga ba nilang maging magaling sa Ingles? O baka mas kailangan pa nila ang leksiyon sa Niponggo, Arabic, Mandarin, German, o Italian para mas kagiliwan ng kanilang amo?

Ikalawa, ano ang gagawin natin sa milyon-milyong paslit na pumapasok sa paaralan taon-taon at hindi naman magiging overseas workers? Ayon na rin sa pag-aaral ng DepEd, sa bawat sampung batang pumasok ng Grade 1, lima lamang ang nakakatapos ng Grade VI, dalawa lamang ang nagtutuloy sa high school, at isa ang nakakatapos para mag-aral sa kolehiyo. Ang lahat ng drop-out sa elementarya ay malamang sa hinding nalilimot ang natutuhan at nagiging mga illiterate.

Ang ibig sabihin, kailangan ang mabisang paraan ng pagtuturo sa elementarya upang maging literate sa lalong madaling panahon ang isang bata. Kailangan mabilis siyang matutong bumasa't sumulat, matuto ng mga batayang kaalaman at kasanayan upang kahit umalis siya ng paaralan ay may pag-asa pa ring magamit niya ang natutuhan at maging isang kapaki-pakinabang na mamamayan.

At alam ng kahit sinong disenteng edukador na hindi ito matutupad sa pamamagitan ng Ingles. Sa halip, kailangan ang wikang katutubo o ang wikang higit na mabilis maunawaan ng batang Filipino upang higit na mabisang matupad ang pagtuturo ng batayang kaalaman at kasanayan sa unang mga taon ng pag-aaral. Ang kapakanan ng 90% paslit ang dapat ingatan, hindi ang pangarap ng 10% na malimit ay anak pa ng mayaman at makapangyarihan sa ating lipunan.

Ikatlo, ano ba ang layunin ng Edukasyon sa Filipinas? Layunin lamang ba natin na maging pabrika ng mga atsay, construction workers, care givers, at call center operators? Layunin ba nating idestiyero sa ibang bansa ang lahat ng magagaling nating kabataan at edukado para makapagpadala dito ng dolyar kahit na alilain at abusuhin sila doon? Isa tayong bansang pulubi. Ngunit mananatili tayong pulubi hangga't hindi natin naiplaplano ang edukasyon tungo sa pagpapalakas ng ating pambansang kakayahan. Higit nating kailangan dito ang lahat ng mga magagaling nating mamamayan upang itayo ang ating industriya, pamunuan ang ating mga negosyo, at gumawa ng mga paraan upang magdulot ng marangal na ikakabuhay sa sambayanang Filipino.

Isang pinunong mababaw ang isip ang nagplaplano lamang para ipadala sa ibang bansa ang lahat ng puwedeng ipadala sa hukbo ng kaniyang mamamayan. At isa siyang taksil na pinuno kung isasakripisyo nya ang kapakanan ng napakarami para mapagbigyan ang kinabukasan ng iilan. Sa ganito dapat sukatin ang ipinangangalandakang "pag-ibig sa bayan" ng mga Inglesero at nagsisikap biguin ang paglaganap ng Filipino bilang wikang pambansa. Limitado ang kanilang "nasyonalismo" dahil nakabatay lamang ito sa hilig at interes ng mga middle class at educated sector.

Ngayon, hindi nangangahulugang dapat patayin ang Ingles. Hinding-hindi. Kailangan natin ang Ingles sa mga gamit na ipinagmamalaki ng mga Inglesero. Kaya't dapat magdulot ng puwang sa paaralan para matuto ng Ingles ang nais matuto ng Ingles ang nais matuto nito. Subalit hindi sa paraang ito ang pamamayanihin sa edukasyong pambansa. Ang totoo, malimit na ang maka-Ingles ay yaong mayayaman. May pera sila para pag--aralin ang kanilang anak sa pribadong institusyon na Ingles ang midyum ng pagtuturo. May pera sila para pag-aralin ang kanilang anak sa Estados Unidos. Bayaan silang gumastos para sa kanilang pangarap. Subalit huwag ipahamak ang pangarap at hinaharap ng napakaraming anak ng mga magsasaka, mangingisda't manggagawa sa mga nayon at sa mga pook maralita ng lungsod.

Nais nating lumahok sa kumpetisyong global? Palakasin natin ang ating sarili. Wika nga ni Dr. Onofre D. Corpuz, na isang mahusay um-Ingles, sa isang kumperensiya ng mga guro ng U.P. noong Mayo 1997: "We want to go global. But we can't develop unless we develop a national language." Inuulit lamang niya ang ibig sabihin ng mga delegado sa 1935 Kumbensiyong Konstitusyonal nang ipasiya nilang ibatay sa isang wikang katutubo ang wikang pambansa ng Filipinas.

Ferndale Homes
30 Hulyo 2004
*Mula sa panayam na binigkas ng may-akda sa okasyon ng Buwan ng Linggo ng Wika sa NCCA Auditorium

http://www.livinginthephilippines.com/philculture/culture&arts/filipino_needs_filipino.html

No comments:

Post a Comment