Friday, August 14, 2015

ANG PAGSASALAYSAY NA PAGPAPAHAYAG

A.      Pagsasalaysay
o   Ito ay pagkukuwento ng mga pangyayari tungkol sa mga nagging karanasan ng tao sa sarili, sa kapwa at sa kapaligiran
o   Pinakamatandang anyo at pinakalaganap na paraan ng pagpapahayag ang pasalaysay. Ang mga mito, alamat at kuwentong bayan mula noong panahon ng Lumang Tipan hanggang sa kasalukuyan ay nagpapatunay sa pahayag na ito.
o   LAYUNIN: makapagpahayag-loob, makapagpalitang-kuro, makapaghatid-informasyon, makapagbigay-aral, makapagdulut-tuwa sa isang maayos at sistematikong kaayusan
o   KAHALAGAHAN: nagpapalawak ng kaalaman, nagpapaunlad ng pang-unawa
o   HANGUAN NG ISASALAYSAY
§  Sariling Karanasan.  Sa baguhang mananalaysay na medyo di pa gaanong sanay ang utak sa pagsasalaysay, ang pag-alala sa mga naging karanasan ay isang mainam na paksa. Dahil ito’y sarili natin, nagagawa nating palawakin ang mga pangyayari na di nasisira kung ito’y batay sa orihinal dahil buo ang ating kaalaman sa tinatalakay.
§  Nabasa.  Lahat ng di makuha sa pesonal na karanasan ay mababatid sa pagbabasa. Sa pagbabasa ng mga aklat at iba pang limbag na babasahin ay kapupulutan ng maraming kaalaman at karanasan ng ibang tao.
§  Sa narinig o napakinggan sa iba.  Hindi masamang maisulat mo ang buhay ng iba kung ang layunin mo ay maganda. Bilang manunulat, nasa sa iyong kaparaanan sa larangan ng pagsasalaysay ang maistilong pamamaraan sa pagtalakay ng mga pangyayari sa buhay ng iba. Ang mga isyong napakinggan, balitang narinig sa radio o telebisyon, pangyayaring sinabi ng iba ay magsisilbing paksa ng pagsasalaysay. Ngunit alalahanin natin na di lahat ng naririnig o napapakinggan ay dapat isulat yaon lamang karapat-dapat at nakasisiguro ka, dagdag pa ang matutuhanan.
§  Napanood sa telebisyon o sa pelikula.  Sa panonood ng pelikula o ng telebisyon maging mapanuri tayo upang mula rito’y makabuo ng panibagong isasalaysay. Gamitin lamang ang sariling talino at kaparaanan sa gawaing pagsasalaysay gayundin paganahin ang imahinasyon.
§  Bungang-isip.  Sa galaw ng isip o imahinasyon ng manunulat nakakalikha ito ng isang di-karaniwang salaysay. Salaysay na maaaring maging obra maestra pagdating ng panahon dahil bagamat bungang-isip may mga detalyeng iniisa-isang salaysay.
§  Panaginip/Bungang-Tulog.  Sa taong may malikot na imahinasyon ang bungang-tulog ay mapanghahawakan para sa isang magandang salaysay. Tulad ng bungang-isip, nasasagot din nito ang mga pangunahing tanong.

Mga Mahahalagang Kasangkapan sa Pagbuo ng Isang Magandang Salaysay

·         Magandang Pamagat
o   Maikli. Mas Malaki ang pagkakataong matandaan ng tao ang isang kwento kung ang pamagat nito ay di gaanong mahaba. Maaring malita ang mambabasa kung may kahabaan ang pamagat.
o   Hindi nagbubunyag ng wakas. Ang pamagat ay nararapat na magbigay ng ideya tungkol sa nilalaman ng naratib ngunit hindi naman ito dapat na maging daan upang agad na matukoy ng mambabasa ang wakas dahil kung magkakaganito, hindi na magbabasa ang mambabasa.
o   Gumigising ng kawilihan o interes at pananabik. Ang pamagat na tila kakaiba ang dating ay may malaking pagkakataon na mapansin kaysa mga karaniwang pamagat dahil ito ay magiging kawili-wili o kapana-panabik.
o   Orihinal at hindi palasak.  Makatutulong sa isang kwento ang pamagat na orihinal dahil mas nanaisin ng mambabasa ang bago sa halip na paulit-ulit o yaong karaniwan. Hindi maituturing na isang kahangalan
o   Angkop. Lahat ng akda ay mayroong layunin kung kaya’t ang pamagat ay nararapat na angkop sa layunin ng paksa upang hindi malihis ang isipan ng mambabasa sa nararapat na asahan sa naratib. Kung ang naratib ay may layuning magpatawa, angkop na ang pamagat ay nagbibigay ng katatawanan.
o   Hindi nalalabag sa mabuting panlasa.

·         Ang Tema/Paksa
o   Ito ay ang paksang diwa o kaisipan itong nagsasaad ng katotohanang panlahat na pinagiging basehan ng mga kalagayan ng tauhan o ng mga insidenteng pinangyayari sa salaysay
o   Kaisipan itong kahit tapos nang basahin, pakinggan o panoorin ang kuwento aypatuloy pa ring bumabagabag sa damdamin at bumabalik sa isip para gunamgunaming paulit-ulit
o   Ang isang salaysay ay masasabing talagang maganda kung ito ay may kabuluhan sa kinauukulan – nakikinig, bumabasa o nanonood.
o   Makabuluhan sapagkat hindi lamang ito nang-aliw, nagpapareaksyon o nagpapatakas, kundi ito ay nagpapaliwanag tungkol sa pagkatao o sa buhay para maunawaang mabuti at matanggap nang maluwag
o   Ito rin ay nagpapanuto tungkol sa pamumuhay o pakikipamuhay para sa gabay na mapanuntunan at pamantayang magamit tungo sa mabentaheng kapakinabangan
o   Ang tema ay hindi isang abstraktong salita lamang gaya ng pag-ibig, kapusukan, kahirapan, at iba pa, kundi isa itong konkretong panlahat na pahayag na nagsasabi ng katotohanang konkretong panlahat na pahayag na nagsasabi ng katotohang galing sa karanasan at pinagtibay ng pananaliksik, gaya ng  Love is Blind at Kumakapit sa Patalim ang Kahirapan.
o   Dapat tandaan na ang tema ay hindi isang bagong tuklas na katotohanan, ito ay dati na at palaging natutunghayan araw-araw. Kaya lamang, nagmumukha itong bago dahil sa kaibang pamamaraang ginamit ng tagapagsalaysay sa paglalahad nito.

·         Kawili-wiling Simula
o   Ang mabuti at kawili-wiling simula ng anumang pagsasalaysay ay nakaaakit sa mambabasa o mga tagapakinig.
o   Kung walang init at pang-akit ang simula baka hindi na ipagpatuloy ang pagbasa o pakikinig
o   Hindi dapat simulan ang salaysay sa paraang maligoy at masalita. Dapat may aksyon agad upang makaganyak sa babasa o makikinig
o   Mga halimbawang panimula:
§  Isang katotohanan tinatanggap ng lahat
·         Ang buhay ay isang pakikipagtunggali.
§  Paglalarawan ng pangunahing tauhan sa kwento
·         Si Virginia, ang babaing madasalin at palasimba ay may sampung taon nang kasal kay Robin.
§  Paglalarawan ng isang pook
·         Sa dakong itaas, sa libis ng isang bundok,sa tabi ng isang batisan, ay may nakakanlong sa mga punung-kahoy na isang kubo…
§  Pagsisimula sa usapan
·         “Mahal kita Maricel at hindi kita makakayang iwan,” matamis na sabi ni Ruel.

·         Ang Tauhan
o   Katangian ng tauhan:
§  Kapani-paniwala
§  kung ito ay may katulad na nakikitang nabubuhay sa mundo
§  Totoo itong tao, nagtataglay ng positibo at negatibong katangian. May kapurihan at may kapintasan. May kalakasan at may kahinaan. May kabutihan at may kasamaa. May kawastuan at may kamalian. May katinuan at may kabaliwan. May kalabisan at may kakulangan. May kabanalan at may kasalanan. May katimpian at may kabiglaan.
§  Madahilan kung kumilos
§  Gumawa ng pansariling paraan, makibaka, para aalpasan ang pagsubok sa buhay at mabago ang anumang di-mabuting kinasasadlakan.
§  Sa ganitong paraan hindi ito mahahatulang mahina o pabaya dahil sa anumang kinasasapitan, tagumpay man o kasawianb, parehas nitong nilalabasan
§  Hindi basta-basta pinagbabago
§  Ang lahat ng pagbabago dinaraan sa panahon at iniaayon sa kalikasan ng personalidad ng tauhan.
§  May sariling kakanyahan
§  Katangi-tangi, kaala-alala ang isang tauhan kung kaibang-kaiba
§  Sa pananalita, sa kilos, sa ugali, sa lahat ng kalikasan nito mismo ay walang katulad, subalit karaniwang nakikita sa araw-araw na buhay
§  Hindi nakakahon
             
·         Ang Aksyon o Pangyayari
o   Ang aksyon ang kalansay na kinakapitan ng iba pang mahahalagang sangkap para mabuo ang anyong kalamnan
o   Katangian ng Aksyon:
§  Kawili-wili
-       Iyong hindi lamang nang-aakit sa mata para basahin ito, kundi, iyong pumupukaw sa guniguni at nag-aanyaya sa damdaming makiisa sa pagdanas na muli sa mga pangyayaring nagaganap habang ito ay unti-unting nalalahad
-       Humihigit pa ang kamilihan kung ang pagsasalaysay ay hindi diretsahan o tuluy-tuloy, kundi, banayad itong binibinbin para lalong matakaw ang kapanabikan sa kaaasam ng kalalabasan
§  Maanyo
-       Nakikita sa kaisahan ng pagkakaayos ng mga pangyayari
-       Karaniwan nang ayos ang tuwid na pagkakasunud-sunod ng simula, gitna at wakas
-       Kahit hindi iayon sa karaniwang balangkas, magpalit-palit man ang kinalalagyan ng mga bahagi: gitna, simula, wakas; wakas, simula, gitna; wakas, gitna, simula; hanggat may kaisahan ang aksyon, ibig sabihin walang humihiwalay na bahagi, bagkus, bawat bahagi ay tumutulong tungo sa isang mahigpit na kabuuan
·         Ang Tagpuan
o   Pook at panahon ang ipinakakahulugan ng tagpuan sa salaysay, kung saang espasyo nangyari at kung kailangang tiyempo naganap ang aksyon
o   Tungkulin ng Tagpuan:
§  Nagpapakilala ng tauhan dahil sa mga gawiing kaiba, kakatwa o tangi sa pook, tuloy nakapagbibigay ng tiyak na katibayan
§  Nagbibigay ng kapaligirang tumutulong sa klase ng emosyong gustong palutangin sa salaysay at pukawin ng mambabasa
§  Isinasanib nito ang sariling kahulugan sa kahulugan ng salaysay para makamit ang kaisahan sa kahulugan sa kabuuan

·         Maayos na Pagkakasunud-sunod
o   Maaayos na pinagtatagni-tagni ang mga pangyayari kung alin ang unang dapat isalaysay, alin ang panunod at alin ang sa dakong huli ng salaysay sa paraang malinaw, hindi maligoy, kawili-wili at may kapananabikang pumupukaw sa tagapakinig o sa mambabasa
o   Kung minsan, upang maging higit na masining at kapana-panabik ang salaysay, ibinibigay na una ang dakong huli o dakong gitna ng pangyayari, saka bumabalik sa unang mga pangyayari patungo sa wakas ng salaysay. Ang paraang ito ay tinatawag na flashback o pamaraang pabalik.

·         Ang Kawili-wiling Wakas
o   Ang kawili-wiling wakas ay isinusunod agad sa kasukdulan ng salaysay o sa bahaging naroon ang pinakamataas na antas ng kawilihan
o   Maikli at karakaraka ang wakas. Wala nang marami pang paliwanag. Sa halip ay nanghahawakan ang nagsasalaysay sa mga simbulismo at pahiwatig. Ipinauubaya rin sa guniguni at haraya ng mambabasa o tagapakinig ang ibang pangyayari at hindi pinalalawig pa ang salaysay
o   Kung nagging mapangganyak at interesante ang panimula, nararapat din lamang na ang naratib ay magwakas sa ganoong pamamaraan. Maituturing na pag-aaksaya ng oras ang pagbabasa kung sa katapusan ay matutuklasan ng mambabasa na hindi maganda ang akda dahil na rin sa hindi nagging angkop ang wakas nito. Mabibigo lamang ang mambasasa. Nararapat na lahat ng mga suliranin sa naratib maging ang mga katanungang nabuo sa isipan ng mamabasa ay nabigyan ng katugunan.

·         Ang Himig
o   Ito ang pamamaraan ng pagsasalaysay – kung papaano isinasalaysay ang isang pangyayari o ang anumang materyal para lumabas nang naaayon sa kagustuhang mangyari ng tagapagsalaysay na siya namang epektong gusto niyang maramdaman ng tagapakinig o mambabasa
o   Inaayon sa takbo ng buhay. Pagtrahedya ang takbo ng buhay, ang himig ng salaysay ay formal, seryoso, malungkot. Pagkomedya naman, ang himig ng salaysay ay familyar, malaro, masaya. Kung ano ang himig ng salaysay ay siya ring epekto o impluwensya sa tagapakinig o mambabasa
o   Nakukuha ang himig ng salaysay sa istilo ng tagapagsalaysay.
o   Ito ay sa pamamagitan ng mga ginagamit na salita o pangungusap at sa pamamagitan ng mga kasangkapang pampahiwatig tulad ng simbolo at imahen

o   Ang kabuuang pagsasama-sama ng mga ito ang tumutulong sa salaysay para maakit ang kinauukulang maapektuhan ng himig. Mapaiyak ito sa lungkot. Mapatawa ito sa saya. Manindig ang balahibo sa takot. Magtiim-bagang sa galit.

No comments:

Post a Comment