*Pagsulong sa Ortograpiyang Filipino
Bilang Salamin ng Kasaysayan at Kulturang Pambansa
By Mario I. Miclat, Ph.D.
May sariling katangian, na hiwalay sa pag-unlad ng kultura, ang wika. Samot-sari ang pagkikilanlan ng kultura ng isang bayan—ang kaisipan, kaugalian, kasanayan, at sining ng sambayanan—mga katangiang nilinang sa mahabang panahon. Bagaman sinasalamin, inaagapayanan, o tinutuhog pa nga at pinag-uugnay-ugnay ng wika ang iba’t ibang salik ng kalinangan, may sinusunod itong sariling batas ng pag-unlad. Halimbawa, anuman ang maging katangian ng lipunang Filipino—mala-komyunal sa panahon ng mga baranggay; may mahigpit na herarkiya sa panahon ng kolonyalismong Espanyol, Amerikano at Hapon; o ultra-demokratiko sa kasalukuyang panahon—naroroon at naroroon pa rin ang katangian ng mga panlaping “mag,” “um,” “in,” at “an.”
Kaya nga ba may hiwalay na larang ng pag-aaral tungkol sa wika, ang lingguwistika. Maraming aspekto ang gawang pag-unawa, pagpapayaman, at siyentipikasyon ng wika. Una, ang pagsasatitik nito mula sa basta sinasalita patungong isinusulat na simbolo ng komunikasyon. Ikalawa, ang kodipikasyon nito sa mapanghahawakan kahima’t hindi mahigpit na gramatika—mula sa pagbibigay kahulugan sa mga pinakamalilit na morpema, panlapi at mga salita, pati pagbusisi sa iba’t ibang paraan ng pagbubuo ng kahulugan ng mas malalaki nitong bahagi (tinatawag na semantika); hanggang sa pagbubuo ng mga parirala at pangungusap (na sintaktika naman ang tawag); o pag-aaral sa mga morpema at sa komposisyon ng mga ito (morpolohiya); pag-aaral ng mga espesipikong tunog at mga kombinasyon nito (ponolohiya); o ang katanggap-tanggap na sistema ng pagsulat (ortograpiya). At ikatlo, ang paggamit dito sa iba’t ibang larangan ng kaalaman at disiplinang akademiko tulad ng siyensiya, teknolohiya, matematika, batas, pilosopiya, teolohiya, politika, at humanidades.
Kung ang wika ang sistema ng simbolo sa tinig at sulat na ginagamit ng tao sa pagpapatalastas ng isip at damdamin, walang wika sa kahit na anong lupalop sa daigdig ngayon ang kahapon lamang isinilang. Halos magkakasing-edad ang lahat ng sinasalitang wika, at sumulpot mula nang maging tao ang tao, mga kalahating milyong taon na ang nakararaan. Sa kasamaang palad, ang pinakamaagang rekord ng wika sa nakasulat na paraan ay mga 6000 taon pa lamang katanda. Sa cuneiform ng mga taga-Sumer (oIraq
ng kasalukuyan), makikita ang mga panimulang hakbang sa intelektuwalisasyon ng
wika. Sa nasusulat na wikang tulad nito ipopokus ang talakay na ito.
Liban sa ilang creole, pidgin, at artipisyal na wika, karamihan sa mga tinatawag ngayong opisyal o panlahat o pambansang wika ang isinilang sa kabesera ng isang bansa at pinalaganap sa network ng komunikasyon at mga aklatan, sa sistema ng edukasyon at sa tinatawag na pambansang panitikan. Anupa’t malaking pampasigla sa pag-unlad ng wikang pambansa ang nasusulat na anyo ng wika. Dito sa Filipinas, isang palayok na yari noong ca.1400, at kinatititikan ng sinaunang baybayin sa may gawing balikat nito, ang nahukay sa isang libingan sa Calatagan, Batangas. Pero hindi ito ang pinakamaagang nakasulat na rekord na natuklasan sa Filipinas. Isang lahang tanso, na may inskripsiyon tungkol sa sanglaang naganap noong taon 900, ang nadeskubre sa may wawa sa Pagsanjan, Laguna. Pinatutunayan nito na mayroon nang nakasulat na anyo ang wikang Filipino kahitnoon
pa mang 1100 taon na ang nakararaan. Sabi nga ng misyonerong Heswitang si Pedro
Chirino sa kaniyang Relacion de las Islas Filipinas (1604): “Totoong mahilig
sumulat at bumasa ang mga tao sa mga pulong ito, kung kaya bibihira ang lalaki,
at lalong kaunti ang babae, na hindi nakababasa at nakasusulat ng mga titik na
gamit sa Maynila.” Sa ganitong pangyayari, napakahaba na ng mapaghuhugutan
natin ng karanasan sa pagpapaunlad ng pambansang wika.
May apat na pangunahing paksang tatalakayin ang papel na ito kaugnay ng pag-unlad ng pambansang wika. Una, ang mga pagbabago sa ortograpiyang Filipino sa kasaysayan. Ikalawa, ang konsepto ng “karaniwang Filipino” na gumagamit ng pambansang wika. Ikatlo, ang pagpapasulong ng lingua franca at pambansang wika. Ikaapat, ilang implikasyon ng patakarang “Kung ano ang bigkas, siyang sulat.”
Sa manwal panlaboratoryong Embriolohiya ng Vertebrata (1997) ni Annabelle Herrera na inilathala ng UP Sentro ng wikang Filipino, mababasa ang sumusunod (may kaunting pagbabagong editoryal):
Ang sistemang panreproduksiyon ng lalaki ay binubuo ng isang pares ng testes, ng vas deferens, urethra, penis, at mga aksesoryang glandula.
Ang testes [ang] nakabalot sa visceral peritoneum na tuloy-tuloy sa mesorchium. Ang kapsula na fibrous na connective tissue ay ang tunica albuginea na tuloy-tuloy sa mga septa na nagbubukod sa testes mula sa mga lobule. [Nasa] loob ng mga ito [ang] mga nakaikot na mga seminiferous tubule na [kakikitaan] ng mga spermatogenic cell na bumubuo sa germinal epithelium. May nakapalibot na basement membrane sa mga tubule. Nasa pagitan ng mga tubule ang interstitial tissue na mayroon ding [tungkuling] endocrine.
Mapapansin sa halimbawa sa itaas ang gamit ng mga mga salita na bahagyang lumilihis sa patnubay ng Komisyon ng Wikang Filipino kaugnay ng alpabeto at ispeling. Hindi naman basta makalihis kaya bahagya ngang lumilihis ang patakarang editoryal ng UP SWF. Pinaglimi-limi ito nang husto at ibinatay sa napakaraming multidisiplinal na konsiderasyon.
Isa pang halimbawa. Sa isang survey ng SANGFIL (Sanggunian ng mga Unibersidad at Kolehiyo sa Wikang Filipino) noong 1999, tinanong ang mga piling respondent mula sa mahigit 120 kasaping institusyon sa iba’t ibang panig ng bansa tungkol sa ilang problema sa ispeling. Bagama’t ang UP-SWF ang nagsisilbing pangkalahatang kalihiman nito, ang De La Salle University naman ang siyang punonoon ng komite sa ispeling.
Kasama sa survey ang isang listahan ng mga posibleng ispeling sa Filipino ng
mga binanghay na modernong salitang IT at siyentipiko tulad ng x-ray, xerox, at
fax. Habang tinatalakay ang resulta ng survey, maraming delegado sa ikalimang
pambansang kongreso ng SANGFIL na idinaos sa Far Eastern University ang
nagkonklusyon na sapat naman ang umiiral na gabay sa ispeling. Tinutukoy doon
ang “Alpabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino” na inihanda ng Surian
ng Wikang Pambansa at ipinalaganap ng DECS sa Kautusang Pangkagawaran Blg. 81,
S. 1987.
Sa kalahatan, sinusunod ng Patnubay ang prinsipyo ng pagbaybay ng salita ayon sa bigkas. Parang ang gamit ng walong dagdag na letra sa alpabetong Filipino (viz., C, F, J, N, Q, V, X, at Z) ay limitado sa mga hiniram na pangngalang pantangi at espesipikong katutubong katawagang pangkultura tulad ng canao, hadji, masjid, at azan (unang panawagan ng pananalangin). Eksepsiyon ang mga hiram na salitang “kapag binaybay ayon sa alpabetong Filipino ay hindi mabakas ang orihinal na ispeling” tulad ng x-ray at xerox “na makabubuting pansamantalang hiramin nang walang pagbabago sa ispeling ngunit salungguhitan.” (Mga Tanong at Sagot tungkol sa Alpabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino, 1998, 37). May elaborasyon ang tuntunin na nagpapahiwatig na mas mabuti kung hindi na binabanghay ang mga salita, o kung sakali man, ay ihihiwalay sa panlaping Filipino sa pamamagitan ng gitling. Inihalimbawa ng Patnubay ang mga salitang tulad ng maka-Rizal, taga-Luzon, at mag-Sprite (42).
Natatanging kaakuhan ng Filipino ang posibilidad na mabanghay ang lahat ng pangngalan para maging pandiwa sa Filipino. Magtutunog pilit ang mga pangungusap na may hiram na salitang hindi binanghay. Napakabaduy, halimbawa, kung sasabihin ng doktor sa kaniyang pasyente na “Ipaiilalim kita sa x-ray” para lamang makasunod sa posibleng tuntunin ng ispeling na bulag sa kuwestiyon ng pagbabanghay ng salita. (Lalo pa’t alam natin na nakapatayo ang karaniwang x-ray pati na pasyenteng hindi naman “nakapailalim,” tulad ng aakalain sa salitang “undergo,” ng Ingles.) Walang problemang nakita ang mga kalahok sa kongreso sa mga pandiwang tulad ng mag-x-ray, mag-xerox, mag-fax. Pero karaniwan na ngayong makarinig ng mga pangungusap nagaya ng “E-x-ray-in kita.” Kung susundin ang
Patnubay, mangangahulugan iyan ng paglalagay ng tatlong gitling sa napakaikling
salitang may pipitong letra, huwag nang sabihing kakailanganin pang
salungguhitan ang apat na letra dito.
Kung susundin ang Patnubay, napakahirap isulat ang simpleng pangungusap na tulad ng “I-f-in-ax ko na sa iyo ang artikulo ko,” o kaya’y “Borador pa lamang ang sanaysay, bakit mo i-x-in-erox agad?” Lalo pa’t kung ima-mouse ang gitling at salungguhit sa Microsoft Word! May nagmungkahi na gamitin ang ganoong pangungusap sa pasalita, pero baguhin kung isinusulat na.Gaya ng, “Ipinadala ko na sa iyo ang kopya ng
artikulo ko sa pamamagitan ng fax.” Pastilan gid! Napakahaba naman.
Tanong: basta na lamang ba tayo papayag na masadlak ang Filipino sa tadhana ng mga wikang Amerindian tulad ng Quechua at Guarani na naghihingalo nang mga oral at hindi isinusulat na wika sa hi-tech na panahong ito ng World Wide Web? Lengguwahe ng mga illiterate? Lengguwaheng pabigkas lamang ang mga tipo ng signipikasyon at hindi maaaring i-computer? Mukhang ayaw nating pahintulutan na gamitin sa mas murang e-mail, bagkus ay ipatatali na lamang sa mas magastos na teleponong long distance, kung halimbawa’y gusto nating ibalita sa mga kamag-anak o kaibigan natin na:
Xinasaylophone ni bunso ang kawayan sa papag!
Maalaala ko tuloy nang minsang may isinusulat akong maikling kuwento sa Filipino. Naglimi-limi ako nang husto sa tumpak na salitang dapat gamitin sa loob ng isang diyalogo. Matapos timbang-timbangin nang maraming beses ang iba’t ibang singkahulugan—angkas, suno, sukob, baba, bakay, makisakay—ang sumusunod na pangungusap pa rin ang isinulat ko: “Siguradong may mapaghi-hitchhaykan… miski army truck” (Mario Ignacio Miclat, Pinoy Odyssey—Stories & Kuwentos, 1989, 60).
Sa mga nabanggit na halimbawa, palagay ko’y papayag na tayong talaga na nangangailangan na ng pagbabalik-suri sa ispeling o ortograpiyang Filipino. Naglabas na rin naman ng Kartilya at Gabay ang UP SWF, lalo na tungkol sa pag-iiba ng panghihiram sa English at Espanyol. Pero dapat kong aminin na hindi pa rin iyon sapat.
Mga Pagbabago sa Ortograpiyang Filipino
Sa tuwinang may nagaganap na dakilang pagbabago sa kasaysayan ng lipunang Filipino, nagkakaroon din ng kaukulang adjustment sa nakasulat na anyo ang wikang Filipino. Sa pag-aadjust, yumayaman ito, lumalago, yumayabong, at nakaaangkop sa tawag ng panahon.
Bago ang ika-16 na siglo, puwedeng sabihing pinakarasyonal na yatang paraan ang baybaying naimbento ng ating mga ninuno para mairepresent sa panulat ang wika nilang sinasalita. Buo na sa iisang yunit ang bawat pantig. Mabilis kung katutubong salita ang sangkot. Pumapasok ang problema kapag may salitang hiram sa loob ng pangungusap. Tingnan ang sumusunod na pangungusap:
Aahon ako matapos ang anihan.
Kaunin mo ako sa pasigan.
[insert baybayin text]
Madaling isulat sa baybayin ang pangungusap sa itaas. Tingnan naman ang kahawig na pangungusap:
Sa Deciembre ang viaje ko.
Traeme sa muelle.
[insert baybayin text]
Bagama’t pareho pa rin ang diwang isinasaad ng pangalawang pangungusap sa una, mahirap na itong ibaybayin dahil sa mga salitang hiram mula Espanyol. Puwede sa kung puwede, pero hindi na makinis at tiyak.
Sa mabuti o masama, madaling tinanggap ng ating ninuno ang mga bagay na Espanyol. Pagsapit ng 1610, halos 40 taon matapos gawin ni Miguel Lopez de Legazpi na kabesera ng kapuluan ang Maynila, isusulat na ni Thomas Pinpin (Introduksiyon, Librong Pagaaralan nang manga Tagalog nang uicang CaStila, Bataan: Diego Talaghay, Impressor de Libro, 1610) ang sumusunod na puna:
Di ba quin ang ybang manga CaStila, ay inyong quinalologdan, at guinagagad din ninyo, Sa pagdaramitman, at Sa pananandataman, at sa paglacadman at madlaman ang magogol, ay ualarin hinahinayang cayo, dapouat mamochamocha cayo Sa CaStila.
Kaya nga marahil nang mas maaga pa, noong 1593, kinailangang isulat din sa titik gotiko Romano, bukod sa baybayin, ang Doctrina Christiana en lengua espanola y tagala. Hindi madaling ibaybayin ang mga salitang “doctrina” at “Christiana.”
Mahihinuhang maluwag na tinanggap ng karaniwang Filipino ang paglipat patungong letrang Romano. Sa kabuuan, ang ortograpiyang Espanyol ang sinunod, bagama’t ang Espanyol mannoon ay
hindi pa estandardisado. Pansinin ang titik “h” sa “Christiana” at Thomas
Pinpin. Sa katunayan, sa lisensiya ng libro ni Pinpin na ibinigay ni Gobernador
y Capitan General Don Juan de Silva noong Abril 14, 1610 binaybay ang pangalan
ng bansa na “Islas Philipinas.” Doon naman sa
Declaracion de la Doctrina Christiana en Idioma Tagalog ni Juan de Oliver OFM
(1599), “Piliphinas” naman ang ispeling. Sa kaniyang “Sucesos” (II Blair
&Robertson, 196-216), palit-palit na “Filippinas” (197), “Filipinas” (201),
at “Philipinas” (215) ang gamit ni Miguel Lopez de Legazpi, na nagsasalit din
ng “Billalobos” sa baybay ng pangalan ni Villalobos. Isang liham ni Pau Cortley
na inilimbag sa Barcelona
noong 1566 ang tumukoy sa ating kapuluan sa baybay na “Philippinas” (II Blair
&Robertson, 223).
Noong ika-19 siglo, nabuksan ang Suez Canal, nabuksan ang Maynila sa kalakalang internasyonal, at nabuksan ang isip ng Filipino sa mga liberal na kaisipan. Lumaganap ang kilusang propaganda tungo sa kasarinlan. Mas lumakas ang diwa ng pagkabansa na nag-udyok naman sa atin na lalong unawain nang husto ang ating sariling pagkamamamayan na iba sa Espanyol. Nagpatuloy ito kahit sa pag-aaral ng ating wika. Nagmukhang kakatwa ang baybay Espanyol ng mga salitang Filipino. Kinailangan na muling timplahin ang ortograpiyang Filipino. Isinulat ni Trinidad H. Pardo de Tavera (1857-1925) ang kaniyang Contribucion para el estudio de los alfabetos filipinos noong 1884. (The Rizal-Blumentritt Correspondence, Vol I, 1886-1889, 1992, 11).
Sa kaniyang “Estudios sobre la lengua Tagala” (Cecilio Lopez, tr. Ang Balarila ni Rizal, 1962), ipinagamit ni Jose Rizal ang letrang “k” sa mga salitang gaya ng “kuha” na binabaybay noong “cuha.” Nasa alfabetong Espanyol naman ang “k” pero bihira lamang gamitin at tila reserbado sa mga salitang hiram. Kailangang palitan ng “qu-” ang matigas na “c” kapag ginamit ang gitlaping “-in-” sa ortograpiyang Espanyol. Ibang-iba na tuloy ang porma ng binanghay na salita sa salitang-ugat. “Cuha,” “quinuha,” at hindi “cinuha.” Mas simple kung gagamitin ang “k”—“kuha”, “kinuha.”
Samantala, ang letrang “h” ng Espanyol ay hindi binibigkas. Ang paggamit ng binibigkas na “h” ay makalulutas ng kahawig na problema sa letrang “c” kaugnay ng malambot at matigas na “g” sa mga salitang Filipino na ginitlapian ng “-in-,” tulad halimbawa ng “ganti,” “guinantihan.” Ayon dito, ang “gigante” ay magiging “higante.” Binigyan din ng gamit ang letrang “w.”
Malaking hakbang pasulong para sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino ang mga pagbabagong ipinasok ng mga propagandista at rebolusyonaryo sa ortograpiya. Pansinin ang pagkakaiba ng edisyong 1870 ng Pinagdaanang Buhay ni Florante at ni Laura sa CahariangAlbania
ni Francisco Baltasar (reprint ng edisyong 1838?), sa bersiyon ni Apolinario
Mabini sa panahon ng kanyang pagkadestiyero sa Guam
noong 1901.
Cun pagsaulang cong basahin sa isip
Ang nangacaraang arao ng pag-ibig
¿may mahahaguilap cayang natititic,
liban na cay Celiang namugad sa dibdib?
Malapit na sa kasalukuyang ortograpiya ang sulat kamay na bersiyon ni Mabini kung ang gamit din lamang ng “k,” “g”, at “w” ang pag-uusapan, ngunit hindi ang gamit ng “ng.”
Kun pagsaulan kog basahin sa isip
Ag nagakaraag araw ng pagibig,
Maymahahagilap kayag natititik
Liban na kay Celiag namugad sa dibdib?
Ayon kay Carlos Quirino, direktor ng aklatang pambansa noong 1964, “a cursory examination of Mabini’s version and the 1870 edition… shows that Mabini… made changes in the orthography as advocated by Rizal.” (Mabini’s version of “Florante at Laura” with a Preface by Carlos Quirino and a New English Translation by Tarrosa Subido, 1972, viii).
Makikita ang bilis ng pagtanggap ng karaniwang Filipino sa mga susog panggramatika ni Rizal sa mapapansing pagbabago sa baybay ng mga salitang gaya ng “ko,” “kay,” “kaya,” “titik,” “araw,” “hagilap” sa mga dokumentong Filipino noong pagsisimula ng ika-20 siglo.
Sa pagbuwelta ng tingin sa gamit ng Espanyol sa letrang Romano, nagsimula na ring sumulpot ang konsepto ng abakadang Filipino. Yayamang sa Filipino at Espanyol ay pareho ang bigkas ng “b” at “v,” pinag-isa na lamang sa “b” at inalis na ang “v” sa nabubuong abakada. Nakalilito ang gamit ng “c” at “j” at mukhang kadoble lamang ng gamit ng “s” at “h,”kaya inalis din sa abakada. Hindi mabigkas ng karamihan sa Filipino ang “f,” kaya tinanggal rin. Nalimita nga sa 20 ang titik ng nabuong abakada.
Sa abakada, tuluyan nang kumawala sa Espanyol ang Filipino. Makikita sa Diccionario Tagalog-Hispano (1914) ni Pedro Serrano Laktaw ang mga salitang tulad ng “pirma, piskal, pista” na binanghay nang “pumirma, pinirmahan, pamista,” at “mamiskal (fizcalizar)” na hindi maipaliliwanag sa gramatikang Espanyol kundi tanging sa gramatika at ortograpiyang Filipino lamang.
Sa unti-unting pagkakabuo ng ortograpiyang Filipino, hindi lamang binago ng Filipino ang porma ng mga salitang Espanyol, nagkalakas din tayo ng loob na isakatutubo ang maraming salita. “Limbagan ni I.R.Morales, Liwasang Miranda, Kiyapo” anang address ng tagapaglathala ng edisyong 1915 ng salin ni Patricio Mariano ng El Filibusterismo. Pansinin ang gamit ng “limbagan” at “liwasan” sa halip na “imprenta” at “plaza.” Gayundin ang gamit ng mga letrang “ki” imbes na “qui” sa Quiapo. Nag-umpisa rin tayong maghagilap sa mga diyalektong rehiyonal ng mga salitang wala sa Tagalog na gusto nating ipalit sa mga salitang Espanyol. Halimbawa na ang “lungsod,” “lunan,” “binibini” at “katarungan” mula Sebwano. Sa wakas, hindi na maipagkakamali ng mga dayuhan na diyalekto lamang ng Espanyol o pidgin Castilian ang Filipino. Puwede na nating ipaliwanag nang tama na ang “mamatay,” halimbawa, ay hindi korupsiyon ng “matar” bagkus ay nanggaling sa salitang ugat na “patay” na may unlaping “mang.” (Puwede na rin tayong magbiro na ang sailitang “mate” sa chess ang siyang korupsiyon ng salitang Filipinong “patay.”)
Dumating ang punto na binago na rin ang baybay pati ng mga pangngalang pantangi para umangkop sa abakada. Tulad nga ng “Kiyapo” sa itaas. Kahit hindi tinanggap ng karaniwang tao, makikita pa rin natin ang labi ng ganitong tendensiya sa mga pangalang tulad ng Hesukristo [“H, k” imbes na “J,c”], Hudyo [“H, dy” imbes na “j, de”]. Kamuntik na ngang sumunod ang Huse, Huwan o Suwan [“h” at “s” imbes na “j”] at Lukas [k].
Dala marahil ng labis na entusiyasmo ng mga mananagalog, nabuo ang panulat na kitang-kita ang katangiang restriktibo. Halos nabalik tayo sa baybayin. Hindi na natin maisulat sa sarili nating wika ang ating mga pangalan.Hindi na mayakap ng ating wika, sa pormang nakasulat, ang pagkasamot-sari ng etnisidad na Filipino. Ang “Luzon ” at “Rizal” ay naging mga
exception na lamang imbes na bahagi ng tuntunin sa pagbaybay. Parang naging
wikang dayuhan ang mga pantanging tulad ng “Ifugao” at “Ivatan” sa halip na
dangal ng mahaba nating kasaysayan. Anupa’t hindi lamang sa napasaisantabi ang
marami sa ating kababayan, kundi nahihiwalay din mismo ng nakasulat na wikang
batay sa atavistikong abakada. Hindi nito makayang katawanin ang buo nating
kabansaan, taliwas sa katotohanang ang wika ang diwa ng sambayanan.
Nakita natin sa atin mismong karanasan na sangkot sa suliranin ng wika hindi lamang ang ilang grammarian, linguist, o guro kundi ang buong lipunan. Kung hindi tatanggapin ng karaniwang Filipino, walang magagawa kahit ang may pinakamabuting intensiyong planong pangwika. Nakita rin natin na napakahalagang konsiderasyon sa mga pagbabago sa ortograpiyang Filipino ang katangi-tangi nitong paraan ng pagbubuo ng salita gamit ang mga panlapi.
Ngayon heto na ang alpabetong Filipino, kinakanta-kanta ng mga mag-aaral sa primarya sa buong bansa. Ito’y pagkilala ng Komisyon sa Wika na nahaharap na naman tayo sa malaking pagbabago sa kasaysayan. Ang mga pagbabagong ito ay may dalawang pangunahing aspektong nakaiimpluwensiya sa isa’t isa: internal at external. Sa loob ng ating lipunan mismo, nagkaroon ng pagbabago sa konsepto ng pamamahala mula noong Rebolusyong EDSA ng 1986. Sa anumang gawaing panlipunan ngayon, malakas na ang tuon sa demokrasya, karapatan ng tao, rehiyonalismo at etnisidad. Nadagdagan ang papel ng civil society habang mas inuusig ang tradisyonal na papel ng sentral na pamunuan. Mula sa labas, nasaksihan naman natin ang kamangha-manghang pag-unlad ng siyensiya at information technology.
Ano ngayon ang papel na dapat gampanan ng wikang Filipino sa harap ng malalaking pagbabagong ito? Kung sa mga dantaong nagdaan, hindi ito hinayaang mapariwara ng ating mga ninuno bagkus ay pinaunlad at pinaangkop sa tawag ng panahon, may katwiran ba ang ating henerasyon ngayon na mag-iba ng tungkulin?
(Sa panahong ito ng globalisasyon at internet, nakikita natin ang mga Tsino, Hapon, Thai, Espanyol, Franses, Aleman na natural lamang na nagpapabrika ng computer at nagdedevelop ng program sa kani-kanilang wika. Sa pamamagitan ng mga computer at programang ito, lumilikha sila ng sanlibo’t sanlaksang consumer at capital goods na bumabaha sa ating pamilihan. Kinukonsumo natin ang kanilang mga produkto kahit hindi natin naiintindihan ang lengguwaheng nakasulat sa mga etiketa nito. Ginagamit nila ang kanilang talino para tumubo. Ginagamit natin ang ating utak para mas gustuhin ang imported.)
Lengguwahe ng “Karaniwang Filipino”
Nabanggit natin sa itaas na ang anumang wika ay dapat na maging katanggap-tanggap sa “karaniwang Filipino.” At magiging katanggap-tanggap ito kung makikitang naglilingkod sa kaniyang interes. Sino nga ba ang “karaniwang Filipino”?
Siya ba ang magsasaka sa bukid? Ang vendor sa bangketa? Ang istambay sa kanto?
Mula sa punto de bista ng ekonomista, ganito ang sabi ni Cayetano W. Paderangga Jr.:
The “average Filipino”… would be the “weighted average” of Filipinos from all social, geographical, economic, and other classes. [He] is a multidimensional agent, i.e. a consumer, saver, entrepreneur, and worker across all
output sectors (1997 Faculty Conference Report,Subic Bay :
1997, 28).
Sa pagtinging ito, ang “karaniwang Filipino” ay hindi ang “least common denominator” kundi ang “weighted average.” Hindi ang pinakatamad sa lipunan, kundi ang pinagsamang pinakatamad at pinakamasipag. Ang patapon at ang may pinakamataas na potensiyal.Sa paglalapat ng depinisyong pang-ekonomiyang ito sa larangang pangkultura, hindi lamang ang mangmang ang kabilang kundi pati ang henyo. Hindi lamang ang nakapila sa Pera o Bayong kundi ang nasa Battle of the Brains at iyong mga nag-ipon para makapanood kay Pavarotti.
Professor sa unibersidad at titser sa kindergarten; manggagawa, entrepreneur at kapitalista; manunulat at mambabasa; pintasero at pinipintasan. Sa kani-kanilang sirkulo, may ginagamit silang eksklusibong salita at parirala na hindi naiintindihan ng kabilang grupo. Pero sa kabuuan, kapag may mahahalagang isyung kinakaharap ang bayan, nagkakatagpo sila, nag-uusap at nagpapahayag ng opinyon sa radyo at telebisyon sa pamamagitan ng wikang Filipino. Tingnan na lamang ang mga pag-uusap ng iba’t ibang panig hinggil sa mga problema saPalawan , Basilan, at Sulu at ilang bahagi ng Mindanao .
Naniniwala ang kalihim ng DECS, si Dr. Andrew Gonzales, na 98% ng mga Filipino ang nakauunawa ng Filipino. Ayon naman kay Senador Blas Ople, ang ating wikang pambansang salig sa Tagalog ang pangwalo sa lahat ng wikang ginagamit sa mga sambahayan saAmerica ,
higit sa German, Italian, o French. Ito rin aniya ang isa sa mga wikang
maririnig sa mga public address system na nagpapatalastas ng mga produkto sa Saudi Arabia , Bahrain , at Dubai . Nagkaroon ng
survey ang Social Weather Station noong 1998 na nagtanong sa representatibong
pambansang sampol kung saang lengguwahe nila mas gustong nasusulat ang mga
textbook sa primarya. Open-ended ang tanong, at “49% of the respondents
answered Tagalog, 31% said that it should be Tagalog and English, and 20% said
that it should be English” (Mahar Mangahas, “People prefer teaching in
Filipino” Manila Standard, May 28, 1999, Opinion page).
Anupa’t ang Filipino nga ang wika ng karaniwang Filipino, ang ating lingua franca at pambansang wika.
Lingua Franca at Wikang Pambansa
Sa isang lathalain kaugnay ng paggamit ng bernakular sa edukasyon na inilathala saParis noong
1953, inilarawan ng UNESCO ang lingua franca na “a language used habitually by
people whose mother tongues are different in order to facilitate communication
between them” (sinipi sa Ronald Wardaugh, An Introduction to Sociolinguistics,
1986, 55). Ayon kay Wardaugh, kung minsan ay tinatawag din itong trade
language, contact language, o auxiliary language. Tsino ang lingua franca sa East Asia (pansinin ang top ten sa MTV Asia). Lingua
franca ng daigdig ang Ingles ngayon, at ang Latin noon .
Tinatawag ding lingua franca ng Filipinas ang Filipino. Pero higit pa sa simpleng talastasan lamang o pantulong sa kalakalan ang papel nito. Hindi ito basta contact o trade language.
Ang Filipino ang wikang hindi lamang sa tabloid at komiks mababasa. Matutunghayan din ito sa mga walang kamatayang panitikan ng nakaraan, o sa mgatula at nobelang
pam-Palanca o pan-Sentenyal ng kasalukuyan, at sa salin ng mga classics ng
pandaigdigang panitikan. Ito ang wikang hindi lamang nakasulat sa mga polyeto
ng mga kandidatong politiko at sa patalastas ng mga produkto. Ito rin ang wika
sa mga aklat na nagbibigay kahulugan sa esensiya ng katarungan, kabuhayan,
batas at pamamahala. Ito ang wikang hindi lamang nagpapahayag ng lahat ng tindi
ng pag-ibig, galit, tuwa at lungkot. Ito rin ang wikang nakapag-papaliwanag ng
pinakamaliit na detalye ng paggalaw ng atom at pag-expand ng universe (tulad ng
mapapatunayan sa proyektong textbook ng UP-SWF).
Sa maikling salita, ito ang wika ng namumukod na katangian, kaakuhan, kabansaan ng mga mamamayan ng Filipinas. Iyan ang mas malalim na dahilan kung bakit natin ito tinatawag na wikang pambansa.
Kung ganito kalaganap ang wikang Filipino sa loob at labas ng ating bansa, kung may malawak na kinalaman ito sa kung ano-anong larangan ng buhay, hindi maaaring hindi ito isinusulat.
Kung ano ang bigkas, Siyang sulat?
Isinasaad ng Kautusan ng DECS na “kung ano ang bigkas ay siyang sulat, at kung ano ang sulat ay siyang basa.” Sa ibang salita, kung papaano ang bigkas, ito ang baybay kaugnay ng ortograpiya; at kung papaano ang sulat, ito ang bigkas kaugnay ng ponetika. Magandang tuntunin ito bilang panimulang hakbang sa pagsasatitik ng oral na wika. Pero isa itong ideal na napakahirap matupad sa kalaunan ng kahit na anong wika.
Puwede nating sabihin na ang alituntunin sa itaas ang sinunod ni Antonio Pigafetta, chronicler ni Magellan, nang tangkain niyang iromanisa o ilatinisa ang mga salita sa Sugbuhanon. Tingnan natin ang mga sumusunod na halimbawa (sa XXXIII Blair & Robertson, 188-89):
Boho (buhok), matta (mata), chilei (kilay), nipin (ngipin),
Dilla (dila), sico (siko), coco (kuko), pusut (pusod),
Vtin (uten), licud (likod), tuhud (tuhod), ilon (ilong),
Hanggang ngayon, 479 taon na ang nakararaan, maiintindihan pa rin nating mga Filipino ang mga tinutukoy sa bokabularyo ni Pigafetta. Bagama’t maayos naman ang ginawa niya, may sumusulpot na katanungan dito: Sino ba ang bibigkas at sino ang susulat? Nagsasalitanoon
ang katutubong Sebwano, isinusulat naman sa bulgar na Italyano sa halip na
edukadong Latin, ni Pigafetta. Ang bulgar na Latin, kaipala, ay binibigkas nang
iba-iba sa iba-ibang lugar ng sinaunang daigdig (Wardaugh, 55).
Buti na lamang at hindi na natin isinusulat ang ating mga salita sa napakakrudong paraang bigkas-sulat ni Pigafetta. Pihado kong hagalpakan ang mga Sebwano kapag binibigkas na nila ang mga sinulat nilang salita. Kahit papaano’y may sinusunod na tayong higit na aral na ortograpiya angkop sa ating gramatika at katanggap-tanggap sa karaniwang Filipino, kahit magkaminsan ay kinakailangan itong pagbalikang-suri at mag-adjust.
Hindi lamang sa Latin, kundi sa kahit na ano pang phonetic alphabet, ang nalilikhang nakasulat na anyo ay simbolo ng salita na gabay sa pagbigkas. Dahil sa paglakad ng panahon at heograpikong paglawak ng wika, nagkakaroon ng magkaiba at magkahiwalay na dinamika ang pag-unlad ng nakasulat at ng binibigkas na wika. Hindi pa tinitingnan diyan ang panloob na kadahilanan sa bawat indibidwal tulad ng galaw ng masel ng dila ayon sa utos ng hypoglossal nerve ng medulla oblongata, at kung ano-ano pang konsiderasyon!
Higit na nakararaming literate na tao sa mundo ngayon ang may wikang nakasulat na kung babasahin ay binibigkas sa iba’t ibang paraan sa iba’t ibang lugar. Kunin lamang ang suma total ng mga marunong ng Ingles, French, Arabe, Espanyol at Tsino, at makikitang lampas na ang bilang nila sa dalawang katlo ng populasyon ng mundo.
Matagal nang nawari ng mga Tsino, na may pinakamahabang nakasulat na kasaysayan at may wikang may pinakamaraming nagsasalita, na iba ang bigkas, iba ang sulat. Ideogram at hindi alpabeto ang inimbento nilang sistema ng pagsulat na tinatawag ngayong kanji (o hanzi, Chinese characters). Pareho ang kanji saTsina , Korea
at Hapon pero ibang-iba kung basahin ng mga taong ito. At kahit sa hanay ng mga
Tsino mismo, kahit iisang set lamang ng character ang ginagamit sa pagsulat ng
mga taga-Beijing, taga-Shanghai at taga-Canton, hindi sila magkakaintindihan
kung hindi sila magpapakitaan ng sulat at babasahin lamang nila iyon sa
kani-kanilang diyalekto. O kahit pa sa iisang probinsiya lamang, tulad halimbawa
ng Fujian ,
hindi maiintindihan ng binatang taga-Fuzhou ang dalagang taga-Amoy, kahit
parehong tinatawag na Fookienese ang kani-kanilang diyalekto, hangga’t hindi
sila magsusulatan sa kanji, o kaya’y gagamit ng pambansang wikang Mandarin na
nakabatay sa diyalektong Beijing .
Sa ibang salita, nagkakaintindihan sila sa sulat, hindi sa bigkas. Isang porma
ng ideogram na mas pamilyar sa atin ang Hindu-Arabic numeral. Iba-iba ang basa
ng iba’t ibang bansa sa mga simbolo ng numero pero iisang idea lamang ang
kinakatawan ng mga iyon.
Hinding-hindi ko iminumungkahi dito na gumamit tayo ng nasusulat na sistemang katulad ng kanji. Bagama’t ipinagmamalaki ng mga taga-SilangangAsia ang kanilang kanji, sila rin mismo ang magsasabi na
napakakomplikado ng kanilang sistema ng pagsulat. Pero may mga ginagamit din
naman tayong mga Filipino na nakasulat na wikang hawig sa gamit ng ideogram,
ang ating mga akronim. Halimbawa nito ang “PNU” na maaari kong basahing
“Pamantasang Normal ng Pilipinas.” Pero hindi ko maiuugnay sa pamantasang
normal, kundi sa kapulisan, ang mas tama sanang abrebiyasyon nitong “PNP.”
Bagama’t may simbolong hindi gaanong salamin ng konseptong sinisimbolo,
natu-tutuhan naman natin iyon. Hindi ko sinasabing ideal na sistema ng
ortograpiya ang nangyari sa French o Ingles. Ang sinasabi ko lamang, mas
maraming tao sa mundo ang hindi gumagamit ng alituntuning “bigkas/sulat.”
Sa ano’t anuman, totoo din ang paghiwalay ng bigkas at sulat maging sa Espanyol, na may ortograpiyang halos bigkas/sulat ang tuntuning mahigpit na sinusunod sa ortograpiya, at may nagpapasunod na akademya. May malaking kinalaman diyan ang heograpiya at pagtakbo ng panahon. Halimbawa’y ang letrang ekis. Alam nating “ha,” “he” at “hi” ang bigkas, kahit nakikita nating “x” ang nakasulat sa tradisyonal na ispeling ng mga pangalang tulad ng Roxas, Xerex atMexico , habang
may gumagamit na rin naman ng pormang Rojas, Jerez at Mejico. Natatandaan ko pa noong
aking kabataan, noong sapilitang pa ang 24 yunit ng Espanyol. Parang may
sasabog na generational war noon
sa University College dahil may mga kabataang guro na
nag-aral sa Mexico
na nagsabing “shjo” ang bigkas ng “yo” (ako), samantalang iginigiit ng
matatanda na “io” pa rin ang tamang bigkas. Hanggang sa maghari ang hinahon at
maipaliwanag na ang “io” sa Madrid
ay halos “shjo” sa America
Latina . Gawa ng
agwat na heograpiko na naragdagan ng national at ethnic pride, nagkaiba ang
bigkas. Gaya ng
Latin ng unang panahon at Ingles ng kasalukuyan, gayon din naman ang Espanyol.
At maidagdag na, ganiyan din sa Filipino.
Binubuo ang ating bansa ng maraming komunidad na etniko, rehiyonal, at lingguwistiko. Maipagmamalaki ng bansa ang mayamang kaligirang pangkulturang ito sa tuwinang makaririnig tayo ng Kasilag, Abelardo, Ryan Cayabyab, o Parokya ni Edgar; manonood ng Filipiniana, Bayanihan, o Ramon Obusan; tumitingin ng Luna, Manny Baldemor, o Imao; humahanga sa vinta, sa pay-yo, at sa San Agustin. Hindi ba maaari ring salaminin ang kayamanang pangkulturang ito sa ating nasusulat na wika?
Tanggap na natin na mula sa tatlong patinig ng baybayin, nagkaroon tayo ng limang patinig sa romanisadong Filipino, ang a, e, i, o, at u. Gayunman, sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, o kahit sa iba’t ibang lugar ng iisang rehiyon, iba’t iba ang bigkas sa limang patinig. Ang “w,e,n” sa Ilocano ay maririnig na “wen” “wen” o “win.” Ang “e” sa Tagalog ay maaaring “e” sa Maynila, “ei” sa Batangas, “e” sa Rizal o “ai” saSubic . Ang
“o” ay bigkas Ingles sa Ilocano, bigkas Espanyol sa Tagalog, at tila
pinagsamang maikling “o” at maikling “u” sa Sebwano. Sa tatlong wika pa lamang,
may 12 nang bigkas sa limang patinig.
Mayroon ding iba-ibang bigkas ng katinig sa mga rehiyon. Pakinggan na lamang ang pagkakaiba ng bigkas-Sebwano sa lungsod at sa nayon ng salitang “balay” o ang natatanging bigkas ng mga Aklanon sa “l” at “r.” Kapag sinabi nating “kung ano ang bigkas, siyang sulat,” aling rehiyon ang susunding bigkas, aling rehiyon ang susulat? Konsiderasyong rehiyonal pa lamang iyan. Mayroon ding konsiderasyong sosyal. Anong antas ng edukasyon ang dapat na inabot ng bibigkas, anong antas ang sa susulat? Kung susundin natin ang depinisyon ng “karaniwang Filipino” sa itaas, ang least common denominator kung ispeling din lamang ang pag-uusapan ay hindi ang may pinaka-mababang antas ng pag-iisip, hindi ang pinakapaslit sa lahat ng paslit.
Pinatutunayan ng karaniwang Filipino na hindi siya malilito, hindi siya mahihirapan, sakali ma’t hindi iisa ang bigkas ng bawat letra. Hindi siya bobo kompara sa ibang nasyon. Kaya niyang matandaan ang iba’t ibang tunog ng isang letra depende sa pagkakagamit.
Tingnan na lamang ang pagbibigay natin ng pangalan ngayon. Hindi na lamang problema sa paggamit ng “J” o “H” o “S” sa Juan kundi paggamit na ng “J” na may iba’t ibang tunog, tulad ng Jasper, Jannah at Juvenal. Lumalayo na sa kinagawiang tradisyon ng pagbibinyag ayon sa listahan ng mga pangalang Katoliko sa pormang Espanyol o Ingles, may bagong kultura na ngayong paghalo-haluin ang pangalan ng mga magulang, biyenan, kamag-anak, kumare, kumpare, kaibigan, lugar, pangyayari, at mga karanasan. Makikita natin ang mga pangalan, tulad sa aking class record, na tulad ng Odnerolf, Elsbeth, Emmabelle, Jhonamyr, Al Kaizan, at Grazzielle. Mga pangalan iyang tangi sa Filipino, sinulat sa paraang tanging Filipino lamang ang gagawa, at dapat lamang na maipakita sa ortograpiya ng wikang Filipino. Hindi lamang sa ginagamit ng karaniwang Filipino ang mga letra na may iba’t ibang katumbas na bigkas, tiyak ko ring pinaghihirapan ng mga magulang ang “dating” na estetiko ng nasusulat na pangalan ng kanilang anak. Sa tingin ko, sapat na ang kasalukuyang alpabetong Filipino. Hindi na kailangang magdagdag pa ng kung ano-anong simbolo sa bawat tunog na mamumutawi sa labi ng lahat ng Filipino.
Nag-aambag ang kaalaman ng karaniwang Filipino sa ispeling Ingles upang magkaroon ng kaisipan na dapat maganda sa mata ang baybay ng mga salita. Hindi na problema kahit ng mga batang Filipino na puwedeng palitan ng katunog na letra ang mga binabanghay na salita. Halimbawa,
k, c sa joke/ jocular (L. jocus)
b, ~b sa number/ numerous (L. numerus)
v, p sa perceive, perception
c, t sa Venice, Venetian; at higit sa lahat
ph, f sa Philippines, Filipino
Kapag sinasabing “maganda sa mata” ang porma ng nakasulat na salita, tinutukoy din natin na hindi kinakailangang ibuka pa ang bibig kapag nagbabasa nang mabilisan. Di maihihiwalay na bahagi ng intelektuwalisasyon ng wika ang pagbabasa nang matahimik sa paraan ng silent reading at speed reading.
Sa lahat ng mga halimbawang nabanggit, nakikita natin ang papel ng civil society sa pagtimbang ng kung ano ang maganda o hindi sa ispeling na Filipino. Mahihirapan ang anumang linguistics department o kagawarang Filipino ng kahit na pinakaprestihiyosong unibersidad na magpilit ng estilo ng ispeling batay sa “bigkas/sulat” ng iisang sentro. Hindi akademyang pangwika tulad ng sa Pranses o Espanyol ang hinahanap ng mga Filipino. Sa karaniwan ay ayaw ng Pinoy na basta sumunod sa sentralisadong pamumuno.
Ngayon, balik tayo sa mga salitang ginagamit sa makabagong teknolohiya at telekomunikasyon, na sa katunaya’y hiram natin sa mga anyong Ingles—x-ray, xerox, fax, xylophone at hitchhike—sa ganang akin ay maganda pa ring sundin ang alituntunin ng Surian na inisyu ng CHED. Pero dapat magkaroon ng bahagyang inobasyon. Mas magiging maganda siguro sa mata kung aalisin na ang hyphen na maghihiwalay sa panlapi at sa salitang hiram na isinulat sa orihinal (malamang Ingles) na ispeling. Alisin na rin natin ang salungguhit. Ang mangyayari, magxerox, magfax; ifinax, ixinerox.
Mula sa bentahe ng iba’t ibang disiplina, tumingin tayo sa sarisaring karanasang pangwika dito sa Filipinas at sa ibayong dagat upang makakita ng konsepto tungo sa pinag-isang pamamaraan ng pagsulat sa Filipino, batay sa espisipiko at namumukod na katangian ng ating wika, lahi, at kabihasnan. Sa gayon, tayo bilang isang bansa, ang karaniwang mamamayan kasama ang mga dalubhasa sa wika, ay mabilis nang makakikilos tungo sa higit na intelektuwalisasyon at siyentipikasyon ng Filipino, ang ating tunay na wikang pambansa, ang ating intelektuwal na kaakuhan.
Bilang Salamin ng Kasaysayan at Kulturang Pambansa
By Mario I. Miclat, Ph.D.
May sariling katangian, na hiwalay sa pag-unlad ng kultura, ang wika. Samot-sari ang pagkikilanlan ng kultura ng isang bayan—ang kaisipan, kaugalian, kasanayan, at sining ng sambayanan—mga katangiang nilinang sa mahabang panahon. Bagaman sinasalamin, inaagapayanan, o tinutuhog pa nga at pinag-uugnay-ugnay ng wika ang iba’t ibang salik ng kalinangan, may sinusunod itong sariling batas ng pag-unlad. Halimbawa, anuman ang maging katangian ng lipunang Filipino—mala-komyunal sa panahon ng mga baranggay; may mahigpit na herarkiya sa panahon ng kolonyalismong Espanyol, Amerikano at Hapon; o ultra-demokratiko sa kasalukuyang panahon—naroroon at naroroon pa rin ang katangian ng mga panlaping “mag,” “um,” “in,” at “an.”
Kaya nga ba may hiwalay na larang ng pag-aaral tungkol sa wika, ang lingguwistika. Maraming aspekto ang gawang pag-unawa, pagpapayaman, at siyentipikasyon ng wika. Una, ang pagsasatitik nito mula sa basta sinasalita patungong isinusulat na simbolo ng komunikasyon. Ikalawa, ang kodipikasyon nito sa mapanghahawakan kahima’t hindi mahigpit na gramatika—mula sa pagbibigay kahulugan sa mga pinakamalilit na morpema, panlapi at mga salita, pati pagbusisi sa iba’t ibang paraan ng pagbubuo ng kahulugan ng mas malalaki nitong bahagi (tinatawag na semantika); hanggang sa pagbubuo ng mga parirala at pangungusap (na sintaktika naman ang tawag); o pag-aaral sa mga morpema at sa komposisyon ng mga ito (morpolohiya); pag-aaral ng mga espesipikong tunog at mga kombinasyon nito (ponolohiya); o ang katanggap-tanggap na sistema ng pagsulat (ortograpiya). At ikatlo, ang paggamit dito sa iba’t ibang larangan ng kaalaman at disiplinang akademiko tulad ng siyensiya, teknolohiya, matematika, batas, pilosopiya, teolohiya, politika, at humanidades.
Kung ang wika ang sistema ng simbolo sa tinig at sulat na ginagamit ng tao sa pagpapatalastas ng isip at damdamin, walang wika sa kahit na anong lupalop sa daigdig ngayon ang kahapon lamang isinilang. Halos magkakasing-edad ang lahat ng sinasalitang wika, at sumulpot mula nang maging tao ang tao, mga kalahating milyong taon na ang nakararaan. Sa kasamaang palad, ang pinakamaagang rekord ng wika sa nakasulat na paraan ay mga 6000 taon pa lamang katanda. Sa cuneiform ng mga taga-Sumer (o
Liban sa ilang creole, pidgin, at artipisyal na wika, karamihan sa mga tinatawag ngayong opisyal o panlahat o pambansang wika ang isinilang sa kabesera ng isang bansa at pinalaganap sa network ng komunikasyon at mga aklatan, sa sistema ng edukasyon at sa tinatawag na pambansang panitikan. Anupa’t malaking pampasigla sa pag-unlad ng wikang pambansa ang nasusulat na anyo ng wika. Dito sa Filipinas, isang palayok na yari noong ca.1400, at kinatititikan ng sinaunang baybayin sa may gawing balikat nito, ang nahukay sa isang libingan sa Calatagan, Batangas. Pero hindi ito ang pinakamaagang nakasulat na rekord na natuklasan sa Filipinas. Isang lahang tanso, na may inskripsiyon tungkol sa sanglaang naganap noong taon 900, ang nadeskubre sa may wawa sa Pagsanjan, Laguna. Pinatutunayan nito na mayroon nang nakasulat na anyo ang wikang Filipino kahit
May apat na pangunahing paksang tatalakayin ang papel na ito kaugnay ng pag-unlad ng pambansang wika. Una, ang mga pagbabago sa ortograpiyang Filipino sa kasaysayan. Ikalawa, ang konsepto ng “karaniwang Filipino” na gumagamit ng pambansang wika. Ikatlo, ang pagpapasulong ng lingua franca at pambansang wika. Ikaapat, ilang implikasyon ng patakarang “Kung ano ang bigkas, siyang sulat.”
Sa manwal panlaboratoryong Embriolohiya ng Vertebrata (1997) ni Annabelle Herrera na inilathala ng UP Sentro ng wikang Filipino, mababasa ang sumusunod (may kaunting pagbabagong editoryal):
Ang sistemang panreproduksiyon ng lalaki ay binubuo ng isang pares ng testes, ng vas deferens, urethra, penis, at mga aksesoryang glandula.
Ang testes [ang] nakabalot sa visceral peritoneum na tuloy-tuloy sa mesorchium. Ang kapsula na fibrous na connective tissue ay ang tunica albuginea na tuloy-tuloy sa mga septa na nagbubukod sa testes mula sa mga lobule. [Nasa] loob ng mga ito [ang] mga nakaikot na mga seminiferous tubule na [kakikitaan] ng mga spermatogenic cell na bumubuo sa germinal epithelium. May nakapalibot na basement membrane sa mga tubule. Nasa pagitan ng mga tubule ang interstitial tissue na mayroon ding [tungkuling] endocrine.
Mapapansin sa halimbawa sa itaas ang gamit ng mga mga salita na bahagyang lumilihis sa patnubay ng Komisyon ng Wikang Filipino kaugnay ng alpabeto at ispeling. Hindi naman basta makalihis kaya bahagya ngang lumilihis ang patakarang editoryal ng UP SWF. Pinaglimi-limi ito nang husto at ibinatay sa napakaraming multidisiplinal na konsiderasyon.
Isa pang halimbawa. Sa isang survey ng SANGFIL (Sanggunian ng mga Unibersidad at Kolehiyo sa Wikang Filipino) noong 1999, tinanong ang mga piling respondent mula sa mahigit 120 kasaping institusyon sa iba’t ibang panig ng bansa tungkol sa ilang problema sa ispeling. Bagama’t ang UP-SWF ang nagsisilbing pangkalahatang kalihiman nito, ang De La Salle University naman ang siyang puno
Sa kalahatan, sinusunod ng Patnubay ang prinsipyo ng pagbaybay ng salita ayon sa bigkas. Parang ang gamit ng walong dagdag na letra sa alpabetong Filipino (viz., C, F, J, N, Q, V, X, at Z) ay limitado sa mga hiniram na pangngalang pantangi at espesipikong katutubong katawagang pangkultura tulad ng canao, hadji, masjid, at azan (unang panawagan ng pananalangin). Eksepsiyon ang mga hiram na salitang “kapag binaybay ayon sa alpabetong Filipino ay hindi mabakas ang orihinal na ispeling” tulad ng x-ray at xerox “na makabubuting pansamantalang hiramin nang walang pagbabago sa ispeling ngunit salungguhitan.” (Mga Tanong at Sagot tungkol sa Alpabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino, 1998, 37). May elaborasyon ang tuntunin na nagpapahiwatig na mas mabuti kung hindi na binabanghay ang mga salita, o kung sakali man, ay ihihiwalay sa panlaping Filipino sa pamamagitan ng gitling. Inihalimbawa ng Patnubay ang mga salitang tulad ng maka-Rizal, taga-Luzon, at mag-Sprite (42).
Natatanging kaakuhan ng Filipino ang posibilidad na mabanghay ang lahat ng pangngalan para maging pandiwa sa Filipino. Magtutunog pilit ang mga pangungusap na may hiram na salitang hindi binanghay. Napakabaduy, halimbawa, kung sasabihin ng doktor sa kaniyang pasyente na “Ipaiilalim kita sa x-ray” para lamang makasunod sa posibleng tuntunin ng ispeling na bulag sa kuwestiyon ng pagbabanghay ng salita. (Lalo pa’t alam natin na nakapatayo ang karaniwang x-ray pati na pasyenteng hindi naman “nakapailalim,” tulad ng aakalain sa salitang “undergo,” ng Ingles.) Walang problemang nakita ang mga kalahok sa kongreso sa mga pandiwang tulad ng mag-x-ray, mag-xerox, mag-fax. Pero karaniwan na ngayong makarinig ng mga pangungusap na
Kung susundin ang Patnubay, napakahirap isulat ang simpleng pangungusap na tulad ng “I-f-in-ax ko na sa iyo ang artikulo ko,” o kaya’y “Borador pa lamang ang sanaysay, bakit mo i-x-in-erox agad?” Lalo pa’t kung ima-mouse ang gitling at salungguhit sa Microsoft Word! May nagmungkahi na gamitin ang ganoong pangungusap sa pasalita, pero baguhin kung isinusulat na.
Tanong: basta na lamang ba tayo papayag na masadlak ang Filipino sa tadhana ng mga wikang Amerindian tulad ng Quechua at Guarani na naghihingalo nang mga oral at hindi isinusulat na wika sa hi-tech na panahong ito ng World Wide Web? Lengguwahe ng mga illiterate? Lengguwaheng pabigkas lamang ang mga tipo ng signipikasyon at hindi maaaring i-computer? Mukhang ayaw nating pahintulutan na gamitin sa mas murang e-mail, bagkus ay ipatatali na lamang sa mas magastos na teleponong long distance, kung halimbawa’y gusto nating ibalita sa mga kamag-anak o kaibigan natin na:
Xinasaylophone ni bunso ang kawayan sa papag!
Maalaala ko tuloy nang minsang may isinusulat akong maikling kuwento sa Filipino. Naglimi-limi ako nang husto sa tumpak na salitang dapat gamitin sa loob ng isang diyalogo. Matapos timbang-timbangin nang maraming beses ang iba’t ibang singkahulugan—angkas, suno, sukob, baba, bakay, makisakay—ang sumusunod na pangungusap pa rin ang isinulat ko: “Siguradong may mapaghi-hitchhaykan… miski army truck” (Mario Ignacio Miclat, Pinoy Odyssey—Stories & Kuwentos, 1989, 60).
Sa mga nabanggit na halimbawa, palagay ko’y papayag na tayong talaga na nangangailangan na ng pagbabalik-suri sa ispeling o ortograpiyang Filipino. Naglabas na rin naman ng Kartilya at Gabay ang UP SWF, lalo na tungkol sa pag-iiba ng panghihiram sa English at Espanyol. Pero dapat kong aminin na hindi pa rin iyon sapat.
Mga Pagbabago sa Ortograpiyang Filipino
Sa tuwinang may nagaganap na dakilang pagbabago sa kasaysayan ng lipunang Filipino, nagkakaroon din ng kaukulang adjustment sa nakasulat na anyo ang wikang Filipino. Sa pag-aadjust, yumayaman ito, lumalago, yumayabong, at nakaaangkop sa tawag ng panahon.
Bago ang ika-16 na siglo, puwedeng sabihing pinakarasyonal na yatang paraan ang baybaying naimbento ng ating mga ninuno para mairepresent sa panulat ang wika nilang sinasalita. Buo na sa iisang yunit ang bawat pantig. Mabilis kung katutubong salita ang sangkot. Pumapasok ang problema kapag may salitang hiram sa loob ng pangungusap. Tingnan ang sumusunod na pangungusap:
Aahon ako matapos ang anihan.
Kaunin mo ako sa pasigan.
[insert baybayin text]
Madaling isulat sa baybayin ang pangungusap sa itaas. Tingnan naman ang kahawig na pangungusap:
Sa Deciembre ang viaje ko.
Traeme sa muelle.
[insert baybayin text]
Bagama’t pareho pa rin ang diwang isinasaad ng pangalawang pangungusap sa una, mahirap na itong ibaybayin dahil sa mga salitang hiram mula Espanyol. Puwede sa kung puwede, pero hindi na makinis at tiyak.
Sa mabuti o masama, madaling tinanggap ng ating ninuno ang mga bagay na Espanyol. Pagsapit ng 1610, halos 40 taon matapos gawin ni Miguel Lopez de Legazpi na kabesera ng kapuluan ang Maynila, isusulat na ni Thomas Pinpin (Introduksiyon, Librong Pagaaralan nang manga Tagalog nang uicang CaStila, Bataan: Diego Talaghay, Impressor de Libro, 1610) ang sumusunod na puna:
Di ba quin ang ybang manga CaStila, ay inyong quinalologdan, at guinagagad din ninyo, Sa pagdaramitman, at Sa pananandataman, at sa paglacadman at madlaman ang magogol, ay ualarin hinahinayang cayo, dapouat mamochamocha cayo Sa CaStila.
Kaya nga marahil nang mas maaga pa, noong 1593, kinailangang isulat din sa titik gotiko Romano, bukod sa baybayin, ang Doctrina Christiana en lengua espanola y tagala. Hindi madaling ibaybayin ang mga salitang “doctrina” at “Christiana.”
Mahihinuhang maluwag na tinanggap ng karaniwang Filipino ang paglipat patungong letrang Romano. Sa kabuuan, ang ortograpiyang Espanyol ang sinunod, bagama’t ang Espanyol man
Noong ika-19 siglo, nabuksan ang Suez Canal, nabuksan ang Maynila sa kalakalang internasyonal, at nabuksan ang isip ng Filipino sa mga liberal na kaisipan. Lumaganap ang kilusang propaganda tungo sa kasarinlan. Mas lumakas ang diwa ng pagkabansa na nag-udyok naman sa atin na lalong unawain nang husto ang ating sariling pagkamamamayan na iba sa Espanyol. Nagpatuloy ito kahit sa pag-aaral ng ating wika. Nagmukhang kakatwa ang baybay Espanyol ng mga salitang Filipino. Kinailangan na muling timplahin ang ortograpiyang Filipino. Isinulat ni Trinidad H. Pardo de Tavera (1857-1925) ang kaniyang Contribucion para el estudio de los alfabetos filipinos noong 1884. (The Rizal-Blumentritt Correspondence, Vol I, 1886-1889, 1992, 11).
Sa kaniyang “Estudios sobre la lengua Tagala” (Cecilio Lopez, tr. Ang Balarila ni Rizal, 1962), ipinagamit ni Jose Rizal ang letrang “k” sa mga salitang gaya ng “kuha” na binabaybay noong “cuha.” Nasa alfabetong Espanyol naman ang “k” pero bihira lamang gamitin at tila reserbado sa mga salitang hiram. Kailangang palitan ng “qu-” ang matigas na “c” kapag ginamit ang gitlaping “-in-” sa ortograpiyang Espanyol. Ibang-iba na tuloy ang porma ng binanghay na salita sa salitang-ugat. “Cuha,” “quinuha,” at hindi “cinuha.” Mas simple kung gagamitin ang “k”—“kuha”, “kinuha.”
Samantala, ang letrang “h” ng Espanyol ay hindi binibigkas. Ang paggamit ng binibigkas na “h” ay makalulutas ng kahawig na problema sa letrang “c” kaugnay ng malambot at matigas na “g” sa mga salitang Filipino na ginitlapian ng “-in-,” tulad halimbawa ng “ganti,” “guinantihan.” Ayon dito, ang “gigante” ay magiging “higante.” Binigyan din ng gamit ang letrang “w.”
Malaking hakbang pasulong para sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino ang mga pagbabagong ipinasok ng mga propagandista at rebolusyonaryo sa ortograpiya. Pansinin ang pagkakaiba ng edisyong 1870 ng Pinagdaanang Buhay ni Florante at ni Laura sa Cahariang
Cun pagsaulang cong basahin sa isip
Ang nangacaraang arao ng pag-ibig
¿may mahahaguilap cayang natititic,
liban na cay Celiang namugad sa dibdib?
Malapit na sa kasalukuyang ortograpiya ang sulat kamay na bersiyon ni Mabini kung ang gamit din lamang ng “k,” “g”, at “w” ang pag-uusapan, ngunit hindi ang gamit ng “ng.”
Kun pagsaulan kog basahin sa isip
Ag nagakaraag araw ng pagibig,
Maymahahagilap kayag natititik
Liban na kay Celiag namugad sa dibdib?
Ayon kay Carlos Quirino, direktor ng aklatang pambansa noong 1964, “a cursory examination of Mabini’s version and the 1870 edition… shows that Mabini… made changes in the orthography as advocated by Rizal.” (Mabini’s version of “Florante at Laura” with a Preface by Carlos Quirino and a New English Translation by Tarrosa Subido, 1972, viii).
Makikita ang bilis ng pagtanggap ng karaniwang Filipino sa mga susog panggramatika ni Rizal sa mapapansing pagbabago sa baybay ng mga salitang gaya ng “ko,” “kay,” “kaya,” “titik,” “araw,” “hagilap” sa mga dokumentong Filipino noong pagsisimula ng ika-20 siglo.
Sa pagbuwelta ng tingin sa gamit ng Espanyol sa letrang Romano, nagsimula na ring sumulpot ang konsepto ng abakadang Filipino. Yayamang sa Filipino at Espanyol ay pareho ang bigkas ng “b” at “v,” pinag-isa na lamang sa “b” at inalis na ang “v” sa nabubuong abakada. Nakalilito ang gamit ng “c” at “j” at mukhang kadoble lamang ng gamit ng “s” at “h,”kaya inalis din sa abakada. Hindi mabigkas ng karamihan sa Filipino ang “f,” kaya tinanggal rin. Nalimita nga sa 20 ang titik ng nabuong abakada.
Sa abakada, tuluyan nang kumawala sa Espanyol ang Filipino. Makikita sa Diccionario Tagalog-Hispano (1914) ni Pedro Serrano Laktaw ang mga salitang tulad ng “pirma, piskal, pista” na binanghay nang “pumirma, pinirmahan, pamista,” at “mamiskal (fizcalizar)” na hindi maipaliliwanag sa gramatikang Espanyol kundi tanging sa gramatika at ortograpiyang Filipino lamang.
Sa unti-unting pagkakabuo ng ortograpiyang Filipino, hindi lamang binago ng Filipino ang porma ng mga salitang Espanyol, nagkalakas din tayo ng loob na isakatutubo ang maraming salita. “Limbagan ni I.R.Morales, Liwasang Miranda, Kiyapo” anang address ng tagapaglathala ng edisyong 1915 ng salin ni Patricio Mariano ng El Filibusterismo. Pansinin ang gamit ng “limbagan” at “liwasan” sa halip na “imprenta” at “plaza.” Gayundin ang gamit ng mga letrang “ki” imbes na “qui” sa Quiapo. Nag-umpisa rin tayong maghagilap sa mga diyalektong rehiyonal ng mga salitang wala sa Tagalog na gusto nating ipalit sa mga salitang Espanyol. Halimbawa na ang “lungsod,” “lunan,” “binibini” at “katarungan” mula Sebwano. Sa wakas, hindi na maipagkakamali ng mga dayuhan na diyalekto lamang ng Espanyol o pidgin Castilian ang Filipino. Puwede na nating ipaliwanag nang tama na ang “mamatay,” halimbawa, ay hindi korupsiyon ng “matar” bagkus ay nanggaling sa salitang ugat na “patay” na may unlaping “mang.” (Puwede na rin tayong magbiro na ang sailitang “mate” sa chess ang siyang korupsiyon ng salitang Filipinong “patay.”)
Dumating ang punto na binago na rin ang baybay pati ng mga pangngalang pantangi para umangkop sa abakada. Tulad nga ng “Kiyapo” sa itaas. Kahit hindi tinanggap ng karaniwang tao, makikita pa rin natin ang labi ng ganitong tendensiya sa mga pangalang tulad ng Hesukristo [“H, k” imbes na “J,c”], Hudyo [“H, dy” imbes na “j, de”]. Kamuntik na ngang sumunod ang Huse, Huwan o Suwan [“h” at “s” imbes na “j”] at Lukas [k].
Dala marahil ng labis na entusiyasmo ng mga mananagalog, nabuo ang panulat na kitang-kita ang katangiang restriktibo. Halos nabalik tayo sa baybayin. Hindi na natin maisulat sa sarili nating wika ang ating mga pangalan.Hindi na mayakap ng ating wika, sa pormang nakasulat, ang pagkasamot-sari ng etnisidad na Filipino. Ang “
Nakita natin sa atin mismong karanasan na sangkot sa suliranin ng wika hindi lamang ang ilang grammarian, linguist, o guro kundi ang buong lipunan. Kung hindi tatanggapin ng karaniwang Filipino, walang magagawa kahit ang may pinakamabuting intensiyong planong pangwika. Nakita rin natin na napakahalagang konsiderasyon sa mga pagbabago sa ortograpiyang Filipino ang katangi-tangi nitong paraan ng pagbubuo ng salita gamit ang mga panlapi.
Ngayon heto na ang alpabetong Filipino, kinakanta-kanta ng mga mag-aaral sa primarya sa buong bansa. Ito’y pagkilala ng Komisyon sa Wika na nahaharap na naman tayo sa malaking pagbabago sa kasaysayan. Ang mga pagbabagong ito ay may dalawang pangunahing aspektong nakaiimpluwensiya sa isa’t isa: internal at external. Sa loob ng ating lipunan mismo, nagkaroon ng pagbabago sa konsepto ng pamamahala mula noong Rebolusyong EDSA ng 1986. Sa anumang gawaing panlipunan ngayon, malakas na ang tuon sa demokrasya, karapatan ng tao, rehiyonalismo at etnisidad. Nadagdagan ang papel ng civil society habang mas inuusig ang tradisyonal na papel ng sentral na pamunuan. Mula sa labas, nasaksihan naman natin ang kamangha-manghang pag-unlad ng siyensiya at information technology.
Ano ngayon ang papel na dapat gampanan ng wikang Filipino sa harap ng malalaking pagbabagong ito? Kung sa mga dantaong nagdaan, hindi ito hinayaang mapariwara ng ating mga ninuno bagkus ay pinaunlad at pinaangkop sa tawag ng panahon, may katwiran ba ang ating henerasyon ngayon na mag-iba ng tungkulin?
(Sa panahong ito ng globalisasyon at internet, nakikita natin ang mga Tsino, Hapon, Thai, Espanyol, Franses, Aleman na natural lamang na nagpapabrika ng computer at nagdedevelop ng program sa kani-kanilang wika. Sa pamamagitan ng mga computer at programang ito, lumilikha sila ng sanlibo’t sanlaksang consumer at capital goods na bumabaha sa ating pamilihan. Kinukonsumo natin ang kanilang mga produkto kahit hindi natin naiintindihan ang lengguwaheng nakasulat sa mga etiketa nito. Ginagamit nila ang kanilang talino para tumubo. Ginagamit natin ang ating utak para mas gustuhin ang imported.)
Lengguwahe ng “Karaniwang Filipino”
Nabanggit natin sa itaas na ang anumang wika ay dapat na maging katanggap-tanggap sa “karaniwang Filipino.” At magiging katanggap-tanggap ito kung makikitang naglilingkod sa kaniyang interes. Sino nga ba ang “karaniwang Filipino”?
Siya ba ang magsasaka sa bukid? Ang vendor sa bangketa? Ang istambay sa kanto?
Mula sa punto de bista ng ekonomista, ganito ang sabi ni Cayetano W. Paderangga Jr.:
The “average Filipino”… would be the “weighted average” of Filipinos from all social, geographical, economic, and other classes. [He] is a multidimensional agent, i.e. a consumer, saver, entrepreneur, and worker across all
output sectors (1997 Faculty Conference Report,
Sa pagtinging ito, ang “karaniwang Filipino” ay hindi ang “least common denominator” kundi ang “weighted average.” Hindi ang pinakatamad sa lipunan, kundi ang pinagsamang pinakatamad at pinakamasipag. Ang patapon at ang may pinakamataas na potensiyal.Sa paglalapat ng depinisyong pang-ekonomiyang ito sa larangang pangkultura, hindi lamang ang mangmang ang kabilang kundi pati ang henyo. Hindi lamang ang nakapila sa Pera o Bayong kundi ang nasa Battle of the Brains at iyong mga nag-ipon para makapanood kay Pavarotti.
Professor sa unibersidad at titser sa kindergarten; manggagawa, entrepreneur at kapitalista; manunulat at mambabasa; pintasero at pinipintasan. Sa kani-kanilang sirkulo, may ginagamit silang eksklusibong salita at parirala na hindi naiintindihan ng kabilang grupo. Pero sa kabuuan, kapag may mahahalagang isyung kinakaharap ang bayan, nagkakatagpo sila, nag-uusap at nagpapahayag ng opinyon sa radyo at telebisyon sa pamamagitan ng wikang Filipino. Tingnan na lamang ang mga pag-uusap ng iba’t ibang panig hinggil sa mga problema sa
Naniniwala ang kalihim ng DECS, si Dr. Andrew Gonzales, na 98% ng mga Filipino ang nakauunawa ng Filipino. Ayon naman kay Senador Blas Ople, ang ating wikang pambansang salig sa Tagalog ang pangwalo sa lahat ng wikang ginagamit sa mga sambahayan sa
Anupa’t ang Filipino nga ang wika ng karaniwang Filipino, ang ating lingua franca at pambansang wika.
Lingua Franca at Wikang Pambansa
Sa isang lathalain kaugnay ng paggamit ng bernakular sa edukasyon na inilathala sa
Tinatawag ding lingua franca ng Filipinas ang Filipino. Pero higit pa sa simpleng talastasan lamang o pantulong sa kalakalan ang papel nito. Hindi ito basta contact o trade language.
Ang Filipino ang wikang hindi lamang sa tabloid at komiks mababasa. Matutunghayan din ito sa mga walang kamatayang panitikan ng nakaraan, o sa mga
Sa maikling salita, ito ang wika ng namumukod na katangian, kaakuhan, kabansaan ng mga mamamayan ng Filipinas. Iyan ang mas malalim na dahilan kung bakit natin ito tinatawag na wikang pambansa.
Kung ganito kalaganap ang wikang Filipino sa loob at labas ng ating bansa, kung may malawak na kinalaman ito sa kung ano-anong larangan ng buhay, hindi maaaring hindi ito isinusulat.
Kung ano ang bigkas, Siyang sulat?
Isinasaad ng Kautusan ng DECS na “kung ano ang bigkas ay siyang sulat, at kung ano ang sulat ay siyang basa.” Sa ibang salita, kung papaano ang bigkas, ito ang baybay kaugnay ng ortograpiya; at kung papaano ang sulat, ito ang bigkas kaugnay ng ponetika. Magandang tuntunin ito bilang panimulang hakbang sa pagsasatitik ng oral na wika. Pero isa itong ideal na napakahirap matupad sa kalaunan ng kahit na anong wika.
Puwede nating sabihin na ang alituntunin sa itaas ang sinunod ni Antonio Pigafetta, chronicler ni Magellan, nang tangkain niyang iromanisa o ilatinisa ang mga salita sa Sugbuhanon. Tingnan natin ang mga sumusunod na halimbawa (sa XXXIII Blair & Robertson, 188-89):
Boho (buhok), matta (mata), chilei (kilay), nipin (ngipin),
Dilla (dila), sico (siko), coco (kuko), pusut (pusod),
Vtin (uten), licud (likod), tuhud (tuhod), ilon (ilong),
Hanggang ngayon, 479 taon na ang nakararaan, maiintindihan pa rin nating mga Filipino ang mga tinutukoy sa bokabularyo ni Pigafetta. Bagama’t maayos naman ang ginawa niya, may sumusulpot na katanungan dito: Sino ba ang bibigkas at sino ang susulat? Nagsasalita
Buti na lamang at hindi na natin isinusulat ang ating mga salita sa napakakrudong paraang bigkas-sulat ni Pigafetta. Pihado kong hagalpakan ang mga Sebwano kapag binibigkas na nila ang mga sinulat nilang salita. Kahit papaano’y may sinusunod na tayong higit na aral na ortograpiya angkop sa ating gramatika at katanggap-tanggap sa karaniwang Filipino, kahit magkaminsan ay kinakailangan itong pagbalikang-suri at mag-adjust.
Hindi lamang sa Latin, kundi sa kahit na ano pang phonetic alphabet, ang nalilikhang nakasulat na anyo ay simbolo ng salita na gabay sa pagbigkas. Dahil sa paglakad ng panahon at heograpikong paglawak ng wika, nagkakaroon ng magkaiba at magkahiwalay na dinamika ang pag-unlad ng nakasulat at ng binibigkas na wika. Hindi pa tinitingnan diyan ang panloob na kadahilanan sa bawat indibidwal tulad ng galaw ng masel ng dila ayon sa utos ng hypoglossal nerve ng medulla oblongata, at kung ano-ano pang konsiderasyon!
Higit na nakararaming literate na tao sa mundo ngayon ang may wikang nakasulat na kung babasahin ay binibigkas sa iba’t ibang paraan sa iba’t ibang lugar. Kunin lamang ang suma total ng mga marunong ng Ingles, French, Arabe, Espanyol at Tsino, at makikitang lampas na ang bilang nila sa dalawang katlo ng populasyon ng mundo.
Matagal nang nawari ng mga Tsino, na may pinakamahabang nakasulat na kasaysayan at may wikang may pinakamaraming nagsasalita, na iba ang bigkas, iba ang sulat. Ideogram at hindi alpabeto ang inimbento nilang sistema ng pagsulat na tinatawag ngayong kanji (o hanzi, Chinese characters). Pareho ang kanji sa
Hinding-hindi ko iminumungkahi dito na gumamit tayo ng nasusulat na sistemang katulad ng kanji. Bagama’t ipinagmamalaki ng mga taga-Silangang
Sa ano’t anuman, totoo din ang paghiwalay ng bigkas at sulat maging sa Espanyol, na may ortograpiyang halos bigkas/sulat ang tuntuning mahigpit na sinusunod sa ortograpiya, at may nagpapasunod na akademya. May malaking kinalaman diyan ang heograpiya at pagtakbo ng panahon. Halimbawa’y ang letrang ekis. Alam nating “ha,” “he” at “hi” ang bigkas, kahit nakikita nating “x” ang nakasulat sa tradisyonal na ispeling ng mga pangalang tulad ng Roxas, Xerex at
Binubuo ang ating bansa ng maraming komunidad na etniko, rehiyonal, at lingguwistiko. Maipagmamalaki ng bansa ang mayamang kaligirang pangkulturang ito sa tuwinang makaririnig tayo ng Kasilag, Abelardo, Ryan Cayabyab, o Parokya ni Edgar; manonood ng Filipiniana, Bayanihan, o Ramon Obusan; tumitingin ng Luna, Manny Baldemor, o Imao; humahanga sa vinta, sa pay-yo, at sa San Agustin. Hindi ba maaari ring salaminin ang kayamanang pangkulturang ito sa ating nasusulat na wika?
Tanggap na natin na mula sa tatlong patinig ng baybayin, nagkaroon tayo ng limang patinig sa romanisadong Filipino, ang a, e, i, o, at u. Gayunman, sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, o kahit sa iba’t ibang lugar ng iisang rehiyon, iba’t iba ang bigkas sa limang patinig. Ang “w,e,n” sa Ilocano ay maririnig na “wen” “wen” o “win.” Ang “e” sa Tagalog ay maaaring “e” sa Maynila, “ei” sa Batangas, “e” sa Rizal o “ai” sa