Sunday, September 9, 2012

Wikang Filipino


ANG WIKANG FILIPINO

            Ayon kina Barker at Barker (1993), ikinukunekta ng wika ang nakaraan, ang kasulukuyan at ang hinaharap. Iniingatan din nito ang ating kultura at mga tradisyon. Maaari raw mawala ang matatandang henerasyon, subalit sa pamamagitan ng wika, naipababatid pa rin nila ang kanilang mga ideya, tagumpay, kabiguan, at maging ang kanilang mga plano o adhikain sa hinaharap. Sa pamamagitan nito, ang mga sumunod at sumusunod pang mga henerasyon ay natututo o maaaring matuto sa nakalipas na karanasan at sa gayo’y maiiwasan ang muling pagkakamali o di naman kaya ay naitutuwid o maitutuwid ang mga dating pagkakamali. Masasabi kung gayon na sa pamamagitan ng wika ay umuunlad tayo sa mga aspektong intelektwal, sikolohikal, at kultural. Ganito rin kaya ang mangyayari sa inyo kung babalikan natin at susuriin ang kasaysayan ng ating wikang pambansang Filipino?


Kasaysayan ng Wikang Filipino

            Sa elementarya pa lamang, itinuturo nang ang Pilipinas ay binubuo ng mahigit sa 7,000 isla at napapalibutan din ng mga bundok, burol at iba pang mataas na anyong lupa, gayon din ng mga dagat, ilog at iba pang malalaki at malalalim na anyong tubig. Dahil sa ganitong heyograpikong katangian, hindi kataka-takang nagkaroon ang bansa ng maraming hiwa-hiwalay na etnolinggwistikong grupo na may sari-sariling katutubong wika. Sa mga pananaliksik ni Constantino (1990), nakitang mahigit sa apatnaraan (400) ang mga wika at wikain sa Pilipinas.
            Maiisip lamang na ang ganitong kaligirang pangwika ang isa sa mga pangunahing dahilan ng malawakang pagkakawatak-watak ng mga mamamayang Pilipino bago pa dumating ang mga Kastila hanggang sa kasalukuyan. Bakit nga kaya malimit na natatala sa kasaysayan ng bansa ang kawalan ng pagkakaisa ng damdamin at pananaw ng mga Pilipino tungo sa kanilang mga layunin at hangarin para sa bayan? Bakit malimit silang hindi nagkakaunawaan sa kanilang mga iniisip kaya madalas silang magkaroon ng samaan ng loob at inggitan?
            Sa panahon ng mga Kastila, matagumpay na lalong nahati at lubos na nasakop ng mga dayuhan ang mga Pilipino sa loob ng mahigit na tatlong daang (300) taon. Hindi nila itinuro ang wikang Kastila sa mga katutubo. Mas ginusto nilang manatiling mangmang at hiwa-hiwalay ang mga ‘indiyo” sa takot na mamulat ang mga ito sa mga korapsyong nagaganap sa paligid at matutong maghimagsik laban sa kanilang mapang-aping pamamahala. Bunga nito, ang mga prayleng Kastila mismo ang nag-aral ng katutubong wika ng iba’t ibang etnolingwistiko grupo. Mga wika ng mga katutubo ang naging midyum ng komunikasyon at ang mga ito rin ang ginamit ng mga prayleng Kastila sa pagtuturo ng relihiyon sa iba’t ibang grupo. Maiisip lamang na tumagal ang pananakop ng mga Kastila sa kabila ng kanilang mga pagmamalabis pagkat hindi nakapagsanib ang lakas at talino ng maraming Pilipino dahil sa kawalan ng iisang wika.
            Ang unang pagsisikap na magkaroon tayo ng opisyal na wikang gagamitin sa pakikipagtalastasan ng mga Pilipinong nagmumula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas at gumagamit ng iba’t ibang wikain ay unang naitadhana sa Saligang Batas ng Biak-na-Bato noong 1897 pagkatapos ng ginawang pag-aalsa ng mga Pilipino laban sa pamahalaang Kastila noong 1896. Nasasaad sa probisyon ang ganito: “Ang wikang Tagalog ang siyang magiging opisyal na wika ng mga Pilipino.” Ang probisyong ito ay bunga ng nakitang pagkakaisa ng damdaming Pilipino dahil sa mga akdang nasulat sa wikang Tagalog noong panahon ng propaganda. Ang pagkakaisang ipinamalas ng mga sumapi sa samahang pinangungunahan ni Andres Bonifacio ang lalong nagpatibay sa paniniwala ng mga lider na Pilipino na ang daan sa pagkakaroon ng kasarinlan ng mga Pilipino ay isang wikang pambansa. Ito ang lakas na siyang lalagot sa pagkakagapos ng mga mamamayang Pilipino.
            Taliwas iyon noon panahon ng Amerikano na Ingles ang wikang opisyal ng bansa. Ginagamit ito na midyum ng instruksyon sa mga paaralang pampubliko. Ito ang itinakda ng Philippine Commission sa pamamagitan ng Batas 74 noong 1901. Bukod dito, mga paksang pinag-aralan sa loob ng klase ang kasaysayan, kultura, literatura, ekonomiya at pulitika ng Amerika. Sa panahong ito nilimitahan ang pag-aaral ng maraming paksang nauukol sa Pilipinas kaya naman hindi naging interasado ang mga karaniwang estudyante sa mga bagay na may relasyon sa sariling bansa at kultura. Higit nilang tinangkilik ang mga bagay na Amerikano. Hindi kataka-takang nagsimulang madevelop noon ang kolonyal na mentalidad ng nakararaming mamamayan na malawakang nakikita at nadarama sa bansa hanggang sa kasalukuyang henerasyon.
            Gayon paman, sa pamamagitan ng sarbey ng Monroe Komisyon noong 1925, napatunayang may kakulangan pa rin sa paggamit ng Ingles bilang wikang panturo sa level primarya. Naging mabagal matuto ang mga batang Pilipino kung Ingles ang wikang panturo sa mga paaralan. Kaya nga’t noong 1931, nagmungkahi si Butte, ang bise gobernador-heneral na siya ring kalihim ng pampublikong edukasyon, na gamiting midyum panturo sa primarya ang vernakular ng iba’t ibang lugar.
            Sa panahong ito nagkaroon ng kasalimuutan ang isyu ng tungkol sa wika. Hindi malaman kung ano ang magiging opisyal na wika ng mga Pilipino – Kastila, Ingles o Tagalog. Sinabi ni Rafael Palma, pangulo noon ng UP na ang Kastila  o Ingles ay maaaring maging wikang opisyal ng Pilipinas. Ang sinabing ito ni Rafael Plama ang naging dahilan ng pagtuligsa sa kanya ni Juan L. Arsciwals sa isang artikulong lumabas sa pahayagang Taliba. Ang pamagat ng artikulo ay “Kaawa-awang Wikang Ayaw Pagitawin.” Sinabi ni Arsciwals na isang kahibangan na hinahangad ng mga Pilipino na makalaya sa pamayanan at pagkatapos ay hahayaan nating matalian ang ating dila ng wikang banyaga.
            Sa panahon ng panunungkulan ng Pangulong Manuel L. Quezon bilang pangulo ng Pilipinas ay nadama niya ang kahirapan ng pakikipagtalastasan sa mga mamamayan ng Pilipinas na hindi marunong ng Ingles o Kastila. Sa tuwing magtatalumpati siya sa pook ng mga hindi Tagalog ay hindi niya alam kung anong wika ang gagamitin upang maihatid niya at maunawaan ng mga mamamayan ang mensaheng gusto niyang iparating sa kanila. Ito ang nagmulat sa kanya na talagang kailangang-kailangan ng mga Pilipino ang isang wikang pambansang magiging daan ng pakikipagtalastasan at pag-uunawaan ng mga Pilipino tungo sa pagkakaisa at pag-unlad ng bansa. Noong 1935 nang suportahan niya ang pagsisikap na magkaroon tayo ng isang wikang pambansa. Iniharap sa kanya ng isang pangkat na binubuo nina Lope K. Santos, Cecilio Lopez, Sofronio Calderon, Jose N. Sevilla at iba pa ang isang mungkahi tungo sa pagkakaroon ng isang wikang pambansa. Tagalog ang iminungkahing maging wikang pambansa at wikang opisyal ng Pilipinas.
            Iyon ang naging daan upang magkaroon ng pormal na probisyon na magkaroon tayo ng wikang pambansa.
            Sa Artikulo Blg. XIV, Seksyon 3 ng Saligang Batas ng 1935 ay sinasabi ang ganito. “Ang Kongreso ay gagawa ng hakbang tungo sa pagpapatibay at pagpapaunlad ng isang wikang pambansa na ibabatay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika sa kapuluan. Hangga’t ang batas ay hindi nagtatakda ng iba, ang mga wikang Ingles at Kastila ay mananatiling mga wikang opisyal.”
            Nobyembre 13, 1936 nang pagtibayin ang Batas Komonwelt Blg. 184 na nagtatag sa tanggapan ng Surian ng Wikang Pambansa (SWP na naging Linangan ng mga Wika sa Pilipinas o LWP, at ngayo’y Komisyon sa Wikang Filipino o KWF) na binigyan ng kapangyarihang gumawa ng pag-aaral sa lahat ng mga sinasalitang wika sa kapuluan.
            Humirang ang Pangulong Manuel L. Quezon ng pitong palaaral nga mga Pilipino na siyang kauna-unahang bumuo sa pamunuan ng sanasabing tanggapan. Sila ang gumawa ng pag-aaral sa mga umiiral na katutubong wikain sa buong kapuluan. Mula sa kalalabasan ng pag-aaral ay pipiliin ang magiging wikang pambansa ng Pilipinas. Ang pitong palaaral na Pilipino ay sina:

            Jaime C. de Veyra (Bisayang Samar)        Tagapangulo
            Cecilio Lopez (Tagalog)                             Kalihim at Punong Tagapagpaganap
            Santiago A. Fonacier (Ilokano)                   Kagawad
            Felimon Sotto (Bisayang Cebu)                 Kagawad
            Felix S. Salas Rodriguez (Hiligaynon)      Kagawad
            Casimiro F. Perfecto (Bikolano)                 Kagawad
            Hadji Butu (Muslim)                                   Kagawad

            Mula sa pagkakahanay ng mga taong bumuo sa lupon na gagawa ng pag-aaral upang piliin ang wikang pambansa ay makikita na sila ay mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas at nagsasalita ng iba-ibang wika. Kaya, masasabing sa ginawang pamimili ay hindi nangibabaw ang tinatawag na “regionalism”. Ang lupon ay gumawa ng kraytirya na siyang ginamit sa pagpili ng wikang magiging batayan ng wikang pambansa. Batay sa kraytirya, ang wikang pipiliin ay yaong:

1.      Ginagamit ng nakararaming Pilipino, lalo na sa Maynila na siyang sentro ng edukasyon at kalakalan.
2.      Ginagamit sa pagsulat ng pinakadakilang panitikang Pilipino.
3.      Wikang may pinakamaunlad na balangkas at mayamang mekanismo at madaling matutuhan ng mga mamamayang Pilipino.

            Sa pagpili ng wika, kinonsidera nila ang sumusunod na mga walong (8) pangunahing wika ng bansa – Tagalog, Sebwano, Ilokano, Hiligaynon, Bikol, Waray, Kapangpangan at Pangasinense. Lumabas sa pag-aaral na ang wikang Tagalog ang nakatugon sa mga krayteryang kanilang binuo. Kaya noong Disyembre 30, 1937 ay lumabas ang isang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 na nagsasabing Tagalog ang batayan ng wikang pambansa ng Pilipinas. Nagkabisa ang nasabing kautusan pagkatapos ng dalawang taon – Disyembre 30, 1939.
            Sa pamamagitan ng isang Kautusan Pangkagawaran na pinalabas noon ng kalihim ng Pagtuturong Pambayan, Jorge Bocobo, sinimulang ituro ang wikang pambansa sa mga paaralang publiko at pribado noong Hunyo 19, 1940. Unang itinuro ito sa mga mag-aaral na nasa ikaapat na taon ng mataas na paaralan at sa mga nasa ikalawang taon ng Paaralang Normal nilang pagtugon sa Sirkular Blg. 26, s. 1940 na nilagdaan ng Direktor ng Edukasyon, Celedonio Salvador.
            Kung sa kasaysayan ng ating bansa ay malaking pagsalanta ang nagawa ng mga Hapones, sa kasaysayan ng ating wikang pambansa ay isang magandang pagkakataon ang binuksan nila nang sa panahon ng kanilang pananakop ay ipaalis nila sa paaralan ang Ingles at ipalit ang wikang sarili bagamat itinuro rin ang wikang Niponggo sa lahat ng antas. Sa bisa ng Ordinansa Blg. 13, ginawang mga opisyal na wika ng bansa ang Tagalog at Niponggo. Ipinagbabawal din ang pagsusulat sa Ingles. Sa panahong ito masasabing lubos na namulaklak at umunlad ang wikang pambansa, pati na ang literaturang Pilipino.
            Nang matapos ang digmaan, Hulyo 4, 1946 na dating itinuring na Araw ng Pagsasarili, ipinahayag na Tagalog ang opisyal na wika ng Pilipinas kasama ng Ingles at Kastila batay sa Batas Komonwelt Blg. 570. Naging sabjek ito sa lahat ng grado sa elementarya at maging sa lahat ng taon sa sekundarya. Ngunit sa panahong din ito nabalam na naman ang pagpapaunlad sa pambansang wika dahil muling namayagpag ang wikang pagpapaunlad sa pambansang wika dahil muling namayagpag ang wikang Ingles bilang midyum ng komunikasyon sa mga pahayagan at sa gobyerno.
Ilang taon ding hindi gaanong nabigyan ng pansin ang pagpapalaganap sa wika hanggang sa dumating ang panunungkulan ng Pangulong Ramon Magsaysay bilang pangulo ng bansa. Noong Marso 26, 1954 ay nilagdaan niya ang Proklamasyon Blg. 12 na naging daan ng pagdiriwang ng Linggo ng Wika noong Marso 29 hanggang Abril 4, 1954 bilang parangal kay Francisco Balagtas dahil ika-2 ng Abril ang kaarawan ng makata.
Nang sumunod na taon Setyembre 23, 1955 ay sinusugan ang Proklamasyon Blg. 12. Lumabas ang Proklamasyon Blg. 186 na naglilipat sa petsa ng pagdiriwang ng Linggo ng Wika sa Agosto 13 hanggang Agosto 19. Ang huling araw ay itinapat sa kaarawan ng Pangulong Quezon na siyang binigyan ng karangalang maging Ama ng Wikang Pambansa dahil sa kanyang hindi mapapantayang pagsisikap na magkaroon tayo ng wikang pambansa.
Taong 1959 nang ipahayag ng kalihim ng edukasyon, Jose E. Romero sa pamamagitan ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 7 na ang wikang pambansa ay tatawaging Pilipino. Higit na binigyan-halaga noon ang paggamit ng wikang ito sa iba’t ibang larangan kaya’t naging mas malaganap ito. Pinangalan sa Pilipino ang mga opisina at gusali ng gobyerno. Isinalin din sa wikang ito ang mga dokumentong panggobyerno tulad ng panunumpa sa trabaho, pasaporte at visa, sertipiko at diploma ng paaralan, pati na ang pamuhatan ng mga korespondensya opisyal. At lalo pang lumaganap ang paggamit ng pambansang wika nang ito’y malawakang gamitin sa iba’t ibang level ng edukasyon, pati na sa mass media kabilang ang telebisyon, radyo, komiks, magasin at diyaryo.
Gayunman, sa kabila ng mga pagbabagong ito ay hindi pa rin matanggap ng ibang sektor ang Pilipino bilang wikang pambansa. Nagkaroon ng digmaang pangwika. Naghari sa damdamin ng mga di-Tagalog ang rehiyonalismo. Nakadarama sila ng damdaming kakulangan, na sila’y konokolonya o napasailalim ng mga Tagalog. Para sa kanila, ang katawagang Pilipino ay pagbabagong-bihis lamang ng wikang Tagalog.
Naging isang magandang oportunidad para sa mga opositor ng wikang Pilipino ang ginawang pagpapawalambisa sa 1935 Konstitusyon sa panahon ng batas militar. Sa ginanap na 1971 Kombensyong Konstitusyunal, bilang tugon sa nangyayaring digmaang pangwika na nagaganap sa panahong iyon, binuo ang isang sab-komite – Komite sa Wikang Pambansa na siyang namahala tungkol sa isyu sa Wikang Pambansa at nagsagawa ng mga rekomendasyon sa palisi na susundin. Inirekomenda ng Komite na alisin ang Pilipino at palitan ng isang bagong “komon na wikang pambansang tatawaging FILIPINO batay sa mga katutubong wika sa bansa at maging ang asimilasyon ng mga salita mula sa mga dayuhang wika” (Tupaz 1973 sa Llamzon, 1977). Inirekomenda  rin ng nasabing Komite ang pagpapatuloy ng Ingles at Kastila bilang mga wikang opisyal. Ganito ang isinaad ng probisyong pangwika sa 1973 Konstitusyon, Art. XIV, Sek. 3:

Ang Batasang Pambansa ay dapat gumawa ng hakbang tungo sa pagpapaunlad at formal na pagpapatibay ng isang panlahat na wikang pambansa na kikilalaning Filipino.

            Sa kapasidad ng wikang Filipino bilang opisyal na wika, patuloy itong itinuro sa mga ekswelahan mula elementarya hanggang sa lebel tersyarya. Patuloy itong ginamit bilang midyum ng pagtuturo lalo na sa Unibersidad ng Pilipinas kung saan malakas na isinusulong ang paggamit sa wikang pambansa bilang wika ng akademya.
            Ngunit ang pag-unlad sa wikang pambansa ay sa maikling panahon lamang dahil na rin sa maraming makukulay na pulitikal na kaganapan sa bansa ng panahong iyon, lalo na nang mapailalim sa Batas Militar ang Pilipinas. Naganap lamang iyon sa naging resulta ng Rebulusyon sa EDSA noong Pebrero, 1986 nang napatalsik si Ferdinand Marcos at pagwalambisa sa 1973 Konstitusyon. 
Noong Oktubre 12, 1986, pinagtibay ang implementasyon ng paggamit ng Filipino bilang pambansang wika, gaya ng isinasaad sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas (Artikulo XIV, Seksyon 6):

            Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabangin at pagyamanin pa batay sa umiiral na mga wika sa Pilipinas at sa iba pang wika.

Itinadhana din ng Konstitusyon na dapat magsagawa ng mga hakbang ang pamahalaan para puspusang maitaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistema ng edukasyon. Ayon sa Artikulo XIV, Seksyon 7:

            Ukol sa mga layunin ng komunikasyon at ng pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino at, hangga’t walang itinatadhana ang batas, Ingles.

            Ang mga wikang panrehiyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehiyon at magsisilbing pantulong ng mga wikang panturo roon.

            Dapat itaguyod nang kusa at opsyunal ang Kastila at Arabik.

Nagpakita nang lubos na suporta ang Dating Presidente Corazon C. Aquino sa pagpapalaganap at paggamit ng Filipino sa pamahalaan. Ayon pa niya, “Ang pagpupunyaging gamitin ang Filipino sa pamahalaan ay makatutulong sa sambayanan na maitindihan at lalong mapahalagahan ang mga programa ng gobyerno, pati na ang mga proyekto.”
Ngunit naging mabalam naman ang pag-unlad ng wikang pambansa sa panunugkulan ni Pangulong Fidel Ramos. Ito ang panahon ng globalisasyon kung saan umusbong ang mga bagong teknolohiya. Nagkonsentreyt ang mga Pilipino lalung-lalo na ang pamahalaan sa syensya at teknolohiya. Na karaniwan ng ang wikang Ingles ang wikang ginagamit.
Marami ang nag-aakalang susulong ang Filipino nang umupo si Pres. Estrada. Ginamit niya ang Filipino sa kanyang inagural na talumpati, ngunit sa paglipas ng mga araw, ang talumpati sa Filipino ay dumalang pabor sa Ingles. Sa larangan ng edukasyon, ayon kay Fameronag (1999) “nasa tamang lugar ang puso ng Pangulo.” Nais nitong iangat ang kondisyong ekonomiko ng bansa sa pamamagitan ng de-kalidad na edukasyon para sa mahihirap at gayun din para maihanda ang mga kabataaan para sa global na kompetisyon. Subalit ayon din sa kanya, “Sa biglang tingin ay kapuri-puri ang programa ngunit sa malapitan ito’y nakapanlulumo dahil walang binabanggit tungkol sa wikang Filipino.”
Nang lumabo ang kinabukasan ng Filipino sa pagkakapatalsik kay Estrada noong Enero 20, 2001 at pinaupo si Gloria Macapagal-Arroyo bilang ika-14 na Presidente ng Republika ng Pilipinas. Hayagan niyang ipinoroklama sa telebisyon ang pagsuporta sa wikang Ingles bilang midyum na pagtuturo.
Hindi maitatago na marami ang sumusuporta sa paggamit ng wikang Ingles sa pamahalaan at maging sa edukasyon. Dahil para sa mga maka-Ingles, ang wikang Ingles ang efisyenteng instrumento sa paghanap ng trabaho. Naniwala silang kapag mahusay magsalita sa banyagang wikang ito, malamang na magkamit ng mataas na posisyon sa gobyerno ang isang tao. Kung komersyo naman ang pag-uusapan, inakalang ang mahuhusay lamang magsalita ng Ingles ang maaaring makipagnegosyo. Winalang-bahala ng mga maka-Ingles ang kahalagahan ng sariling wika sa pagpapahalaga sa kultura, pati na sa pagpapaunlad at pagsulong ng ekonomiya at pulitikal na sistema ng buhay ng mga Pilipino (Magracia at Santos, 1988).
Ang ganitong urong-sulong na palising pangwika ay pumipigil sa modernisasyon ng wikang Filipino partikular na sa intelektwalisasyon nito. Ang pag-angkop ng wika para magamit bilang wika ng akademya ay nasa patuluyang paggamit nito.
Ngunit hanggang sa kasalukuyan, may malalaking katanungan pa ring nangangailangan ng kasagutan, saan nakasasalalay ang tunay na pagiging wikang pambansa ng wikang Filipino?
Masasabing ang tagumpay at malawakang pag-unlad pa ng wikang pambansa ay nasa taong bayan mismo. Ang anumang lehislasyon o palising pangwika ay di magtatagumpay kung ito’y tatanggihan ng mga taong gumagamit nito. Sa kabutihang palad, ang wikang ito ay ginagamit naman sa mga programang pantelebisyon, pelikula, radyo, magasin at sa anumang pahayagan. Ngunit minsan naman ay may mga Pilipino pa rin ang tuluyang sumupurta sa paggamit ng wikang Ingles.
Ang akademya at pamahalaan ay hindi masyadong kakikitaan nang lubos na suporta upang mapalaganap ang Filipino bilang wika ng literasi. Dahil marami pa kasi sa mga grupo, propesor, abogado at iba pang opisyales ng pamahalaan ang urong-sulong sa ganap na paggamit ng Filipino. Marami pang akademisyan ang hindi nakakakita ng bentahe ng paggamit ng sariling wika upang mas mabisang makapagsagawa ng mga kognitibo at matataas na gawaing pangkaisipan ang kanilang mga estdyante. Marami pang huwes at abogado ang ayaw tumanggap ng katotohang wikang nauunawaan ng mga ordinaryong tao ang dapat gamitin sa korte upang maintindihan ng akusado ang kanyang kaso at lubos na maipagtanggol ang sarili, Marami pa ring pulitiko ang gumagamit lamang ng wikang pangmasa sa panahon ng kampanya at mas pinapaboran ang wikang banyaga kapag nahalal na. Mabibilang lang sa daliri ang mga senador at konggresista ang nangahas na magsalita wikang Filipino.
Sa ngalan ng globalisasyon, nag-aalala ang mga taong ito – lalo na ang nasa akademya – na maging mangmang sa mga banyagang wika, partikular sa Ingles, ang mga mag-aaral. Ayaw nilang pakinggan ang pananaw na hindi naman talaga ipinagbabawal, kundi bagkus pang hinihikayat, ang pagkatututo at paggamit ng Ingles o anumang pantulong na wika para sa mga akademiko at pang-internasyunal na layunin. Ang mahalaga lamang ay mas matalinong makapagpapahayag ng sariling kaisipan at saloobin ang mga estudyante sa loob at labas ng klase – na tiyak lamang na mas mabisang magagawa sa wikang mas naiintindihan at malawakang ginagamit. Ang importante lamang ay hindi lubhang mailayo ang damdamin, pag-iisip, at pagpapahalaga ng mga estudyante sa mga bagay  na sarili, na di maitatangging nangyayari kapag banyagang wika ang karaniwan at malawakang ginagamit.


Depinisyon ng Wikang Filipino

            Natalakay sa unahan ang naging ebolusyon ng wikang Filipino. Buhat sa mga nabanggit na kaalaman may nabuong iba’t ibang depinisyon tungkol sa wikang pambansa. Gayang mga sumusunod:

            Pambansang linggwa franka. Filipino ang wikang gingamit ng dalawa o higit pang tao na magkaiba ang katutubong wika at kabilang sa pagkaibang etnolinggwistikong grupo. Sa Pilipinas na binubuo ng maraming wika, sinasabing pambansang linggwa franka ang Filipino dahil ito ang ginagamit ng mga tao mula sa iba’t ibang katutubong wika o magkakaiba ang pinaggalingang probinsya upang magkaunawaan at makipag-ugnayan. Halimbawa, ito ang ginagamit ng isang Tausug kapag nakikipag-usap sa isang Ilokano.

            Wikang Pambansa. Nakapaloob sa Konstitusyong 1987 ng Republika ng Pilipinas ang Filipino bilang wikang pambansa. Filipino ang ating wikang pambansa dahil sa wikang ito tinatalakay ang mga bagay-bagay ukol sa bansa na naiintindihan ng bawat mamamayang Pilipino. Ito ang ginagamit at gagamitin sa pakikipag-ugnayan ng mga Pilipino.
            Ang ating wikang pambansa na Filipino ay batay sa umiiral na mga wika sa Pilipinas at iba pang wika. Habang ang Filipino’y nabubuo, patuloy itong paunlarin ay payayamanin sa tulong ng mga katutubong wika at maging dayuhan man. Ang totoo, dahil sumusulong ang ating karanasan bilang isang sambayanan at nagbabago ang ating lipunan, darami ang bokabularyo nito at magbabago ang wikang Filipino.

            Opisyal na Wika sa Komunikasyon.  Ginagamit ang Filipino sa opisyal na komunikasyon. Nasa Filipino ang liham kapag sumusulat sa isang sangay o ahensya ng gobyerno o vice versa at kapag nagsusulatan ang kapwa sangay o ahensya. Ang wikang Filipino ay ginagamit sa:

a. deliberasyon sa lehislatura at pagsulat ng mga batas;
b. pag-isyu ng mga deskrito at kautusang ehekutibo;
a.      pormulasyon ng mga pambansang patakaran;
b.     paghahanda ng mga impormasyong pampubliko kaugnay ng mga opisyal na programa ng gobyerno;
c.       pagdaraos ng mga paglilitis at pagpapasiya ng hukuman;
d.     pagsulat ng memorandum at iba pang komunikasyon;
e.      mga opisyal na form at/o dokumento (lisensiya, sertipiko, pasaporte at iba pa); at
f.       mga tungkulin at gawain ng estado
           
            Sa paggamit ng Filipino sa opisyal na komunikasyon maunawaan ang pinag-uusapan ng mga lider ng ating bansa kaya higit na lalakas ang loob ng mga mamamayan na makilahok. Nabibigyan ang mamamayan ng kapangyarihan sapagkat aktibong bahagi sila ng pambansang usapin. Halimbawa, kapag may talakayan o hearing ukol sa isang isyu sa Senado at nasa Filipino ang talakayan, maiintindihan ito ng masa kaya makapagtatanong, makapupuna o makasasali ang bawat isa.

            Opisyal na wikang panturo.  Kinikilala ang Filipino bilang mabisang wika ng pagtuturo at pagkatuto. Bilang opisyal na wikang panturo, ginagamit na ang Filipino sa pagtuturo at pag-aaral sa iba’t ibang disiplina ng kaalaman at sa lahat ng antas ng edukasyon. Layunin nitong mapabilis ang pagkatuto ng mga estudyante, maiangat ang antas ng literasi ng taong bayan, at malinang ang kaisipang siyentifiko at pagpapahalagang Pilipino.

8 comments:

  1. Can i have you full name.? For my citation.. tnx

    ReplyDelete
  2. Can I please know your resources(complete url or the title of the book and the name of the author)? I need it for additional information since I and my colleagues are conducting a research on the topic. Thank you. I am a college professor btw and we just use the web for extra details that we dont find on the library and other resources.

    ReplyDelete
  3. May I use this article for my Thesis?

    ReplyDelete