Wednesday, August 3, 2011

Diptonggo

Ang mga diptonggo ng Filipino ay iw, iy, ey, ay, aw, oy at uy. Ito ay tumutukoy sa pinagsamang tunog ng isang patinig (a,e,i,o,u) at isang malapatinig (w,y) sa loob ng isang pantig. Ngunit kapag ang /y/ o /w/ ay napapagitan sa dalawang patinig, ito ay napapasama na sa sumusunod na patinig, kaya’t hindi na maituturing na diptonggo. Ang “iw”, halimbawa, sa “aliw” ay diptonggo. Ngunit sa “aliwan” ay hindi na ito maituturing na isang diptonggo sapagkat ang “w” ay napagitan na sa dalawang patinig. Ang magiging pagpapantig sa “aliwan” ay a-li-wan at hindi a-liw-an.
Narito ang ilang halimbawa ng diptonggo sa Filipino:

aliw labi’y aruy eywan totoy aray sabaw nowt
giliw puti’y kasuy eyto batsoy taray bataw helow
sisiw kami’y baduy reyna kahoy bahay kalabaw fown

Ang /iy/ sa kami’y, halimbawa, ayaw tanggapin ng iba bilang diptonggo sa katwirang dinaglat lamang daw ang “ay” at ikinabit pagkatapos sa “kami”. Paano raw ang kudlit (‘)? Linawain nating hindi binibigkas ang kudlit, na ang ating pinag-uusapan ay bigkas at hindi bantas. Pansinin na ang magiging transkripsyon ng “kami’y” ay /kamiy/. Dito ay litaw ang diptonggong /iy/.
Kung may salita tayong maibibigay upang lumitaw ang /ew/at /uw/, may pagdadaglat mang naganap o wala, tatanggapin nating diptonggo ang mga ito.

No comments:

Post a Comment