ISANG KUWENTO
MINNIE F. LOPEZ
“Hayop
ka! Matapos ang lahat ng pinagsamahan natin, ganito lang ang igaganti mo sa
akin?” sigaw niya sa akin. Nasa loob kami ng opisina niya. Namumula sa galit
ang kanyang mga mata, mahigpit ang pagkakasara ng kanyang mga kamao. Kahit na
sino siguro ay hindi makatitingin ng diretso sa mga matang iyon.
“Hindi
ko sinasadya, Anton. Aksidente lang iyon. Hindi na talaga mauulit.” Iyon lang
ang kaya kong sabihin. Hindi ko nga alam kung narinig niya ang mga sinabi ko.
Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko para kumalma na siya.
Naglakad
siya paroo’t parito. Halatang nagpupumigil, nagnanais magpakalma. Pero nakikita
kong natatalo siya ng kanyang nag-uumapaw na emosyon. Mahigpit pa rin ang
pagkakasara ng kanyang kamao. Alam kong kahit anong sandali ay masusuntok na
lang niya ako bigla.
“Hindi
sinasadya. Pero hinayaan mong mangyari ito! Trinato kitang parang kapatid tapos
dedemonyohin mo lang ako sa likod ko. Anong klase kang kaibigan?” sabi niya sa
akin, “Tangina ka! Ba’t mo ginawa sa akin ito?” Yun lang ang paulit-ulit niyang
sinasabi, “Bakit mo nagawa sa akin ito?”
Nanatili
lang akong nakatungo, nakatingin sa isang sulok ng isang piraso ng tile sa
sahig. Sana alam ko rin ang sagot sa tanong niya. Halos magdasal ako na sana
lamunin na lang ako ng sahig nang di ko na makita at maramdaman ang sakit at
galit na nadarama ng taong nasa harapan ko at nang di na gumapang ang multo ng
kahihiyaan sa aking pagkatao. Pumikit ako at bumalik uli ang mga pangyayari sa aking
gunita.
“Hi!”
Napatingin
ako sa nakasilip na ulo sa pinto. Sumenyas ako na pumasok siya at maupo habang
tinatapos ko ang transaksiyon ko sa telepono. Umupo naman siya sa upuan sa
harapan ng mesa ko at isa-isang inusisa ang mga retrato na nakapatong sa desk
ko.
“O,
Magz napadalaw ka ‘ata?” tanong ko sa kanya pagkababa na pagkababa ko ng
telepono. “Nahan ang magaling mong asawa?” pabiro ko uling usisa.
“Ayun,
nasa meeting na naman niya. Palagi naming ganyan, e.”
“Ba’t
hindi ka pa kasi nasanay doon?” tanong ko uli.
“Hay
naku, palagi na akong nag-a-adjust sa kanya,” sagot naman niya. “Tara, samahan
mo ako sa art exhibit ng kaibigan ko sa Makati. Sayang naman itong libreng
tiket na nakuha ko.”
“Talaga?
O sige, tara na, wala na naman akong ginagawa.” Call naman ko sa imbitasyon
niya. Bago buksan ang pinto ay napahinto ako, “Baka naman magalit ang asawa
mong matampuhin?” tukso ko sa kanya.
Napatingin
lang siya sa akin at sabay kaming natawa. Hindi ko alam kung bakit. Basta
natawa na lang kami bigla.
Pagkatapos
ng art exhibit ay dumiretso kaming kumain sa isang restoran sa Makati. Kaunting
kain at sangkatutak na kuwentuhan at tawanan. Makulit, madaldal, mabait at
malambing pa rin siya tulad nang una siyang ipinakilala ni Anton sa akin bilang
girlfriend niya. Humanga nga ako sa kanya noon. Halos walang nagbago sa kanya
kahit mag-asawa na sila ngayon. Iniisip ko nga, isa siya sa nga kakaunting tao
na almost perfect, halos nasa kanya na lahat.
Ang
labas naming iyon ay nasundan pa ng isa, dalawa, at kung ilan pa. Minsan
sinusundo ko siya, minsan ako naman ang dinadaanan niya sa opisina. Wala naman
akong narinig kay Anton dahil halos pamilya na kaming lahat. Minsan pa nga,
magkasama kaming tatlo, pero madalas kami lang ni Magz. Iba kasi pag abogado
ang asawa mo, daig pa ang telepono sa pagiging busy. Ganito lang ang takbo ng
mga buhay namin. Pero may nagbago nang dumating ang isang araw na iyon na hindi
ko inaasahan.
Blag!
Padabog niyang binuksan ang pinto. Napahinto ako sa pagbabasa ko nang makita ko
ang mukha niyang halos di na maipinta.
“O,
anong nangyari?” tanong ko sa kanya.
“Nag-away
kami ng magaling mong kaibigan.”
“Bakit,
anong nangyari?” nagmamalasakit kong tanong ko sa kanya.
At
ikinuwento niya ang mga nangyayari sa loob ng kanilang bahay. Matagal na raw
silang ganoon. Away dito, away doon. Sabi niya na hindi na sila halos
magkakilala dahil nga halos madalang na silang magkasama at magkausap. Panay
trabaho at trabaho. Pakiramdam daw niya ay pinagpalit na siya ni Anton sa
kanyang trabaho at wala nang panahon sa kanya.
“Minsan
nga hindi maiwasang malungkot,” pagbubukas niya sa akin. “Ganito ‘ata pag maaga
kang nag-aasawa. Hindi lang dapat nagpapakasal dahil sa labis-labis na
pagmamahal.”
“Bakit
mo naman nasabi iyan?” tanong ko.
“Wala
lang. Pakiramdam ko kasi para kaming mga prutas na kinalburo, mga hinog sa
pilit. Hindi pa nga yata namin kilala ang isa’t isa, nagpakasal na kaming
bigla. Tuloy, parang ngayon lang lumalabas ang mga tunay na ugali namin.”
Pinayuhan
ko siya. Sabi ko lilipas din iyan. Alam ko namang mahal siya ni Anton. Nagulat
na lang ako nang tinanong niya sa akin kung bakit hindi pa ako nag-aasawa. Ngumiti
lang ako sa kanya. Ngiti lang talaga ang sagot ko sa tanong na iyan. Ayaw ko
kasing sabihin sa kanya ang dahilan. Niyaya ko na lang siyang lumabas para
makaiwas sa usapan at nang maaliw naman siya.
Bumalik
kami sa restoran na kinainan namin sa Makati. Dahil nasa mga late twenties pa
lang kami ay mahilig pa rin kami sa gimik. Panay kwentuhan at labasan ng sama
ng loob. Napaparami na rin ang inom namin. Nang mga sandaling iyon ay naisip ko
na kaya siguro kami nagkakasundo ng taong ito dahil pareho kaming maraming
angst sa buhay. Sa dami ng mga naikuwento niya, pakiramdam ko ay
kilalang-kilala ko na siya, kahit ang totoo niyan ay nagkalapit lang kami dahil
bestfriend ko ang asawa niya.
Napaparami
na kami ng naiinom nang mapatigil ako dahil sa napansin ko sa kanya.
“O,
ba’t ganyan kang makatingin?” tanong ko sa kanya.
“Alam
mo, ba’t ang bait-bait mo? Kung puwede lang sana, sana ganyan din si Anton.
Kung puwede lang sana...sana, tayong dalawa na lang.” Nakatitig lang siya sa
akin.
Hindi
ko alam kung nagbibiro siya nang mga panahong iyon o lasing lang talaga siya.
Hindi ko rin alam kung kinilabutan ako o kinilig ako sa mga narinig ko.
Natahimik lang ako.
“Lasing
ka lang, Magz. Baka kailangan mo nang matulog.” Iwas. Iwas sa tukso. Masamang
magkasala.
“Hindi,
ha! Alam ko pa ang mga sinasabi at ginagawa ko,” sabi niya sa akin sabay lipat
ng upuan sa tabi ko. Inihilig niya ang kanyang ulo sa aking balikat.
Anak
ng...napapamura ako sa loob-loob ko. Hindi nangyayari ito. Tulad ng mga
kalokohan naming ni Anton noong college, isa lang itong produkto ng masamang
espiritong nasa boteng iniinom naming. Nilabanan ko ng matinding pangungumbinsi
sa sarili ang mga iniisip ko.
Niyaya
ko na lang siyang umuwi. Hindi naman siya umangal. At tulad ng dati, ihahatid
ko uli siya sa bahay nila ni Anton. Habang tinatahak namin ang daan papasok sa
loob ng subdibisyon ay humawak siya sa aking braso. Napatingin ako sa kanya.
“Bakit?”
“Puwede
mo bang ihinto diyan sa banda riyan?” sabay turo sa may bakanteng lote sa gilid
ng daan kung saan matatanaw mo ang buong siyudad sa ibaba nito.
Inihinto
ko naman ang sasakyan. Akala ko ay nahihilo siya ngunit katahimikan lang ang
namayani sa loob ng sasakyan. Paglaon ay humawak siya sa aking kamay.
Napatingin ako sa kanya. Hindi ko namalayan ang pagdampi ng aking mga labi sa
kanya ring mga labi. Hindi ko na rin namalayan ang unti-unting paglalaro ng
aming mga kamay sa aming mga katawan. At mas lalong hindi ko alam kung bakit
pag-alis naming sa lugar na iyon ay hindi kami dumiretso sa bahay nila.
Pagkalipas
ng tatlong oras ay tinatahak na namin uli ang daan patungo sa kanila. Wala
kaming imik pareho sa loob ng sasakyan. Wala lang talaga siguro kaming
sasabihin sa isa’t isa at lalo ring wala kaming dapat pag-usapan. Alas-kuwatro
na siguro ng umaga nang ihinto ko ang sasakyan sa tapat ng gate nila.
“Salamat,”
sabi niya, ngunit hindi siya nakaharap sa akin. Katahimikan uli. Hindi ko alam
kung gaano katagal bago siya nagsalita uli. “Alam mo, totoo lahat ng sinabi ko
sa iyo kanina. Kung puwede lang talaga sana.”
Yon
ang mga huling sinabi niya sa akin. Hindi niya man lang hinintay kung ano ang
isasagot ko sa kanya. Bumaba na lang siya sa sasakyan. Sa pag-uwi ko nang
umagang iyon, hindi mapakali ang aking loob at isipan. Alam kong mali, pero sa
ilang linggong pagiging malapit namin, namuo sa damdamin ko ang kasalanang di
ko akalaing magagawa ko. Lalon-lalo na sa asawa ng kaibigan ko.
Dalawang
araw mula noon ay hindi pa kami nagkikita o nag-uusap man lang. Buti na lang,
iyon lang ang kaya kong isipin. Gumaan ang loob ko dahil iniisip ko na mas
mabuti iyon para hindi na maulit ang nangyari. Ngunit nagkamali ako.
Nagulat
na lang ako nang biglang bumukas ang pinto ng opisina ko at nakita ko siyang
nakatayong umiiyak.
“O,
ano ang nangyari sa iyo?”
“Ayaw
ko na talaga. Hindi ko na kakayanin ang mga problema namin.” Iyak pa rin siya
ng iyak.
“Bakit
ka napasugod dito?”
“Sinabi
ko sa kanya na ayoko na. Hindi na kami puwedeng magsama.”
“Ha?”
Kahit ano pa man ang nararamdaman ko para sa kanya ay nagulat pa rin ako sa
sinabi niya.
“Upo
ka muna at huminahon ka. Magz, kilala ko si Anton. Hindi quitter ‘yan. Hindi
‘iyan bumibigay hangga’t walang matibay na dahilan. Ngayon lang iyan,” payo ko
sa kanya.
“Binigyan
ko na siya ng rason kung bakit kailangan naming maghiwalay,” mahinahon na
niyang sagot.
“Ano?”
Magkahalong gulat at galit ang naramdaman ko sa sagot niya sa akin. “Huwag mong
sabihing may kagagawan ito sa nangyari sa atin noong nakaraang gabi?”
Tumahimik
lang siya.
“Shit!”
Napamura ako, iyon lang ang kaya kong sabihin nang mga panahong iyon. Alam ko
na ang ibi sabihin ng katahimikang iyon. Nanghina ako at napaupo. “Alam mo,
Magz, aksidente lang iyon. At kung meron man akong nararamdaman para sa iyo ay
hindi ko isasakripisyo ang pamilya ninyo at ang pagkakaibigan namin ni Anton.”
“Mahal
kita, alam mo ba iyon?”
Shit.
Iyon uli ang unang salita na pumasok sa utak ko. Hindi ko na lang iyon sinabi
nang malakas. Napatayo ako at lumapit sa bintana. Parang ngayon ko lang
na-appreciate ang tanawin mula sa ikasampung palapag ng gusaling
pinagtratrabahuan ko. Umuulan noong hapon na iyon, ngunit kahit basa ang
salamin sa malawak kong bintana, nakikita ko pa rin kung gaano karami ang
nagdaraang sasakyan. Ngayon ko lang naisip na sa tinagal-tagal ko na sa
opisinang ito ay parang ngayon pa lang ako dumungaw sa bintanang ito. Ngayon ko
rin lang napansin na bingi pala ako sa nangyayari sa labas, sa ingay ng mga
sasakyan at eroplanong nagdadaan, sa dumi ng lansangan. Pakiramdam ko nga, pag
narito ako ay hindi ko nararanasan ang lungkot man o saya na nadarama ng mga
taong nasa labas tuwing umuulan. Parang ngayon ko rin lang naisip, sa
dinami-dami ng mga kalokohang pinasok ko, hindi ko pa nakita ang sarili ko na
sumuko na, sa aking konsensiya. Isa lang ang naisip kong nararapat gawin.
“Saan
ka pupunta?” tanong niya nang bigla ko na lang dinampot ang jacket ko.
“Sa
opisina ni Anton. Kakausapin ko siya. Magpapaliwanag ako.” Dire-diretso ako sa
pinto. Hindi na niya nakuhang magsalita. O kung sumagot man siya o sinubukan
niya akong pigilan ay hindi ko na siguro ito narinig dahil isa lang ang nais
kong huwag mangyari, ang magkagalit kami ni Anton. Ngunit alam kong imposibleng
hindi mangyari iyon.
Blag!
Nagulat ako sa pagkakahampas niya ng kamay niya sa mesa. Tapos na ang pagtakas
ko sa mumunting sandaling iyon. Ibinukas ko ang aking mga mata. Nasa loob na
uli ako ng opisina ni Anton.
“Nang
nagtapat ka sa akin noong hayskul tungkol sa pagkatao mo, tinaggap kita. Dahil
hindi ko inisip na magagawa mo sa akin ito,” mahinahon na siyang nagsasalita.
“Sa dinami-dami ng tao diyan, asawa ko pa.”
Gusto
ko pa sanang magsalita, humingi ng tawad, mangangakong hindi na mauulit. Pero
alam kong wala nang magagawa ang mga sasabihin ko sa kanya. Hindi na niya
pinatagal ang paghihirap naming dalawa.
“Makakaalis
ka na.” Ni hindi man lang siya tumingin sa akin nang sabihin niya iyon. Iyon
lang ang hinihintay ko. Tumayo ako sa kinauupuan ko at tumungo papalabas ng
pinto.
“Alam
mo,” pahabol niya, “hindi siguro ganito ka-grabe ang sakit na mararamdaman ko,
mas madali siguro ito sa akin kung...kung lalaki ang gumawa sa akin nito.”
Iyon
ang huling mga salitang sinabi niya sa akin. Iyon na rin ang kahuli-hulihang pagkakataong
magkakatinginan kami nang diretso sa mata.
HI POTASSIUM !
ReplyDelete