SI MANANG MERIN AT ANG TURUMPO
Ni Marcelo Navarra
Sa pagsisikap niyang maging mahusay, naghandang mabuti si Arsenio. At
nang ihahagis na sana niya ang turumpo, isang tawag ang pumigil sa kanya. “Hoy,
Dong.” At naiwang nakaakma pa ang kanyang kanang kamay na nakahawak pa rin sa
turumpo nang siya’y tumingala.
Napatingala rin ako.
“Ano ang inyong sadya?” tanong ni Arsenio.
“Ito ba ang bahay ni Merin?” tanong ng tao.
Tumindig si Arsenio at lumingon sa akin.
“Oo,” ako ang sumagot. “Ako ang kanyang batang kapatid.”
“Aah. Kapatid ka pala niya,” sabi ng tao. “Nasaan siya ngayon, Dong?”
“Nariyan sa loob ng bahay – namamalantsa. Ano ang inyong sadya sa
kanya?”
“Salamat, ngunit ako na lamang ang magsasabi sa kanya. May iba pa bang
tao sa bahay?”
“Wala, nag-iisa siya.”
“Ang tatay at nanay mo, at ang iba mong kapatid, nasaan sila?”
“Bakit, may sadya rin ba kayo sa kanila?”
“Aw, wala naman.”
“Aw, mabuti naman ‘pagkat wala sila dito. Pumunta silang lahat sa bukid.
Kami lamang ni Manang Merin ang naiwan.”
“Kailan pa sila umalis?”
“Maagang-maaga silang umalis.”
Ngumiti ang tao.
“Dong, pakisabi na may naghahanap sa kanya.”
“Sandali lang, Bay Nyong, ha?”
Tumakbo ako sa bahay, tumuloy sa komedor kung saan naroon si Manang
Merin. Pupunta na sana si Manang Merin sa kusina, bitbit ang plantsa, marahil
upang magpalit ng uling sa plantsa.
“Manang Merin, may naghahanap sa iyo.”
“Sino?”
“Ewan, di ko kilala.”
“Puntahan mo at papanhikin mo.”
Bumalik ako at nang nasa hagdanan na, sinabihan ko ang tao na maari
siyang pumanhik. Nagkasalubong kami sa gitna ng hagdanan – ako papanaog, at
siya naman ay paakyat upang makipagkita kay Manang Merin. Nagpasalamat pa nga
siya, ngunit mapilit siya na siya na lamang ang magsasabi ng kanyang sadya.
“Ibaba mo ang iyong turumpo, Bay Tik,” sabi ni Arsenio.
Hinagis ko ang aking turumpo sa kinaroroonan nito kanina. Sa pagsisikap
niyang gawin ang pinakamahusay, naghandang mabuti si Arsenio at buong lakas
niyang hinagis ang kanyang turumpo. Sa halip na tamaan ang akin o bumagsak man
lamang malapit sa akin, uminog ito patungong likuran sa naipong tuyong dahon ng
niyog bago huminto. Kinuha ko kaagad ang akin at kinidkiran ng pisi.
“Ibaba mo ang turumpo mo, Bay Nyong, at bibiyakin ko!”
“Ang yabang mo naman!”
“Mayabang, ha? Tingnan natin.”
Ako naman ang naghanda. Pinaghusayan kong mabuti pagkat ayaw kong
magkamali. Paghagis ko, tumama ang aking turumpo sa gilid ng turumpo ni Arsenio
bago lumukso sa lupa at huminto. Maganda ang inog ng aking turumpo at hindi
maugong. Yumukod si Arsenio upang kunin ang kanyang turumpo.
“Ano, Bay Nyong, di ba nabutasan ang iyo?”
“Ang yabang mo talaga. Saan ang tama?”
“Kung kasing lakas lamang sana ako ni Manoy Boloy, makikita mo sana.”
“Totoo bang malakas ang Manoy Boloy mo?”
“Totoong malakas. Di mo pa ba nakita ang maskulado niyang bisig?”
“Kung magsuntukan kaya ang Manoy Boloy mo at yong mamang nakipagkita kay
Manang Merin mo, mananalo kaya siya?”
“Ewan ko sa langaw kung hindi makukuba ang mamang ‘yan.”
Inikit ko muli ang pisi sa aking turumpo.
“Ibaba mo na ang iyong turumpo, Bay Nyong.”
“Halika, Bay Tik, maglamaw* muna tayo.”
“Saan tayo kukuha ng buko?”
“Saan pa kundi sa inyong puno. Kay daming niyog diyan.”
*Lamaw- kinayod na buko na hinaluan ng sariling katas,
asukal at, kung minsan, gatas.
“Basta ikaw ang aakyat ha?”
“Oo.”
“Hintay, saan tayo kukuha ng asukal?”
“Kumuha ka sa inyong aparador. Palagi naman kayong nagtsotsokolate sa
umaga, tiyak na marami kayong asukal.”
“E kung pagalitan ako ni Manang?”
“Ilihim mo ang pagkuha, huwag ka nang magpaalam.”
Sa hagdanan ng kusina ako dumaan. Maingat kong itinulak ang pintuan at
pumaroon sa aparador kung saan tinago ni Manang Merin ang garapon ng asukal. Ngunit
ano ang paglalagyan ko ng asukal, tanong ko sa sarili. At saka ako naghanap ng
papel. Sa aking paghahanap, lumabas ako sa komedor, ngunit wala si Manang
Merin, nasaan kaya? Naiwanang nakahiga ang plantsa sa kanyang lalagyan, wala
nang lamang baga. Sa tabi ng plantsahan ay ang basket na sinidlan ng mga bagong
plantsang damit at ang palangganang pinaglagyan ng plaplantsahin. Nasaan kaya
si Manang Merin, tanong ko sa sarili. At saka ko narinig na may nag-uusap sa
kwartong hinihigaan niya. Naroon pala si Manang Merin, nakikipag-usap sa
lalakeng may sadya sa kanya. Wala pa rin akong makitang papel na paglalagyan ko
sana ng asukal para sa aming paglamaw ni Arsenio. Dahan-dahan akong pumunta sa
sala at pinaikot ko ang aking tingin sa sulok, sa dingding, at sa mesa upang
maghanap ng papel.
“Abi, para mo nang awa, huwag.”
Napaurong ako pagkarinig ko ng mga salitang di mapagkakailang nagbuhat
kay Manang Merin. Marahan akong tumungo sa dingding upang makinig sa masiglang
pag-uusapan ng dalawa at nang di rin ako mabuko sa aking paghahanap ng papel
para sisidlan ng asukal.
‘Sige na, Mer, isa lamang.”
Dumikit ako sa dingding at naghanap ng butas na aking masisilipan.
“Maawa ka, Abi, humingi ka ng kahit ano, huwag lang yan. Ayaw ko niyan,
ayaw ko.”
Nasaan na ba ang butas, naghahanap pa rin ako.
“Merin, minamahal mo ba ako o hindi?”
“Minamahal ng buong puso, ngunit Abi, maawa ka, huwag…”
Sa wakas, may nakita akong butas na napakaliit, ngunit di na bale,
magsisilbi na rin ito. Nasilip ko si Manang Merin na nakaupo sa gilid ng kama.
Katabi niya ang lalake. Nakaupo silang dikit na dikit. Nakayuko si Manang
Merin. Ang mama’y waring nakayuko rin, ngunit nakatingin kay Manang. Sobrang
lapit ang mukha ng mama kay Manang Merin, halos singhutin na ang mukha ni
Manang Merin.
“Minamahal mo ba ako ng buong puso?”
“Oo, ng buo kong puso, Abi.”
“Kung gayon, bakit ayaw mong pumayag sa hinihiling ko? Kung tunay mo
akong iniibig mararamdaman mong ako’y masasaktan kung di mo ibibigay ang aking
hinihingi. Matitiis ba ng tunay na umiibig ang mahal niyang nababalisa? Merin
kanino ka ba nakikipag-usap?”
“Totoong di ko matiis ang makita kang nababalisa, Abi, unawain mo rin
sana ako.”
Sumakit na ang mga binti at leeg ko sa katitiyad upang masilip ko ang
nangyayari kaya’t nagpahinga muna ako. Medyo naiinis na ako sa pakikinig sa
kanila. Ano ba ang hinihingi ng mama at tila napakaramot naman itong si Manang
Merin na ayaw ibigay ang hinihingi nito?
“Ano ang dahilan at umaayaw ka?”
“Baka linlangin mo lang ako pagkatapos.”
“Linlangin? Nagdududa ka pa ba sa aking pag-ibig? Mer, isipin mong
mabuti kung gaano katagal na akong nagtitiis at naghihirap. Hindi mabihag ng
salita ang pag-ibig ko sa iyo. Mag-aaksaya pa ako ng panahon sa pagliligaw sa
iyo kung hindi kita tunay na minamahal? Ano ba, Mer, nagdududa ka pa ba sa
aking katapatan?”
“Hindi, ngunit sino ang makakapagsabi?”
Tumiyad muli ako upang maabot ang butas. Nasilip ko muli si Manang Merin
na nakaupo pa rin sa gilid ng kama at ang taong humihingi ng ewan ko kung ano
kay Manang. At nakita kong nakayuko rin ngunit nakatingin kay Manang Merin at
halos singhutin ng tao ang mukha ni Manang Merin.
“Mer, para mo nang awa…”
“Abi, maawa ka rin sa akin.”
Nakita kong biglang tumindig ang tao, nanlisik ang mga mata, sumimangot,
at gumalaw-galaw ang panga habang nakatitig kay Manang Merin.
“Papayag ka ba o hindi? Dapat mong malaman, Merin, na hindi ako pumasok
sa trabaho ngayon dahil sa iyong sulat na nagsasabing kailangan tayong magkita
upang mapawi ang kalungkutang bunga ng matagal na nating di pagkikita. Dahil
ayaw kong maghinanakit ka sa akin, dahil sa malaki kong pag-ibig sa iyo, at
dahil nasasabik na rin ako sa iyo, nagmadali akong pumarito upang tumupad sa
iyong kahilingan. Ngayong narito na ako, ang puso ko naman ang humihiling sa
iyo. Ngunit nagmamatigas ka, nagpapahiwatig na di mo maramdaman ang nadarama ko
para sa iyo. Sana’y hindi na ako pumarito… Bueno, hindi na ako magtatagal.
Magpakabuti ka sana. Aalis na ako, Mer, at maraming salamat na lang.”
“Abi, maawa ka…”
“Hinahangad ko ang iyong kabutihan.”
“Abi!”
“Sige na, isang beses lang at di na ako uulit.”
“Pagkatapos, di mo kaya ako lolokohin?”
“Hinding-hindi.”
“Isinusumpa mo?”
“Isinusumpa ko nang buo kong puso.”
“Basta ha? Baka hindi mo tutuparin…”
At saka ko narinig ang pagtawag sa akin ni Arsenio. Nasaan raw ako,
naiinip na raw siya, sabik na sabik na raw siyang kumain ng buko. Sinagot ko si
Arsenio sa aking sarili na loko-loko ba siya, bakit siya magsasabing sabik na
sabik na siya sa buko, baka marinig siya ni Manang Merin at mapagalitan tuloy
ako, baka di na kami makakain ng buko.
“Ewan ko, baka maabutan tayo ng aking kapatid.”
“Hindi. Di mo ba narinig na maglalamaw sila? Mahaba pa ang panahon.
Halika na.”
Tinawag muli ako ni Arsenio, napakatagal ko raw, naiinip na siya sa
akin. Dahan-dahan akong bumalik sa komedor, tumuloy sa kusina at lumabas sa
pintuan sa likuran.
“Napakatagal mo naman, Bay Tik!”
“Naghahanap pa kasi ako ng papel, Bay Nyong.”
“Aanhin mo ba ang papel?”
“Paglalagyan ko sana ng asukal.”
“Kailangan bang papel? Marami naman diyang dahon ng saging.”
“Oo nga ano? Sige, kumuha ka nga Bay Nyong.”
Tumakbo si Arsenio sa likod sa may kulungan ng baboy kung saan naroon
ang maraming puno ng saging.
Bumalik siyang dala-dala ang dahon ng saging. Maya-maya, nasa puno na
kami ng niyog malapit sa balon, at niyaya ko si Arseniong umakyat kaagad sa
puno. Sumunod si Arsenio at nang makarating na siya sa itaas, sinigawan ko
siya, “Ang kunin mo ay ang bukong mala-sipon, Bay Nyong, ha?”
Nahulog ang tatlong buko galing sa itaas.
“Tama na, Bay Nyong.”
Si Arsenio pa rin ang nagbiyak ng buko. Ang matalas na itak pa naman ni Tatay
ang ginamit. Ayaw na ayaw ipagamit ni Tatay ang kanyang itak at baka mapurol
daw, ngunit dahil nasa bukid siya, ginamit na rin namin. Tinapyas ni Arsenio
ang unang buko at pinabayaan naming masayang ang katas nito. Hinati at kinayod
namin ang laman. Nagbiyak si Arsenio ng isa pa, ngunit ngayon, sinahod na namin
ang katas sa naunang biyak. Nang maubos hinati muli naming, kinayod ang laman
at saka namin dinagdag sa unang kinayod. Hinaluan namin ng asukal bago naming
kinain.
“Magmadali tayo, Bay Nyong, baka maabutan tayo ni Manang Merin.”
“Bakit, nasaan ba ang Manang mo?”
“Naroon sa kanyang silid, nakikipag-usap sa mama. Narinig ko pa nga ang
kanilang pag-uusap.”
“Ano ba ang kanilang pinag-uusapan?”
“Ewan kung ano iyon, basta may hinihingi ang tao ngunit ayaw naman
ibigay ni Manang.”
“Ano kaya ang hinihingi niya?”
“Halika, Bay Nyong, alamin natin.”
Umakyat kami sa bahay at noong naroon na kami sa malapit sa butas na
pinagsisilipan ko kanina, nakiusap si Arsenio na siya muna ang sisilip. Tumiyad
siya upang maabut ng kanyang mata ang butas. Nangatog ang kanyang binti habang
sumisilip. Maya-maya, iniwanan niya ang butas, lumapit sa akin, dinikit ang
bibig sa aking tenga at pabulong na sinabing, “Bay Tik, umiiyak ang Manang
Merin mo.”
“Aw!”
“Totoo. Tingnan mo nga.”
Talagang umiiyak si Manang Merin. Bakit kaya?
“Bay Nyong, halika, pasukin natin sa kuwarto at tanungin natin ang tao
kung ano ang ginawa niya kay Manang Merin. Makakatikim talaga ang taong iyan
kay Manoy Boloy. Ipasusuntok ko siya.”
Nanlaki ang mga mata ng tao nang Makita kami sa pintuan. Napatingala si
Manang Merin.
“Inano mo si Manang Merin?” usig ko sa tao.
“Wala naman. Wala akong ginawa sa kanya.” Sagot ng tao.
“E bakit siya umiiyak?”
“Ewan ko sa kanya. Ba’t di siya ang tanungin mo?”
“Wala naman, Tik. Kuwan, e, binalitaan niya kasi ako na namatay na raw
si Purita.” Sagot ni Manang Merin sabay ang tingin sa tao at pinilit ang isang
tawa.
Tumawa rin ang tao at tinitigan si Manang.
“Sino ba ‘yang Purita, Nang?”
“Ay naku, ang matalik kong kaibigan sa lungsod.”
“Aw, akala ko kung naano ka na. Halika, Bay Nyong, magturumpo uli tayo.”
“Mabuti pa nga, Bay Tik, ako naman ang bibiyak ng iyong turumpo.”
Sa pagsisikap niyang gawin ang kanyang pinakahusay, naghandang mabuti si
Arsenio. At nang ihahagis na sana niya ang turumpo, isang tawa ang pumigil sa
kanya. “Hoy Dong!” at naiwang nakabitin sa itaas ang kanyang kanang kamay na
nakahawak pa rin sa turumpo nang siya’y tumingala.
Napatingala rin ako.
“Ano na naman ang sadya mo?” tanong ni Arsenio.
“Aalis na ako. Hala, maglaro kayo diyan,” paalam ng tao at lumakad na.
“Naku, Bay Nyong, siguradong makukuba ang taong iyan kung susuntukin ni
Manoy Boloy!”