Sunday, July 28, 2013

WALANG PANGINOON (Maikling Kuwento)

WALANG PANGINOON (1933)
Deogracias A. Rosario

Nang makita ni Marcos sa lumang orasan na ang mahabang hintuturo ay malapit nang sumapit sa ika-12 samantalang nakapako na sa ika-8 ang maikling daliri, hindi niya malaman kung saan siya magtutungo. Isinisiksik niya ang kanyang ulo kahit saan, saka ang dalawa niyang hintuturo ay ipapasak sa mga butas ng kanyang taynga.
Ayaw niyang marinig ang animas. Ayaw niyang mapakinggan ang malungkot na palo ng bakal sa malaking kampanang tanso sa kampanaryo ng simbahan sa kanilang bayan. Gayun man, kahit na saan siya magsiksik, kahit saan siya magtungo, kahit na anong gawin niyang pagpapasak sa kanyang taynga ay lalong nanunuot sa kanyang pandinig ang malungkot na tinig ng batingaw.
“Tapos na ba? ... Tapos ...” ang sunud-sunod niyang tanong na animo’y dinadaya ang sarili kung wala na siyang nauulinigang anumang taginting ng kampana. “Tapos na. Tapos ...” ang sunud-sunod namang tugon ng kanyang ina na paniwalang-paniwalang hindi na nga naririnig ang malungkot na animas.
“Ngunit, Marcos ...” ang baling uli ng matandang babae sa anak. “Bakit ayaw mong marinig ang oras na ukol sa kaluluwa? Iya’y nagpapagunita sa mga tao na dapat mag-ukol ng dalangin sa ikaluluwalhati ng mga kaluluwang nasa kabilang buhay. Lalo ka na, Marcos, marami kang dapat ipagdasal. Una-una’y ang iyong ama, ikalawa’y ang kapatid mong panganay, ikatlo’y ang kapatid mong bunso, saka... saka si Anita.” Ang huling pangalan ay binigkas na marahan at madalang ng matandang babae.
Si Marcos ay hindi kumibo. Samatalang pinangangaralan siya ng kanyang ina, ang mga mata niyang galing sa pagkakapikit kaya’t nanlalabo pa’t walang ilaw ay dahan-dahang sinisiputan ng ningas, saka manlilisik at mag-aapoy.
Hindi rin siya sumasagot. Hindi rin siya nasasalita. Subalit sa kanyang sarili, sa kanyang dibdib, sa kanyang kaluluwa ay may nangungusap, may nagsasalita.
“Dahil din sa kanila, lalung-lalo na kay Anita, ayaw kong marinig ang malungkot na tunog ng batingaw,” ang sinasabi ni Marcos sa sarili. Kinagat niya ang kanyang labi hanggang sa dumugo upang ipahalata sa ina ang pagkukuyom ng kanyang damdamin.
Akala ng ina’y nahulaan niya kung ano ang nasa loob ni Marcos. Sa wari ng matanda ay nababasa niya sa mga mata ng anak ang lihim ng puso nito. Naisip niyang kaya nalulungkot si Marcos ay sapagkat hindi pa natatagalang mamatay si Anita, ang magandang anak ni Don Teong, mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan. Nalalaman ng ina ni Marcos na lahat ng pagsisikap nito sa bukid, lahat ng pagpupunyaging matuto sa pamamagitan ng pagbabasa, lahat ng pag-iimpok na ginawa upang maging isang ulirang anak-pawis ay ukol kay Anita. At saka namatay! Nararamdaman din ng ina ni Marcos kung gaano kakirot para sa kanyang anak ang gayong dagok ng kasawian. Dapat ngang maging malungkutin ang kanyang anak. Ito ang kanyang ibig na libangin. Ito ang nais niyang aliwin. Kung maaari sana’y mabunutan niya ng tinik na subyang sa dibdib ang kanyang anak.
“Lumakad ka na, Marcos, sa kubo nina Bastian. Tila may belasyon sila o baka kailangan ang mabuting mang-aawit at manunugtog ng gitara,” ang sabi ng ina. “Walang pagsalang masasayahin ka roon.”
“Si Inang naman,” ang naibulalas na lamang ni Marcos. Iyan lamang ang kanyang nasabi nang malakas. Sa kanyang sarili’y naidugtong niya na hindi masusukat ng kanyang ina kung gaano ang pait para sa kanya ang pagkamatay ni Anita, palibhasa’y ingid  sa kaalaman ng matanda ang tunay na pangyayari sa pagkamatay nito.
“Kung nalalaman lamang ni Inang ang lahat,” ang nasabi uli sa kanyang sarili samantalang minamasdan niya ang isang ulilang bituin sa may tapat ng libingan ng kanilang bayan na ipinalalagay niyang kaluluwa ni Anita, “disi’y hindi ako itataboy sa kasayahan.”
Pinag-uusapan pa lamang ng mag-ina nang umagang yaon ang malaki nilang kapalaran sapagkat mabuti ang lagay ng tanim nilang palay, nang isang utusan sa bahay-pamahalaan ang dumating na taglay ang utos ng hukumang sila’y pinaaalis sa kanilang lupang kinatatayuan, at sinasamsam ni Don Teong na ama ni Anita ang lahat ng lupa nilang sinasaka.
“Inang, matalim ba ang itak ko?” ang unang naitanong ng anak sa ina matapos matunghayan ang utos ng hukuman.
“Anak ko!” ang palahaw na panangis ng matandang babae sabay kapit sa leeg ng anak. “Bakit ka mag-iisip ng gayon, sa tayo na lamang ang nabubuhay sa daigdig?”
Ang tinig ng matanda ay nakapagpalubag sa kalooban ng binata. Gayon man, sa harap ng bagong pithaya ng may-ari ng lupang kanilang binubuwisan, ay isa-isang nagbabalik sa alaala niya ang malungkot na kasaysayan ng kanilang lupang sinasaka.
Ang sabi’y talagang sa kanunununuan ng kanyang ama ang naturang lupa. Walang sinumang sumisingil sa kanila ng buwis at walang sinumang nakikialam sa anumang maging bunga ng kanilang mga tanim, maging mais o tubo, o kaya’y maging anuman sa mga gulay na tanim nila sa bakuran.
Subalit nang bata pa ang kanyang ama ay nagpasukat ng lupa at sinasabing kanila. Palibhasa’y wala silang maibayad sa manananggol, ang pamahalaan ay nagkulang ng malasakit sa kanilang karalitaan upang tangkilikin ang kanilang katwiran at karapatan. Sa wakas ay napilit silang mamuwisan nang di nila makuhang umalis doon.
Noong bata pa si Marcos, ang bayad nila’y isang salapi lamang isang taon sa bawat ektarya ng lupang kanilang sinasaka. Subalit habang nagtatagal ay unti-unti na silang nababaon sa pagkakautang sa may-lupa dahil sa kasunduang ipinapasok sa pana-panahon, gaya ng takipan at talinduwa.
Kaya namatay ang ama ni Marcos ay dahil sa malaking sama ng loob kay Don Teong. Ang kapatid niya’y namatay dahil sa paglilingkod sa bahay nito at higit sa lahat, nalalaman niyang kaya namatay si Anita ay sapagkat natutop ng amang nakikipatagpong minsan kay Marcos sa loob ng halamanan, isang gabing maliwanag ang buwan. Saka ngayo’y paaalisin naman sila sa kanilang bahay at lupang binubuwisan!
Si Anita ay lihim na naging kagustuhan ni Marcos mahigit nang isang taon noon. Sapul nang dumating si Anita sa kanilang bayan buhat sa pag-aaral; sa isang kolehiyo ng mga madre sa MAynila, si Marcos ay nagsimpan na ng malaking pag-ibig sa kanya. Alam ni Marcos ang kanyang kalagayan na halos lumaki sa ibabaw ng kalabaw at sa pagtikin sa kanilang lamo sa ilog.
Si Marcos ay natapos lamang ng katesismo sa iskuwelahan sa silong ng kumbento sa kanilang bayan at natutong sumulat sa pisara ng malaking numero. Ngunit gayon man, nagsikap siyang idilat ang kanyang mga mata sa liwanag ng kabihasnan at pagkaunlad. Katutubo kay Marcos ang hilig sa pagkatuto sapagkat sa pag-anib niya sa mga samahang pambayan ay natuklasan niyang walang mabuting paaralan kundi ang pahayagan. Walang aklat, walang pahayagan at lingguhan sa sariling wika na hindi binabasa ni Marcos. Kahit manghiram lamang kung wala na siyang ibili. Nagbabasa rin siya ng mga nobela at ibang akdang katututuhan niya sa wikang Tagalog, o kaya’y sa salin sa wikang ito.
Lalo na nang magsimpan siya ng pag-ibig kay Anita, wala siyang inaalagata sa kanyang buhay kundi ang balang araw ay maging karapat-dapat sa mga kamay ng anak ni Don Teong na may-ari ng lupa nilang sinasaka. Isa pa’y bukod sa naniniwala siya sa kasabihang ang lahat ng tao, kahit hindi magkakulay, ay sadyang magkakapantay, ay tinatanggap din niya ang palasak na kawikaang ang katapat ng langit ay pusalian. Dahil diyan kaya kahit bahagya ay hindi siya nag-atubili nang pagsisimpan ng pag-ibig kay Anita.
At naibig naman siya ng anak ni Don Teong. Bakit hindi siya maiibig? Minsan si Anita ay namangka sa kanilang ilog, gumiwang ang bangka at nahulog sa tubig. Si Marcos noon ay nasa lamo at lihim niyang sinusundan ang bakas sa tubig ni Anita. Nang makita niya ang malaking sakuna ay lumundag siya sa ilog at sa pamamagitan ng langoy na hampas-tikin ay inabot niya si Anita na kumakamot na sa ilalim ng ilog. Matapos niyang kalawitin ng kaliwa niyang bisig sa may baba ang dalaga ay bigla niyang isinikdaw an dalawa niyang paa sa ilalim kaya’t pumaibabaw sila, at sa tulong ng pagkampay ng kanyang kamay at pagsikad ng dalawa niyang paa ay nakasapit sila sa pampang.
“Marcos, matagal na rin naman kitang iniibig,” ang pagtatapat ni Anita sa binata, makaraan ang may ilang buwan, buhat nang siya’y mailigtas.
Tatlumpung araw ang taning sa mag-ina upang lisanin ang lupang ang sabi ay ari ng kanilang ninuno ay binubuwisan na nila at sinasamsam pa ngayon. At saka silang mag-ina ay itataboy. Sino ang hindi magdadalang-poot sa gayong kabuktutan?
Dahil sa kanyang ina, natutong magtiim si Marcos ng kanyang mga bagang. Kinagat niya ang kanyang mga labi upang huwag mabulalas ang kanyang galit. Kinuyom niya ang kanyang mga kamay hanggang matimo sa palad niya ang kanyang kuko.
Isang takipsilim nang marinig niya sa kampanaryo ng kanilang simbahan ang malungkot na agunyas. Una muna ang malaking kampana saka sumunod ang maliit. Bang! Teng! Bang! Teng! Babae ang nalagutan ng hininga. Maliit naman ang kanilang bayan upang malihim pa kung sino ang binawian ng buhay. Wala siyang nalalamang may sakit kundi si Anita. Dahil sa pagkakatutop sa kanila isang gabi, ang dalaga ay sinaktang mabuti na ayon sa sabi ng nagbabalita kay Marcos ay mata lamang ang walang latay.
Buhat noon ay nagkasakit na si Anita. Araw-ararw ay tumatanggap si Marcos ng balita at nang tangkain niyang dumalaw na minsan ay hinarang siya ni Don Teong na may hawak na rebolber. Susuong din sana si Marcos, subalit nagdalawang-loob siya. Maaaring magiging dahilan iyon ng bigla pang pagkamatay ng kanyang iniibig, bukod sa magiging subyang sa kanyang ina kung siya’y mawala.
Ang huling dagok na ito sa kanya ni Don Teong ay isinama lamang niya sa talaan ng pagmamalupit sa kanya ng mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan. Pangangagaw ng lupa sa kanila. Pagpapautang ng patung-patong. Pagkamatay ng kanyang ama. Pagkamatay ng kanyang kapatid. At saka noo’y pagtatangka pa sa kanyang buhay. Pinakahuli nga ang pagkamatay nang tuluyan ni Anita, na ayon sa balita niya’y nalagutan ng hininga na siya ang tinatawag. Saka nitong huli ay pagpapaalis sa kanilang lupang kinagisnan at pinagyaman sa tulo ng kanilang pawis na mag-anak.
Ngunit si Marcos, isang manggagawang hubog sa palihan ng bagong panahon, ay lumaki ang puso sa mga pagtitiis. Naging maluwang nga ang kanyang dibdib sa pagtanggap ng pang-aapi ng maylupa. Hanggang noong bago mamatay si Anita, akala niya’y maaari pa siyang makalunok ng bagong pag-upasala ng itinuturing niyang panginoon. Datapwa’t nang tanggapin niya ang utos ng hukuman na pinaaalis siya roon talagang nagdilim ang kanyang isip. Noon pa’y naisip na niyang gawing batas ang kanyang kamay, yamang hindi niya matamo ang katarungan sa hukuman ng mga tao.
“Huminahon ka, anak ko,” ang sabi ng kanyang ina. “Hindi natutulog ang Bathala sa mga maliliit. Magtiis tayo.”
Hindi na niya itinuloy ang paghanap sa kanyang itak na matalas. Pagkakain niya ng agahan, nilibang niya ang kanyang ina saka lumabas sa bukid. Gaya rin ng dati’y sinakyan niya ang kanyang kalabaw na lalong mahal niya sa lahat sa limang alaga niya. Lumabas siya sa bukid at hinampasan niya ng tanaw ang karagatan ng namumulang ginto. Pagdaramdam at panghihinayang ang ngumangatngat sa kanyang puso. Gaanong pawis ang nawala sa kanya upang masaka ang naturang bukid? Gaanong pagod ang kanyang pinuhunan upang ang pay niya’y magbungang mabuti? Saka ngayo’y pakikinabangan at matutungo lamang sa ibang kamay?
Napapalatak si Marcos sa ibabaw ng kanyang kalabaw. Ibig man niyang pagdimlan ng isip kung nagugunita ang utos ng hukuman, subalit ang alaala ng kanyang ina’y walang iniwan sa bahagharing sumusugpo sa nagbababalang unos. Dadalawa na lamang sila sa daigdig upang huwag niyang pabayaan ang kanyang ina na ipinangako niyang hahandugan ng kaligayahan ang nalalabing buhay, bago nakitlan ng hininga ang kanyang ama.
Dahil nga sa kanyang ina, naisip niya ang kabutihan kung sila’y nagsasarili, “Tutungo tayo sa hilaga at kukuha ng homestead. Kakasundo tayo ng mga bagong magsasaka; paris ni Don Teong, di kailangang magkaroon din ako ng gayak na paris niya.”
Kabalintunaan man ang sabi ng anak ay hindi nag-usisa ang ina. Wala siyang nalalaman kundi tuwing takipsilim, kung nakaligpit na ang mga tao sa nayon, ang buong kagayakan ay isinusuot ng kanyang anak saka lumalabas sa bukid. May dalawang linggong gayon nang gayon ang ginagawa ni Marcos, hanggang isang araw ay tawagan siya ng pansin ng matanda.
“Marcos,” sabi ng matanda. “Dalawang linggo na lamang ang natitira sa ating taning ay hindi mo ginagawa ang pakikipagtuos kay Don Teong. Kung may magiging sukli man lamang tayo sa ating ani ngayon?”
“Huwag ka pong mabahala, Inang,” sabi ng mabait na anak, “nalalaglag po ang dahon sa kanyang kapanahunan.”
Talinghaga na naman ang sinabi ni Marcos. Gayon man ay may nagunit siyang isang bagay na ibig niyang malaman sa anak.
“Bakit hindi mo iniuwi ang kalabaw sa bakuran mo?” tinutukoy ang kalabaw na mahal na mahal sa lahat ni Marcos. Maaaring magpakahinahon si Marcos, subalit ang huling kapasiyahan ni Don Teong ay  numakaw ng lahat ng kanyang pagtitimpi. Ayaw niyang gumamit ng dahas, subalit hinihingi ng pagkakataon.
Nagunita niya ang sinabi ni Rizal, na walang mang-aalipin kung walang nagpapaalipin. Napailing siya sa harap ng gayong masaklap na katotohanan. Patung-patong na ang ginagawang pamamaslang sa kanya ni Don Teong na takalang dapat nang kalusin. Nagunita rin ni Marcos ang marami pang ibang kasama, katulad din niya, na sa kamay ng mayamang si Don Teong ay walang iniwan sa mga liig ng manok na unti-unting sinasakal hanggang makitil ang hininga sa hangad na mahamig na lahat ang kanilang kayamanang gayong minana sa kanilang mga ninuno ay iba ngayon ang may-ari at nagpapabuwis pa.
“Kailangang maputol ang kalupitang ito!” ang tila pagsumpa sa harap ng katalagahan na ginawa ni Marcos.
“Bakit ka bumili ng pulinas, gora, suwiter, at latigo, anak ko?” ang tanong ng matanda kay Marcos, isang araw na dumating siyang pagod na pagod sa naturang dala-dalahan.
“Inihahanda ko po iyan sa pagiging panginoon natin, paris ni Don Teong,” ang nakatawang sagot ng anak. “Kung tayo po’y makaalis na rito di tayo’y magiging malaya,” ang tila wala sa loob na tugon ng anak.
Ang totoo, ang naturang kalabaw ni Marcos ay nakapugal sa hanggahan ng lupang sarili ni Don Teong. Kung takipsilim ay isinusuot na lahat ni Marcos ang pulinas, ang gora, at suwiter, saka dala ang latigong katulad ng pamalo ni Don Teong. Pagdating niya sa pook na kinapupugalan ay saka aasbaran ng palo ang kalabaw hanggang ito’y umungol na ang alingawngaw ay abot hanggang sa kalagitnaan ng bayan. Kung di niya nakitang halos apoy ang lumalabas sa dalawang mata ng hayop ay hindi pa niya ito titigilan. Sa gayon ay matulin siyang nagtatago upang umuwi na siya sa bayan. Kung dumarating siya’y daratnan niya ang kanyang Inang matuwid ang pagkakaluhod sa harap ng isang maitim na Santo Kristo sa kanilang silid na naiilawan ng isang malaking kandila.
“Salamat, anak ko, at dumating ka,” ang sasabihin na lamang ng matanda. “Akala ko’y napahamak ka na.”
Si Don Teong ay may ugaling maglibot tuwing hapon sa paligid-ligid ng kanyang lupa. Ang ipinanganganib ng ina ni Marcos ay baka magkasalubong si Marcos at ang kanilang panginoon at hindi makapagpigil ang sinoman. Nalalaman din ng matandang babae na laging may dalang rebolber sa baywang ang mayamang asendero buhat nang magkaroon ng alitan dahil sa lupa, kaya lagi niyang inaalaala ang pag-alis-alis ni Marcos.
Subalit isang hapon samantalang payapang inihahanda ng mag-ina ang kanilang pag-alis, walang iniwan sa putok ng bulkan ang balitang kumalat sa bayan na si Don Teong ay namatay sa pagkasuwag ng kalabaw. Sinabi ng mga nakakita na pagkakita pa lamang ng kalabaw na pagkakita pa lamang ng kalabaw kay Don Teong ay tila may sinisimpang galit sapagkat bigla na lamang sinibad ang mayamang matanda at nasapol an kalamnan ng sikmura ng matulis na sungay ng hayop. Pagkasikwat sa katawan ng asendero ay tumilapon pa sa taas at paglagpak ay sinalo naman sa kabilang sungay.
Ang katawan ni Don Teong ay halos lasug-lasog nang iuwi sa bayan at wasak ang suwiter sa katawan at saka pulinas. Kumilos agad ang may kapangyarihan upang gumawa ng kailangang pagsisiyasat subalit ang lahat ng matuwid ay nawalan ng halaga sa hindi kumikilos na ayos ng kalabaw na animo’y wala sa loob ang ginawa niyang napakalaking pagkakasala.
Nang malamang kay Marcos ang kalabaw, bawat isa’y nagkatinginan. Hindi nila malaman kung papaanong ang poot ni Marcos kay Don Teong ay nagtungo sa alaga niyang hayop.
Si Marcos ay nakatingin din sa orasan nang gabing yaon. Tatlong minuto na lamang ang kulang sa ika-8 ng gabi. Hindi siya gumagalaw. Hindi siya nababahala.
Tumugtog ang animas. Hindi na gaya ng dating ayaw niyang marinig. Sa halip na idalangin ang kaluluwa ng namatay, ang naisip niya ay ang matapang niyang kalabaw.
“Mapalad na hayop na walang panginoon,” ang kanyang naibulong.

No comments:

Post a Comment