Tuesday, January 6, 2015

El Filibusterismo: Kabanata 2 (Sa Ilalim ng Kubyerta)

KABANATA 2: SA ILALIM NG KUBYERTA

Sinopsis:
                Tinungo ni Simoun ang ibaba ng kubyerta. Masikip sa mga pasahero ang ilalim ng kubyerta. Naroon ang dalawang estudyante na pinakukundangan ng iba, si Basilio na nag-aaral ng medisina at mahusay na manggagamot at isang makata na katatapos pa lamang sa Ateneo, si Isagani. Kausap sila ni Kapitan Basilio.
                Napag-usapan nila si Kapitan Tiyago. Pinauwi raw si Basilio ng matanda, ani Padre Irene na naging tagapayo ng kapitan nitong mga huling araw. Nabaling ang usapan sa paaralang balak ng mga estudyante para sa pagtuturo ng mga Kastila. Hindi raw ito magtatagumpay ayon kay Kapitan Basilio. Ipinagtanggol naman ito nina Basilio at Isagani sapagkat nakahanda na raw ang lahat na kailangan upang ito ay maisakatuparan.
                Lumayo ang matandang Basilio. Napag-usapan si Paulita Gomez, ang kasintahan ni Isagani na ubod ng ganda, mayaman at may pinag-aralan kaya nga lamang ay tiya nito si Donya Victorina. Ipinahahanap ni Donya Victorina kay Isagani ang asawa, si de Espadana, na sa bahay pa ng amaing si Padre Florentino nagtatago.
                Dumating si Simoun at kinausap ng magkaibigan. Ipinakilala ni Basilio kay Simoun si Isagani. Sinabi ni Simoun na hindi niya nadadalaw ang lalawigan nina Basilio sapagkat ang lalawigang ito ay mahirap at di makabibili ng alahas. Matigas na tumutol si Isagani at sinabi niyang hindi sila namimili ng alahas dahil hindi nila ito kailangan. Napangiti si Simoun. Nasabi raw niyang dukha ang lalawigan, dahil ang mga pari sa simbahan ay Pilipino.
                Nag-anyaya si Simoun na uminom ng serbesa. Tumanggi ang dalawa. Ayon kay Simoun, sinabi ni Padre Camorra na kaya tamad ang mga Pilipino ay dahil palainom ng tubig at hindi ng serbesa. Mabilis na tumugonsi Basilio. Sabihin daw kay Padre Camorra na kung siya ay iinom ng tubig sa halip ng serbesa, marahil ay mawawala ang sanhi ng mga usap-usapan. Dagdagn ni Isagani, ang tubig ay lumulunod sa alak at serbesa at pumapatay ng apoy, na kapag pinainit ay sumusulak. Nagiging malawak na dagat at gumugunaw ng santinakpan. Hindi niya pinansin ang pagsingkil ni Basilio.
                Tinanong ni Simoun kung ano ang itutugon niya sakaling itanong ni Padre Camorra kung kailan magiging sulak at malawak na karagatan ang tubig. Tugon ni Isagani, kapag pinainit ng apoy at sa sandaling ang mumunting ilog na watak-watak ay magkakasama-sama sa kailalimang hinuhukay ng tao. Binigkas ni Basilio ang isang tula ni Isagani na ukol sa pagtutulungan ng apoy at tubig sa pagpapatakbo sa makina (steam engine). Pangarap daw ayon kay Simoun, dahil ang makina ay hahanapin pa.
                Nang umalis si Simoun saka lamang nakilala nang lubusan ni Isagani ang mag-aalahas na tinawag na Kardinal Moreno. May dumating na utusan. Ipinatawag ni Padre Florentino ang pamangkin. Ngunit nakita ng kapitan si Padre Florentino at ito’y inanyayahang pumanhik sa kubyerta.


Mga tulong sa pag-aaral:

1.       Bakit nangiti si Simoun nang matigas na tumugon si Isagani na kaya di namimili ng alahas ang kanyang mga kababayan ay dahil di nila ito kailangan?
·         Kung ang ngiting iyon ay palibak o patuya, iyon ay dahil alam ni Simoun na di too. Mahiligin sa alahas ang mga Pilipino. Kung iyon ay ngiti ng kasiyahan ay masasabi nating dahil sa nakita ni Simoun kay Isagani ang isang katangiang hinahangaan niya at hinahanap – lalaking matapang at nakikipaglaban para sa karangalan ng bayan.
2.       Ano ang palatandaan ni Simoun sa pagiging dukha ng isang bayan noon?
·         Ang pari sa bayan. Pag Pilipino, dukha ang paroko; pag Kastila, mayaman. Kung nagsisimula pa lamang ang isang paroko, di pa malakas ang kita, Pilipino ang inilalagay dito; pag umunlad na ito, pinapasok na ng mga prayleng Kastila.
3.       Ano ang ibig sabihin ni Isagani sa pagiging sulak ng tubig? Sa mumunti at watak-watak na ilog?
·         Ang sulak (steam) ay pag-init at pagkulo ng malamig at matimping damdamin ng mga Pilipino; pagsulak, himagsik! Ang mumunti at watak-watak na ilog ay ang kawalang-kaisahan ng damdaming Pilipino na may matinding gawi ng pagtatangi-tangi (regionalism). Kung ang mga puta-putaking himagsikan lamang sa Pilipinas, na mula pa kay Lapu-lapo hanggang sa kina Diego Silang ay walang tigil nang pagsiklab, ay naging parang ilog na nauwi sa iisang dagat o nagkaisa-isa’t nagkasabay-sabay sa iisang pamumuno, matagal na sanang ginunaw ng dagat ng tubig na ito ang Moog ng Kastila sa Pilipinas.
4.       Ano ang diwa ng tula ni Isagani na binigkas ni Basilio?
·         Pagtulungan ng tubig at apoy sa isang makina (steam engine). O pagtutulungan ng Pilipino at Kastila sa mahusay na sistema ng pamamahala.
·         Katulad ng tubig ang mga Pilipino dahil mahinahon kung hindi man tamad at mabagal kumilos. Apoy naman ang mga Espanyol dahil maunlad at agresibo.
5.       Bakit pangarap lang daw ito ayon kay Simoun?
·         Hahanapin pa raw ang makina. Ibig sabihin ay may apoy nga at may tubig ngunit walang makina. Walang makitang pag-asa si Simoun sa pagkakasundo ng mga Pilipino at Kastila.
6.       Paano nagkakilala sina Simoun at Basilio?
·         Sa bahay ni Kapitan Tiago ay isa sa mga madalas dumalaw si Simoun na pinaghihinalaan ng lahat, pati na si Basilio, na isang naghahangad makamana sa yaman ng Kapitan.
7.       Malaki ang palagay ng mga Propagandista na ayaw ng mga fraile ang naturang akademya dahil sa pagsisikap nilang manatiling makapangyarihan sa Pilipinas. Hindi marunong ng wikang katutubo ang mga nasa gobyerno at hindi naman marunong ng Espanyol ang mga taumbayan. Sa kabilang dako, nagsasalita sa Espanyol at wikang katutubo ang mga fraile.kung mananatili ang ganitong sitwasyon, laging kailangan ng mga opisyal ang mga fraile tuwing makikipagtalastasan sa taumbayan. Sa kabilang dako, mababawasan ang kabuluhan ng mga fraile kapag natuto ng Espanyol ang mga Pilipino.


Mga Karagdagang Tanong:

1.       Ilarawan ang kalagayan ng pasahero sa ilalim ng kubyerta.
·         Nasa itaas na kubyerta ang pang-itaas na saray sa lipunang kolonyal. Nasa itaas na kubyerta ang pang-itaas na saray sa lipunang kolonyal. Nasa ibaba naman ang kalakhang bahagi ng sambayanan at nagdurusa sa init at ingay ng makina. Ni walang kumportableng upuan ang mga pasahero sa ibabang kubyerta.
2.       Ano ang ipinagkaiba ng mga pasahero sa ibabaw at ilalim ng kubyerta?
3.       Sinu-sino ang nag-uusap sa may daong ng bapor? Ano ang kahalagahan ng kanilang pinag-uusapan?
4.       Bakit nagkasagutan sina Isagani at Simoun? Ano ang ipinakli ng binata tungkol sa alak at serbesa? Ano ang ibig sabihin nito?
5.       Bakit punung-puno ng pag-asa ang kabataan na ipagkakaloob ang kanilang kahilingang magkaroon ng Akademya ng Wikang Kastila?
6.       Bakit nag-aalinlangan si Kapitan Basilio sa balak na pagpapatayo ng Akademya ng Wikang Kastila ng mga kabataan?
7.       Saan nagugumon si Kapitan Tiago? Bakit?
8.       Sino si Padre Florentino? Ano ang kaugnayan ni Isagani sa buhay ni Padre Florentino? Ang mga balita kaya tungkol sa dalawa ay maaaring magkatotoo noong panahon ng mga Kastila?
9.       Bakit ayaw ng pasunurin ni Padre Florentino si Isagani sa itaas ng kubyerta?
10.   Sino si Padre Florentino? Paano siya naging pari? Bakit siya namahinga sa pagpapari? Sa kanyang ginawang ito masasabi kayang talagang hindi niya hilig ang pagpapari o nais niyang pahalagahan ang dangal ng pagkatao at banal na tungkulin? Pangatuwiran ang sagot.
11.   Sino si Paulita? Donya Vistorina? Bakit iniiwasan ni Isagani ang Donya?
12.   Papaano kinikilala ni Simoun ang isang lalawigan o bayan?
13.   Bakit nag-init si Isagani nang banggitin ni Simoun ang sinabi ni Padre Camorra?
14.   Ano ang hinuha ni Basilio kung bakit siya pinapupunta ni Kapitan Tiago sa San Diego?

Talasanggunian

Almario, Virgilio S.  2009.  Jose Rizal El Filibusterismo.  Quezon City: Adarna House.
Cruz, Emerlinda G. at Rogelio G. Mangahas.  2009.  El Filibusterismo.  Quezon City: C & E Publishing, Inc.
Cruz, Elvira de la.  2002.  Jose Rizal El Filibusterismo.  Manila: Vicarish Publication and Trading, Inc.
Espinoza, Teodorica, et al.  2009.  El Filibusterismo.  Quezon City: Aklat Ani Publishing and Educational Trading Center
Gimena, Glady E. at Leslie S. Navarro.  2009.  Ang Pinaikling Bersiyon El Filibisterismo ni Jose Rizal.  Manila: Prime Multi Quality Printing Corporation
Lartec, Norbert C., et al.  2008.  Maharlika IV Wika at Panitikan ng Bayang Malaya. Antipolo City: DJCE Enterprises.
Magbaleta, Corazon G. at Erlinda R. Berdin.  Valenzuela City: Jo-Es Publishing House.
Nem Singh, Rosario P.  2014. El Filibusterismo.  Quezon City: Isa-Jecho Publishing, Inc.
Salazar, Angel E.  El Pilibusterismo.  Manila: Goodwill Bookstore
Tablan, Andrea Amor at Salud R. Enriquez.  2003.  Filibusterismo.  Quezon City: Marren Publishing House Inc.
Tungol, Mario.  1993.  Gabay sa Pag-uunawa ng El Filibusterismo.  Manila: Merriam & Webster Bookstore, Inc.
2012. El Filibusterismo. Quezon City: Amos Books, Inc.


Monday, January 5, 2015

El Filibusterismo: Kabanata 1 (Sa Kubyerta)

KABANATA 1: SA KUBYERTA

Sinopsis:
                Isang umaga ng buwan ng Disyembre, ang Bapor Tabo na naghahatid ng maraming manlalakbay na patungo sa lalawigan ng Laguna ay hirap na hirap sa pagsalunga sa malakas na agos ng Ilog Pasig.
                Ang bapor na ito ay mabigat at pabilog na parang tabo na pinaghanguan ng pangalan nito. Lulan sa kubyerta nito sina Don Custodio, Ben Zayb, Padre Irene, Padre Salvi, Donya Victorina, Kapitan Heneral at Simoum.
                Naging mainit ang pagtatalo nang magawi ang pag-uusap tungkol sa pagpapailalim ng ilog Pasig upang malutas ang suliranin sa paglalakbay. Mungkahi ni Don Custodio: mag-alaga ng itik. Pumasok sa kainitan ng pagtatalo ang mag-aalahas na si Simoun na kilalang tagapayo ng Kapitan Heneral at nagsabi na ang suliranin tungkol sa mga lawang hindi matino ay napakadali. Aniya, gumawa ng tuwid na kanal na mag-uugnay sa lawa ng Laguna at sa look ng Manila.
                Labis na nagulat ang mga kausap ni Simoun sa kanyang mga tinuturan, subalit patuloy na nakikinig ang mga ito sa kanyang mga mungkahi. Lalo pang namangha ang mga kausap ni Simoun nang iminungkahi niyang huwag bayaran ang mga manggagawa at mas makabubuting ang mga bilanggo at mga bihag ang gagawa ng trabaho. Ipinagpatuloy pa niya na kung mamarapatin, maging ang mga matatanda at mga bata ay pagtrabahuin din. Hayaan daw na magdala ng kanya-kanyang pagkain at kagamitan ang mga manggagawa. Nagkasagutan sila ni Don Custodio at ng ilang pari. Ayon sa ibang sakay, siguradong mag-aalsa ang mga tao kung ganito ang mangyayari. Napunta ang mainit na usapin sa mga pato na inaalagaan sa Pateros at Pasig at naging punto ng pag-uusap ang kinakain ng mga ito.
                Nang marinig ito ni Donya Victorina, paismid at palamya siyang nagsalita na kung ang lahat ay gugugol ng panahon sa pag-aalaga ng mga pato ay siguradong dadami ang balot na labis niyang inaayawan at pinandidirihan.

Mga tulong sa pag-aaral:

1.       Ang ibabaw ng kubyerta ng bapor ay para sa matataas na uri ng tao, karaniwa’y Kastila.
2.       Ang Noli ay nagtapos sa buwan ng Disyembre; ang Fili ay dito nagsisimula. Ngunit ang Disyembre sa Noli at ang sa Fili ay may 13 taong nakapagitan.
3.       Si Don Custodio ay tanungan at tagapayo ng mga taong pamahalaan. Si Ben Zayb (Ibanez) ay isang mamamahayag.
4.       Ang tabo ay isang katutubong kasangkapan at walang katumbas sa Ingles, katulad din ng katutubong “batalan”. Ang tabo sa kasalukuyan ay karabiwang latang pinagbasyuhan ng gatas, kape o ano man. Mula sa abang batalan hanggang sa makabagong banyong may gripo at dutsa sa Pilipinas ay may tabo. Noon, ang tabo ay karaniwang pang-ilalim na bahagi ng bao ng niyog.
5.       Pinaghahambing ni Rizal ang Bapor Tabo at ang Pamahalaan sa pamamagitan ng sumusunod:
a)      Sa pagkakaroon ng 2 lugal ng tao – sa kubyerta at sa ilalim ng kumbyerta, tulad ng pagpapalagay ng pamahalaan na may mga taong matas ang uri, tulad ng mga Kastila, mayayaman at mga prayle, at mga abang mamamayang tulad ng mga mestiso at Indiyo.
b)      Sa mabagal ngunit mapagmalaking palakad – tulad ng pamahalaan na halos hindi nakausad sa may 300 taong pamumuno sa Pilipinas.
c)       Sa pakulapol na pinturang puti – nagpapanggap na malinis at marangal ngunit makikita ang mga dumi sa likod ng pinta tulad ng mga walang katarungang pagpatay at pagbibilanggo, ng mga kabulukan, katiwalian at iba pa sa pamahalaan at simbahan.
d)      Sa bilog na anyo ng bapor – nagpapakilalang ang pamahalaan ay walang malinaw na kaanyuan; walang plano ng pagiging unahan, hulihan, tagiliran na tulad ng pamahalaan noon na walang yaring plano ng pagpapalakad
e)      Sa paggamit ng makina at tikin – tulad ng pamahalaan, may namamahalang sibil, tulad ng Kap. Heneral at iba pang taong pamahalaan at mga prailesya o mga kura. Noon ay may union of church and state o pagiging magkatulong ng pamahalaang sibil at ng simbahan sa pagpapalakad ng mga suliraning pampulitika at pangkabuhayan ng bayan. Alin ang makina at alin ang tikin? Ang makina na siyang tuwirang nagpapatakbo sa bilog na bapor ng pamahalaan, bilog sapagkat walang plano at di alam kung saan ang patungo at saan ang pabalik, ay siyang pamahalaang sibil, samantalang ang mga tikin ay siyang mga kura na nagsasabi kung saan dapat patungo ang bapor ng pamahalaan.
6.       Nakakabuti ang malalim na kanal na mag-uugnay sa lawa ng Laguna at look ng Maynila ayon kay simoun dahil:
a)      Makapagtitipid ng lupa. Ang liku-likong Ilog Pasig ay mahahalinhan ng tuwid na kanal.
b)      Iikli ang paglalakbay; uunlad ang negosyo.
c)       Maiiwasan ang mga putik at burak sa mga pampangin ng Ilog Pasig.
d)      Giginhawa ang paglalakbay.
7.       Tutol dito si Don Custodio dahil:
a)      ,malaki ang gugugulin
b)      Maraming bayan ang kakailanganing sirain
c)       Walang ibabayad sa mga manggagawa.

8.       May tugon si Simoun dito na:
a)      Kung maraming bayan ang kailangang mawasak, sirain ito.
b)      Kung walang ibabayad sa gagawa, gumamit ng mga bilanggo.
c)       Kung di sapat ang mga bilanggo, pagawain ng walang bayad ang taong-bayan na magdadala ng sariling pagkain at kasangkapan. Sa ganito raw paraan natayo ang piramide sa Ehipto at koliseo sa Roma na hinahangaan ngayon kaugnay ng pangalan ng mga paraon at mga pinuno sa Roma gayong limot na natin ang libu-libong nangamatay na manggagawa roon. :Ang mgta patay ay patay na at tanging malalakas ang binibigyang katwiran ng panahon.”
d)      At di raw maghihimagsik ang bayan tulad ng mga Ehipto.
9.       Nangingilag ang mga prayle at sina Don Custodio kay Simoun dahil ito ay kaibigan ng kapitan Heneral, doon pa sa Habana, Kuba.

Mga Karagdagang Tanong:

1.       Kung si Simoun nga ay ang dating si Ibarra, bakit kaya niya ipinayo ang pagpapahirap sa mga Pilipino?
2.       Ilarawan c Donya Victorina.
3.       Ano ang nangyari kay Don Tiburcio?