Sunday, June 30, 2013

Romantisismo

Sumibol ang Romantisismo noong bahagi ng siglo 1800 at pagpasok ng siglo 1900. Ibinabandila ng Romantisismo ang indibidwalismo kaysa kolektibismo, ang rebolusyon kaysa konserbatismo, ang inobasyon kaysa tradisyon, imahinasyon kaysa katwiran at likas kaysa pagpipigil. Dahil dito, itinuturing ang Romantisismo bilang isang pagtatakwil sa pagpapahalagang Klasismo tulad ng kaayusan, kapayapaan, pag-uugnay, ideya at rasyunal.

Ilan pang katangian ng Romantisismo ay ang malalim na pagpapahalaga ng kagandahan ng kalikasan; ng pagpapalutang ng damdamin kaysa isipan; ng pagkaabala sa mga henyo, bayani at pambihirang katauhan, ng pagkahirati sa internal na tunggalian, at ng mahiwaga at kababalaghan.

Ang terminong romantiko (maromantiko) ay unang lumitaw noong ika-18 siglo na ang ibig sabihin ay nahahawig sa malapantasyang katangian ng midyebal na romansa.

Ang inspirasyon para sa romantikong pamamaraan ay nagmula sa Pranses na pilosopong si Jean Rousseau at sa manunulat na Aleman na si Johan Wolfgang Van Goethe.

Tumagal mula 1750 hanggang 1870 ang Romantisismong kilusan sa literatura sa halos lahat ng bansa: Europa, Estados Unidos at Latin Amerika. Makikita sa panitikan ng panahon ng pagkahilig nito sa imahinasyon at sabdyektib na pamamaraan, kalayaan sa pagpapahayag at kalikasan.

Ang literaturang ito ay nagbibigay-diin sa pleksibilidad ng nilalaman, nanghihikayat sa pagbubuo ng kumplikado at mabilis na pangyayari sa mga kwento at pinapayagan ang pagsasanib ng iba't ibang uri at paksa (halimbawa: trahedya at komedya, kapangitan at inspirasyunal) at malayang estilo.

Masasabing may dalawang uri ang romantisismo: ang tradisyunal at ang rebolusyunasyo. Ang tradisyunal na romantisismo ay humihilig sa makasaysayan at pagpapanatili o pagbabalik sa mga katutubo at tradisyunal na pagpapahalaga tulad ng nasyunalismo, pagkamaginoo at pagka-Kristyano.

Ang rebolusyunaryong romantisismo naman ay bumabaling sa pagtatatag ng bagong kultura na may pagpupumiglas, kapusukan at pagkamakasarili.



Sanggunian:

Villafuerte, Patrocinio at Rolando A. Bernales.  2008. Pagtuturo ng/sa Filipino: Mga Teorya at Praktika.  Valenzuela City: Mutya Publishing House, Inc.

Saturday, June 29, 2013

Rejister


  1. Isang ispisipikong vokabularyo at/o balarila ng isang aktibidad o propesyon.
  2. Set ng mga salita o ekspresyon na nauunawaan ng mga grupong gumagamit nito na maaaring hindi nauunawaan ng mga taong hindi kasali sa grupo o hindi familyar sa profesyon, uri ng trabaho o organisasyong kinabibilangan.

Ang sosyolek ay maaari ring may okupisyunal na rehistro. Pansinin ang mga sumusunod na termino. Kung maririnig mo ang mga ito sa isang taong hindi mo kilala, ano ang agad mong iisiping trabaho niya?

  • notaryo
  • affidavit
  • kliyente
  • fiskalya
  • ace
  • fault
  • deuce
  • advantage


Sanggunian:

Hufana, Nerrisa L. 2010. Wika, Kultura, at Lipunang Pilipino. Iligan City: MSU-IIT.

Sosyolek


  1. Wikang ginagamit ng bawat partikular na grupo ng tao sa lipunan. Maaaring ang grupo ay nagkakaiba ayon sa edad, seks, uri ng trabaho, istatus sa buhay, uri ng edukasyon, atbp.
  2. Makikilala ang iba't ibang varayti ng wika sa pagkakaroon ng kakaibang rehistro na tangi sa pangkat na gumagamit ng wika.

Pansinin kung paanong inilalantad ng rehistro ng mga sumusunod na pahayag ang pinagmulan ng mga ito:

  • Wiz ko feel ang mga hombre ditech, day!
  • Wow pare, ang tindi ng tama ko! Heaven!
  • Kosa, pupuga na tayo mamaya.
  • Girl, bukas na lang tayo mag-iib. Mag-malling muna tayo ngayon.
  • Pare, punta muna tayo mamaya sa Mega. Mejamming dun, e.


Sanggunian:

Hufana, Nerissa. 2010. Wika, Kultura, at Lipunang Pilipino. Iligan City: MSU-IIT.

Idyolek

Ang mga Filipino na nag-uusap ay lubos na nauunawaan ang isa't isa. Ngunit wala sa kanila ang nagsasalita nang magkatulad. Maaaring ang dahilan sa pagkakaiba ay edad, seks, kalagayang pangkalusugan, laki, personalidad, kakayahang emosyunal, at tanging ugali. Ang bukod-tanging wika ng indibidwal ay tinatawag na idyolek. Malikhain at natatangi ang idyolek.

Iba pang kahulugan ng Idyolek
  1. May pekulyaridad sa pagsasalita ng isang indibidwal.
  2. Ang varayti ng wika sa personal na kakanyahan ng tagapagsalita, ang varayting ginagamit ng indibidwal.
  3. Idyosintrikong katangian na istatistikal tulad ng tendesyang gumagamit ng partikular na bokabularyo nang napakadalas.
  4. Madaling magbago depende sa lenggwahe na ginagamit sa bahay.
Ngunit kahit pa ang mga pangkat ay may kanya-kanyang varayti ng wikang ginagamit batay sa dimensyong heograpikal at sosyal, indibidwal pa rin ang paggamit ng wika. Sa madaling sabi, kahit pa sosyal ang pangunahing tungkulin ng wika, ang indibidwal na katangin ng bawat tao ay nakaiimpluwensya pa rin sa paggamit ng wika. Ito ang nagpapaiba sa isang indibidwal sa iba pang indibidwal. Bawat isa kasi ay may kani-kaniyang paraan sa paggamit ng wika.

Ang Dayalekto

1. Varayti ng wikang nalilikha ng dimensyong heograpiko. Tinatawag din itong wikain at ginagamit sa isang partikular na rehiyon, malaki man o maliit.
2. Makilala ang dayalekto hindi lamang sa pagkakaroon nito ng set ng mga distinct na bokabularyo kundi maging sa punto o tono at sa istruktura ng pangungusap.
3. Ito ay wika na katulad rin ng bernakular na palasak sa isang pook ng kapuluan. Ito ay yaong unang wikang kinamulatan at ugat ng komunikasyon sa tahanan at pamayanan, lalawigan. Ito rin ang wikang unang kinagisnan, naririnig at namumutawi sa bibig ng mgfa tao, ng mga magulang sa tahanan at sambayanan. Ito'y nagsisilbing midyum ng komuunikasyon sa isang pook na kung saan ang nasabing katutubong wika ay nabibilang.
4. Batay sa laki, ang wika ay mas malaki kaysa dayalekto. Ang varayti na tinatawag na wika ay m,as maraming aytem kaysa sa dayalekto. Kaya't ang Filipino ay isang wika na bumubuo sa lahat ng dayalekto nito tulad sa Filipino sa Metro Manila, Filipino sa Baguio o Filipino sa Metro Cebu.
5. Batay sa prestihiyo, ang wika ay may prestihiyong hindi makikita sa dayalekto. Kung ito ay pagbabatayan, ang wikang Ingles halimbawa na ginagamit sa pormal na pagsulat ay istandard na Ingles samantalang dayalekto lamang iyong hindi nagagamit ng gayon, bagamat sa pananaw ng linggwistika ay walang wikang mataas o mababa.


Sanggunian:

Hufana, Nerissa L. 2010. Wika, Kultura, at Lipunang Pilipino. Iligan City: Departamento ng Filipino at Ibang mga Wika. Kolehiyo ng Sining at Agham Panlipunan. MSU-Iligan Institute of Technology.