Saturday, September 8, 2012

Bagong Guro ni alvinringgo


“Ideyal” – isa ito marahil sa mga salitang angkop na makakapaglarawan sa mga bagong guro. Mainit-init pa mula sa kolehiyo, sariwa pa sa kanilang kamalayan ang lahat ng prinsipyong pedagohikal, mga makabagong pamaraan at istratehiya sa pagtuturo, mga hakbangin sa paglikha ng pagsusulit at iba pang bagay na may kaugnayan sa edukasyong kanilang natutunan sa pag-aaral. Hindi pa man nagsisimula ang aktuwal na karera’y nag-aalab na sila sa pag-iisip kung paano ipakikilala sa nakagawiang sistema ang sariling uri nila ng pagtuturo, lilikha ng sariling pangalan at patutunayan ang kakayahan.
Noong una, maraming bagay ang ninais kong palitan sa paaralang aking pinagtuturuan dahil pakiramdam ko, di tumutugma ang mga ito sa sarili kong pilosopiya sa pagtuturo. Halimbawa, ninais kong tanggalin ang sistema ng pagtatambal ng mga guro sa pagtuturo ng iisang antas dahil paniwala ko, mas mapapabilis ang pagtatrabaho kung wala ka nang partner teacher na kailangang sangguniin hinggil sa mga bagay na gusto mong gawin. Tutol din ako noon sa pagkakaroon ng kuwaderno sa kurso dahil paniwala ko’y magiging instrumento lang ito ng mga mag-aaral sa “pagloloro” o sa pag-uulit ng mga impormasyong nakatala sa kanilang kuwaderno tuwing talakayan. Gayunpaman, sa paglipas ng panahon, sa aktuwal kong pagdanas ng pagtuturo, natuklasan ko ang dahilan sa likod ng ilang gawi sa pag-aaral na noong una’y inakala kong walang saysay. Napagtanto kong ang pagkakaroon pala ng tambala’y isang paraan upang matiyak na nagkakaroon ng magkakatulad na saklaw ng pagtalakay ang mga klase at pantay-pantay ang kanilang natututunan. Nakakatulong naman ang pagtatabi ng isang kuwaderno upang magawang imortal ang mahahalagang araling tinalakay sa klase at mabalik-balikan kailanman kailanganin.
Bukod sa pakikibagay sa sistema ng paaralang pinagtuturuan kung saan pinagtatagpo ng bagong guro ang nakalipas at kasalukuyan, isa pang adjustment na kailangan niyang pagdaanan ang pakikibagay sa komunidad ng paaralan, kung saan kabilang ang administrasyon, mga kapwa-guro, iba pang kawani at syempre, mga mag-aaral. Sa simula’y nakikiramdam siya. Tahimik lang siya sa kanyang sariling mesa o angking sulok sa faculty room. Inaabala niya ang kanyang sarili sa kung ano ang maaaring pagkaabalahan, huwag lang magmukhang-tanga sa kawalan ng makakausap (o sadyang hindi pakikipag-usap, kahit may mga kasama naman). Hindi siya ang unang gumagawa ng hakbang para makipagkilala at naghihintay lang siya ng taong lalapit sa kanya para kausapin siya.
Bilang bagong guro, nakaramdam ako noong una ng pagkailang nang tangkain kong kaibiganin ang mga kasamahan sa trabaho dahil sa agwat ng mga gulang namin. Ang iba nga’y matagal nang nagtuturo sa paaralan at may posisyon pang hinahawakan, ngunit kinailangan kong ituloy pa rin ang pag-abot sa kanila. Nakatulong naman ito dahil nabasag ang pakiramdam ko ng pagiging baguhan at nabahaginan nila ako ng karunungan ng isang datihan na. Mas mabilis akong nagkaroon ng kapanatagan sa sarili na nakatulong sa akin para makakilos nang hindi nag-aalangan o nahihiya. Ganito rin ang ginawa ko sa mga administrador at maging sa mga karaniwang kawani ng paaralan . Sa una, maiisip marahil na nasa pedestal ang mga taong nabanggit at mahirap abutin ngunit sila’y mga tao ring makakausap at minsan pa nga’y makakabiruan. Kapag naman may pulong ang mga guro, naglalakas-loob akong makibahagi. Bago man ang aking tinig sa kanilang hanay, batid kong marami akong maiaambag na bago. Dinadaig ko ang aking hiya at nagbubunga naman ito dahil pinakikinggan nila ang mga pananaw ko. Pagdating naman sa mga mag-aaral, inaangkin ko sila bilang akin. Hindi ko sila itinuturing na iba kaya nagiging natural ako sa pagtuturo. Kapag natatawa ako, tatawa ako nang malakas. Kapag may di ako magandang puna tungkol sa kanilang ugali o gawa, sinasabi ko ito nang walang pagpapanggap. Masasabi kong naibigan ako ng aking mga mag-aaral sa ganitong pakikitungo dahil nakakaramdam din sila ng kalayaang maging sila, tulad kung paano nila nakita ang “tao” sa mga guro nila.
Bukod sa mga nabanggit, paano nga ba higit na masisiyahan ang isang bagong guro sa kanyang trabaho at mas magtatagal dito? Narito ang ilan sa mga mungkahing hakbang na bunga ng pansariling karanasan at personal na pagninilay-nilay:
1. Sulitin ang panahon sa pagtatrabaho.
Tunay ngang maraming trabahong hinihingi ang propesyon ng pagtuturo. Sa paaralan na lang namin, bukod sa mga banghay-aralin, kagamitang pampagtuturo, mga pagsusulit at mga report na dapat ihanda, may mga karagdagan pa kaming gawain tulad ng paghahanda ng mga modyul at implementasyon ng mga ito para sa community outreach at interest groups. Mga tagapayo rin ang iba sa amin na bukod sa pagsasakatuparan ng mga gawaing klerikal, tulad ng pagpapanatili ng kaayusan sa klase, ay nagpoproseso rin ng mga mag-aaral na may mga problemang pang-akademiko o personal. Gayunpaman, maaaring maisakatuparan ang lahat ng ito kung magkakaroon ng matalinong paggamit ng oras. Mula sa paglalapag ng bag sa pagpasok sa umaga hanggang sa pagtunog ng bell na hudyat ng pagtatapos ng pinakahuling klase sa hapon, dapat magtrabaho ang isang guro. Dapat tiyakin niyang sa bawat sandaling lumilipas, may isa, dalawa o higit pang gawain siyang natatapos. Hindi nakakatulong ang matagal na pagkain at pagpapahinga, labis na pakikipagkuwentuhan o sobrang paglilibang, gaya ng pag-iinternet. Sa halip, nagiging daan lang ang mga ito upang hindi maging produktibo ang araw at matambak ang mga gawain sa susunod na araw, na lalong nakapagpapasikip sa mundo ng isang guro at umaabuso sa kanyang katawang-lupa.
2. Iwaksi ang makitid na pag-iisip.

Maraming bagong guro ang may pakiramdam na parang nalulusaw na mantikilya sa mainit na kawali. Dahil masyado silang konsyus sa kanilang imahen at sa impresyon sa kanila sa unang taon ng pagtuturo, marami ang kumikitid ang pag-iisip. Halimbawa, kapag napuna sila ng koordineytor dahil sa pagkakamali sa isang paksang-araling tinalakay o ng mismong punongguro dahil sa di-mainam na pangangasiwa ng klase, pakiramdam agad nila’y “basa na ang kanilang papel” at katapusan na ng kanilang propesyon. Sa ganitong mga pagkakataong napupuna ang pagtuturo ng isang bagong guro, sa halip na tortyurin niya ang kanyang sarili sa pag-iisip ng mga di-magagandang imaheng inaakala niyang nasasaisip ng kanyang mga superyor, dapat magkaroon siya ng bukas na isip at tanggapin ang mga puna. Dapat niyang mapagtantong hindi inilalahad ang naturang mga puna upang durugin ang kanyang pagkatao kundi upang lalo siyang pandayin tungo sa pagiging mas mabuting guro. Walang sinumang guro, gaano man siya kadakila, ang malaya sa pagkakamali. Hindi ba't lalo ring humuhusay ang isang guro kapag tinatangka niyang magbago at hindi na gawin pa ang mga pagkakamaling naipuna sa kanya?
3. Maggawad ng panahon para magsaya kasama ang mga kapwa-guro o kaibigan.
Bagamat iminumungkahi ang pagsulit sa bawat araw para sa pagsasakatuparan ng mga gawain, ipinapayo rin ang paglabas upang magsaya. Maaaring magtungo sa isang videoke bar para magkantahan, sa isang comedy bar para humalakhak, sa isang court para maglaro ng badminton o sa mga bagong restawran para subukan ang mga putaheng hindi pa natitikman. Dapat tuklasin ng guro ang gawaing magpapasaya sa kanya at dito ibuhos ang lahat ng stress na dulot sa kanya ng trabaho. Magdudulot ang hakbang na ito ng mapagpalayang pakiramdam ng kapahingahan.

4. Mahalin ang propesyon at angkinin ito.

Hindi dapat ituring ng isang bagong guro na salapi lang ang nag-uugnay sa kanya at sa paaralang kanyang pinagtuturuan. Hindi rin niya dapat tingnan ang mga kapwa-guro at mag-aaral bilang mga katrabaho lang. Hindi dapat maging mekanikal ang pagtuturo kundi dapat panatilihin ang puso para rito. Halimbawa, sa paggawa ng banghay-aralin o paghahanda ng isang pagsusulit, hindi dapat isakatuparan ang gawain para lang masabing “natapos na ito” kundi dapat, maging bahagi rin ng proseso ang pagtiyak ng guro na may kalidad ang kanyang ginagawa para sa lubusang ikauunlad ng kanyang mga mag-aaral. Dapat isaisip niyang bawat bahagi ng paaralang pinagtuturuan niya’y hindi “iba” kundi “kanya”. Sa ganito’y tumataas ang antas ng kanyang pakikisangkot at likas na naibibigay ang buo niyang kahusayan sapagkat di na lang materyalistiko ang ugnayang namamagitan sa kanya at sa ginagawa, kundi tao sa tao.
5. Hanapin kung saan matatagpuan ang tunay na kaligayahan.

Kapag natapos na ang unang taon ng pagtuturo ng isang bagong guro at hindi siya naging maligaya sa paaralang kanyang pinagtuturuan dahil sa mga bagay na di niya sinasang-ayunan dito o dahil sa sadyang pagkapagod nang maaga, dapat siyang magnilay at hanapin kung saan niya tunay na matatagpuan ang kanyang sarili. Dinadaya lang ng isang guro ang kanyang sarili kapag tiniis niya ang pananatili sa paaralang kanyang pinapasukan dahil lang sa mga administrador na ayaw biguin o mga kapwa-gurong di-maiwan. Maaaring naisasakatuparan niya ang kanyang tungkulin ngunit laging kalahati lang ng tunay niyang kakayahan ang kanyang naibibigay dahil ang isa pang kalahati’y nananatili sa lugar na gusto niya talagang puntahan.
Hindi matatawaran ang unang taon ng pagtuturo dahil ito ang unang pagkakataon ng isang bagong guro na malasap ang realidad ng propesyong kanyang pinili. Sa halip na igawad ito sa pagpapakitang-gilas sa mga taong nakapaligid sa kanya, dapat gamitin ito ng isang guro sa tunay na pagpapaunlad ng kanyang sarili. Ang magandang simula ang unang hakbang tungo sa makabuluhang pagpapatuloy ng isang karerang pangmatagalan.

No comments:

Post a Comment