Wednesday, September 1, 2010

Batayang Kaalaman sa Komunikasyon

Kahulugan ng Komunikasyon

Ayon sa ilang manunulat, ang salitang Ingles na “communication” na painaghanguan ng salitang komunikasyon na siyang palasak na ginagamit natin sa kasalukuyan ay hinango sa salitang Latin na ‘communis’ na ang ibig sabihin ay karaniwan.
Ayon kay Rubin, kailanman ang tao’y hindi makatatagal na mamuhay nang sa ganang sarili lamang niya (2001:23). Ang tao ay palaging nangangailangan ng kanyang kapwa. Kaya ang isang tao ay namumuhay kasama ang kapwa niya dahil mayroon siyang katangiang pantao na katulad ng kanyang kapwa. Ngunit mabubuo lamang ang kanyang pakikipagkapwa kung may instrumentong mag-uugnay sa kanila. Ang komunikasyon ang siyang sasagot sa pangangailangang ito.
Ayon kay Semorlan (1997:32) ang komunikasyon ay ang proseso ng pagbibigay at pagtanggap. Mensahe ang ibinibigay at mensahe rin ang tinatanggap. Sa pamamagitan nito nabubuo ang pagkakaunawaan ng mga tao sa lipunan dahil naipahahayag ng bawat isa ang kani-kanilang ideya at saloobin. Ayon din kina Espina at Borja (1999:6) ang komunikasyon ay isa ring makabuluhang kasangkapan upang maangkin ng bawat nilikha ang kakayahang maipaliwanag nang buong linaw ang kanyang iniisip at nadarama. Dito kusang umuusbong ang isang matatag na pagkakaunawaan at relasyon ng mga tao sa isang lipunan. Dahil dito may pagkakaisa rin sa kanilang mga mithiin sa buhay.
Binanggit nina Arnold at Hirsh (Resuma at Semorlan, 2002:37) na “we communicate with each other because it satisfies our own interests. You communicate because it does something for you.” Talagang totoo naman sapagkat kapag nakikipag-usap sa iba o maging sa sarili ang tao, may sarili siyang layunin, may mensahe siyang gustong ipaabot. Maaaring gusto niyang magbigay-impormasyon, magkwento, magpahayag ng opinyon, magpahayag ng damdamin tulad ng tuwa o sama ng loob, makipagtalo o mag-aliw lamang. Anu’t anuman, may mabuting naidudulot sa mga nagsisipag-usap ang pag-uusap o komunikasyon.
Nakikipagtalastasan ang tao upang makihalubilo sa kanyang paligid at makisalamuha sa kanyang kapwa tao. Bilang bahagi ng lipunan, kailangan ng isang indibidwal na makabuo at makapagpalalim ng kanyang relasyon sa lipunang kinabibilangan. Sa madaling salita, kailangan niya ang kanyang kapwa, tulad din ng pangangailangan ng kanyang kapwa sa kanya.
Sa binanggit sa itaas, nagpapakita lamang na ang komunikasyon ay isang napakaimportanteng sangkap ng lipunan upang mabuo ang isang pagkakaunawaan ng mga taong nakapaligid dito. Ayon kina Sauco at Atienza (2001:3) ang komunikasyon ay isang paraan ng pakikitungo ng tao sa kanyang kapwa, isang bagay na kailangan sa pakikisalamuha niya sa isang lipunang kanyang ginagalawan, isang paraan ng pakikibagay ng tao sa kanyang kapaligiran.
Makapamumuhay nang tahimik ang isang nilalang kung siya ay nakasanib sa isang lipunang may parehong interes at may pagkakaunawaan. Maiuugnay lamang niya ang kanyang sarili sa isang lipunan sa pamamagitan ng komunikasyon. Ayon kina Sauco at Atienza (2001:4), ang kakayahan ng tao sa pakikipagtalastasan ay nagbibigay-daan upang makasanib sa pinakamataas na lipunan at makasabay sa patuloy na pagbabago. Ang wika at iba pang pagkilos ng lipunan ay magkakaugnay. Ang interes at pangangailangan sa bawat panahon ang sapilitang nagpapabago sa wika. At ang wika ring ito ay kanilang ginagamit sa pagpapahayag ng kanilang mga ideya at ginagamit sa pakikipagkomyunikeyt.
Ipinaliwanag naman ni Arrogante (1988) na ang salitang pakikipagtalastasan ay galing sa salitang-ugat na talastas na nangangahulugang “alam”, at sa kabilaang panlaping pakikipag-…-an na may kahulugang ‘pagsasagawa ng isang kilos na ang gumagalaw o gumagawa ay hindi iisa kundi dalawa o higit pa”.


Uri ng Komunikasyon

May tatlong uri ng komunikasyon:
1. Komunikasyong Intrapersonal. Ito ay tumutukoy sa komunikasyong pansarili. Sangkot ang pag-iisip, pag-aalala at pagdama, mga prosesong nagaganap sa internal nating katauhan. Kapag ika’y napapabulong sa iyong sarili, ika’y nakikipagtalastasang intrapersonal. Ibinigay na halimbawa ni Taylor ang hearing yourself speak, feeling yourself move, and thinking. Dagdag pa niya, “Conciously or unconsciously, intrapersonal communication continues as long as we are alive.”
2. Komunikasyong Interpersonal. Ito naman ay tumutukoy sa komunikasyong nagaganap sa pagitan ng dalawang tao o sa pagitan ng isang tao at maliit na pangkat. Malaking bahagdan ng komunikasyong nagaganap sa ating lipunan ang nasa uring ito. Ang uri ng komunikasyong ito ang humuhubog ng ating ugnayan o relasyon sa ating kapwa. Sa ganitong sitwasyon, nagbibigay ng mensahe ang mga kasangkot sa komunikasyon, kasama na ang kanilang mga pandama: paningin, pandinig, pang-amoy, panlasa at panalat o pandamdam.
3. Komunikasyong Pampubliko. Ito naman ay tumutukoy sa komunikasyong nagaganap sa pagitan ng isa at malaking pangkat ng mga tao. Ang isang tagapagsalitang nagtatalumpati sa harap ng mga tagapakinig ay nakikipagtalastasang pampubliko. Ang mga midyang pangmasa tulad ng telebisyon, radyo, pahayagan, at pelikula ay nasa ilalim din ng uring ito.



Katangian ng Komunikasyon

Upang mabisang mailarawan ang komunikasyon, kinakailangang tukuyin at ipaliwanag ang mga salalayang katangian nito.

1. Ang komunikasyon ay isang proseso. Isang proseso ang komunikasyon na kinapalooban ng marami pang proseso. Hindi lamang ito kinasasangkutan ng pagpapadala at pagtanggap ng mensahe. Halimbawa, bago makapagpadala ng mensahe ang isang tao sa ibang tao, kailangang isipin niya muna kung ano ang mensaheng ipadadala niya, paano niya iyong ipadadala, anu-anong salita ang kanyang gagamitin, paano niya iyon isasaayos upang maunawaan, sa anong daluyan niya iyon paraanin at ano ang inaasahan niyang reaksyon ng pagpapadalhan niya ng mensahe. Ito ang tinatawag na proseso ng encoding o ang proseso ng pag-encode ng mensahe. Kapag natanggap na ng ibang tao ang mensahe, iisipin niya (tagatanggap) naman kung ano ang kahulugan ng mensaheng iyon, ano ang inaasahang reaksyon mula sa kanya, paano niya iyon tutugunan at sa paanong paraan niya ipadadala ang kanyang reaksyon. Ito naman ang tinatawag na proseso ng decoding o proseso ng pagde-decode ng mensahe. Idagdag pa na ang proseso ng komunikasyon ay hindi maaaring one-way lamang. Ito ay isang prosesong closed-circuit.

2. Ang proseso ng komunikasyon ay dinamiko. Sa komunikasyon, ang minsang nangyari na ay hindi na mauulit pa. Ulitin man nating muli ang mga salitang una nating tinuran, nag-iiba na ang komunikasyon dahil iba na ang panahon. Kung gayon, ano mang komunikasyon ay naiimpluwensyahan ng oras, lugar, mga pangyayari at mga taong sangkot sa proseso,. Kung kaya’t ang komunikasyon ay nagbabago o dinamiko dahil sa impluwensya ng pagbabago ng mga ito.

3. Ang komunikasyon ay komplikado. Nagiging komplikado ang proseso ng komunikasyon dahil sa paraan ng pagtingin ng mga sangkot sa komunikasyon sa isa’t isa. Ito ang tinatawag na persepsyon na hindi laging pare-pareho. Kapag ang dalawang tao ay nag-uusap, halimbawa, ang kanilang komunikasyon ay naiimpluwensyahan ng: a) persepsyon ng isa sa kanyang sarili, b) persepsyon niya sa kanyang kausap, c) iniisip niyang persepsyon ng kanyang kausap sa kanya at d) ang tunay na persepsyon ng kanyang kausap sa kanya. Ang kanyang kausap ay mayroon ding: a) persepsyon sa kanyang sarili, b) iniisip niyang persespyon ng kanyang kausap sa kanya, c) iniisip niyang persepsyon niya sa kanyang kausap at d) tunay na persepsyon niya sa kanyang kausap. Bunga ng komplikasyong dulot ng mga persepsyong ito, may mga komunikasyong hindi nagiging mabisa at humahantong sa hindi pagkakaunawaan.

4. Mensahe, hindi kahulugan, ang naipadadala/natatanggap sa komunikasyon. Pansinin muli ang kahulugan ng komunikasyon. Ito ay proseso ng paghahatid at pagtanggap ng mensahe, hindi kahulugan. Kapag nagpapadala ang isang tao ng mensahe sa pamamagitan ng salita, halimbawa, maaari itong magkaroon ng iba’t ibang pakahulugan. Paano’y ang pagpapakahulugan sa mga mensahe ay nakasalalay sa tumatanggap nito. Kapag narinig mo ang salitang baboy, ano kaya ang kahulugan ng mensaheng iyon sa iyo? Gayon din kaya ang pagpapakahulugan ng iba? Paanong nangyari iyon gayong parehong mensahe naman ang sa inyo’y naipadala at inyong natanggap? Sapagkat hindi naman aktwal na kahulugan ang ipinadala at natanggap, mensahe pa lamang. Ang pagpapakahulugan ay depende na sa tumatanggap nito. Halimbawa, sinabi ng lalake na “gusto kita” sa isang babae, subalit ang pakahulugan ng babae sa salitang “gusto” ay “pag-ibig”. Magugulat na ang lalake kung bakit dikit na nang dikit ang babae sa kanya na tila nobya niya.

5. Laging may dalawang uri ng mensahe sa proseso ng komunikasyon. Ang mensaheng ito ay maaaring mauuri sa a) mensaheng pangnilalaman o mensaheng panlinggwistika at b) mensaheng relasyunal o mensaheng di-berbal na nagpapahiwatig ng iyong damdamin o pagtingin sa kausap. Halimbawa, habang ang isang tao’y nakikipag-usap sa kaibigan, ang mga sinasabi niya ang mga mensaheng pangnilalaman. Samantala, ang kanyang relaks na pangngatawan, madalas na pagtingin sa kaibigan at lapit o agwat naman ang mga mensaheng relasyunal na nagpapahiwatig nas komportable siya sa kausap. Kung gayon, sa proseso ng komunikasyon, dalawang uri ng mensahe ang naipapadala at natatanggap at kadalasan, ang pagpapakahulugan sa mensaheng iyon ay bunga ng impluwensya ng isa sa isa.

6. Hindi tayo maaaring umiwas sa komunikasyon. Kahit pa tayo’y hindi magsalita, nakikipagtalastasan tayo sa ating kapwa. Pansinin ang dalawang taong nasa loob ng eleveytor, halimbawa. Hindi sila nag-uusap. Nag-iiwasan pa nga sila ng mata. Malinaw nilang naipadadala ang mensahe ng kawalan ng interes sa isa’t isa. Sa hindi pag-imik at pag-iwas ng tingin, kapwa nila natanggap ang mensaheng Huwag mo akong kausapin! Nagkaroon sila ng komunikasyon, hindi ba? At hindi nila iyon naiwasan! Kung tutuusin, kahit tayo’y nag-iisa, hindi natin maiiwasan ang mag-isip. Anong uri ito ng komunikasyon? Intrapersonal, hindi ba? Lalo na kapag may mga tao sa ating paligid. Hindi man tayo magsalita, sa ating mga kilos, galaw, kumpas at anyo, hindi man sinasadya ay nakapagpapadala tayo ng mensahe sa iba.





Mga Sangkap at Proseso ng Komunikasyon

Halos lahat ng depinisyong ibinigay ng mga awtoridad sa wika ay nagtataglay na salitang mensahe o impormasyon. Maymga bumabanggit ng tagapaghatid, tagatanggap at sistema. Ang mga nabanggit ay mga sangkap o elemento ng komunikasyon. May bumabanggit din ng salitang proseso sapagkat ang komunikasyon ay isang proseso.
Para sa epektibo at mahusay na pakikipagkomunikasyon, talakayin natin ang mga sangkap at proseso ng komunikasyon. Nasa ibaba ang ilustrasyon ng proseso ng komunikasyon. Pag-aralan itong mabuti at alamin ang mga elemento o sangkap nito, pati na ang prosesong mahuhulaang nagaganap.






Iniisa-isa rito ang mga sangkap o elemento ng komunikasyon, batay sa naunang ilustrasyon.

1. Enkoder. Ito ay tumutukoy sa tao o pangkat ng mga taong pinagmulan ng mensahe. Siya o sila ang tumutukoy sa mensaheng pinapadala. Kapag may nakasalubong ka at binati siya ng Magandang umaga, ikaw ang nagpapadala ng mensahe. Ang bisa sa pagpapadala ng mensahe ay naiimpluwensyahan ng layunin, kaalaman, kakayahan, pag-uugali, persepsyon o pananaw at kredibilidad ng nagpapadala ng mensahe.

2. Dekoder. Sa nabanggit na halimbawa, ang pinagsabihan ng Magandang umaga ang siyang tagatanggap ng mensahe. Siya ang magbibigay-pakahulugan sa mensaheng kanyang natanggap. Sa madaling salita, siya ang magde-decode. Katulad ng tagapagdala ng mensahe, ang kawastuhan ng pagde-decode niya sa mensahe ay maaaring maapektuhan ng kanyang layunin, kaalaman, kakayahan, pag-uugali, pananaw o persepsyon at kredibilidad.

3. Mensahe. Ito ang dahilan o layunin ng komunikasyon. Maaaring naglalaman ng mga impormasyon, ideya o palagay ang mensahe, o kaya’y pagpapahatid ng saloobin, damdamin o emosyon. Nabanggit na sa nakalipas na pagtalakay na ang mensahe ay may dalawang aspeto: a) mensaheng pangnilalaman o panlinggwistika at b) mensaheng relasyunal o mensaheng di berbal. Sa nauna nating halimbawa, ang mensaheng pangnilalaman ay maganda at umaga na kapwa may kahulugang pangnilalaman. Ngunit sa pamamagitan ng paraan ng pagbigkas ng pagbating iyon, sa kumpas ng kamay, ekspresyon ng mukha at paraan ng pagbibigay-diin sa salita ay maaaring mahiwatigan kung tunay sa kalooban mo ang pagbati, o kung natatakot ka lamang sa magiging reaksyon niya kung hindi mo siya babatiin, o kung sarkastiko ang iyong pagbati, o di kaya’y kung baka nakasanayan mo lamang na batiin ang sinumang makasalubong mo sa daan. Alinman sa mga iyon ay mga mensaheng relasyunal o di-berbal na kaakibat ng mensaheng pangnilalaman na iyong ipinadala.

4. Tsanel. Ito ang midyum o daanan ng mensahe. May dalawang kategorya ng mga daluyan ng mensahe. Ang una ay ang daluyang sensori o tuwirang paggamit ng paningin, pandinig, pang-amoy, panlasa at pandama. Ang ikalawa naman ayang daluyang institusyunal. Ang pakikipagtalastasan sa pamamagitan ng sulat, telegrama mga kagamitang elektroniko tulad ng telepono, e-mail, fax, cellular phone at beeper ay mga halimbawa ng daluyang institusyunal. Ang halimbawa natin sa itaas ay gumagamit ng daluyang sensori dahil tuwirang sinabi ang Magandang umaga.
Sa pasalitang komunikasyon, midyum ng mensahe ang air waves at mga kable, gayon din ang mga intrumento ng komunikasyon tulad ng telepono, radyo, telebisyon, teyp at iba pang instrumentong napapakinggan. Para naman sa pasulat na komunikasyon, daanan ng mensahe ang papel, aklat, dyaryo, magasin at iba pa, pati na ang kompyuter (e-mail, internet, atbp) na pare-parehong nagtataglay ng mga simbolong nakasulat. Light waves o liwanag naman ang tsanel ng mga mensahe sa kaso ng pagsenyas.
Ang bisa ng isang komunikasyon ay nakasasalayay din sa matalinong pagpili ng daluyan. Halimbawa, may mga pagkakataong daluyang sensori ang angkop katulad ng sa pagtatapat ng pag-ibig o pagbibigay ng panuto. Hindi naman maaaring sumulat sa bumbero kapag nasusunog ang bahay mo. Kailangan mong sumigaw upang humingi ng saklolo at tumawag sa telepono upang humingi ng tulong sa mga tagapatay ng sunog.

5. Ang Tugon o Feedback. Tumutukoy ito sa sagutang feedback ng enkoder at dekoder matapos nilang maibigay at maunawaan ang mga hatid na mensahe. Ito ay maaaring mauri sa tatlo: 1) Tuwirang Tugon, 2) di-tuwirang tugon at 3) naantalang tugon. Tuwiran ang isang tugon kapag ito’y ipinapadala at natanggap agad-agaran matapos ipadala at matanggap ang mensahe. Kapag ang nakasalubong sa una nating halimbawa ay agad sumagot ng Magandang umaga rin, ang tugon niya ay tuwiran. Samantala, ang tugon ay di-tuwiran kapag ito’y ipinahahayag sa pamamagitan ng anyong di-berbal. Halimbawa nito ay pagngiti, pagtango o pagkaway ng kamay. Ang naantalang tugon naman, katulad ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, ay iyong mga tugon na nangangailangan pa ng panahon upang maipadala at matanggap. Isang halimbawa nito ay ang pagtugon sa pamamagitan ng sulat.
Dapat tandaan na sa sandaling ang isang tao ay nagpapadala ng tugon o feedback, siya ay nagiging tagapagdala na ng mensahe o nagiging enkoder at ang dating tagapagpadala ng mensahe ay nagiging tagatanggap na o dekoder.

6. Mga Potensyal na Sagabal sa Komunikasyon. Ito ang tinatawag sa Ingles na communication noise o filter. Bawat proseso ng komunikasyon ay maaaring magkaroon ng potensyal na sagabal. Ito ang mga bagay-bagay na maaaring makasagabal sa mabisang komunikasyon o sa komunikasyon mismo, Maaari itong matagpuan sa tagapagpadala ng mensahe, sa mensahe mismo, sa daluyan ng mensahe o di kaya’y sa tagatanggap nito. Ito ay mauuri sa apat: a) semantikang sagabal, 2) pisikal na sagabal, 3) pisiolohikal na sagabal at 4) sikolohikal na sagabal.
Ang pagkakaroon ng isang salita ng dalawa o higit pang kahulugan, pangungusap na hindi tiyak ang kahulugan at hindi maayos na organisasyon ng isang pahayag ay mga halimbawa ng semantikang sagabal. Halimbawa nito ay ang paggamit ng wika na Ingles ka nang Ingles, ngunit mali-mali rin naman ang gramar o hindi naman pala bihasa sa Ingles ang kausap, malamang maputol na ang linya ng komunikasyon.
Ang mga ingay sa paligid, mga distraksyong biswal, suliraning teknikal na kaugnay ng sound system, hindi mahusay na pag-iilaw at hindi komportableng upuan ay mga halimbawa ng pisikal na sagabal. Kasama rin dito ang panahon, na maaaring napakainit o napakalamig, may bagyo o napakalakas ng hangin o di kaya’y distraksyon sa paligid, tulad ng biglang pagpasok ng ibang tao, hayop at iba pa.
Tinutukoy naman sa pisiolohikal na sagabal ang mga kapansanan mismo ng enkoder o dekoder ang hindi maayos na pagbigkas sa mga salita, hindi mabigkas ang mga salita, at may kahinaan ang boses.
Samantala ang mga halimbawa naman ng mga sikolohikal na sagabal ay ang mga biases, prejudices, pagkakaiba-iba ng mga kinalakhang paligid at pagkakaiba-iba ng mga nakagawiang kultura na maaaring magbunga ng misinterpretasyon sa kahulugan ng mga mensahe.

7. Konteksto/Sitwasyon. Ang konteksto ay ang sitwasyon o kalagayan kung saan nagaganap ang komunikasyon. Ayon kina Barker at Barker, ang elementong ito ang isa sa mga pinakamahalaga dahil naaapektuhan nito ang iba pang mga elemento kasama na ang buong proseso ng komunikasyon. Ito ay may limang dimensyon; ang dimensyong pisikal, sosyal, kultural, historikal at sikolohikal.
Sa dimensyong pisikal ng konteksto ay nabibilang ang lugar na pinangyarihan ng komunikasyon at ang kondisyon ng kapaligiran. Malaki ang epektong nagagawa ng dimensyong pisikal sa uri ng talastasang magaganap. Kabilang sa mga salik ng dimensyong pisikal ay ang temperatura, liwanag, pook kung saan nag-uusap, lebel ng ingay, agwat o espasyo sa pagitan ng dalawang nag-uusap at maging ang oras. Ang bawat isa sa mga salik na binanggit ay makaapekto sa uri at sa proseso ng komunikasyon o sa talastasan ng nag-uusap o ng mga grupong kalahok sa talastasan. Halimbawa, iba ang magiging proseso at bunga ng komunikasyon kung nagsasalita ang guro sa harap ng klase kaysa sa pagkausap niya sa isang maliit na grupo sa parke. Maaaring maiba ang takbo ng komunikasyon na nagaganap ng umaga at nakaupo nang maayos at komportable ang mga kalahok kaysa sa kung ang mga kalahok ay gitgitang nangakatayo sa isang mainit at hindi komportableng pook.
Sa dimensyong sosyal ng konteksto ay pumapasok ang epekto sa komunikasyon batay sa uri ng relasyon ng dalawang nag-uusap o ng mga nag-uusap. Iba ang takbo ng usapan ng magkakaibigan, ng dati nang magkakakilala, ng magkakapatid, ng mag-ama o mag-ina, ng estudyante sa kapwa estudyante o ng estudyante at guro. May mga pangyayari sa isang grupo ng nag-uusap na sila lamang ang nagkakaintindihan. Maaaring malapit sila sa isa’t isa at magkakapalagayang-loob. Maaari nilang sabihin ang mga salita na masakit para sa iba o kaya’y biruan na pangkaraniwan sa kanila subalit hindi para sa iba. Naaapektuhan ang bunga ng proseso ng komunikasyon batay sa uri ng relasyon ng mga kalahok sa komunikasyon.
Ang dimensyong kultural ng konteksto ay naoobserbahan sa kung minsan ay di pagkakaunawaan sa komunikasyon sanhi sa pagkakaiba ng pananalig sa Poong Maykapal o pagkakaiba ng relihiyon. Gayon din ang pagkakaiba ng kinagisnang kultura. May epekto rin ang magkaibang pagpapahalaga, magkaibang uri ng pamumuhay at pagtanaw sa buhay.
Sa dimensyong historikal ng konteksto ay magkakaroon ng tuwiran o ng di-tuwirang impluwensya sa pag-unawa ng kasalukuyang pag-uusap o talastasan ang naunang usapan o pakikipagtalastasan. Halimbawa, sina Mikhael at Nolan ay nag-uusap tungkol sa balak na isasagawang proyekto ni Mikhael. Pinipigil ito ni Nolan at pinagsabihang baka hindi ito magtagumpay. Natapos ang usapan nila na sabi ni Mikhael ay pag-iisipan niya. Nang muli silang magkita ang unang tanong ni Nolan ay “Itutuloy mo rin ba?” Sagot ni Mikhael ay “oo”. Ang mga nakarinig sa usapan ay walang naunwaan kung ano ang tinutukoy o hindi itutuloy ni Mikhael. Subalit para kay Mikhael at kay Nolan lubos nilang batid ito at mayroon silang pagkaunawaan sa takbo ng usapan dahil sa kanilang nauna nang nakaraang pag-uusap. Iyon ang ibig sabihin ng dimensyong historikal.
Ang damdamin at emosyon taglay ng taong nag-uusap o ng mga taong kasangkot sa usapan ay nakaapekto sa uri, proseso at bunga ng usapan o komunikasyon. Halimbawa, maingat tayo sa pakikipag-usap sa isang taong bagong gising o taong naabala sa pagtulog. May kasabihan nga na magbiro ka na sa lasing huwag lang sa bagong gising. Gaya rin halimbawa, ng taong gutom o pagod. Medyo mainit ang ulo, wika nga tila wala pa sa kondisyon. Naaapektuhan ng kanilang damdamin at emosyon ang proseso ng usapan.

8. Sistema. Nangangahulugan ito ng relasyon o ugnayan na nalikha sa pamamagitan ng proseso ng komunikasyon. Halimbawa, kung hind mo kakilala ang isang tao, maaari ring magkaroon ng komunikasyon sa pagitan ninyo subalit madalang ang pakikipag-usap. Maaaring isang-tanong-isang-sagot ang mangyaring usapan. Maaari ring masyado kang ingat na ingat sa binibitiwang salita at maging sa komunikasyong verbal man. Subalit habang tumatagal ang panahon, nakilala mo na nang husto ang taong ito. Ang isang tanong-isang-sagot na pag-uusap ay nagkaroon ng pagbabago. Dahil nadevelop na ang relasyon ninyo ng taong ito, naging komportable ka na sa pakikipag-usap hindi na gaanong formal ang ginagamit mong wika, at naging panatag na ang loob mo sa paggamit ng di-verbal na mensahe. Nabuo ang sistema o ang ugnayan ninyo sa pamamagitan ng proseso ng komunikasyon. Kung gayon, ang sistema o ang ugnayan ang nagdidirekta sa kung ano at paano ka nakikipagkomunikasyon. Nangangahulugan lamang na ang proseso ng komunikasyon ay hindi lamang nagaganap sa isang tagpuan at tagpo lamang – ito ay patuluyang proseso o gawain.


Paraan ng Komunikasyon

Sa pagpapahayag ng mensahe sa komunikasyon ay kadalasang ginagamit ang pasalitang paraan o ang tinatawag na berbal na komunikasyon. Ayon kina Lorenzo (1994:6) ang komunikasyong berbal ay komunikasyong gumagamit ng wika na maaaring pasulat at pasalita. Pasulat ang uri ng komunikasyong nababasa at pasalita yaong mga binibigkas at naririnig. Ang berbal na komunikasyon ang siyang pinakamahalaga at pinakamabisa. Sa pamamagitan nito, lubos at buong linaw na naipahahayag ng tao ang kanyang naiisip at nadarama. Samakatwid, wika ang mahalagang kasangkapan sa pagpapahayag, paghahatid at pagbibigay o pagtanggap ng mensahe.
Ngunit, upang higit na maging malinaw ang isang mensahe ay sinasamahan ito ng senyas o galaw ng bahagi ng katawan. Ito ang tinatawag na di-berbal na komunikasyon. Ayon kina Belvez (2004:17), ang mga di-berbal na komunikasyon ay bahagi ng mga mensaheng berbal kahit na ang mga ito’y naisasagawa nang wala sa loob o hindi kinukusa. Ito ay sa pamamagitan ng kilos ng katawan, kumpas ng kamay, galaw ng braso, iba-ibang uri ng pagtingin at pagtitig, taas ng kilay at mga ekspresyon ng mukha at iba pa.
Narito ang iba’t ibang uri ng komunikasyong di-verbal:

1. proxemics. Maaaring may kahulugan din ang espasyong inilalagay natin sa pagitan ng ating sarili at ng ibang tao. Ano ang iyong iisipin kung ang kaharap mo sa jeep na iyong sinasakyan ay halos magkapalitan na ang mukha, ika nga, sa kabila ng kaluwagan ng sasakyan? Paano ka makipag-usap sa iyong kasintahan? Gaano ang layo ninyo sa isa’t isa kadalasan? Gayon din ba ang layo mo kapag ika’y nakikipag-usap sa isang kaibigan, o sa isang di-kakilala o sa isang pangkat ng tagapakinig kapag ika’y nagtatalumpati? Hindi, di ba? May iba’t ibang uri ng proxemic distance tayong ginagawa sa iba’t ibang pagkakataon at ang distansyang ito ay maaaring mangahulugang intimate, personal, social o public. Makikita rin ito sa pakikitungo sa iba’t ibang tao depende sa edad, kasarian, kultura, at personalidad.

2. chronemics. Mahalaga ang oras. Ito ay isang bagay na kulang sa maraming tao. Ang paggamit ng oras, kung gayon ay maaaring kaakibatan ng mensahe. Halimbawa, ang pagdating nang huli sa isang job interview ay maaaring iinterpret na kakulangan ng disiplina. Samantala, ang pagdating naman nang maaga sa isang salu-salo ay maaaring makainsulto sa magbibigay ng salu-salo dahil maaari niya iyong ikataranta sa paghahanda. Ang pagtawag sa telepono sa madaling-araw ay malamang na ikagalit ng ibang tao. Maaari niyang ipalagay iyong sinasadyang pang-iistorbo sa kanyang pagpapahinga at kung gayo’y isang kabastusan. Ngunit maaari naman niya iyong ipalagay na isang matinding pangangailangan o isang emergency. May narinig din tayo na kapag mabilis magsalita ang isang tao, ang taong ito ay naghahabol sa oras. Kung napakabagal namang magsalita ang isang tao, sinasabi namang parang pag-aari niya ang oras.

3. oculesics. Ito ay tumutukoy sa paggamit ng mga mata sa komunikasyon. Ang mata raw ang siyang “pintuan ng ating kaluluwa” sapagkat sa pamamagitan nito ay maaari tayong makipag-ugnayan nang makahulugan. May galaw ang mga mata na nagpapakita ng kondisyon, reaksyon, at gawi at atityud o saloob ng tao. Ipinababatid lamang nito na maaaring maghatid-impormasyon ang galaw ng mata tungkol sa tao. Anu-ano ang posibleng kahulugan ng mapupungay na mata, namumugtong mata, umiiwas na tingin, papikit-pikit na mga mata, pag-irap, pamimilog ng mga mata, pagtaas ng kilay habang nanliliit ang mga mata, at iba pa?

4. haptics. Ito ang pagpapadama ng iba’t ibang damdamin sa tulong ng paghawak sa kausap. Kabilang dito ang paghawak ng mga kamay upang makiramay at bumati. Maaaring hawakan ang pisngi ng nakababatang kausap kapag natutuwa rito, o kaya’y hawakan at guluhin ang buhok dahil din sa katuwaan. Maaari ring maghayag ng iba’t ibang damdamin kapag hinawakan ang siko o kaya’y ang balikat. Sa ating wika, may iba-iba tayong tawag sa paraan ng paghawak sa ibang tao o bagay at bawat paraan ay may kanya-kanyang kahulugan. Ilarawan ang mga sumusunod at tukuyin ang posibling kahulugan ng bawat isa: hawak, pindot, hablot, pisil, tapik, batok, haplos at hipo.

5. kinesics. Maraming sinasabi ang ating katawan, minsan pa nga’y higit pa sa mga tunog na lumalabas sa ating bibig. Kaya nga may tinatawag sa Ingles na body language. May mga natatanging kahulugan ang pagkikibit-balikat, pagdila, pagkakamot ng batok, pagtatakip ng ilong, pagpadyak, pagtulis ng nguso, paraan ng paglakad at napakarami pang iba.
Hindi rin maitatago ang ating damdamin at tunay na intensyon sa ating ating mukha. Sa mukha, maaaring makita kung ang isang tao ay masaya, umiibig, malungkot, nag-aalala, natatakot, may suliranin, nahihirapan, galit o di kaya’y nag-iisip.
Ang kumpas ng kamay ay isa ring mayamang pinanggagalingan ng mensaheng di-berbal. Maaaring ang kumpas ay regulative katulad ng kumpas ng pulis sa pagpapahinto ng mga sasakyan sa daan o kumpas ng isang guro sa pagpapatahimik ng mga bata. Mayroon din tayong mga tinatawag na descriptive na kumpas na maaaring maglarawan ng laki, haba, layo, taas at hugis ng isang bagay. Ang mga kumpas naman na nagpapahiwatig ng damdamin tulad ng paghampas ng kamay sa mesa, sabay na pagtaas ng dalawang kamay, pagkuyom na mga palad at pakikipagkamay ay tinatawag na mga kumpas emphatic.

6. objectics. Ito ay ang paggamit ng mga bagay sa komunikasyon sa pagpapaliwanag ng mga gustong sabihin, o kaya’y paggamit din ng mga bagay kapag may damdaming nais ipahayag. Gumagamit ng ruler ang titser hindi lamang sa kanyang leksyon sa Matematika kundi kapag siya’y nagagalit, o kung may gusto siyang bigyang-diin sa mga nakasulat sa blakbord.

7. paralanguage. Ito ay tumutukoy sa paraan ng pagbigkas sa isang salita. Ang salitang oo, halimbawa, ay maaaring mangahulugan ng pagsuko, pagsang-ayon, galit, kawalan ng interes o paghamon, depende kung paano iyon binibigkas. Nakapaloob din dito ang pagbibigay-diin sa mga salita, bilis ng pagbigkas, paghinto sa loob ng pangungusap, lakas ng boses at taginting ng tinig. Ang mga ito ay maaaring magpabagu-bago sa kahulugan kahit ng isang salita lamang. Halimbawa, subukan mong bigkasin ng tung na oh sa iba’t ibang paraan. Ano ang posibleng kahulugan ng bawat paraan mo ng pagbigkas ng tunog na iyon? Kahit hindi mo nakikita ang nagsasalita ay matutukoy mo kung siya ay babae o lalake sa pamamagitan ng boses. Hindi na kailangan pang sabihin ng tao na lalake siya o babae siya. Maaari ring makilala ang etnikong grupong kinabibilangan ng isang tao sa pamamagitan ng punto. Alam na alam natin kung ang nagsasalita ay isang Maranao dahil sa punto o intonasyon ng pagsalita.


8. Kulay. Ang kulay ay maaari ring magpahiwatig ng damdamin o oryentasyon. Ano ang ipinahihiwatig ng damit na itim? Ng bandilang pula? Ng taling dilaw sa noo? Sa mga interseksyon ng daan, ano ang ibig sabihin ng ilaw na dilaw, berde at pula? Ano ang ipinahihiwatig ng puting panyo? Sadya ngang ang kulay ng mga bagay-bagay ay madalas nating nilalapatan ng kahulugan.

9. iconics. Sa ating paligid ay marami kang makikitang simbulo o icons na may malinaw na mensahe. Sa pintuan ng mga palikuran, ano’ng simbulo ang nagpapahiwatig na ang isa ay pambabae at ang isa ay panlalake? Paano sinisimbulo na bawal manigarilyo sa isang lugar? Anong simbulo ang ginagamit sa mga lugar na para sa mga may kapansanan? Anong simbulo ang makikita sa botelya ng lason, o sa reseta ng mga duktor, o sa tanggapan ng mga husgado. Sa mga kalsada o daan, anu-anong mga simbulong panlansangan ang iyong makikita? Ilarawan ang bawat isa at sabihin ang kahulugan ng mga iyon.

10. personal na anyo. Kasama rito ang hugis ng katawan, ayos ng buhok, pagsusuot ng alahas, kuko at iba pa. May matatabang gustong pumayat, at may mga payat namang gustong tumaba. Depende sa persespyon ng bawat indibidwal kung ano ang nais nilang ayos o hitsura/anyo. Ano man ang gusto ng bawat indibidwal na maging anyo o ayos nila ay tiyak na may ipinararating na mensahe sa mga tumitingin o nakakakita.

11. damit. Sinasabing makikita sa damit na isinusuot ng isang tao ang kanyang hilig, edad, personalidad at maging ang mga pag-uugali. May ibang nagdaramit dahil kailangang magdamit, ibig sabihin kahit ano lang ang maisuot. Mayroong pumipili ng isusuot na komportable sila. May nagdaramit upang maging kaakit-akit. May iba namang nais laging sunod sa uso ang damit. Ano man ang layunin ng mga nagdaramit, may mensahe rin itong ipinarating. Maging ang disenyo ng damit ay may kahulugan.

12. amoy
13. lasa
14. musika
15. tunog

Kahit saan man, ang komunikasyon ay palaging ginagamit upang higit na magkaunawaan ang bawat indibidwal, pasalita man o pasenyas. Ang mahalaga ay nagkakaunawaan ang mga partisipant at nalinang ang kasanayang umunawa sa mga salik na personal at salik-sosyal at kahusayang magpaunawa sa mensaheng nilalayong ipahatid sa paraang angkop, tumpak, at katanggap-tanggap sa lipunan at pamayanan.


Mga Konsiderasyon sa Mabisang Komunikasyon

Upang maging mabisa, ang komunikasyon, kailangan din itong isaayos. Si Dell Hymes ay nagbigay ng ilang mungkahi kung paano dapat isaayos ang paggamit ng wika. Ayon kay Hymes, kailangang isaalang-alang ang ang konsiderasyon upang matiyak na magiging mabisa ang komunikasyon. Ginamit niya ang akronim na S.P.E.A.K.I.N.G. na tinalakay sa mga sumusunod na talata.

1. Setting. (saan nag-uusap?) Sa pakikipagkomunikasyon, ang pook o lugar saan naganap ang usapan ay dapat isaalang-alang. Ang paraan ng pagpapahayag ng mga salitang ginagamit, ang tono at tunog ng pagsasalita ay nag-iiba ayon sa lokasyon na pinangyarihan ng salitaan. Hindi maaaring ang pakikipag-usap sa kaibigan sa gitna ng lansangan ay maging katulad ng pakikipag-usap sa kanya sa loob ng simbahan. Ang lugar ay may malaking impluwensya sa komunikasyon. Kung hindi ito isasaalang-alang, maaari kang mapagkamalang bastos o walang pinag-aralan. Subukan mong magsisigaw sa loob ng inyong klase. Ano kaya ang kahihinatnan mo?

2. Participants. (sino ang kausap, nag-uusap?) Dito isinaalang-alang ang tao o mga taong kasangkot sa komunikasyon. Ang pag-uugali, katauhan, damdamin, maging ang estado sa buhay, katungkulan, hanapbuhay, gulang kasarian, paniniwala at pilosopiya sa buhay ay nakakaimpluwensya sa daloy at paraan ng pagpapahayag ng nagsasalita at ng kanyang kausap. Halimbawa, maaari mong sabihing Pare, pahiram nga ng bolpen mo sa iyong kaibigan, ngunit hindi mo maaaring sabihin iyon sa iyong ama. Subukan mo kayang sabihin iyon sa kanya, ano kaya ang magiging reaksyon niya? Bakit? Paano ba ang angkop na pahayag kung ang gayong diwa ay sasabihin mo sa kanya?

3. End. (ano ang layunin ng usapan?) Sa komponent na ito ang interaksyon ay ayon sa layuning nais matamo sa pakikipagkomunikasyon: pagpapahayag o pagbibigay ng impormasyon, pag-uutos, pakikiusap, pagpapahiwatig, pagpapakahulugan, pagmumungkahi, pagbabahagi ng damdamin, pangangarap o paglikha. Ano kaya ang layunin ng isang taong mangungutang? Makahiram ng salapi sa taong uutangan niya, hindi ba? Makakamit ba niya ang kanyang layunin kung ang sasabihin niya’y Hoy! Pautang nga ng isanlibo! Samantala, kung siya nama’y manghoholdap, makakamit ba niya ang kanyang layunin kung sa malumanay na pananalita’y sasabihin niyang Para mo nang awa, akin na ‘yang pera mo? Hindi ang sagot sa dalawang huling tanong. Kung gayon, sa paggamit ng wika, kailangan munang isaalang-alang ang layunin sa pakikipag-usap.

4. Acts Sequence. (paano ang takbo ng pag-uusap?) Ito ang tumutukoy sa pagkakaugnay ng usapang nagaganap sa uri ng pangyayari. Halimbawa, sa pagtitipan (date) inaasahang masuyo at malambing ang himig ng usapan at takbo ng pananalita ng magkasintahan ngunit, kapag may mga bagay silang pinagtatalunan maaaring magbago ang ayos ng usapan. Ito ay maaaring magresulta sa di pagkikibuan o away.

5. Keys. (pormal ba o impormal ang usapan?) Nakakita ka na ba ng isang taong nakakamiseta at naka-shorts sa isang debut party? O di kaya’y ng isang taong naka-gown o barong Tagalog habang naglalaro ng basketball o volleyball? Parang ganito rin ang magiging hitsura mo kung hindi mo isaalang-alang ang pormalidad ng isang okasyon sa iyong pakikipag-usap. Kung gayon, kung pormal ang isang okasyon, paano ka makikipag-usap sa ibang tao? Anong salita ang iyong gagamitin? Kung makikipag-usap ka sa iyong pamilyar na kaibigan, gayon di ba ang paraan ng iyong pagsasalita at ang mga salitang iyong gagamitin?

6. Instrumentalities. (ano ang midyum ng usapan, pasalita ba o pasulat?) Sa madaling salita, kailangang ikonsider din ang gamit o daluyan ng komunikasyon. Daluyang sensori ba o daluyang institusyunal? Bakit kailangang isaalang-alang ito? Pakaisipin mo. Maaari mo bang ikwento sa iyong kaibigan ang nobelang iyong nabasa sa pamamagitan ng text? Maipapaamoy mo ba sa kanya ang halimuyak ng bulaklak sa pamamagitan ng telepono? Susulat ka pa ba sa bumbero kung nasusununog na ang bahay mo? Kung hindi mo kayang magsinungaling nang harapan, magdadahilan ka ba pa sa iyong kasintahan sa kanyang harapan? Kung mahusay kang gumawa ng sulat o ng tula, paano ka manliligaw kaya? Ang midyum ang humuhubog at naglilimita sa isang mensahe. Kung mabisang maisasaalang-alang ito, kung gayon, magiging kontrolado natin ang hugis at lawak o limitasyon ng mensahe sa komunikasyon.

7. Norms. (ano ang paksa ng usapan?) Mahalagang maisaalang-alang din ng isang tao ang paksa ng usapan. Halimbawa, maaaring hindi mo na igigiit ang iyong katwiran kung batid mong limitado lamang ang nalalaman mo sa paksa ng isang pagtatalo. Makakabuti ring itikom na lamang ang bibig kung sa gitna ng isang talakayan ay wala ka namang nalalaman sa paksang tinatalakay. May mga paksa ring eksklusibo. Halimbawa, may mga paksang pambabae, kung paanong may panlalaki rin. Makabubuti, kung gayon, sa mga lalaki ang umiwas sa mga talakayang may paksang eksklusibo sa mga babae kung paanong makabubuti sa mga babae ang umiwas sa pakikilahok sa mga talakayang may paksang eksklusibong panlalaki.

8. Genre. (ano ang uri ng pagpapahayag? Pagsasalaysay, paglalarawan, paglalahad o pangangatwiran?) Sa komponent na ito, isinaalang-alang ang layunin ng participants. Kung ang nais niya ay ang magkwento ng isang pangyayari o mga pangyayari, pasalaysay ang pagpapahayag. Kung ang nilalayon naman niya ay magpakitang anyo, katangian, hugis, at kulay ng isang bagay, tao, pook, pangyayari at damdamin, paglalarawan ang paraan. Paglalahad naman ang paraan ng pagpapahayag kung ang nais nito ay magpapaliwanag at magbigay ng impormasyon, samantalang kung ang layunin niya ay ang manghikayat, magpatunay at pagbulaanan ang opinyon, katwiran at paninindigan ng iba, pangangatwiran ang paraan ng pagpapahayag.

Ang layon sa pagtuturo-pagkatuto ng wika ay ang pagtatamo ng pangkalahatang kahusayan sa paggamit ng wika upang makapagpahayag nang mabisa at maiugnay ang sarili sa kanyang paligid. Dapat malinang ang kasanayang umunawa sa mga salik na personal at salik-sosyal at kahusayang magpaunawa sa mensaheng nilalayong ipahatid sa paraang angkop, tumpak, at katanggap-tanggap sa lipunan at pamayanan..


Kahalagahan ng Komunikasyon

Tayo ay nabubuhay sa panahon ng pagbabago –panlipunan, pampulitika at pangkabuhayan. Ang isa sa mga salik na makatutulong sa ating pakikibagay sa mabilis na pag-inog ng daigdig at sa panahon ng globalisasyon ay ang kakayahan nating makipagtalastasan.

Kahalagahang Panlipunan. Isang sitwasyong nararapat harapin sa araw-araw na buhay ang pakikipagtalastasan. Kinakailangang maging mabisa ito upang maging normal ang pakikisalamuha natin sa mga taong makatatagpo sa lahat ng dako: sa tahanan, simbahan, opisina, palengke, paaralan at iba pa.
Sinumang maghahangad na maiagpang ang sarili sa lipunang ginagalawan ay gumagamit ng komunikasyon. Ang tagaumpay at kabiguan, ang hinaharap ng tao ay nakasalalay sa paraan ng kanyang pakikipag-unawaan. Pinatatag din ng pakikipag-unawaan ang kalagayan at binibigyang-halaga ang pagkatao. Sa pamamagitan ng mahusay at maayos na pakikipag-usap at pakikisalamuha sa iba, nakagagawa siya ng desisyon tungkol sa anumang bagay: sa kabuhayan, relihiyon, edukasyon at pulitika. Ang mensaheng dala ng bawat aklat, pahayagan, magasin, telebisyon at teatro ay nagbibigay ng ideya sa tao at naghahamon sa kanyang piliin ang landas na tatahakin o kalagayang haharapin. Nakapagbabago ito ng pag-uugali at pananaw ng isang nilikha.

Kahalagahang Pangkabuhayan. Anumang propesyon upang maging matagumpay ay nangangailangan ng mabisang pakikipagtalastasan. Ang isang abugado, bilang halimbawa, ay bumabalangkas ng mabisang pangangatwiran sa pagtanggol ng kanyang kliyente. Ang guro, sa pagtuturo, ay nangangailangan ng kasanayan sa pagpapaliwanag ng liksyon ay maging ang doktor sa pagsusuri ng maysakit ay kailangang makapagbigay ng tagubilin sa paraang nauunawaan ng pasyente. Kailangan ang mahusay na pakikipagtalastasan sa alinmang negosyo upang magkaunawaan ang nagbibili at ang mamimili.

Kahalagahang Pampulitika. Sa isang bansang demokratiko, ay may layang makisangkot ang mga tao sa pag-ugit ng pamahalaan. Malaya ang mga pagtatalakayan ng mga bagay-bagay na nauukol sa bayan. Ang mga karaingan at mungkahi ng madla ay maipaaabot sa itaas sa pamamagitan ng mga salitang may katapatan at linaw, hindi sa mabibigat na pananalitang magdudulot ng pagkapoot o salungatan. Kailangang maging maluwag ang pagkakasulat ng mga panuntunan at saligang batas upang mapanatili ang katarungan at kapayapaan.
Maging ang bansa, sa pakikipag-ugnayan sa iba pang bansa ay nangangailangan ng mabisang pakikipagtalastasan. Upang maging matagumpay sa kanyang relasyong pandeplomatiko, kailangang ang embahador o ministro ay maingat at mapili sa pagbibitiw ng anumang salita. Ang munting pagkakamali ay maaaring magbunga ng hidwaan ng mga bansa, sa halip na pagkakasundo.

Tuesday, July 27, 2010

Batayang Kaalaman sa Wika

Kahulugan ng wika

Hindi maitatanggi sa mga tao dito sa mundo ang kahalagahan ng wika. Ito ang naging daan upang maibahagi sa isa’t isa ang kani-kanilang mga ninanais at niloloob. Ayon kina Espina at Borja (1999:1), ang wika ay isang mahalagang kasangkapan upang maipahayag ng tao ang kanyang damdamin at kaisipan. Ang kakayahan sa paggamit ng wika na nasasalig sa isipan, damdamin at kilos ng tao ay resulta ng isang dinamikong prosesong bunga ng kanyang karanasan—kabiguan, tagumpay, pakikipagsapalaran at maging ng kanyang mga pangarap at mithiin.

Kung hindi maipahahayag ng tao ang kanyang mga ideya at niloloob, anong uri kaya ng lipunan mayroon tayo? Walang makabuluhang gawaing pantao ang maaaring maganap kung hindi niya maipababatid ang kanyang iniisip gayon din kung hindi niya mauunawaan ang nais ipahayag ng iba.

Ano nga ba ang wika? Bakit ito’y totoong napakakomplikado at tunay na may kapangyarihan? Ilan lang ito sa mga katanungan na hindi karaniwang pinag-iisipan o ipinaliliwanag dahil seguro sa pagiging natural lang sa tao ang pagkatuto, pagkakaroon at tuluyang paggamit ng kanyang wika mula pagkabata. Ito ay kung wala siyang naging kapansanan para hindi matuto ng wika o kaya’y para matigil ang kanyang paggamit ng wikang kinagisnan.

Ang mga dalubhasa ay may iba’t ibang pakahulugan sa wika.

Ayon kay Edward Sapir, ang wika ay isang likas at makataong pamamaraan ng paghahatid ng mga kaisipan, damdain at mithiin.

Si Carroll (1964) ay nagpapahayag na ang wika ay isang sistema ng mga sagisag na binubuo at tinatanggap ng lipunan. Ito ay resulta ng unti-unting paglilinang sa loob ng maraming dantaon at nagbabago sa bawat henerasyon, ngunit, sa isang panahon ng kasaysayan, ito ay tinutukoy na isang set ng mga hulwaran ng gawi na pinag-aaralan o natutuhan at ginagamit sa iba’t ibang antas ng bawat kasapi ng pangkat o komunidad.

Ayon kay Todd (1987) ang wika ay isang set o kabuuan ng mga sagisag na ginagamit sa komunikasyon. Ang wikang ginagamit ng tao ay hindi lamang binibigkas na tunog kundi ito’y sinusulat din. Ang mga tunog at sagisag na ito ay arbitraryo at sistematiko. Dahil dito ay ayon sa kanya, walang dalawang wikang magkapareho bagamat bawat isa ay may sariling set ng mga tuntunin.

Ayon din kay Archibald A. Hill sa kanyang papel na What is Language? Ang wika raw ay ang pangunahin at pinakaelaboreyt na anyo ng simbolikong gawaing pantao. Ang mga simbolong ito ay binubuo ng mga tunog na nalilikha ng aparato sa pagsasalita at isinasaayos sa mga klase at pattern na lumilikha sa isang komplikado at simetrikal na istruktura. Ang mga simbolong ito ay mayroon ding kahulugang arbitrayo at kontrolado ng lipunan.

Marami pang mga kahulugan ang mailalahad ng mga dalubhasa tungkol sa wika. At ang mga kahulugang ito ay maiisa batay sa kahulugang ibinigay ni Gleason tungkol sa wika. Ayon sa kanya, ang wika raw ay masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na pinipili at isinasaayos sa paraang arbitraryo upang magamit ng mga taong kabilang sa isang kultura.


Katangian ng wika

Batay sa mga kahulugan ng wika na inilahad ng mga dalubhasa, matutukoy ang mga pangunahin at unibersal na katangian ng wika na tatalakayin sa mga sumusunod na talata:

  1. Ang wika ay masistemang balangkas. Ano mang wika sa daigdig ay sistematikong nakasaayos sa isang tiyak na balangkas. Walang wika ang hindi nakaayon sa balangkas na ito. Lahat ng wika ay nakabatay sa tunog. Ponema ang tawag sa makahulugang tunog ng isang wika samantalang ponolohiya naman ang tawag sa makaagham na pag-aaral ng mga ito. Kapag ang ponemang ito ay pinagsama, maaaring makabuo ng maliliit na yunit ng salita na tinatawag na morpema. Ang morpemang mabubuo ay maaaring isang salitang-ugat, panlapi o morpemang ponema katulad ng ponemang /a/ na sa wika natin ay maaaring magpahiwatig ng kasariang pambabae. Morpolohiya naman ang tawag sa makaagham na pag-aaral ng mga morpema. Samantala, kapag ang mga salita ay ating pinag-ugnay, maaari naman tayong makabuo ng mga pangungusap. Sintaksis naman ang tawag sa makaagham na pag-aaral ng mga pangungusap. Kapag nagkaroon ng ng makahulugang palitan ng mga pangungusap ang dalawa o higit pang tao ay nagkakaroon na ng tinatawag na diskurso.

  1. Ang wika ay binubuo ng mga sagisag o simbolo. Kapag nagsasalita tayo, ang bawat salitang binibigkas natin ay isang serye ng mga tunog na kumakatawan sa isang bagay (lapis, bag, papel), ideya (pag-aaral, katotohanan), damdamin (pag-ibig, kaligayahan) o isang fangsyon (si, nang, ni).

  1. Ang wika ay mga sagisag na binibigkas. Hindi lahat ng tunog ay wika sapagkat hindi lahat ng tunog ay may kahulugan. Sa mga tao, ang makahulugang tunog na nalilikha natin at kung gayo’y kasangkapan ng komunikasyon sa halos lahat kung hindi man lahat ng pagkakataon ay ang tunog na sinasalita. Samakatwid, ang mga tunog na nalilikha ng ating aparato sa pagsasalita ay nagmumula sa hanging nanggagaling sa baga o ang pinanggagalingan ng lakas o enerhiya, nagdaraan sa pumapalag na bagay na lumilikha ng tunog o artikulador at minomodipika sa resonador. Upang magiging makabuluhan ang nabuong tunog, kailangan itong mabigkas nang mabuti upang makilala ng tagapakinig ang pagkakaiba ng mga tunog. Ang paraang pasulat ay representasyon lamang ng mga tunog na sinasalita.

  1. Ang wika ay arbitraryong simbulo at tunog. Ang salitang arbitraryo ay nangangahulugang walang tiyak na batayan. Ibig sabihin ang pagbuo ng mga simbulo at tunog na kumakatawan sa kahulugan ng bagay, ideya at kaisipan ay walang tiyak na batayan o tuntuning sinusunod. Ito’y pinagkakasunduan ng mga tao sa tiyak na pook o pamayanang gumagamit ng wika. Kaya magkakaiba ng mga salitang ginagamit ang iba’t ibang pook tulad ng salitang rice sa Ingles, arroz sa Kastila, bugas sa Cebuano, bigas sa Tagalog, at abyas sa Kapampangan. Kung gayon, ang mga taong walang ugnayan sa isang komunidad ay hindi matutong magsasalita kung paanong ang mga naninirahan sa komunidad na iyon ay nagsasalita sapagkat ang esensya ng wika ay panlipunan.

  1. Ang wika ay ginagamit. Ang wika ay kasangkapan sa komunikasyon at katulad ng iba pang kasangkapan, kailangang tuluy-tuloy itong ginagamit. Ang isang kasangkapang hindi na ginagamit ay nawawalan na ng saysay. Gayon din ang wika. Kapag ang wika ay hindi na ginagamit, unti-unting mawawala at tuluyang mamamatay.

  1. Wika ay nakabatay sa kultura. Nagkakaiba ang wika sa daigdig dahil na rin sa pagkakaiba ng kultura ng mga bansa at mga pangkat. Ito ang naging paliwanag kung bakit may mga kaisipan sa isang wika ang walang katumbas sa ibang wika sapagkat wala sa kultura ng ibang wika ang kaisipang iyon ng isang wika. Katulad ng sa Ingles at Filipino. Sa Ingles ay may iba’t ibang formation ng ice na maaaring tumbasan sa Filipino ng nyebe at yelo. Ngunit may maging panumbas pa ba sa glacier, icebergs, frozt, hailstorm at iba pa? Wala, sapagkat hindi naman bahagi ng ating kultura ang mga formations na ito. Samantala, ano naman ang katumbas sa Ingles ang ating palay, bigas at kanin? Rice lamang dahil hindi ito bahagi ng kanilang kultura. Ano naman kaya ang panumbas ng mga salitang karomata at nigo sa ibang kultura?

  1. Ang wika ay nagbabago. Dinamiko ang wika. Hindi ito maaaring tumangging hindi magbabago. Ang isang wikang stagnant ay maaari ring mamatay tulad ng hindi paggamit niyon. Ayon kina Paz (2003:6) lahat ng bagay ay nagbabago at sa panahon ngayon ng makabagong teknolohiya at madaling paglalakbay ng mga tao, masasabing lumiliit na ang mundo. Ang bunga ng pagliit na ito ng mundo na dala na rin ng midya ay ang dumadaling ugnayan ng mga tao na maaaring nagdadala ng pagbabago sa kanya, sa kanyang kultura at sa kanyang wika. Ang pinakamadaling maapektuhan ng pagbabago sa wika ay ang bokabularyo nito. Sa kaso ng Pilipinas, ang matagal na ding impluwensya ng ibang bansa ay nagdagdag sa bokabularyo ng ating mga wika ng mga salitang hiram na galing sa Instik, Arabik, Kastila, Ingles at Hapon, halimbawa: pansit, lomi, syopaw, swerte, sibuyas, mansanitas, magkodakan, kompyuter, siroks, sushi, tempura, Japayuki, atbp. Sa mga nadagdag na salita, may mga nahinto ang gamit, at may mga napalitan o nadagdagan ang kahulugan. Halimbawa, kerida na galing sa Kastila querida ‘minamahal’ na ang kahulugan ngayon sa Filipino ay ‘kinakasama ng lalake na hindi niya asawa’, bawnderi ng taksi o ng jip na galing sa Ingles boundary ‘hangganan’ na ang nadagdag na kahulugan ay ‘perang ibinayad ng drayber sa may-ari sa pagpasada ng kanyang taksi o jip. Ano kaya ang naging kahulugan sa Filipino sa mga salitang Ingles na wheels, cats, dogs, Indian? Ang mga ito ay mga patunay na ang wika ay nagbabago.

  1. Ang wika ay pantao. Ang wika ay para sa, ukol sa, at gamit lamang ng tao. Iba ang wika sa ungol o huni ng hayop. Ang aso ay tumatahol, ang pusa ay ngumingiyaw, ang leon ay umaatungal, ang sisiw ay sumisiyap, ngunit ang mga ito ay hindi wika. Napag-aralan ng isang tao na salitain ang isang wika, ang wika ng ibang pangkat etniko. Hindi mapag-aaralan ng isang aso ang atungal ng leon o tilaok ng isang manok, ang pagtahol ng aso. Ang wika ay pantao. Hindi magagamit ng mga hayop ang kani-kanilang sariling paraan ng pag-ungol na gaya ng paggamit ng tao sa wika. Nagagamit ang wika sa pag-uusap tungkol sa kanyang opinyon. At dahil sa ang wika ay may sistema, maaaring matutuhan ng isang tao ang ibang wika o ang wika ng ibang pangkat etniko o pangkat kultural ng ibang lahi at lipi.

Kahalagahan ng Wika

May malaking papel na ginagampanan ang wika sa bawat tao at maging sa lipunan. Sa pamamagitan ng wika, nabubuo ang mabuting relasyon sa kapwa, napapaunlad ng tao ang kanyang sarili at nakatutulong din siya sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng iba. Dahil sa wika nakatatanggap at nakikibahagi siya sa kapwa ng bisang dala ng pagbabago sa kultura at kabihasnan. Ang realisasyon ng kanyang mga pangarap bilang tao at ang pagtupad ng kanyang tungkulin bilang makabuluhang kasapi ng lipunan ay nakasalalay sa kanyang kakayahan sa paggamit ng wika. Samakatwid, ang kahusayan ng tao sa paggamit ng wika na ipinakikita sa kanyang kasanayan sa pakikinig, pagsasalita, pagbasa at pagsulat ay maituturing na isang mahalagang katuparan at instrumento sa pansariling pag-unlad.

Narito ang ang iba’t ibang kahalagahan ng wika.

  1. Instrumento ng Komunikasyon. Ang wika pasalita man o pasulat, ay pangunahing kasangkapan ng tao sa pagpapahayag ng damdamin at kaisipan. Sa micro level, ang dalawang tao ay nagkakaunawaan sa pamamagitan ng epektibong paggamit ng wika. Ang magkasintahan, halimbawa, ay nakapagpapanatili ng relasyon dahil may wikang nagiging instrumento nila ng komunikasyon. Samantala, may mga nagkakagalit o nag-aaway bunga ng miskomunikasyon o di-epektibong paggamit ng wika. Samakatwid, ang mabisang paggamit ng wika ay mahalaga sa pakikipag-ugnayan ng tao sa kanyang kapwa dahil tayong mga tao ay mga nilikhang panlipunan. Kung gayon, ang wika ang pangunahin nating kasangkapan upang tayo’y makaganap sa ating mga tugkuling panlipunan. Ayon din sa macro-level, ang mga bansa ay nakakapag-ugnayan dahil sa wika. Iba-iba man ang wika ng mga bansa, nakahahanap pa rin sila ng komong wikang kanilang kinakasangkapan upang magkaroon ng unawaan.

  1. Nag-iingat at Nagpapalaganap ng Kaalaman. Maraming kaalaman ang naisasalin sa ibang salin-lahi at napakikinabangan ng ibang lahi dahil sa wika. Ang mga nobela ni Rizal halimbawa, ay naisulat ilang daang taon na ang lumipas ngunit patuloy itong napakikinabangan sa ating panahon dahil may wikang nagkakanlong dito at nag-iingat hanggang sa kasalukuyan. Ang mga mahahalagang imbensyong kanluran ay napakikinabangan din sa ating bansa dahil may wikang nagkakanlong sa mga iyon at naging sanhi upang iyon ay mapalaganap sa iba’t ibang sulok ng daigdig. Dahil may wika, hindi kasamang naililibing ang mga mahahalagang kaalaman sa pagyao ng lumikha o tumuklas ng mga iyon. Paano na lang kaya kung hindi man lang naisulat o naipagsabi ni Benjamin Franklin ang pagakatuklas niya sa kuryente bago siya namatay? Marahil ay baka wala pa rin tayong kuryente hanggang sa ngayon.

  1. Nagbubuklod ng Bansa. Sa panahon ng mga katipunero, wikang Tagalog ang naging daan upang mapag-isa ang kanilang mga hinaing. Tagalog ang kanilang wikang opisyal, sa kanilang pakikipaglaban sa mga Kastila, samantalang ang mga Propagandista naman ay ng wikang Kastila, na naging wika nila sa pagpapahayag ng mga makabayang diwa sa la Solidaridad. Ano mang wika, kung gayon, ay maaaring maging wika ng pang-aalipin, ngunit maaari rin itong gamitin upang pagbuklurin ang isang bansa sa layuning pagpapalaya. Tulad na lamang ng sa Edsa I at II, wika ang daan upang magtipon ang mga Pilipino sa monumento ng EDSA upang isigaw ang nag-iisang mithiin ang pagtuldok sa pamahalaang diktadorya at mandarambong.

  1. Lumilinang ng Malikhaing Pag-iisip. Kapag tayo ay nagbabasa ng maikling kwento o nobela o di kaya’y kapag tayo’y nanonood ng pelikula, parang nagiging totoo sa ating harapan ang mga tagpo niyon. Maaaring tayo’y napahalakhak o napapangiti, natatakot o kinikilabutan, nagagalit o naiinis, naaawa o naninibugho. Ito ang nagpapagaan ng ating imahinasyon. Sa ating isipan, nalilikha natin ang bawat larawan ng mga tagpo sa kwento o nobelang ating binabasa o pelikulang ating pinapanood. Ang wikang nakasulat na ating nababasa o wikang sinasalita ng mga tauhan sa pelikula na ating naririnig ang nagdidikta sa ating isipan upang gumana at lumikha ng imahinasyon, at kung gayo’y nalilinang ang ating malikhaing pag-iisip.

Tungkulin ng Wika

Napakahalaga ng tungkuling ginagampanan ng wika. Napakahalagang katangian ng tao ay ang pagkakaroon ng wika at ang kakayahang gumamit ng wika. Isipin natin. Ano kaya ang magiging buhay ng tao at ng santinakpan kung nagkataong walang wika ang tao at hindi angkin ng tao ang kakayahang gumamit ng wika? Paano ang pakikipagtalastasan? Paano maipapahayag ang mga kaisipan at mga damdamin? Paano maitatala ang mga naganap na pangyayari na tatawaging kasaysayan? Kung walang wika, lahat ng tungkuling binanggit ay hindi maisasagawa.

Ang wika na ugat ng pakikipagtasalastasan o komunikasyon ay may mahahalaga at iba’t ibang tungkulin gaya ng sumusunod:

  1. Pang-interaksyunal. May gamit interaksyunal ang wika kung ginagamit ito sa pagpapanatili ng mga relasyong sosyal, katulad ng pagbati sa iba’t ibang okasyon, panunukso, pagbibiro, pang-iimbita, pasasalamat at paggamit ng mga salitang pang-teen-ager, liham-pangkaibigan, lenggwahe ng mga bakla, propesyunal na jargon, palitang ritwalistik, at dayalektong rehiyunal.

  1. Pang-intrumental. May gamit na intrumental ang wika na tumutulong sa tao para maisagawa ang mga gusto niyang gawin. Maisasagawa niya ang anuman at mahihingi ang iba’t ibang bagay sa tulong ng wika. Samakatwid, magagamit ang wika sa pagpapangaral, verbal na pagpapahayag, pagmumungkahi, paghingi, pag-uutos, pakikiusap at liham pangngalakal.

  1. Panregulatori. May gamit ding regulatori ang wika na nangangahulugang nagagamit ito sa pagkontrol sa mga sitwasyon o kaganapan. Kabilang dito ang pagbibigay ng mga patakaran o palisi at mga gabay o panuntunan, pag-aaproba at/o di-pagpapatibay, pagbibigay ng pahintulot at/o pagbabawal, pagpuri at/o pambabatikos, pagsang-ayon at/o di-pagsang-ayon, pagbibigay ng direksyon, paalala, babala at pagbibigay panuto.

  1. Pampersonal. Personal naman ang gamit ng wika sa pagpapahayag ng personalidad at damdamin ng isang indibidwal. Nasa anyo ito ng iba’t ibang pangungusap na padamdam, pagmumura, paghingi ng paumanhin, pagpapahayag ng mga pansariling damdamin (tuwa, galit, gulat, hinanakit, pag-asa, kagustuhan), at iba pang pansariling pahayag.

  1. Pang-imahinasyon. Ito ang gamit ng wika kung ginagamit ito sa paglikha at/o pagpapahayag ng malikhain, estetiko o artistikong kaisipan. Kasama rito ang verbal o kaya’y pasulat na pag-awit, pagtula, pagkukwento, deklamasyon, akdang pampanitikan at iba pang gawaing ginagamit “ang wika para sa wika.”

  1. Pangheuristiko. May gamit heuristik ang wika kung ginagamit ito ng tao upang matuto at magtamo ng mga tiyak na kaalaman tungkol sa mundo, sa mga akademiko at/o propesyunal na sitwasyon. Ito ay ang pagbibigay o paghahanap ng kaalaman. Kabilang dito ang pagtatanong, pakikipagtalo, pagbibigay-depinisyon, panunuri, sarbey at pananaliksik.

  1. Pang-impormativ. Ang wika ay instrumento upang ipaalam ang iba’t ibang kaalaman at insight tungkol sa mundo. Ang wika ay ginagamit upang magbigay ng impormasyon/datos. Tulad ng pag-uulat, pagtuturo, pagpapaliwanag, pagsagot, pagtuturo at pamanahunang papel.

Antas ng Wika

Nagkakaroon ng antas ng wika ang isa pang mahalagang katangian nito. Tulad ng tao, ang wika ay nahahati rin sa iba’t ibang kategorya ayon sa kaantasan nito. Kung tutuusin, ang antas ng wikang madalas na ginagamit ng isang tao ay isang mabisang palatandaan kung anong uri ng tao siya at kung sa aling antas-panlipunan siya kabilang.

Nahahati ang antas ng wika sa kategoryang Pormal at Impormal. Bawat kategorya, napapaloob ang mga antas ng wika.

  1. Pormal. Ito ang mga salitang istandard dahil kinikilala, tinatanggap at ginagamit ng higit na nakararami lalo na ng mga nakapag-aral ng wika.
    1. Pambansa. Ito ang mga salitang karaniwang ginagamit sa mga aklat pangwika/pambalarila sa lahat ng mnga paaralan. Ito rin ang wikang kadalasang ginagamit ng pamahalaan at itinuturo sa mga paaralan.
    2. Pampanitikan. Ito naman ang mga salitang gamitin ng mga manunulat sa kanilang mga akdang pampanitikan. Ito ang mga salitang karaniwang matatayog, malalalim, makulay, talinghaga at masining.

PAMBANSA

PAMPANITIKAN

Ina

Baliw

Magnanakaw

Ilaw ng tahanan

Nasisiraan ng bait

Malikot ang kamay

  1. Impormal. Ito ang mga salitang karaniwan, palasak at pang-araw-araw na madalas nating gamitin sa pakikipag-usap at pakikipagtalastasan sa mga kakilala at kaibigan.
    1. Lalawiganin. Ito ang mga bokabularyong pandayalekto. Gamitin ang mga ito sa mga partikular na pook o lalawigan lamang, maliban kung ang mga taal na gumagamit nito ay magkikita-kita sa ibang lugar dahil natural na nila itong naibubulalas. Makikilala rin ito sa pagkakaroon ng kakaibang tono, o ang tinatawag ng marami na punto.

PAMBANSA

LALAWIGANIN

Upo

Kalamansi

Talukbong

Aba nga naman

Gabi

Bote

Tabayag

kalamunding

pandong

ala eh naman

gabi-i

boti

    1. Kolokyal. Ito’y mga pang-araw-araw na mga salita ngunit may kagaspangan at pagkabulgar, bagamat may anyong repinado at malinis ayon sa kung sino ang nagsasalita. Ang pagpapaikli ng isa, dalawa o higit pang salita ay mauuri rin sa antas na ito.

PAMBANSA

KOLOKYAL

Saan naroon

nasaan

naroon

kani-kaniya

aywan

tayo na

tala na

Sanaron

nasan

naron

kanya-kanya

ewan

tana

tana

    1. Balbal. Ang mga salitang ito’y tinatawag sa Ingles na slang. Ang mga salitang ito noong una ay hindi tinatanggap ng mga magulang at may pinag-aralan dahil masagwa raw pakinggan. Sa mga grupu-grupo nagsisimula ang pagkalat nito. Sila ang umimbento, sa gayon, para nga namang code, hindi maiintindihan ng iba ang kanilang pinag-uusapan. Pabagu-bago ang mga salitang balbal. Pana-panahon kung mauso kaya karaniwan ay hindi tumatagal, agad nawawala. Ang mga salitang balbal ay tinatawag ding salitang kanto, salitang lansangan, salita ng mga estudyante, teen-age lingo at sa grupo ng mga bakla ay swardspeak.

PAMBANSA

KOLOKYAL

Matanda

Kapatid

Inom

Security guard

Original

Amerikana

Bata

Pulis

Kotse

Mama

Papa

Hiya

Sigarilyo

Asawa

Nobya

Gurang

Utol

Toma/tagay

Sikyo

Orig

Kana

Atab

Lispu

Tsikot

Ermat

Erpat

Dyahi

Yosi

Waswas

Chuvachuchu


Teorya ng Pinagmulan ng Wika

Malinaw na ipinahahayag sa Banal na Kasulatan ng mga Kristiyano na ang wika ay kaloob ng Diyos. Sa mga relihiyoso, walang duda ito. Napakarami at napakasalimuot nga naman ng mga wika at halos kung hindi man perpekto ang pagkakaayos ng mga wika sa daigdig. Walang makagagawa nito kung hindi ang Maylalang ng lahat. Sa Bibliya pa rin, isinasalaysay kung paanong mula sa iisang wika, ang mga tao sa daigdig ay nagkaroon ng iba’t ibang wika. Naaalala mo pa ba ang kwento kay Babel at sa kanyang tore (Gen. 11:1-9)?

Sa huling bahagi ng ikalabindalawang siglo, ang mga iskolar ay nagsimulang mag-usisa kung paanong ang tao ay nagkaroon ng mga wika. Dahil dito, lumitaw ang mga sumusunod na teorya ukol sa pinagmulan ng wika:

  1. Teoryang Bow-wow. Ayon sa teoryang ito, maaaring ang wika raw ng tao ay mula sa panggagaya sa mga tunog ng kalikasan. Ang mga primitibong tao diumano ay kulang na kulang sa mga bokabularyong magagamit. Dahil dito, ang mga bagay-bagay sa kanilang paligid ay natutunan nilang tagurian sa pamamagitan ng mga tunog na nalilikha ng mga ito. Marahil ito ang dahilan kung bakit ang tuko ay tinawag ng tuko dahil sa tunog na nalilikha ng nasabing insekto. Pansinin ang mga batang natututo pa lamang magsalita. Hindi ba’t nagsisimula sila sa panggagaya sa mga tunog, kung kaya’t ang tawag nila sa aso ay aw-aw at sa pusa ay miyaw. Ngunit, para sa iba, kung totoo ito, bakit iba-iba ang tawag sa aso halimbawa sa iba’t ibang bansa gayong ang tunog na nalilikha ng aso sa Amerika man o sa Tsina ay pareho lamang?

  1. Teoryang Pooh-pooh. Unang natutong magsalita ang mga tao, ayon sa teoryang ito, nang hindi sinasadya ay napabulalas sila bunga ng mga masisidhing damdamin tulad ng sakit, tuwa, sarap, kalungkutan, takot, pagkabigla, at iba pa. Pansinin nga naman ang isang Pilipinong napapabulalas sa sakit. Hindi ba’t siya’y napapa-Aray! Samantalang ang mga Amerikano ay napapa-Ouch! Ano’ng naibulalas natin kung tayo’y nakadarama ng tuwa? Ng sarap? Ng takot?

  1. Teoryang Yo-he-ho. Pinaniniwalaan ng mga nagmumungkahi ng teoryang ito na ang tao ay natutong magsalita bunga diumano ng kanyang pwersang pisikal. Hindi nga ba’t tayo’y nakalilikha din ng tunog kapag tayo’y nag-eeksert ng pwersa. Halimbawa, ano’ng tunog ang nalilikha natin kapag tayo’y nagbubuhat ng mabibigat na bagay, kapag tayo’y sumusuntok o nangangarate o kapag ang mga ina ay nanganganak?

  1. Teoryang Ta-ra-ra-boom-de-ay. Likha sa mga sinaunang tao ang mga ritwal. Sila ay may mga ritwal sa halos lahat ng gawain tulad ng sa pakikidigma, pagtatanim, pag-aani, pangingisda, pagkakasal, pagpaparusa sa nagkasala, panggagamot, maging sa paliligo at pagluluto. Kaakibat ng mga ritwal na iyon, ay ang pagsasayaw, pagsigaw at incantation o mga bulong. Ayon sa teoryang ito, ang wika raw ng tao ay nag-ugat sa mga tunog na kanilang nililikha sa mga ritwal na ito na kalauna’y nagpabagu-bago at nilapatan ng iba’t ibang kahulugan.

  1. Teoryang Ta-ta. Ayon naman sa teoryang ito, ang kumpas o galaw ng kamay ng tao na kanyang ginagawa sa bawat partikular na okasyon ay ginaya ng dila at naging sanhi ng pagkatuto ng taong lumikha ng tunog at kalauna’y magsalita. Tinawag itong ta-ta na sa wikang Pranses ay nangangahulugang paalam o goodbye sapagkat kapag ang isang tao nga namang nagpapaalam ay kumakampay ang kamay nang pababa at pataas katulad ng pagbaba at pagtaas na galaw ng dila kapag binibigkas ang salitang ta-ta.

  1. Teoryang Ding-dong. Kahawig ng teoryang bow-wow, nagkaroon daw ng wika ang tao, ayon sa teoryang ito, sa pamamagitan ng mga tunog na nalilikha ng bagay-bagay sa paligid. Ngunit ang teoryang ito ay hindi limitado sa mga kalikasan lamang kungdi maging sa mga bagay na likha ng tao. Ayon sa teoryang ito, lahat ng bagay ay may sariling tunog na siyang kumakatawan sa bawat isa at ang tunog niyon ang siyang ginagad ng mga sinaunang tao na kalauna’y nagpabagu-bago at nilapatan ng iba’t ibang kahulugan.

Alin sa mga teoryang binanggit sa itaas ang masasabing totoo? Kaya nga tinatawag na teorya dahil ito ay nagmumula sa mga haka-haka ng mga teorista at mahirap patunayan at husgahan. Ang pagpipilit na ang isa ang tama ay tiyak na hahantong lamang sa walang-hanggang pagtatalo. Bawat teorya ay may sari-sariling kalakasan at kahinaan na maaaring maging batayan upang ating paniwalaan o di kaya’y tanggihan. Magkagayon man, mahalaga ang bawat isa sa pagtalakay sa pinagmulan ng wika.