Friday, August 14, 2015

Wastong Gamit ng mga Salita

Wastong Gamit ng mga Salita

Nang at Ng

  1. Ang nang ay ginagamit sa sumusunod na pagkakataon:
    1. ginagamit na pangatnig sa hugnayang pangungusap at sa gayun ay siyang panimula ng sugnay na di makapag-iisa. Ito’y katumbas ng salitang when sa Ingles.
·         Nang ako’y dumating sa bahay, tulog na ang mga bata.
·         Ako ay nasa paaralan na nang maalaala kong naiwan ko pala ang aking cellphone.
·         Mag-aral kang mabuti nang makapasa ka sa eksam.
    1. na nagbubuhat sa na na naangkupan ng ng ay ginagamit din bilang pang-abay na pamanahon na katumbas ng salitang already sa Ingles.
·         Marami nang tao sa bulwagan.
·         Iilan nang panauhin ang naiwan.
    1. ginagamit bilang pang-ugnay sa pandiwa at sa pang-abay na pamaraan
·         Binigkas ni Juana nang buong husay ang kanyang talumpati
·         Magsalita ka nang malakas at malinaw at nang ikaw ay maunawaan nila.
    1. ginagamit na pang-ugnay sa mga salitang inuulit sa loob ng pangungusap
·         Huwag kang takbo nang takbo.
·         Kahit na madilim ay gawa pa rin nang gawa ang masipag na iskolar.
    1. kasingkahulugan din ng upang at panumbas sa so that o in order to sa wikang Ingles.
·         Makisama tayong mabuti sa ating kapwa nang tayo ay lumigaya.
·         Iwasan mo ang barkada at mag-aral kang mabuti nang ikaw ay makapasa sa taong ito.

  1. Ginagamit ang ng sa sumusunod na pagkakataon:
    1. bilang pantukoy na palayon na kasama ng tuwirang layon ng pandiwa.
·         Ang guro ay nagtuturo ng Filipino.
·         Ang magsasaka ay nagbubungkal ng lupa.
    1. bilang pantukoy na palayon na kasama ng tagaganap ng pandiwang balintiyak. Katumbas ng by sa Ingles.
·         Ang silid-aralan ay nalilinis ng mga iskolar.
·         Tinanggap ng dalaga ang handog ng binata.
    1. bilang pantukoy na maaaring kasama ng salitang siyang nag-aari sa bagay na binabanggit sa pangungusap.
·         Ang kantina ng Phil. Sci. ay malaki at malinis.
·         Ang aklat ng mga iskolar ay palagi nilang binabasa.
    1. bilang pang-ukol na katumbas ng with sa Ingles
·         Ako ay sinalubong niya ng ngiting magiliw.
·         Hinampas ni Gari ng kahoy ang malaking palaka.

May at Mayroon
1.       Ginagamit ang may sa sumusunod na pagkakataon:
a.       kapag ang sumusunod  na salita ay pangngalan, pang-uri, pang-abay at pandiwa.
·         May panauhin sa kanilang tanggapan. (Pangngalan)
·         May virus ang nahiram niyang USB. (Pangngalan)
·         May magandang dalaga sa silid. (Pang-uri)
·         May bagong selfon si Aldrin. (Pang-uri)
·         Tila may kumakatok sa pinto. (Pandiwa)
·         May pupuntahan k aba mamaya? (Pandiwa)
·         Sa silid ay may dahan-dahang pumasok. (Pang-abay)

b.       kapag ang sumusunod ay isang panghalip na panao sa kaukulang paari.
·         May kanya-kanya silang gawain kaya madali nila itong natapos.
·         May kanilang sariling bahay ang mga aso.
·         Masayang ipinagdiriwang ang pista roon sa may amin.
c.        kapag sinundan ng pantukoy na mgaat pang-ukol na sa:
·         May mga iskolar na naliligo sa ilog kaninang umaga.
·         Tila may mga tungkulin ang mga classroom officers na kanilang nakalilimutan.
·         Tila may sa ahas ang babaing iyan.

2. Ginagamit ang mayroon sa sumusunod na pagkakataon:
a. Kapag sinusundan ng mga katagang tulad ng daw, din, pa, yata, ba, baga at iba pa.
        * Mayroon daw kilusan ngayon laban sa mga basura.
        * Ang mga magbubukid ay mayroon ding magandang kinabukasan.
       * Mayroon pa bang natirang ulam?
b. Kapag ang sumusunod dito ay isang panghalip na panao sa kaukulang palagyo.
        * Mayroon kaming palatuntunan para sa Buwan ng Wika.
        * Hindi pa kayo dapat na umalis dahil mayroon pa tayong pag-uusapan.
c. ginagamit bilang panagot sa tanong.
                                        * Tanong: May pera pa ba tayo?
                                            Sagot: Mayroon.     
·         Tanong: May kaibigan na ba si Evram?
Sagot: Mayroon.
d. Kapag ito’y nagsasaad ng patalinghagang kahulugan ng salitang mayaman o may kaya sa buhay.
        * Ang mga Zobel de Ayala ay tunay na mayroon.
        * Lumapit ka sa mga mayroon upang makahingi ka ng tulong sa kanila.

Daw-Raw, Din-Rin, Doon-Roon, Dito-Rito
  1. Ginagamit ang daw, din, doon at dito kapag ang nauunang salita rito ay nagtatapos sa katinig.
·         Tumawag daw siya sa akin sa telepono kanina.
·         Umawit din si Rodolfo kasami ni Cheena.
·         Inabutan doon ni Jake si Jenny.
·         Sinigawan dito ni Anna si Julius.
2. Ginagamit ang raw, rin, roon at rito kapag ang nauunang salita rito ay nagtatapos sa patinig at malapatinig
        * Payapa raw ang kalagayan ngayon sa Timog.
        * Maghihintay rin ako sa iyo kahit abutin man ng gabi.
        * Puntahan mo roon si Maria Divina Gracia.
        * Ikasasaya ko kung ikaw ay pupunta rito mamaya.

Kung at Kong
1.       Ang kung ay ginagamit na pangatnig sa mga sugnay na di-makapag-iisa sa mga pangungusap na hugnayan. Katumbas ng if sa Ingles.
·         Kung narito ka sana ay higit kaming masaya.
·         Sumama ka sa kanila kung ibig mo.
2. Ang kong naman ay buhat sa panghalip na panao ng ko na nilagyan ng pang-angkop na ng.
                * Ibig kong makatulong sa mga mahihirap.
                * Pangarap kong maging mabuting mamamayan.

Subukin at Subukan

1.    Ang subukin ay nangangahulugan ng pagsusuri o pagsisiyasat sa uri, lakas o kakayahan ng isang tao o bagay.
·         Subukin mong gamitin ang sabong ito at baka hiyang sa iyo.
·         Subukin mong kumain ng gulay at prutas upang sumigla ka.
·         Susubukin ng mga tagalalawigan ang galling ng mga tagalunsod.

2.    Ang subukan ay nangangahulugan ng pagtingin upang malaman ang ginawa ng isang tao o mga tao.
·         Subukan mo siya upang malaman mo ang kanyang sekreto.
·         Ani Erap noon, “Wag n’yo akong subukan!”
·         Subukan mo ang iyong kasintahan hanggang sa makarating siya sa kanyang paroroonan.

Pahirin at Pahiran

1)       Ang pahirin ay nangangahulugan ng pag-alis o pagpawi ng isang bagay.
·         Pahirin mo ang iyong pawis sa noo.
·         Pahirin mo ang iyong uling sa mukha.
·         Pinahid ni Ace ang dugong umagos mula sa kanyang labi.
2)       Ang pahiran ay nangangahulugan ng paglalagay ng isang bagay.
·         Pahiran mo ng Vicks ang likod ng bata.
·         Pahiran mo ng biton ang sapatos mo upang magmukha iyong bago.
·         Masarap na almusal ang pandesal na pinahiran ng mantekilya.

Punasin at Punasan

1.       Ang punasin ay ginagamit kapag binabanggit ang bagay na tinatanggal.
·         Punasin mo ang alikabok sa mesa.
·         Punasin mo ang uling sa iyong pisngi.
2.       Ang punasan ay ginagamit kapag ang binabanggit ay ang bagay na pinagtatanggalan ng kung ano man.
·         Punasan mo ang mesa.
·         Punasan mo ang iyong noo.

Operahin at Operahan

1.       Tinutukoy ng operahin ang tiyak na bahaging tinitistis.
·         Ooperahin bukas ang mga mata ni Geelyn.
·         Kailan nakatakdang operahin ang bukol sa iyong dibdib?
·         Dok, operahin nap o ninyo ang kumikirot kung tiyan.
2.       Tinutukoy ng operahan ang tao at hindi ang bahagi ng kanyang katawan.
·         Ooperahan nan g doctor ang naghihirap na bulag.
·         Inoperahan na si Emil kahapon.
·         Kasalukuyang inooperahan si Woody sa Ospital ng Makati.



Pinto at Pintuan

1.       Ang pinto (door) ay bahagi ng daanan na isinasara at ibinubukas. Ginagawa ito upang ilagay sa pintuan.
·         Isinara niya ang pinto upang hindi makapasok ang lamok.
2.       Ang pintuan (doorway) ay ang kinalalagyan ng pinto. Ito rin ang bahaging daraanan kapag bumukas na ang pinto.
·         Nakaharang sa pintuan ang paso ng halaman kung kaya’t hindi niya maisara ang pinto.

Hagdan at Hagdanan

1.       Ang hagdan (stairs) ay mga baytang at inaakyatan at binababaan sa bahay/gusali.
·         Mabilis niyang inakyat ang hagdan upang marating ang klinika.
2.       Ang hagdanan (stairway) ay bahagi ng bahay na kinalalagyan ng hagdan.
·         Matitibay ang hagdanan ng kanilang bahay kaya hindi gumuho ang hagdan niyon matapos ang lindol.

Iwan at Iwanan

1.       Ang iwan (to leave something) ay nangangahulugang huwag isama/dalhin.
·         Iwan mo na ang anak mo sa bahay nyo.
·         Iwan na lang niya ang bag niya sa kotse ko.
2.       Ang iwanan (to leave something to somebody) ay nangangahulugang bibigyan ng kung ano ang isang tao.
·         Iwanan mo ‘ko ng perang pambili ng pananghalian.
·         Hindi iniwanan ng alak ng dumalaw na kamag-anak ang presong lasenggero.

Sundin at Sundan

1.       Ang sundin (follow an advice) ay nangangahulugang sumunod sa payo o parangal.
·         Sundin mo ang mga payo ng iyong mga magulang kung ayaw mong maligaw ng landas.
2.       Ang sundan (follow where one is going; follow what one does) ay nangangahulugang gayahin ang ginagawa ng iba o pumunta sa pinuntahan ng iba.
·         Sundan mo ang demonstrasyon sa telebisyon kung nais mong matuto ng pagluluto ng paella.
·         Sundan mo agad ang umalis mong kaibigan at baka tuluyan na iyong magtampo.

KUMUHA at MANGUHA

            Kumuha (to get);
            Manguha (to gather, to collect)
            Hal. Kumuha ng isang basong tubig si Neth para kay Jean.
                   Nanguha ng mga kabibe ang mga bata sa dalampasigan.

BUMILI at MAGBILI
            Bumili (to buy);
            Magbili (to sell) – magbenta
            Hal. Pumunta ang nanay sa Baguio para bumili ng mga sariwang gulay.
                   Ang trabaho ng tatay niya ay magbili ng mga lumang kasangkapan.

Gamit ng Bilang

Paggamit ng Bilang

Ginagamit ang mga tambilang (figures) sa:

  1. Mga halimbawa ng higit sa dalawang salita; petsa, oras, direksyon, bahagdan, at telepono.
    • Sa ika-20 ng Marso ang alis ng kanyang ina.
    • Nakatira siya sa 146 Leon Guinto St. Malate, Manila.
    • Ganap na ika-8:00 ng gabi ang simula ng palatuntunan.
    • Ang bilang ng aming telepono ay 341-51-25.
    • Ang tubo ng utang niya ay umabot na sa 10% bawat buwan.

  1. Huwag sisimulan ang pangungusap sa tambilang. Titik ang dapat gamitin.
    • Dalawampung panauhin ang inaasahang darating.
    • Isandaang tao ang inaasahang dadalo sa pulong.


  1. Ang bilang ng 1-10 ay isinusulat sa titik kung ginagamit sa pangungusap at ang labing-isa pataas ay tambilang ang ginagamit.
    • Ako ay may alagang pitong ibon.
    • Si Ana ay nagpadala ng 15 sakong bigas.

Gamit ng Malaking Titik

Paggamit ng Malaking Titik

  1. Sa unang titik ng unang salita sa pangungusap, siniping pahayag at taludtod ng tula.
  2. Sa mga dinaglat na pangalan ng tao, ng mga ahensiya, ng pamahalaan, pamantasan, kapisanan.
  3. Sa mga pamagat ng aklat, magasin, pahayagan.
  4. Sa unang mga titik ng pangalan ng bansa, lungsod, lalawigan, bayan, baryo, daan, at iba pang pook.
  5. Sa lahat ng mahalagang salita, pamagat ng kuwento, nobela, awit, at iba pa.
  6. Sa lahat ng mga tawag ng Diyos gaya ng Bathala, Panginoon, Maykapal, Poon, Lumikha at iba pa.
  7. Sa mga direksyong palatandaan ng pagkakahating politikal o pangheograpiya gaya ng Hilaga, Timog, Silangan, Kanluran, Timog-Silangan, Asya-Luzon, at iba pa.
  8. Sa titulo ng tao, kapag kasama pangalan gaya ng Pangulo, Kinatawan, Gobernador, Doktor, Inhenyero.
  9. Sa mga asignaturang pampaaralan; Filipino, Ingles, Matematika, Biyolohiya, Kasaysayan at iba pa.
  10. Sa mga buwan at araw; Enero, Pebrero, Marso, Linggo, Martes, at iba pa.


Gamit ng mga Bantas

Palabantasan

Gamit ng Tuldok (Period)
  1. Ang tuldok ay ginagamit sa katapusan ng pangungusap na paturol at pautos.
    1. Mag-aral kayong mabuti.
    2. Ang daigdig ay isang tanghalan.
·   Ngunit kung ang pangungusap ay nagtatapos sa mga pinaikling salita hindi na dinadalawa ang tuldok.
a.       Aalis ako sa ganap na ika-7:00 n.g.
b.       Si Jay ay nag-aaral sa P.S.H.S.

  1. Ang tuldok ay ginagamit sa mga salitang dinaglat gaya ng ngalan ng tao, titulo o ranggo, pook, sangay ng pamahalaan, kapisanan, buawan, orasan, bansa at iba pa.
    1. Si Gng. Santos ay hindi na nagtuturo.
    2. Si Juan K. Duran, Jr. ang ating panauhing pandangal.
  2. Ang tuldok ay ginagamit pagkatapos ng mga tambilang at titik sa bawat hati ng isang balangkas o ng talaan.
I.                                              II.
     A.                                             A.     
     B.                                             B.
          1.                                              a.
          2.                                              b.
* Ngunit hindi tinutuldikan ang mga tambilang at titik kapag kinukulong ng panaklong.
                (a)           (b)           (1)           (10)

  1. Ang tuldok ay ginagamit sa di-tuwirang pagtatanong.
    1. Itinatanong niya kung ako ay sasama sa Robinson.
    2. Itinatanong niya kung aalis ka na.  

Gamit ng Kuwit (Comma)
  1. Ginagamit upang ihiwalay sa pangungusap ang salitang ginagamit na palagyong panawag.
    1. Nene, ano ang ginagawa mo?
    2. Ganito, Pedro, angpagsulat nang tama.
  2. Ginagamit pagakatapos ng bating panimula ng liham pangkaibigan o pansarili.
    1. Mahal kong ina,
    2. Pinakamamahal kong kaibigan,
  3. Ginagamit pagakatpos ng bating pangwakas ng liham.
    1. Ang iyong kaibigan,
    2. Lubos na gumagalang,
  4. Ginagamit sa paghihiwalay ngmga salita, mga parirala at mga signay na sunud-sunod.
    1. Nanguha ako ng bayabas, mangga, at santol.
    2. Si Nanay ay nagluto, si Ate ay naglaba at si Kuya ay nagsibak ng kahoy.
  5. Ginagamit sa paghihiwalay ng mga bilang sa petsa, o pamuhatan ng liham.
    1. Ipinadala ko ang iyong aklat kay G. Pedro Santos, 756 Lepanto, Sampalok.
    2. Ang ate ko ay ipinanganak noong Disyembre 8, 2994 sa Sta. Cruz Manila.
  6. Ginagamit sa paghihiwalay ng sinasabi ng nagsasalita sa ibang bahagi ng pangungusap.
    1. “Mag-aral kang mabuti,” ang sabi ng ina.
    2. “Ikaw,” sabi ng ama, ”ay huwag gagala kung gabi.”
  7. Ginagamit sa paghihiwalay ng di-makabuluhang parirala at sugnay sa mga pangungusap.
    1. Si Nita, na aking kapatid, ay mananahi.
    2. Si G. Lope K. Santos, ang Ama ng Balarila, ay siyang sumulat ng Banaag at Sikat.

  1. Ginagamit pagkatapos ng Oo o Hindi at mga salitang may himig pagdamdam at kung siyang simula ng pangungusap.
    1. Oo, pupunta ako sa inyo
    2. Hindi, kailangan siyang magpahinga.

Gamit ng Gitling


  1. sa pag-ulit ng salitang-ugat o mahigit sa isang pantig ng salitang-ugat
araw-araw             dala-dalawa         masayang-masaya                             isa-isa                   
sari-sarili                               apat-apat                               kabi-kabila

  1. kung ang unlapi ay nagtatapos sa katinig at ang salitang nilalapian ay nagsisimula sa patinig na kapag hindi ginigitlingan ay magkakaroon ng ibang kahulugan
mag-alis                pang-ako                               may-ari                  nag-isa                  mang-uto               tag-init
nag-ulat                 pag-alis                 pag-asa

  1. kapag may katagang kinaltas sa pagitan ng dalawang salitang pinagsama
pamatay ng insekto                             -               pamatay-insekto
kahoy sa gubat                    -               kahoy-gubat
humigit at kumulang           -               humigit-kumulang
lakad at takbo                       -               lakad-takbo
bahay na aliwan                  -               bahay-aliwan
dalagang tagabukid                            -               dalagang-bukid

                subalit, kung sa pagsasama ng dalawang salita ay magbago ang kahulugan, hindi na gagamitan ng gitling ang pagitan nito
                                dalagambukid (isda)           balatsibuyas

  1. kapag may unlapi ang tanging ngalan ng tao, lugar, brand o tatak ng isang bagay o kagamitan, sagisag o simbulo. Ang tanging ngalan ay walang pagbabago sa ispeling.
maka-Diyos          mag-PAL                               mag-Japan           maka-Rizal           maka-Johnson
taga-Tubod           maka-Pisay           mag-Sprite            mag-Ford                              pa-Iligan               
mag-GMA             taga-Cagayan

                sa pag-uulit ng unang pantig ng tanging ngalang may unlapi, ang gitling ay nalilipat sa pagitan ng inulit na unang pantig ng tanging ngalan at ng buong tanging ngalan.
                                mag-Johnson       -               magjo-Johnson    mag-Corono         -               magco-Corona
                                mag-Ford                              -               magfo-Ford           mag-Japan           -               magja-Japan

  1. kapag ang panlaping ika- ay iniunlapi sa numero o pamilang
ika-3 n.h.                               ika-20 pahina                       ika-9 na buwan
ika-10 ng umaga ika-3 rebisyon                      ika-12 kabanata

  1. kapag isinulat nang patitik ang mga yunit ng fraction
isang-kapat (1/4)                 tatlong-kanim (3/6)                              lima’t dalawang-kalima      (5 2/3)

  1. kapag pinagkakabit o pinagsasama ang apelyido ng babae at ng kanyang bana 0 asawa
Gloria Macapagal-Arroyo  Perlita Orosa-Banzon


  1. kapag hinati ang isang salita sa dulo ng isang linya
Patuloy na nililinang at pinalalawak ang pag-
                gamit ng Filipino.


Gamit ng Kudlit (‘)                                            

  1. ginagamit  bilang kapalit o kung kumakatawan sa letra o sa mga letrang nawawala kapag ang pang-ugnay o pananda sa pagitan ng dalawang salita ay ikinakabit sa unang salita
tuwa at hapis                        -               tuwa’t hapis
kaliwa at kanan    -               kaliwa’t kanan
tayo ay aalis                         -               tayo’y aalis
tahanan ay maligaya          -               tahana’y maligaya

Gamit ng Panipi (Quotation Mark)
1.       Ginagamit ang panipi upang ipakita ang buong sinasabi ng isang nagsasalita.
·         ‘Ang ganda ng sanggol,” ang sabi ng manggagamot.
·         Anang kapitana, “Magtulungan tayo sa pagpapatupad ng kalinisan sa paligid.”
2.       Ginagamit sa pagkulong ng mga salitang banyaga
3.       Ginagamit upang mabigyang-diin ang pamagat ng isang pahayagan, magasin, aklat o iba’t ibang akda.

Gamit ng Pananong (Question Mark)
  1. Ang pananong ay ginagamit sa katapusan ng mga pangungusap na patanong.
·         Saan ka nanggaling?

·         Ano ang gagawin mo mamaya?

Tuesday, January 6, 2015

El Filibusterismo: Kabanata 2 (Sa Ilalim ng Kubyerta)

KABANATA 2: SA ILALIM NG KUBYERTA

Sinopsis:
                Tinungo ni Simoun ang ibaba ng kubyerta. Masikip sa mga pasahero ang ilalim ng kubyerta. Naroon ang dalawang estudyante na pinakukundangan ng iba, si Basilio na nag-aaral ng medisina at mahusay na manggagamot at isang makata na katatapos pa lamang sa Ateneo, si Isagani. Kausap sila ni Kapitan Basilio.
                Napag-usapan nila si Kapitan Tiyago. Pinauwi raw si Basilio ng matanda, ani Padre Irene na naging tagapayo ng kapitan nitong mga huling araw. Nabaling ang usapan sa paaralang balak ng mga estudyante para sa pagtuturo ng mga Kastila. Hindi raw ito magtatagumpay ayon kay Kapitan Basilio. Ipinagtanggol naman ito nina Basilio at Isagani sapagkat nakahanda na raw ang lahat na kailangan upang ito ay maisakatuparan.
                Lumayo ang matandang Basilio. Napag-usapan si Paulita Gomez, ang kasintahan ni Isagani na ubod ng ganda, mayaman at may pinag-aralan kaya nga lamang ay tiya nito si Donya Victorina. Ipinahahanap ni Donya Victorina kay Isagani ang asawa, si de Espadana, na sa bahay pa ng amaing si Padre Florentino nagtatago.
                Dumating si Simoun at kinausap ng magkaibigan. Ipinakilala ni Basilio kay Simoun si Isagani. Sinabi ni Simoun na hindi niya nadadalaw ang lalawigan nina Basilio sapagkat ang lalawigang ito ay mahirap at di makabibili ng alahas. Matigas na tumutol si Isagani at sinabi niyang hindi sila namimili ng alahas dahil hindi nila ito kailangan. Napangiti si Simoun. Nasabi raw niyang dukha ang lalawigan, dahil ang mga pari sa simbahan ay Pilipino.
                Nag-anyaya si Simoun na uminom ng serbesa. Tumanggi ang dalawa. Ayon kay Simoun, sinabi ni Padre Camorra na kaya tamad ang mga Pilipino ay dahil palainom ng tubig at hindi ng serbesa. Mabilis na tumugonsi Basilio. Sabihin daw kay Padre Camorra na kung siya ay iinom ng tubig sa halip ng serbesa, marahil ay mawawala ang sanhi ng mga usap-usapan. Dagdagn ni Isagani, ang tubig ay lumulunod sa alak at serbesa at pumapatay ng apoy, na kapag pinainit ay sumusulak. Nagiging malawak na dagat at gumugunaw ng santinakpan. Hindi niya pinansin ang pagsingkil ni Basilio.
                Tinanong ni Simoun kung ano ang itutugon niya sakaling itanong ni Padre Camorra kung kailan magiging sulak at malawak na karagatan ang tubig. Tugon ni Isagani, kapag pinainit ng apoy at sa sandaling ang mumunting ilog na watak-watak ay magkakasama-sama sa kailalimang hinuhukay ng tao. Binigkas ni Basilio ang isang tula ni Isagani na ukol sa pagtutulungan ng apoy at tubig sa pagpapatakbo sa makina (steam engine). Pangarap daw ayon kay Simoun, dahil ang makina ay hahanapin pa.
                Nang umalis si Simoun saka lamang nakilala nang lubusan ni Isagani ang mag-aalahas na tinawag na Kardinal Moreno. May dumating na utusan. Ipinatawag ni Padre Florentino ang pamangkin. Ngunit nakita ng kapitan si Padre Florentino at ito’y inanyayahang pumanhik sa kubyerta.


Mga tulong sa pag-aaral:

1.       Bakit nangiti si Simoun nang matigas na tumugon si Isagani na kaya di namimili ng alahas ang kanyang mga kababayan ay dahil di nila ito kailangan?
·         Kung ang ngiting iyon ay palibak o patuya, iyon ay dahil alam ni Simoun na di too. Mahiligin sa alahas ang mga Pilipino. Kung iyon ay ngiti ng kasiyahan ay masasabi nating dahil sa nakita ni Simoun kay Isagani ang isang katangiang hinahangaan niya at hinahanap – lalaking matapang at nakikipaglaban para sa karangalan ng bayan.
2.       Ano ang palatandaan ni Simoun sa pagiging dukha ng isang bayan noon?
·         Ang pari sa bayan. Pag Pilipino, dukha ang paroko; pag Kastila, mayaman. Kung nagsisimula pa lamang ang isang paroko, di pa malakas ang kita, Pilipino ang inilalagay dito; pag umunlad na ito, pinapasok na ng mga prayleng Kastila.
3.       Ano ang ibig sabihin ni Isagani sa pagiging sulak ng tubig? Sa mumunti at watak-watak na ilog?
·         Ang sulak (steam) ay pag-init at pagkulo ng malamig at matimping damdamin ng mga Pilipino; pagsulak, himagsik! Ang mumunti at watak-watak na ilog ay ang kawalang-kaisahan ng damdaming Pilipino na may matinding gawi ng pagtatangi-tangi (regionalism). Kung ang mga puta-putaking himagsikan lamang sa Pilipinas, na mula pa kay Lapu-lapo hanggang sa kina Diego Silang ay walang tigil nang pagsiklab, ay naging parang ilog na nauwi sa iisang dagat o nagkaisa-isa’t nagkasabay-sabay sa iisang pamumuno, matagal na sanang ginunaw ng dagat ng tubig na ito ang Moog ng Kastila sa Pilipinas.
4.       Ano ang diwa ng tula ni Isagani na binigkas ni Basilio?
·         Pagtulungan ng tubig at apoy sa isang makina (steam engine). O pagtutulungan ng Pilipino at Kastila sa mahusay na sistema ng pamamahala.
·         Katulad ng tubig ang mga Pilipino dahil mahinahon kung hindi man tamad at mabagal kumilos. Apoy naman ang mga Espanyol dahil maunlad at agresibo.
5.       Bakit pangarap lang daw ito ayon kay Simoun?
·         Hahanapin pa raw ang makina. Ibig sabihin ay may apoy nga at may tubig ngunit walang makina. Walang makitang pag-asa si Simoun sa pagkakasundo ng mga Pilipino at Kastila.
6.       Paano nagkakilala sina Simoun at Basilio?
·         Sa bahay ni Kapitan Tiago ay isa sa mga madalas dumalaw si Simoun na pinaghihinalaan ng lahat, pati na si Basilio, na isang naghahangad makamana sa yaman ng Kapitan.
7.       Malaki ang palagay ng mga Propagandista na ayaw ng mga fraile ang naturang akademya dahil sa pagsisikap nilang manatiling makapangyarihan sa Pilipinas. Hindi marunong ng wikang katutubo ang mga nasa gobyerno at hindi naman marunong ng Espanyol ang mga taumbayan. Sa kabilang dako, nagsasalita sa Espanyol at wikang katutubo ang mga fraile.kung mananatili ang ganitong sitwasyon, laging kailangan ng mga opisyal ang mga fraile tuwing makikipagtalastasan sa taumbayan. Sa kabilang dako, mababawasan ang kabuluhan ng mga fraile kapag natuto ng Espanyol ang mga Pilipino.


Mga Karagdagang Tanong:

1.       Ilarawan ang kalagayan ng pasahero sa ilalim ng kubyerta.
·         Nasa itaas na kubyerta ang pang-itaas na saray sa lipunang kolonyal. Nasa itaas na kubyerta ang pang-itaas na saray sa lipunang kolonyal. Nasa ibaba naman ang kalakhang bahagi ng sambayanan at nagdurusa sa init at ingay ng makina. Ni walang kumportableng upuan ang mga pasahero sa ibabang kubyerta.
2.       Ano ang ipinagkaiba ng mga pasahero sa ibabaw at ilalim ng kubyerta?
3.       Sinu-sino ang nag-uusap sa may daong ng bapor? Ano ang kahalagahan ng kanilang pinag-uusapan?
4.       Bakit nagkasagutan sina Isagani at Simoun? Ano ang ipinakli ng binata tungkol sa alak at serbesa? Ano ang ibig sabihin nito?
5.       Bakit punung-puno ng pag-asa ang kabataan na ipagkakaloob ang kanilang kahilingang magkaroon ng Akademya ng Wikang Kastila?
6.       Bakit nag-aalinlangan si Kapitan Basilio sa balak na pagpapatayo ng Akademya ng Wikang Kastila ng mga kabataan?
7.       Saan nagugumon si Kapitan Tiago? Bakit?
8.       Sino si Padre Florentino? Ano ang kaugnayan ni Isagani sa buhay ni Padre Florentino? Ang mga balita kaya tungkol sa dalawa ay maaaring magkatotoo noong panahon ng mga Kastila?
9.       Bakit ayaw ng pasunurin ni Padre Florentino si Isagani sa itaas ng kubyerta?
10.   Sino si Padre Florentino? Paano siya naging pari? Bakit siya namahinga sa pagpapari? Sa kanyang ginawang ito masasabi kayang talagang hindi niya hilig ang pagpapari o nais niyang pahalagahan ang dangal ng pagkatao at banal na tungkulin? Pangatuwiran ang sagot.
11.   Sino si Paulita? Donya Vistorina? Bakit iniiwasan ni Isagani ang Donya?
12.   Papaano kinikilala ni Simoun ang isang lalawigan o bayan?
13.   Bakit nag-init si Isagani nang banggitin ni Simoun ang sinabi ni Padre Camorra?
14.   Ano ang hinuha ni Basilio kung bakit siya pinapupunta ni Kapitan Tiago sa San Diego?

Talasanggunian

Almario, Virgilio S.  2009.  Jose Rizal El Filibusterismo.  Quezon City: Adarna House.
Cruz, Emerlinda G. at Rogelio G. Mangahas.  2009.  El Filibusterismo.  Quezon City: C & E Publishing, Inc.
Cruz, Elvira de la.  2002.  Jose Rizal El Filibusterismo.  Manila: Vicarish Publication and Trading, Inc.
Espinoza, Teodorica, et al.  2009.  El Filibusterismo.  Quezon City: Aklat Ani Publishing and Educational Trading Center
Gimena, Glady E. at Leslie S. Navarro.  2009.  Ang Pinaikling Bersiyon El Filibisterismo ni Jose Rizal.  Manila: Prime Multi Quality Printing Corporation
Lartec, Norbert C., et al.  2008.  Maharlika IV Wika at Panitikan ng Bayang Malaya. Antipolo City: DJCE Enterprises.
Magbaleta, Corazon G. at Erlinda R. Berdin.  Valenzuela City: Jo-Es Publishing House.
Nem Singh, Rosario P.  2014. El Filibusterismo.  Quezon City: Isa-Jecho Publishing, Inc.
Salazar, Angel E.  El Pilibusterismo.  Manila: Goodwill Bookstore
Tablan, Andrea Amor at Salud R. Enriquez.  2003.  Filibusterismo.  Quezon City: Marren Publishing House Inc.
Tungol, Mario.  1993.  Gabay sa Pag-uunawa ng El Filibusterismo.  Manila: Merriam & Webster Bookstore, Inc.
2012. El Filibusterismo. Quezon City: Amos Books, Inc.


Monday, January 5, 2015

El Filibusterismo: Kabanata 1 (Sa Kubyerta)

KABANATA 1: SA KUBYERTA

Sinopsis:
                Isang umaga ng buwan ng Disyembre, ang Bapor Tabo na naghahatid ng maraming manlalakbay na patungo sa lalawigan ng Laguna ay hirap na hirap sa pagsalunga sa malakas na agos ng Ilog Pasig.
                Ang bapor na ito ay mabigat at pabilog na parang tabo na pinaghanguan ng pangalan nito. Lulan sa kubyerta nito sina Don Custodio, Ben Zayb, Padre Irene, Padre Salvi, Donya Victorina, Kapitan Heneral at Simoum.
                Naging mainit ang pagtatalo nang magawi ang pag-uusap tungkol sa pagpapailalim ng ilog Pasig upang malutas ang suliranin sa paglalakbay. Mungkahi ni Don Custodio: mag-alaga ng itik. Pumasok sa kainitan ng pagtatalo ang mag-aalahas na si Simoun na kilalang tagapayo ng Kapitan Heneral at nagsabi na ang suliranin tungkol sa mga lawang hindi matino ay napakadali. Aniya, gumawa ng tuwid na kanal na mag-uugnay sa lawa ng Laguna at sa look ng Manila.
                Labis na nagulat ang mga kausap ni Simoun sa kanyang mga tinuturan, subalit patuloy na nakikinig ang mga ito sa kanyang mga mungkahi. Lalo pang namangha ang mga kausap ni Simoun nang iminungkahi niyang huwag bayaran ang mga manggagawa at mas makabubuting ang mga bilanggo at mga bihag ang gagawa ng trabaho. Ipinagpatuloy pa niya na kung mamarapatin, maging ang mga matatanda at mga bata ay pagtrabahuin din. Hayaan daw na magdala ng kanya-kanyang pagkain at kagamitan ang mga manggagawa. Nagkasagutan sila ni Don Custodio at ng ilang pari. Ayon sa ibang sakay, siguradong mag-aalsa ang mga tao kung ganito ang mangyayari. Napunta ang mainit na usapin sa mga pato na inaalagaan sa Pateros at Pasig at naging punto ng pag-uusap ang kinakain ng mga ito.
                Nang marinig ito ni Donya Victorina, paismid at palamya siyang nagsalita na kung ang lahat ay gugugol ng panahon sa pag-aalaga ng mga pato ay siguradong dadami ang balot na labis niyang inaayawan at pinandidirihan.

Mga tulong sa pag-aaral:

1.       Ang ibabaw ng kubyerta ng bapor ay para sa matataas na uri ng tao, karaniwa’y Kastila.
2.       Ang Noli ay nagtapos sa buwan ng Disyembre; ang Fili ay dito nagsisimula. Ngunit ang Disyembre sa Noli at ang sa Fili ay may 13 taong nakapagitan.
3.       Si Don Custodio ay tanungan at tagapayo ng mga taong pamahalaan. Si Ben Zayb (Ibanez) ay isang mamamahayag.
4.       Ang tabo ay isang katutubong kasangkapan at walang katumbas sa Ingles, katulad din ng katutubong “batalan”. Ang tabo sa kasalukuyan ay karabiwang latang pinagbasyuhan ng gatas, kape o ano man. Mula sa abang batalan hanggang sa makabagong banyong may gripo at dutsa sa Pilipinas ay may tabo. Noon, ang tabo ay karaniwang pang-ilalim na bahagi ng bao ng niyog.
5.       Pinaghahambing ni Rizal ang Bapor Tabo at ang Pamahalaan sa pamamagitan ng sumusunod:
a)      Sa pagkakaroon ng 2 lugal ng tao – sa kubyerta at sa ilalim ng kumbyerta, tulad ng pagpapalagay ng pamahalaan na may mga taong matas ang uri, tulad ng mga Kastila, mayayaman at mga prayle, at mga abang mamamayang tulad ng mga mestiso at Indiyo.
b)      Sa mabagal ngunit mapagmalaking palakad – tulad ng pamahalaan na halos hindi nakausad sa may 300 taong pamumuno sa Pilipinas.
c)       Sa pakulapol na pinturang puti – nagpapanggap na malinis at marangal ngunit makikita ang mga dumi sa likod ng pinta tulad ng mga walang katarungang pagpatay at pagbibilanggo, ng mga kabulukan, katiwalian at iba pa sa pamahalaan at simbahan.
d)      Sa bilog na anyo ng bapor – nagpapakilalang ang pamahalaan ay walang malinaw na kaanyuan; walang plano ng pagiging unahan, hulihan, tagiliran na tulad ng pamahalaan noon na walang yaring plano ng pagpapalakad
e)      Sa paggamit ng makina at tikin – tulad ng pamahalaan, may namamahalang sibil, tulad ng Kap. Heneral at iba pang taong pamahalaan at mga prailesya o mga kura. Noon ay may union of church and state o pagiging magkatulong ng pamahalaang sibil at ng simbahan sa pagpapalakad ng mga suliraning pampulitika at pangkabuhayan ng bayan. Alin ang makina at alin ang tikin? Ang makina na siyang tuwirang nagpapatakbo sa bilog na bapor ng pamahalaan, bilog sapagkat walang plano at di alam kung saan ang patungo at saan ang pabalik, ay siyang pamahalaang sibil, samantalang ang mga tikin ay siyang mga kura na nagsasabi kung saan dapat patungo ang bapor ng pamahalaan.
6.       Nakakabuti ang malalim na kanal na mag-uugnay sa lawa ng Laguna at look ng Maynila ayon kay simoun dahil:
a)      Makapagtitipid ng lupa. Ang liku-likong Ilog Pasig ay mahahalinhan ng tuwid na kanal.
b)      Iikli ang paglalakbay; uunlad ang negosyo.
c)       Maiiwasan ang mga putik at burak sa mga pampangin ng Ilog Pasig.
d)      Giginhawa ang paglalakbay.
7.       Tutol dito si Don Custodio dahil:
a)      ,malaki ang gugugulin
b)      Maraming bayan ang kakailanganing sirain
c)       Walang ibabayad sa mga manggagawa.

8.       May tugon si Simoun dito na:
a)      Kung maraming bayan ang kailangang mawasak, sirain ito.
b)      Kung walang ibabayad sa gagawa, gumamit ng mga bilanggo.
c)       Kung di sapat ang mga bilanggo, pagawain ng walang bayad ang taong-bayan na magdadala ng sariling pagkain at kasangkapan. Sa ganito raw paraan natayo ang piramide sa Ehipto at koliseo sa Roma na hinahangaan ngayon kaugnay ng pangalan ng mga paraon at mga pinuno sa Roma gayong limot na natin ang libu-libong nangamatay na manggagawa roon. :Ang mgta patay ay patay na at tanging malalakas ang binibigyang katwiran ng panahon.”
d)      At di raw maghihimagsik ang bayan tulad ng mga Ehipto.
9.       Nangingilag ang mga prayle at sina Don Custodio kay Simoun dahil ito ay kaibigan ng kapitan Heneral, doon pa sa Habana, Kuba.

Mga Karagdagang Tanong:

1.       Kung si Simoun nga ay ang dating si Ibarra, bakit kaya niya ipinayo ang pagpapahirap sa mga Pilipino?
2.       Ilarawan c Donya Victorina.
3.       Ano ang nangyari kay Don Tiburcio?