Sunday, July 28, 2013

WALANG PANGINOON (Maikling Kuwento)

WALANG PANGINOON (1933)
Deogracias A. Rosario

Nang makita ni Marcos sa lumang orasan na ang mahabang hintuturo ay malapit nang sumapit sa ika-12 samantalang nakapako na sa ika-8 ang maikling daliri, hindi niya malaman kung saan siya magtutungo. Isinisiksik niya ang kanyang ulo kahit saan, saka ang dalawa niyang hintuturo ay ipapasak sa mga butas ng kanyang taynga.
Ayaw niyang marinig ang animas. Ayaw niyang mapakinggan ang malungkot na palo ng bakal sa malaking kampanang tanso sa kampanaryo ng simbahan sa kanilang bayan. Gayun man, kahit na saan siya magsiksik, kahit saan siya magtungo, kahit na anong gawin niyang pagpapasak sa kanyang taynga ay lalong nanunuot sa kanyang pandinig ang malungkot na tinig ng batingaw.
“Tapos na ba? ... Tapos ...” ang sunud-sunod niyang tanong na animo’y dinadaya ang sarili kung wala na siyang nauulinigang anumang taginting ng kampana. “Tapos na. Tapos ...” ang sunud-sunod namang tugon ng kanyang ina na paniwalang-paniwalang hindi na nga naririnig ang malungkot na animas.
“Ngunit, Marcos ...” ang baling uli ng matandang babae sa anak. “Bakit ayaw mong marinig ang oras na ukol sa kaluluwa? Iya’y nagpapagunita sa mga tao na dapat mag-ukol ng dalangin sa ikaluluwalhati ng mga kaluluwang nasa kabilang buhay. Lalo ka na, Marcos, marami kang dapat ipagdasal. Una-una’y ang iyong ama, ikalawa’y ang kapatid mong panganay, ikatlo’y ang kapatid mong bunso, saka... saka si Anita.” Ang huling pangalan ay binigkas na marahan at madalang ng matandang babae.
Si Marcos ay hindi kumibo. Samatalang pinangangaralan siya ng kanyang ina, ang mga mata niyang galing sa pagkakapikit kaya’t nanlalabo pa’t walang ilaw ay dahan-dahang sinisiputan ng ningas, saka manlilisik at mag-aapoy.
Hindi rin siya sumasagot. Hindi rin siya nasasalita. Subalit sa kanyang sarili, sa kanyang dibdib, sa kanyang kaluluwa ay may nangungusap, may nagsasalita.
“Dahil din sa kanila, lalung-lalo na kay Anita, ayaw kong marinig ang malungkot na tunog ng batingaw,” ang sinasabi ni Marcos sa sarili. Kinagat niya ang kanyang labi hanggang sa dumugo upang ipahalata sa ina ang pagkukuyom ng kanyang damdamin.
Akala ng ina’y nahulaan niya kung ano ang nasa loob ni Marcos. Sa wari ng matanda ay nababasa niya sa mga mata ng anak ang lihim ng puso nito. Naisip niyang kaya nalulungkot si Marcos ay sapagkat hindi pa natatagalang mamatay si Anita, ang magandang anak ni Don Teong, mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan. Nalalaman ng ina ni Marcos na lahat ng pagsisikap nito sa bukid, lahat ng pagpupunyaging matuto sa pamamagitan ng pagbabasa, lahat ng pag-iimpok na ginawa upang maging isang ulirang anak-pawis ay ukol kay Anita. At saka namatay! Nararamdaman din ng ina ni Marcos kung gaano kakirot para sa kanyang anak ang gayong dagok ng kasawian. Dapat ngang maging malungkutin ang kanyang anak. Ito ang kanyang ibig na libangin. Ito ang nais niyang aliwin. Kung maaari sana’y mabunutan niya ng tinik na subyang sa dibdib ang kanyang anak.
“Lumakad ka na, Marcos, sa kubo nina Bastian. Tila may belasyon sila o baka kailangan ang mabuting mang-aawit at manunugtog ng gitara,” ang sabi ng ina. “Walang pagsalang masasayahin ka roon.”
“Si Inang naman,” ang naibulalas na lamang ni Marcos. Iyan lamang ang kanyang nasabi nang malakas. Sa kanyang sarili’y naidugtong niya na hindi masusukat ng kanyang ina kung gaano ang pait para sa kanya ang pagkamatay ni Anita, palibhasa’y ingid  sa kaalaman ng matanda ang tunay na pangyayari sa pagkamatay nito.
“Kung nalalaman lamang ni Inang ang lahat,” ang nasabi uli sa kanyang sarili samantalang minamasdan niya ang isang ulilang bituin sa may tapat ng libingan ng kanilang bayan na ipinalalagay niyang kaluluwa ni Anita, “disi’y hindi ako itataboy sa kasayahan.”
Pinag-uusapan pa lamang ng mag-ina nang umagang yaon ang malaki nilang kapalaran sapagkat mabuti ang lagay ng tanim nilang palay, nang isang utusan sa bahay-pamahalaan ang dumating na taglay ang utos ng hukumang sila’y pinaaalis sa kanilang lupang kinatatayuan, at sinasamsam ni Don Teong na ama ni Anita ang lahat ng lupa nilang sinasaka.
“Inang, matalim ba ang itak ko?” ang unang naitanong ng anak sa ina matapos matunghayan ang utos ng hukuman.
“Anak ko!” ang palahaw na panangis ng matandang babae sabay kapit sa leeg ng anak. “Bakit ka mag-iisip ng gayon, sa tayo na lamang ang nabubuhay sa daigdig?”
Ang tinig ng matanda ay nakapagpalubag sa kalooban ng binata. Gayon man, sa harap ng bagong pithaya ng may-ari ng lupang kanilang binubuwisan, ay isa-isang nagbabalik sa alaala niya ang malungkot na kasaysayan ng kanilang lupang sinasaka.
Ang sabi’y talagang sa kanunununuan ng kanyang ama ang naturang lupa. Walang sinumang sumisingil sa kanila ng buwis at walang sinumang nakikialam sa anumang maging bunga ng kanilang mga tanim, maging mais o tubo, o kaya’y maging anuman sa mga gulay na tanim nila sa bakuran.
Subalit nang bata pa ang kanyang ama ay nagpasukat ng lupa at sinasabing kanila. Palibhasa’y wala silang maibayad sa manananggol, ang pamahalaan ay nagkulang ng malasakit sa kanilang karalitaan upang tangkilikin ang kanilang katwiran at karapatan. Sa wakas ay napilit silang mamuwisan nang di nila makuhang umalis doon.
Noong bata pa si Marcos, ang bayad nila’y isang salapi lamang isang taon sa bawat ektarya ng lupang kanilang sinasaka. Subalit habang nagtatagal ay unti-unti na silang nababaon sa pagkakautang sa may-lupa dahil sa kasunduang ipinapasok sa pana-panahon, gaya ng takipan at talinduwa.
Kaya namatay ang ama ni Marcos ay dahil sa malaking sama ng loob kay Don Teong. Ang kapatid niya’y namatay dahil sa paglilingkod sa bahay nito at higit sa lahat, nalalaman niyang kaya namatay si Anita ay sapagkat natutop ng amang nakikipatagpong minsan kay Marcos sa loob ng halamanan, isang gabing maliwanag ang buwan. Saka ngayo’y paaalisin naman sila sa kanilang bahay at lupang binubuwisan!
Si Anita ay lihim na naging kagustuhan ni Marcos mahigit nang isang taon noon. Sapul nang dumating si Anita sa kanilang bayan buhat sa pag-aaral; sa isang kolehiyo ng mga madre sa MAynila, si Marcos ay nagsimpan na ng malaking pag-ibig sa kanya. Alam ni Marcos ang kanyang kalagayan na halos lumaki sa ibabaw ng kalabaw at sa pagtikin sa kanilang lamo sa ilog.
Si Marcos ay natapos lamang ng katesismo sa iskuwelahan sa silong ng kumbento sa kanilang bayan at natutong sumulat sa pisara ng malaking numero. Ngunit gayon man, nagsikap siyang idilat ang kanyang mga mata sa liwanag ng kabihasnan at pagkaunlad. Katutubo kay Marcos ang hilig sa pagkatuto sapagkat sa pag-anib niya sa mga samahang pambayan ay natuklasan niyang walang mabuting paaralan kundi ang pahayagan. Walang aklat, walang pahayagan at lingguhan sa sariling wika na hindi binabasa ni Marcos. Kahit manghiram lamang kung wala na siyang ibili. Nagbabasa rin siya ng mga nobela at ibang akdang katututuhan niya sa wikang Tagalog, o kaya’y sa salin sa wikang ito.
Lalo na nang magsimpan siya ng pag-ibig kay Anita, wala siyang inaalagata sa kanyang buhay kundi ang balang araw ay maging karapat-dapat sa mga kamay ng anak ni Don Teong na may-ari ng lupa nilang sinasaka. Isa pa’y bukod sa naniniwala siya sa kasabihang ang lahat ng tao, kahit hindi magkakulay, ay sadyang magkakapantay, ay tinatanggap din niya ang palasak na kawikaang ang katapat ng langit ay pusalian. Dahil diyan kaya kahit bahagya ay hindi siya nag-atubili nang pagsisimpan ng pag-ibig kay Anita.
At naibig naman siya ng anak ni Don Teong. Bakit hindi siya maiibig? Minsan si Anita ay namangka sa kanilang ilog, gumiwang ang bangka at nahulog sa tubig. Si Marcos noon ay nasa lamo at lihim niyang sinusundan ang bakas sa tubig ni Anita. Nang makita niya ang malaking sakuna ay lumundag siya sa ilog at sa pamamagitan ng langoy na hampas-tikin ay inabot niya si Anita na kumakamot na sa ilalim ng ilog. Matapos niyang kalawitin ng kaliwa niyang bisig sa may baba ang dalaga ay bigla niyang isinikdaw an dalawa niyang paa sa ilalim kaya’t pumaibabaw sila, at sa tulong ng pagkampay ng kanyang kamay at pagsikad ng dalawa niyang paa ay nakasapit sila sa pampang.
“Marcos, matagal na rin naman kitang iniibig,” ang pagtatapat ni Anita sa binata, makaraan ang may ilang buwan, buhat nang siya’y mailigtas.
Tatlumpung araw ang taning sa mag-ina upang lisanin ang lupang ang sabi ay ari ng kanilang ninuno ay binubuwisan na nila at sinasamsam pa ngayon. At saka silang mag-ina ay itataboy. Sino ang hindi magdadalang-poot sa gayong kabuktutan?
Dahil sa kanyang ina, natutong magtiim si Marcos ng kanyang mga bagang. Kinagat niya ang kanyang mga labi upang huwag mabulalas ang kanyang galit. Kinuyom niya ang kanyang mga kamay hanggang matimo sa palad niya ang kanyang kuko.
Isang takipsilim nang marinig niya sa kampanaryo ng kanilang simbahan ang malungkot na agunyas. Una muna ang malaking kampana saka sumunod ang maliit. Bang! Teng! Bang! Teng! Babae ang nalagutan ng hininga. Maliit naman ang kanilang bayan upang malihim pa kung sino ang binawian ng buhay. Wala siyang nalalamang may sakit kundi si Anita. Dahil sa pagkakatutop sa kanila isang gabi, ang dalaga ay sinaktang mabuti na ayon sa sabi ng nagbabalita kay Marcos ay mata lamang ang walang latay.
Buhat noon ay nagkasakit na si Anita. Araw-ararw ay tumatanggap si Marcos ng balita at nang tangkain niyang dumalaw na minsan ay hinarang siya ni Don Teong na may hawak na rebolber. Susuong din sana si Marcos, subalit nagdalawang-loob siya. Maaaring magiging dahilan iyon ng bigla pang pagkamatay ng kanyang iniibig, bukod sa magiging subyang sa kanyang ina kung siya’y mawala.
Ang huling dagok na ito sa kanya ni Don Teong ay isinama lamang niya sa talaan ng pagmamalupit sa kanya ng mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan. Pangangagaw ng lupa sa kanila. Pagpapautang ng patung-patong. Pagkamatay ng kanyang ama. Pagkamatay ng kanyang kapatid. At saka noo’y pagtatangka pa sa kanyang buhay. Pinakahuli nga ang pagkamatay nang tuluyan ni Anita, na ayon sa balita niya’y nalagutan ng hininga na siya ang tinatawag. Saka nitong huli ay pagpapaalis sa kanilang lupang kinagisnan at pinagyaman sa tulo ng kanilang pawis na mag-anak.
Ngunit si Marcos, isang manggagawang hubog sa palihan ng bagong panahon, ay lumaki ang puso sa mga pagtitiis. Naging maluwang nga ang kanyang dibdib sa pagtanggap ng pang-aapi ng maylupa. Hanggang noong bago mamatay si Anita, akala niya’y maaari pa siyang makalunok ng bagong pag-upasala ng itinuturing niyang panginoon. Datapwa’t nang tanggapin niya ang utos ng hukuman na pinaaalis siya roon talagang nagdilim ang kanyang isip. Noon pa’y naisip na niyang gawing batas ang kanyang kamay, yamang hindi niya matamo ang katarungan sa hukuman ng mga tao.
“Huminahon ka, anak ko,” ang sabi ng kanyang ina. “Hindi natutulog ang Bathala sa mga maliliit. Magtiis tayo.”
Hindi na niya itinuloy ang paghanap sa kanyang itak na matalas. Pagkakain niya ng agahan, nilibang niya ang kanyang ina saka lumabas sa bukid. Gaya rin ng dati’y sinakyan niya ang kanyang kalabaw na lalong mahal niya sa lahat sa limang alaga niya. Lumabas siya sa bukid at hinampasan niya ng tanaw ang karagatan ng namumulang ginto. Pagdaramdam at panghihinayang ang ngumangatngat sa kanyang puso. Gaanong pawis ang nawala sa kanya upang masaka ang naturang bukid? Gaanong pagod ang kanyang pinuhunan upang ang pay niya’y magbungang mabuti? Saka ngayo’y pakikinabangan at matutungo lamang sa ibang kamay?
Napapalatak si Marcos sa ibabaw ng kanyang kalabaw. Ibig man niyang pagdimlan ng isip kung nagugunita ang utos ng hukuman, subalit ang alaala ng kanyang ina’y walang iniwan sa bahagharing sumusugpo sa nagbababalang unos. Dadalawa na lamang sila sa daigdig upang huwag niyang pabayaan ang kanyang ina na ipinangako niyang hahandugan ng kaligayahan ang nalalabing buhay, bago nakitlan ng hininga ang kanyang ama.
Dahil nga sa kanyang ina, naisip niya ang kabutihan kung sila’y nagsasarili, “Tutungo tayo sa hilaga at kukuha ng homestead. Kakasundo tayo ng mga bagong magsasaka; paris ni Don Teong, di kailangang magkaroon din ako ng gayak na paris niya.”
Kabalintunaan man ang sabi ng anak ay hindi nag-usisa ang ina. Wala siyang nalalaman kundi tuwing takipsilim, kung nakaligpit na ang mga tao sa nayon, ang buong kagayakan ay isinusuot ng kanyang anak saka lumalabas sa bukid. May dalawang linggong gayon nang gayon ang ginagawa ni Marcos, hanggang isang araw ay tawagan siya ng pansin ng matanda.
“Marcos,” sabi ng matanda. “Dalawang linggo na lamang ang natitira sa ating taning ay hindi mo ginagawa ang pakikipagtuos kay Don Teong. Kung may magiging sukli man lamang tayo sa ating ani ngayon?”
“Huwag ka pong mabahala, Inang,” sabi ng mabait na anak, “nalalaglag po ang dahon sa kanyang kapanahunan.”
Talinghaga na naman ang sinabi ni Marcos. Gayon man ay may nagunit siyang isang bagay na ibig niyang malaman sa anak.
“Bakit hindi mo iniuwi ang kalabaw sa bakuran mo?” tinutukoy ang kalabaw na mahal na mahal sa lahat ni Marcos. Maaaring magpakahinahon si Marcos, subalit ang huling kapasiyahan ni Don Teong ay  numakaw ng lahat ng kanyang pagtitimpi. Ayaw niyang gumamit ng dahas, subalit hinihingi ng pagkakataon.
Nagunita niya ang sinabi ni Rizal, na walang mang-aalipin kung walang nagpapaalipin. Napailing siya sa harap ng gayong masaklap na katotohanan. Patung-patong na ang ginagawang pamamaslang sa kanya ni Don Teong na takalang dapat nang kalusin. Nagunita rin ni Marcos ang marami pang ibang kasama, katulad din niya, na sa kamay ng mayamang si Don Teong ay walang iniwan sa mga liig ng manok na unti-unting sinasakal hanggang makitil ang hininga sa hangad na mahamig na lahat ang kanilang kayamanang gayong minana sa kanilang mga ninuno ay iba ngayon ang may-ari at nagpapabuwis pa.
“Kailangang maputol ang kalupitang ito!” ang tila pagsumpa sa harap ng katalagahan na ginawa ni Marcos.
“Bakit ka bumili ng pulinas, gora, suwiter, at latigo, anak ko?” ang tanong ng matanda kay Marcos, isang araw na dumating siyang pagod na pagod sa naturang dala-dalahan.
“Inihahanda ko po iyan sa pagiging panginoon natin, paris ni Don Teong,” ang nakatawang sagot ng anak. “Kung tayo po’y makaalis na rito di tayo’y magiging malaya,” ang tila wala sa loob na tugon ng anak.
Ang totoo, ang naturang kalabaw ni Marcos ay nakapugal sa hanggahan ng lupang sarili ni Don Teong. Kung takipsilim ay isinusuot na lahat ni Marcos ang pulinas, ang gora, at suwiter, saka dala ang latigong katulad ng pamalo ni Don Teong. Pagdating niya sa pook na kinapupugalan ay saka aasbaran ng palo ang kalabaw hanggang ito’y umungol na ang alingawngaw ay abot hanggang sa kalagitnaan ng bayan. Kung di niya nakitang halos apoy ang lumalabas sa dalawang mata ng hayop ay hindi pa niya ito titigilan. Sa gayon ay matulin siyang nagtatago upang umuwi na siya sa bayan. Kung dumarating siya’y daratnan niya ang kanyang Inang matuwid ang pagkakaluhod sa harap ng isang maitim na Santo Kristo sa kanilang silid na naiilawan ng isang malaking kandila.
“Salamat, anak ko, at dumating ka,” ang sasabihin na lamang ng matanda. “Akala ko’y napahamak ka na.”
Si Don Teong ay may ugaling maglibot tuwing hapon sa paligid-ligid ng kanyang lupa. Ang ipinanganganib ng ina ni Marcos ay baka magkasalubong si Marcos at ang kanilang panginoon at hindi makapagpigil ang sinoman. Nalalaman din ng matandang babae na laging may dalang rebolber sa baywang ang mayamang asendero buhat nang magkaroon ng alitan dahil sa lupa, kaya lagi niyang inaalaala ang pag-alis-alis ni Marcos.
Subalit isang hapon samantalang payapang inihahanda ng mag-ina ang kanilang pag-alis, walang iniwan sa putok ng bulkan ang balitang kumalat sa bayan na si Don Teong ay namatay sa pagkasuwag ng kalabaw. Sinabi ng mga nakakita na pagkakita pa lamang ng kalabaw na pagkakita pa lamang ng kalabaw kay Don Teong ay tila may sinisimpang galit sapagkat bigla na lamang sinibad ang mayamang matanda at nasapol an kalamnan ng sikmura ng matulis na sungay ng hayop. Pagkasikwat sa katawan ng asendero ay tumilapon pa sa taas at paglagpak ay sinalo naman sa kabilang sungay.
Ang katawan ni Don Teong ay halos lasug-lasog nang iuwi sa bayan at wasak ang suwiter sa katawan at saka pulinas. Kumilos agad ang may kapangyarihan upang gumawa ng kailangang pagsisiyasat subalit ang lahat ng matuwid ay nawalan ng halaga sa hindi kumikilos na ayos ng kalabaw na animo’y wala sa loob ang ginawa niyang napakalaking pagkakasala.
Nang malamang kay Marcos ang kalabaw, bawat isa’y nagkatinginan. Hindi nila malaman kung papaanong ang poot ni Marcos kay Don Teong ay nagtungo sa alaga niyang hayop.
Si Marcos ay nakatingin din sa orasan nang gabing yaon. Tatlong minuto na lamang ang kulang sa ika-8 ng gabi. Hindi siya gumagalaw. Hindi siya nababahala.
Tumugtog ang animas. Hindi na gaya ng dating ayaw niyang marinig. Sa halip na idalangin ang kaluluwa ng namatay, ang naisip niya ay ang matapang niyang kalabaw.
“Mapalad na hayop na walang panginoon,” ang kanyang naibulong.

Isang Kuwento (Maikling Kwento)

ISANG KUWENTO
MINNIE F. LOPEZ

                “Hayop ka! Matapos ang lahat ng pinagsamahan natin, ganito lang ang igaganti mo sa akin?” sigaw niya sa akin. Nasa loob kami ng opisina niya. Namumula sa galit ang kanyang mga mata, mahigpit ang pagkakasara ng kanyang mga kamao. Kahit na sino siguro ay hindi makatitingin ng diretso sa mga matang iyon.
                “Hindi ko sinasadya, Anton. Aksidente lang iyon. Hindi na talaga mauulit.” Iyon lang ang kaya kong sabihin. Hindi ko nga alam kung narinig niya ang mga sinabi ko. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko para kumalma na siya.
                Naglakad siya paroo’t parito. Halatang nagpupumigil, nagnanais magpakalma. Pero nakikita kong natatalo siya ng kanyang nag-uumapaw na emosyon. Mahigpit pa rin ang pagkakasara ng kanyang kamao. Alam kong kahit anong sandali ay masusuntok na lang niya ako bigla.
                “Hindi sinasadya. Pero hinayaan mong mangyari ito! Trinato kitang parang kapatid tapos dedemonyohin mo lang ako sa likod ko. Anong klase kang kaibigan?” sabi niya sa akin, “Tangina ka! Ba’t mo ginawa sa akin ito?” Yun lang ang paulit-ulit niyang sinasabi, “Bakit mo nagawa sa akin ito?”
                Nanatili lang akong nakatungo, nakatingin sa isang sulok ng isang piraso ng tile sa sahig. Sana alam ko rin ang sagot sa tanong niya. Halos magdasal ako na sana lamunin na lang ako ng sahig nang di ko na makita at maramdaman ang sakit at galit na nadarama ng taong nasa harapan ko at nang di na gumapang ang multo ng kahihiyaan sa aking pagkatao. Pumikit ako at bumalik uli ang mga pangyayari sa aking gunita.

                “Hi!”
                Napatingin ako sa nakasilip na ulo sa pinto. Sumenyas ako na pumasok siya at maupo habang tinatapos ko ang transaksiyon ko sa telepono. Umupo naman siya sa upuan sa harapan ng mesa ko at isa-isang inusisa ang mga retrato na nakapatong sa desk ko.
                “O, Magz napadalaw ka ‘ata?” tanong ko sa kanya pagkababa na pagkababa ko ng telepono. “Nahan ang magaling mong asawa?” pabiro ko uling usisa.
                “Ayun, nasa meeting na naman niya. Palagi naming ganyan, e.”
                “Ba’t hindi ka pa kasi nasanay doon?” tanong ko uli.
                “Hay naku, palagi na akong nag-a-adjust sa kanya,” sagot naman niya. “Tara, samahan mo ako sa art exhibit ng kaibigan ko sa Makati. Sayang naman itong libreng tiket na nakuha ko.”
                “Talaga? O sige, tara na, wala na naman akong ginagawa.” Call naman ko sa imbitasyon niya. Bago buksan ang pinto ay napahinto ako, “Baka naman magalit ang asawa mong matampuhin?” tukso ko sa kanya.
                Napatingin lang siya sa akin at sabay kaming natawa. Hindi ko alam kung bakit. Basta natawa na lang kami bigla.
                Pagkatapos ng art exhibit ay dumiretso kaming kumain sa isang restoran sa Makati. Kaunting kain at sangkatutak na kuwentuhan at tawanan. Makulit, madaldal, mabait at malambing pa rin siya tulad nang una siyang ipinakilala ni Anton sa akin bilang girlfriend niya. Humanga nga ako sa kanya noon. Halos walang nagbago sa kanya kahit mag-asawa na sila ngayon. Iniisip ko nga, isa siya sa nga kakaunting tao na almost perfect, halos nasa kanya na lahat.
                Ang labas naming iyon ay nasundan pa ng isa, dalawa, at kung ilan pa. Minsan sinusundo ko siya, minsan ako naman ang dinadaanan niya sa opisina. Wala naman akong narinig kay Anton dahil halos pamilya na kaming lahat. Minsan pa nga, magkasama kaming tatlo, pero madalas kami lang ni Magz. Iba kasi pag abogado ang asawa mo, daig pa ang telepono sa pagiging busy. Ganito lang ang takbo ng mga buhay namin. Pero may nagbago nang dumating ang isang araw na iyon na hindi ko inaasahan.
               
                Blag! Padabog niyang binuksan ang pinto. Napahinto ako sa pagbabasa ko nang makita ko ang mukha niyang halos di na maipinta.
                “O, anong nangyari?” tanong ko sa kanya.
                “Nag-away kami ng magaling mong kaibigan.”
                “Bakit, anong nangyari?” nagmamalasakit kong tanong ko sa kanya.
                At ikinuwento niya ang mga nangyayari sa loob ng kanilang bahay. Matagal na raw silang ganoon. Away dito, away doon. Sabi niya na hindi na sila halos magkakilala dahil nga halos madalang na silang magkasama at magkausap. Panay trabaho at trabaho. Pakiramdam daw niya ay pinagpalit na siya ni Anton sa kanyang trabaho at wala nang panahon sa kanya.
                “Minsan nga hindi maiwasang malungkot,” pagbubukas niya sa akin. “Ganito ‘ata pag maaga kang nag-aasawa. Hindi lang dapat nagpapakasal dahil sa labis-labis na pagmamahal.”
                “Bakit mo naman nasabi iyan?” tanong ko.
                “Wala lang. Pakiramdam ko kasi para kaming mga prutas na kinalburo, mga hinog sa pilit. Hindi pa nga yata namin kilala ang isa’t isa, nagpakasal na kaming bigla. Tuloy, parang ngayon lang lumalabas ang mga tunay na ugali namin.”
                Pinayuhan ko siya. Sabi ko lilipas din iyan. Alam ko namang mahal siya ni Anton. Nagulat na lang ako nang tinanong niya sa akin kung bakit hindi pa ako nag-aasawa. Ngumiti lang ako sa kanya. Ngiti lang talaga ang sagot ko sa tanong na iyan. Ayaw ko kasing sabihin sa kanya ang dahilan. Niyaya ko na lang siyang lumabas para makaiwas sa usapan at nang maaliw naman siya.
                Bumalik kami sa restoran na kinainan namin sa Makati. Dahil nasa mga late twenties pa lang kami ay mahilig pa rin kami sa gimik. Panay kwentuhan at labasan ng sama ng loob. Napaparami na rin ang inom namin. Nang mga sandaling iyon ay naisip ko na kaya siguro kami nagkakasundo ng taong ito dahil pareho kaming maraming angst sa buhay. Sa dami ng mga naikuwento niya, pakiramdam ko ay kilalang-kilala ko na siya, kahit ang totoo niyan ay nagkalapit lang kami dahil bestfriend ko ang asawa niya.
                Napaparami na kami ng naiinom nang mapatigil ako dahil sa napansin ko sa kanya.
                “O, ba’t ganyan kang makatingin?” tanong ko sa kanya.
                “Alam mo, ba’t ang bait-bait mo? Kung puwede lang sana, sana ganyan din si Anton. Kung puwede lang sana...sana, tayong dalawa na lang.” Nakatitig lang siya sa akin.
                Hindi ko alam kung nagbibiro siya nang mga panahong iyon o lasing lang talaga siya. Hindi ko rin alam kung kinilabutan ako o kinilig ako sa mga narinig ko. Natahimik lang ako.
                “Lasing ka lang, Magz. Baka kailangan mo nang matulog.” Iwas. Iwas sa tukso. Masamang magkasala.
                “Hindi, ha! Alam ko pa ang mga sinasabi at ginagawa ko,” sabi niya sa akin sabay lipat ng upuan sa tabi ko. Inihilig niya ang kanyang ulo sa aking balikat.
                Anak ng...napapamura ako sa loob-loob ko. Hindi nangyayari ito. Tulad ng mga kalokohan naming ni Anton noong college, isa lang itong produkto ng masamang espiritong nasa boteng iniinom naming. Nilabanan ko ng matinding pangungumbinsi sa sarili ang mga iniisip ko.
                Niyaya ko na lang siyang umuwi. Hindi naman siya umangal. At tulad ng dati, ihahatid ko uli siya sa bahay nila ni Anton. Habang tinatahak namin ang daan papasok sa loob ng subdibisyon ay humawak siya sa aking braso. Napatingin ako sa kanya.
                “Bakit?”
                “Puwede mo bang ihinto diyan sa banda riyan?” sabay turo sa may bakanteng lote sa gilid ng daan kung saan matatanaw mo ang buong siyudad sa ibaba nito.
                Inihinto ko naman ang sasakyan. Akala ko ay nahihilo siya ngunit katahimikan lang ang namayani sa loob ng sasakyan. Paglaon ay humawak siya sa aking kamay. Napatingin ako sa kanya. Hindi ko namalayan ang pagdampi ng aking mga labi sa kanya ring mga labi. Hindi ko na rin namalayan ang unti-unting paglalaro ng aming mga kamay sa aming mga katawan. At mas lalong hindi ko alam kung bakit pag-alis naming sa lugar na iyon ay hindi kami dumiretso sa bahay nila.
                Pagkalipas ng tatlong oras ay tinatahak na namin uli ang daan patungo sa kanila. Wala kaming imik pareho sa loob ng sasakyan. Wala lang talaga siguro kaming sasabihin sa isa’t isa at lalo ring wala kaming dapat pag-usapan. Alas-kuwatro na siguro ng umaga nang ihinto ko ang sasakyan sa tapat ng gate nila.
                “Salamat,” sabi niya, ngunit hindi siya nakaharap sa akin. Katahimikan uli. Hindi ko alam kung gaano katagal bago siya nagsalita uli. “Alam mo, totoo lahat ng sinabi ko sa iyo kanina. Kung puwede lang talaga sana.”
                Yon ang mga huling sinabi niya sa akin. Hindi niya man lang hinintay kung ano ang isasagot ko sa kanya. Bumaba na lang siya sa sasakyan. Sa pag-uwi ko nang umagang iyon, hindi mapakali ang aking loob at isipan. Alam kong mali, pero sa ilang linggong pagiging malapit namin, namuo sa damdamin ko ang kasalanang di ko akalaing magagawa ko. Lalon-lalo na sa asawa ng kaibigan ko.
                Dalawang araw mula noon ay hindi pa kami nagkikita o nag-uusap man lang. Buti na lang, iyon lang ang kaya kong isipin. Gumaan ang loob ko dahil iniisip ko na mas mabuti iyon para hindi na maulit ang nangyari. Ngunit nagkamali ako.
                Nagulat na lang ako nang biglang bumukas ang pinto ng opisina ko at nakita ko siyang nakatayong umiiyak.
                “O, ano ang nangyari sa iyo?”
                “Ayaw ko na talaga. Hindi ko na kakayanin ang mga problema namin.” Iyak pa rin siya ng iyak.
                “Bakit ka napasugod dito?”
                “Sinabi ko sa kanya na ayoko na. Hindi na kami puwedeng magsama.”
                “Ha?” Kahit ano pa man ang nararamdaman ko para sa kanya ay nagulat pa rin ako sa sinabi niya.
                “Upo ka muna at huminahon ka. Magz, kilala ko si Anton. Hindi quitter ‘yan. Hindi ‘iyan bumibigay hangga’t walang matibay na dahilan. Ngayon lang iyan,” payo ko sa kanya.
                “Binigyan ko na siya ng rason kung bakit kailangan naming maghiwalay,” mahinahon na niyang sagot.
                “Ano?” Magkahalong gulat at galit ang naramdaman ko sa sagot niya sa akin. “Huwag mong sabihing may kagagawan ito sa nangyari sa atin noong nakaraang gabi?”
                Tumahimik lang siya.
                “Shit!” Napamura ako, iyon lang ang kaya kong sabihin nang mga panahong iyon. Alam ko na ang ibi sabihin ng katahimikang iyon. Nanghina ako at napaupo. “Alam mo, Magz, aksidente lang iyon. At kung meron man akong nararamdaman para sa iyo ay hindi ko isasakripisyo ang pamilya ninyo at ang pagkakaibigan namin ni Anton.”
                “Mahal kita, alam mo ba iyon?”
                Shit. Iyon uli ang unang salita na pumasok sa utak ko. Hindi ko na lang iyon sinabi nang malakas. Napatayo ako at lumapit sa bintana. Parang ngayon ko lang na-appreciate ang tanawin mula sa ikasampung palapag ng gusaling pinagtratrabahuan ko. Umuulan noong hapon na iyon, ngunit kahit basa ang salamin sa malawak kong bintana, nakikita ko pa rin kung gaano karami ang nagdaraang sasakyan. Ngayon ko lang naisip na sa tinagal-tagal ko na sa opisinang ito ay parang ngayon pa lang ako dumungaw sa bintanang ito. Ngayon ko rin lang napansin na bingi pala ako sa nangyayari sa labas, sa ingay ng mga sasakyan at eroplanong nagdadaan, sa dumi ng lansangan. Pakiramdam ko nga, pag narito ako ay hindi ko nararanasan ang lungkot man o saya na nadarama ng mga taong nasa labas tuwing umuulan. Parang ngayon ko rin lang naisip, sa dinami-dami ng mga kalokohang pinasok ko, hindi ko pa nakita ang sarili ko na sumuko na, sa aking konsensiya. Isa lang ang naisip kong nararapat gawin.
                “Saan ka pupunta?” tanong niya nang bigla ko na lang dinampot ang jacket ko.
                “Sa opisina ni Anton. Kakausapin ko siya. Magpapaliwanag ako.” Dire-diretso ako sa pinto. Hindi na niya nakuhang magsalita. O kung sumagot man siya o sinubukan niya akong pigilan ay hindi ko na siguro ito narinig dahil isa lang ang nais kong huwag mangyari, ang magkagalit kami ni Anton. Ngunit alam kong imposibleng hindi mangyari iyon.
               
                Blag! Nagulat ako sa pagkakahampas niya ng kamay niya sa mesa. Tapos na ang pagtakas ko sa mumunting sandaling iyon. Ibinukas ko ang aking mga mata. Nasa loob na uli ako ng opisina ni Anton.
                “Nang nagtapat ka sa akin noong hayskul tungkol sa pagkatao mo, tinaggap kita. Dahil hindi ko inisip na magagawa mo sa akin ito,” mahinahon na siyang nagsasalita. “Sa dinami-dami ng tao diyan, asawa ko pa.”
                Gusto ko pa sanang magsalita, humingi ng tawad, mangangakong hindi na mauulit. Pero alam kong wala nang magagawa ang mga sasabihin ko sa kanya. Hindi na niya pinatagal ang paghihirap naming dalawa.
                “Makakaalis ka na.” Ni hindi man lang siya tumingin sa akin nang sabihin niya iyon. Iyon lang ang hinihintay ko. Tumayo ako sa kinauupuan ko at tumungo papalabas ng pinto.
                “Alam mo,” pahabol niya, “hindi siguro ganito ka-grabe ang sakit na mararamdaman ko, mas madali siguro ito sa akin kung...kung lalaki ang gumawa sa akin nito.”

                Iyon ang huling mga salitang sinabi niya sa akin. Iyon na rin ang kahuli-hulihang pagkakataong magkakatinginan kami nang diretso sa mata.

ALAMAT

ANG ALAMAT


            Ayon sa maraming sabi-sabi, ang kapanhyunan ng mga alamat sa ating bansa ay nagsimula sa kauna-unahang panahon ng ating lahi at ang kaalaman natin ngayon ay hango sa saling-dila ng ating mga ninuno. Sa pagpapalipat-lipat na ito, maaaring nagkaroon ng mga pagbabago ang ating mga alamat. Gayunpaman, hindi nawawala ang katangianj nitong ilahad ang pinagmulan ng tao, bagay, lunana o mga pangyayari sa ating kapaligiran.
            Alinsunod naman sa mga poklorista, nahahati sa dalawang pangkat ang mga alamat. Una’y ang mga alamat nha nagpapaliwanag kung paano nagsilam ang bagay sa daigdig tulad ng mga bagay sa kalikasan: ilog, bundok, mga lawa, at iba pa, mga hayop, mga halaman, at iba pang kauri nito. Kasama rin sa pangkat na ito ang mga alamat na nagbibigay-katwiran kung bakit ang isang bagay, lunan o pangyayari ay ganito. Tulad ng mga alamat na nagpapaliwanag kung bakit ang buntot ng aso ay kumakawag o bakit ang mgta lamok ay umuugong kapag lumilipad.
            Ang ikalawang pangkat ng mga alamat ay yaong nagpapaliwanag o nagsasabi ng pinagmulan ng mga bagay-bagay. Kasama rito ang mga kuwento tungkol sa matatapang at makikisig na tao o mga bayani na matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan. Kabilang dito si Angalo ng Ilokano, Binag at Malana ng mga Ibanag, at Bernardo Carpio ng mga Tagalog bagamat impluwensya ng mga Kastila. Makikita sa mga tulad nito ang mga pangunahing tauhan sa mga epikong tulad ni Lam-ang ng mga Olokano, Tuwaang ng mga Manuvu. Agyu ng Bukidnon, at Bantugan ng mga Maranaw. Kasama rin sa pangkat na ito ang mga alamat tungkol sa mga di-kapani-paniwalang nilalang na pinaniniwalaan ng ating mga ninuno tulad ng mga duwende, engkantada, sirena, aswang, kapre, tikbalang, tiyanak at iba pa.

            Napatunayan ng maraming pag-aaral na ang kabangyaman ng ating mga alamat ay hindi gaanong natatarok. Marami pang mga alamat ang patuloy na nagpapasalin-salin sa bibig ng mga mamamayan ang hindi pa naisusulat. Isang hamon ito sa ating mga mag-aaral at sa mga alagad ng panitikan.

Sunday, June 30, 2013

Romantisismo

Sumibol ang Romantisismo noong bahagi ng siglo 1800 at pagpasok ng siglo 1900. Ibinabandila ng Romantisismo ang indibidwalismo kaysa kolektibismo, ang rebolusyon kaysa konserbatismo, ang inobasyon kaysa tradisyon, imahinasyon kaysa katwiran at likas kaysa pagpipigil. Dahil dito, itinuturing ang Romantisismo bilang isang pagtatakwil sa pagpapahalagang Klasismo tulad ng kaayusan, kapayapaan, pag-uugnay, ideya at rasyunal.

Ilan pang katangian ng Romantisismo ay ang malalim na pagpapahalaga ng kagandahan ng kalikasan; ng pagpapalutang ng damdamin kaysa isipan; ng pagkaabala sa mga henyo, bayani at pambihirang katauhan, ng pagkahirati sa internal na tunggalian, at ng mahiwaga at kababalaghan.

Ang terminong romantiko (maromantiko) ay unang lumitaw noong ika-18 siglo na ang ibig sabihin ay nahahawig sa malapantasyang katangian ng midyebal na romansa.

Ang inspirasyon para sa romantikong pamamaraan ay nagmula sa Pranses na pilosopong si Jean Rousseau at sa manunulat na Aleman na si Johan Wolfgang Van Goethe.

Tumagal mula 1750 hanggang 1870 ang Romantisismong kilusan sa literatura sa halos lahat ng bansa: Europa, Estados Unidos at Latin Amerika. Makikita sa panitikan ng panahon ng pagkahilig nito sa imahinasyon at sabdyektib na pamamaraan, kalayaan sa pagpapahayag at kalikasan.

Ang literaturang ito ay nagbibigay-diin sa pleksibilidad ng nilalaman, nanghihikayat sa pagbubuo ng kumplikado at mabilis na pangyayari sa mga kwento at pinapayagan ang pagsasanib ng iba't ibang uri at paksa (halimbawa: trahedya at komedya, kapangitan at inspirasyunal) at malayang estilo.

Masasabing may dalawang uri ang romantisismo: ang tradisyunal at ang rebolusyunasyo. Ang tradisyunal na romantisismo ay humihilig sa makasaysayan at pagpapanatili o pagbabalik sa mga katutubo at tradisyunal na pagpapahalaga tulad ng nasyunalismo, pagkamaginoo at pagka-Kristyano.

Ang rebolusyunaryong romantisismo naman ay bumabaling sa pagtatatag ng bagong kultura na may pagpupumiglas, kapusukan at pagkamakasarili.



Sanggunian:

Villafuerte, Patrocinio at Rolando A. Bernales.  2008. Pagtuturo ng/sa Filipino: Mga Teorya at Praktika.  Valenzuela City: Mutya Publishing House, Inc.

Saturday, June 29, 2013

Rejister


  1. Isang ispisipikong vokabularyo at/o balarila ng isang aktibidad o propesyon.
  2. Set ng mga salita o ekspresyon na nauunawaan ng mga grupong gumagamit nito na maaaring hindi nauunawaan ng mga taong hindi kasali sa grupo o hindi familyar sa profesyon, uri ng trabaho o organisasyong kinabibilangan.

Ang sosyolek ay maaari ring may okupisyunal na rehistro. Pansinin ang mga sumusunod na termino. Kung maririnig mo ang mga ito sa isang taong hindi mo kilala, ano ang agad mong iisiping trabaho niya?

  • notaryo
  • affidavit
  • kliyente
  • fiskalya
  • ace
  • fault
  • deuce
  • advantage


Sanggunian:

Hufana, Nerrisa L. 2010. Wika, Kultura, at Lipunang Pilipino. Iligan City: MSU-IIT.

Sosyolek


  1. Wikang ginagamit ng bawat partikular na grupo ng tao sa lipunan. Maaaring ang grupo ay nagkakaiba ayon sa edad, seks, uri ng trabaho, istatus sa buhay, uri ng edukasyon, atbp.
  2. Makikilala ang iba't ibang varayti ng wika sa pagkakaroon ng kakaibang rehistro na tangi sa pangkat na gumagamit ng wika.

Pansinin kung paanong inilalantad ng rehistro ng mga sumusunod na pahayag ang pinagmulan ng mga ito:

  • Wiz ko feel ang mga hombre ditech, day!
  • Wow pare, ang tindi ng tama ko! Heaven!
  • Kosa, pupuga na tayo mamaya.
  • Girl, bukas na lang tayo mag-iib. Mag-malling muna tayo ngayon.
  • Pare, punta muna tayo mamaya sa Mega. Mejamming dun, e.


Sanggunian:

Hufana, Nerissa. 2010. Wika, Kultura, at Lipunang Pilipino. Iligan City: MSU-IIT.

Idyolek

Ang mga Filipino na nag-uusap ay lubos na nauunawaan ang isa't isa. Ngunit wala sa kanila ang nagsasalita nang magkatulad. Maaaring ang dahilan sa pagkakaiba ay edad, seks, kalagayang pangkalusugan, laki, personalidad, kakayahang emosyunal, at tanging ugali. Ang bukod-tanging wika ng indibidwal ay tinatawag na idyolek. Malikhain at natatangi ang idyolek.

Iba pang kahulugan ng Idyolek
  1. May pekulyaridad sa pagsasalita ng isang indibidwal.
  2. Ang varayti ng wika sa personal na kakanyahan ng tagapagsalita, ang varayting ginagamit ng indibidwal.
  3. Idyosintrikong katangian na istatistikal tulad ng tendesyang gumagamit ng partikular na bokabularyo nang napakadalas.
  4. Madaling magbago depende sa lenggwahe na ginagamit sa bahay.
Ngunit kahit pa ang mga pangkat ay may kanya-kanyang varayti ng wikang ginagamit batay sa dimensyong heograpikal at sosyal, indibidwal pa rin ang paggamit ng wika. Sa madaling sabi, kahit pa sosyal ang pangunahing tungkulin ng wika, ang indibidwal na katangin ng bawat tao ay nakaiimpluwensya pa rin sa paggamit ng wika. Ito ang nagpapaiba sa isang indibidwal sa iba pang indibidwal. Bawat isa kasi ay may kani-kaniyang paraan sa paggamit ng wika.