Wednesday, September 1, 2010

Batayang Kaalaman sa Komunikasyon

Kahulugan ng Komunikasyon

Ayon sa ilang manunulat, ang salitang Ingles na “communication” na painaghanguan ng salitang komunikasyon na siyang palasak na ginagamit natin sa kasalukuyan ay hinango sa salitang Latin na ‘communis’ na ang ibig sabihin ay karaniwan.
Ayon kay Rubin, kailanman ang tao’y hindi makatatagal na mamuhay nang sa ganang sarili lamang niya (2001:23). Ang tao ay palaging nangangailangan ng kanyang kapwa. Kaya ang isang tao ay namumuhay kasama ang kapwa niya dahil mayroon siyang katangiang pantao na katulad ng kanyang kapwa. Ngunit mabubuo lamang ang kanyang pakikipagkapwa kung may instrumentong mag-uugnay sa kanila. Ang komunikasyon ang siyang sasagot sa pangangailangang ito.
Ayon kay Semorlan (1997:32) ang komunikasyon ay ang proseso ng pagbibigay at pagtanggap. Mensahe ang ibinibigay at mensahe rin ang tinatanggap. Sa pamamagitan nito nabubuo ang pagkakaunawaan ng mga tao sa lipunan dahil naipahahayag ng bawat isa ang kani-kanilang ideya at saloobin. Ayon din kina Espina at Borja (1999:6) ang komunikasyon ay isa ring makabuluhang kasangkapan upang maangkin ng bawat nilikha ang kakayahang maipaliwanag nang buong linaw ang kanyang iniisip at nadarama. Dito kusang umuusbong ang isang matatag na pagkakaunawaan at relasyon ng mga tao sa isang lipunan. Dahil dito may pagkakaisa rin sa kanilang mga mithiin sa buhay.
Binanggit nina Arnold at Hirsh (Resuma at Semorlan, 2002:37) na “we communicate with each other because it satisfies our own interests. You communicate because it does something for you.” Talagang totoo naman sapagkat kapag nakikipag-usap sa iba o maging sa sarili ang tao, may sarili siyang layunin, may mensahe siyang gustong ipaabot. Maaaring gusto niyang magbigay-impormasyon, magkwento, magpahayag ng opinyon, magpahayag ng damdamin tulad ng tuwa o sama ng loob, makipagtalo o mag-aliw lamang. Anu’t anuman, may mabuting naidudulot sa mga nagsisipag-usap ang pag-uusap o komunikasyon.
Nakikipagtalastasan ang tao upang makihalubilo sa kanyang paligid at makisalamuha sa kanyang kapwa tao. Bilang bahagi ng lipunan, kailangan ng isang indibidwal na makabuo at makapagpalalim ng kanyang relasyon sa lipunang kinabibilangan. Sa madaling salita, kailangan niya ang kanyang kapwa, tulad din ng pangangailangan ng kanyang kapwa sa kanya.
Sa binanggit sa itaas, nagpapakita lamang na ang komunikasyon ay isang napakaimportanteng sangkap ng lipunan upang mabuo ang isang pagkakaunawaan ng mga taong nakapaligid dito. Ayon kina Sauco at Atienza (2001:3) ang komunikasyon ay isang paraan ng pakikitungo ng tao sa kanyang kapwa, isang bagay na kailangan sa pakikisalamuha niya sa isang lipunang kanyang ginagalawan, isang paraan ng pakikibagay ng tao sa kanyang kapaligiran.
Makapamumuhay nang tahimik ang isang nilalang kung siya ay nakasanib sa isang lipunang may parehong interes at may pagkakaunawaan. Maiuugnay lamang niya ang kanyang sarili sa isang lipunan sa pamamagitan ng komunikasyon. Ayon kina Sauco at Atienza (2001:4), ang kakayahan ng tao sa pakikipagtalastasan ay nagbibigay-daan upang makasanib sa pinakamataas na lipunan at makasabay sa patuloy na pagbabago. Ang wika at iba pang pagkilos ng lipunan ay magkakaugnay. Ang interes at pangangailangan sa bawat panahon ang sapilitang nagpapabago sa wika. At ang wika ring ito ay kanilang ginagamit sa pagpapahayag ng kanilang mga ideya at ginagamit sa pakikipagkomyunikeyt.
Ipinaliwanag naman ni Arrogante (1988) na ang salitang pakikipagtalastasan ay galing sa salitang-ugat na talastas na nangangahulugang “alam”, at sa kabilaang panlaping pakikipag-…-an na may kahulugang ‘pagsasagawa ng isang kilos na ang gumagalaw o gumagawa ay hindi iisa kundi dalawa o higit pa”.


Uri ng Komunikasyon

May tatlong uri ng komunikasyon:
1. Komunikasyong Intrapersonal. Ito ay tumutukoy sa komunikasyong pansarili. Sangkot ang pag-iisip, pag-aalala at pagdama, mga prosesong nagaganap sa internal nating katauhan. Kapag ika’y napapabulong sa iyong sarili, ika’y nakikipagtalastasang intrapersonal. Ibinigay na halimbawa ni Taylor ang hearing yourself speak, feeling yourself move, and thinking. Dagdag pa niya, “Conciously or unconsciously, intrapersonal communication continues as long as we are alive.”
2. Komunikasyong Interpersonal. Ito naman ay tumutukoy sa komunikasyong nagaganap sa pagitan ng dalawang tao o sa pagitan ng isang tao at maliit na pangkat. Malaking bahagdan ng komunikasyong nagaganap sa ating lipunan ang nasa uring ito. Ang uri ng komunikasyong ito ang humuhubog ng ating ugnayan o relasyon sa ating kapwa. Sa ganitong sitwasyon, nagbibigay ng mensahe ang mga kasangkot sa komunikasyon, kasama na ang kanilang mga pandama: paningin, pandinig, pang-amoy, panlasa at panalat o pandamdam.
3. Komunikasyong Pampubliko. Ito naman ay tumutukoy sa komunikasyong nagaganap sa pagitan ng isa at malaking pangkat ng mga tao. Ang isang tagapagsalitang nagtatalumpati sa harap ng mga tagapakinig ay nakikipagtalastasang pampubliko. Ang mga midyang pangmasa tulad ng telebisyon, radyo, pahayagan, at pelikula ay nasa ilalim din ng uring ito.



Katangian ng Komunikasyon

Upang mabisang mailarawan ang komunikasyon, kinakailangang tukuyin at ipaliwanag ang mga salalayang katangian nito.

1. Ang komunikasyon ay isang proseso. Isang proseso ang komunikasyon na kinapalooban ng marami pang proseso. Hindi lamang ito kinasasangkutan ng pagpapadala at pagtanggap ng mensahe. Halimbawa, bago makapagpadala ng mensahe ang isang tao sa ibang tao, kailangang isipin niya muna kung ano ang mensaheng ipadadala niya, paano niya iyong ipadadala, anu-anong salita ang kanyang gagamitin, paano niya iyon isasaayos upang maunawaan, sa anong daluyan niya iyon paraanin at ano ang inaasahan niyang reaksyon ng pagpapadalhan niya ng mensahe. Ito ang tinatawag na proseso ng encoding o ang proseso ng pag-encode ng mensahe. Kapag natanggap na ng ibang tao ang mensahe, iisipin niya (tagatanggap) naman kung ano ang kahulugan ng mensaheng iyon, ano ang inaasahang reaksyon mula sa kanya, paano niya iyon tutugunan at sa paanong paraan niya ipadadala ang kanyang reaksyon. Ito naman ang tinatawag na proseso ng decoding o proseso ng pagde-decode ng mensahe. Idagdag pa na ang proseso ng komunikasyon ay hindi maaaring one-way lamang. Ito ay isang prosesong closed-circuit.

2. Ang proseso ng komunikasyon ay dinamiko. Sa komunikasyon, ang minsang nangyari na ay hindi na mauulit pa. Ulitin man nating muli ang mga salitang una nating tinuran, nag-iiba na ang komunikasyon dahil iba na ang panahon. Kung gayon, ano mang komunikasyon ay naiimpluwensyahan ng oras, lugar, mga pangyayari at mga taong sangkot sa proseso,. Kung kaya’t ang komunikasyon ay nagbabago o dinamiko dahil sa impluwensya ng pagbabago ng mga ito.

3. Ang komunikasyon ay komplikado. Nagiging komplikado ang proseso ng komunikasyon dahil sa paraan ng pagtingin ng mga sangkot sa komunikasyon sa isa’t isa. Ito ang tinatawag na persepsyon na hindi laging pare-pareho. Kapag ang dalawang tao ay nag-uusap, halimbawa, ang kanilang komunikasyon ay naiimpluwensyahan ng: a) persepsyon ng isa sa kanyang sarili, b) persepsyon niya sa kanyang kausap, c) iniisip niyang persepsyon ng kanyang kausap sa kanya at d) ang tunay na persepsyon ng kanyang kausap sa kanya. Ang kanyang kausap ay mayroon ding: a) persepsyon sa kanyang sarili, b) iniisip niyang persespyon ng kanyang kausap sa kanya, c) iniisip niyang persepsyon niya sa kanyang kausap at d) tunay na persepsyon niya sa kanyang kausap. Bunga ng komplikasyong dulot ng mga persepsyong ito, may mga komunikasyong hindi nagiging mabisa at humahantong sa hindi pagkakaunawaan.

4. Mensahe, hindi kahulugan, ang naipadadala/natatanggap sa komunikasyon. Pansinin muli ang kahulugan ng komunikasyon. Ito ay proseso ng paghahatid at pagtanggap ng mensahe, hindi kahulugan. Kapag nagpapadala ang isang tao ng mensahe sa pamamagitan ng salita, halimbawa, maaari itong magkaroon ng iba’t ibang pakahulugan. Paano’y ang pagpapakahulugan sa mga mensahe ay nakasalalay sa tumatanggap nito. Kapag narinig mo ang salitang baboy, ano kaya ang kahulugan ng mensaheng iyon sa iyo? Gayon din kaya ang pagpapakahulugan ng iba? Paanong nangyari iyon gayong parehong mensahe naman ang sa inyo’y naipadala at inyong natanggap? Sapagkat hindi naman aktwal na kahulugan ang ipinadala at natanggap, mensahe pa lamang. Ang pagpapakahulugan ay depende na sa tumatanggap nito. Halimbawa, sinabi ng lalake na “gusto kita” sa isang babae, subalit ang pakahulugan ng babae sa salitang “gusto” ay “pag-ibig”. Magugulat na ang lalake kung bakit dikit na nang dikit ang babae sa kanya na tila nobya niya.

5. Laging may dalawang uri ng mensahe sa proseso ng komunikasyon. Ang mensaheng ito ay maaaring mauuri sa a) mensaheng pangnilalaman o mensaheng panlinggwistika at b) mensaheng relasyunal o mensaheng di-berbal na nagpapahiwatig ng iyong damdamin o pagtingin sa kausap. Halimbawa, habang ang isang tao’y nakikipag-usap sa kaibigan, ang mga sinasabi niya ang mga mensaheng pangnilalaman. Samantala, ang kanyang relaks na pangngatawan, madalas na pagtingin sa kaibigan at lapit o agwat naman ang mga mensaheng relasyunal na nagpapahiwatig nas komportable siya sa kausap. Kung gayon, sa proseso ng komunikasyon, dalawang uri ng mensahe ang naipapadala at natatanggap at kadalasan, ang pagpapakahulugan sa mensaheng iyon ay bunga ng impluwensya ng isa sa isa.

6. Hindi tayo maaaring umiwas sa komunikasyon. Kahit pa tayo’y hindi magsalita, nakikipagtalastasan tayo sa ating kapwa. Pansinin ang dalawang taong nasa loob ng eleveytor, halimbawa. Hindi sila nag-uusap. Nag-iiwasan pa nga sila ng mata. Malinaw nilang naipadadala ang mensahe ng kawalan ng interes sa isa’t isa. Sa hindi pag-imik at pag-iwas ng tingin, kapwa nila natanggap ang mensaheng Huwag mo akong kausapin! Nagkaroon sila ng komunikasyon, hindi ba? At hindi nila iyon naiwasan! Kung tutuusin, kahit tayo’y nag-iisa, hindi natin maiiwasan ang mag-isip. Anong uri ito ng komunikasyon? Intrapersonal, hindi ba? Lalo na kapag may mga tao sa ating paligid. Hindi man tayo magsalita, sa ating mga kilos, galaw, kumpas at anyo, hindi man sinasadya ay nakapagpapadala tayo ng mensahe sa iba.





Mga Sangkap at Proseso ng Komunikasyon

Halos lahat ng depinisyong ibinigay ng mga awtoridad sa wika ay nagtataglay na salitang mensahe o impormasyon. Maymga bumabanggit ng tagapaghatid, tagatanggap at sistema. Ang mga nabanggit ay mga sangkap o elemento ng komunikasyon. May bumabanggit din ng salitang proseso sapagkat ang komunikasyon ay isang proseso.
Para sa epektibo at mahusay na pakikipagkomunikasyon, talakayin natin ang mga sangkap at proseso ng komunikasyon. Nasa ibaba ang ilustrasyon ng proseso ng komunikasyon. Pag-aralan itong mabuti at alamin ang mga elemento o sangkap nito, pati na ang prosesong mahuhulaang nagaganap.






Iniisa-isa rito ang mga sangkap o elemento ng komunikasyon, batay sa naunang ilustrasyon.

1. Enkoder. Ito ay tumutukoy sa tao o pangkat ng mga taong pinagmulan ng mensahe. Siya o sila ang tumutukoy sa mensaheng pinapadala. Kapag may nakasalubong ka at binati siya ng Magandang umaga, ikaw ang nagpapadala ng mensahe. Ang bisa sa pagpapadala ng mensahe ay naiimpluwensyahan ng layunin, kaalaman, kakayahan, pag-uugali, persepsyon o pananaw at kredibilidad ng nagpapadala ng mensahe.

2. Dekoder. Sa nabanggit na halimbawa, ang pinagsabihan ng Magandang umaga ang siyang tagatanggap ng mensahe. Siya ang magbibigay-pakahulugan sa mensaheng kanyang natanggap. Sa madaling salita, siya ang magde-decode. Katulad ng tagapagdala ng mensahe, ang kawastuhan ng pagde-decode niya sa mensahe ay maaaring maapektuhan ng kanyang layunin, kaalaman, kakayahan, pag-uugali, pananaw o persepsyon at kredibilidad.

3. Mensahe. Ito ang dahilan o layunin ng komunikasyon. Maaaring naglalaman ng mga impormasyon, ideya o palagay ang mensahe, o kaya’y pagpapahatid ng saloobin, damdamin o emosyon. Nabanggit na sa nakalipas na pagtalakay na ang mensahe ay may dalawang aspeto: a) mensaheng pangnilalaman o panlinggwistika at b) mensaheng relasyunal o mensaheng di berbal. Sa nauna nating halimbawa, ang mensaheng pangnilalaman ay maganda at umaga na kapwa may kahulugang pangnilalaman. Ngunit sa pamamagitan ng paraan ng pagbigkas ng pagbating iyon, sa kumpas ng kamay, ekspresyon ng mukha at paraan ng pagbibigay-diin sa salita ay maaaring mahiwatigan kung tunay sa kalooban mo ang pagbati, o kung natatakot ka lamang sa magiging reaksyon niya kung hindi mo siya babatiin, o kung sarkastiko ang iyong pagbati, o di kaya’y kung baka nakasanayan mo lamang na batiin ang sinumang makasalubong mo sa daan. Alinman sa mga iyon ay mga mensaheng relasyunal o di-berbal na kaakibat ng mensaheng pangnilalaman na iyong ipinadala.

4. Tsanel. Ito ang midyum o daanan ng mensahe. May dalawang kategorya ng mga daluyan ng mensahe. Ang una ay ang daluyang sensori o tuwirang paggamit ng paningin, pandinig, pang-amoy, panlasa at pandama. Ang ikalawa naman ayang daluyang institusyunal. Ang pakikipagtalastasan sa pamamagitan ng sulat, telegrama mga kagamitang elektroniko tulad ng telepono, e-mail, fax, cellular phone at beeper ay mga halimbawa ng daluyang institusyunal. Ang halimbawa natin sa itaas ay gumagamit ng daluyang sensori dahil tuwirang sinabi ang Magandang umaga.
Sa pasalitang komunikasyon, midyum ng mensahe ang air waves at mga kable, gayon din ang mga intrumento ng komunikasyon tulad ng telepono, radyo, telebisyon, teyp at iba pang instrumentong napapakinggan. Para naman sa pasulat na komunikasyon, daanan ng mensahe ang papel, aklat, dyaryo, magasin at iba pa, pati na ang kompyuter (e-mail, internet, atbp) na pare-parehong nagtataglay ng mga simbolong nakasulat. Light waves o liwanag naman ang tsanel ng mga mensahe sa kaso ng pagsenyas.
Ang bisa ng isang komunikasyon ay nakasasalayay din sa matalinong pagpili ng daluyan. Halimbawa, may mga pagkakataong daluyang sensori ang angkop katulad ng sa pagtatapat ng pag-ibig o pagbibigay ng panuto. Hindi naman maaaring sumulat sa bumbero kapag nasusunog ang bahay mo. Kailangan mong sumigaw upang humingi ng saklolo at tumawag sa telepono upang humingi ng tulong sa mga tagapatay ng sunog.

5. Ang Tugon o Feedback. Tumutukoy ito sa sagutang feedback ng enkoder at dekoder matapos nilang maibigay at maunawaan ang mga hatid na mensahe. Ito ay maaaring mauri sa tatlo: 1) Tuwirang Tugon, 2) di-tuwirang tugon at 3) naantalang tugon. Tuwiran ang isang tugon kapag ito’y ipinapadala at natanggap agad-agaran matapos ipadala at matanggap ang mensahe. Kapag ang nakasalubong sa una nating halimbawa ay agad sumagot ng Magandang umaga rin, ang tugon niya ay tuwiran. Samantala, ang tugon ay di-tuwiran kapag ito’y ipinahahayag sa pamamagitan ng anyong di-berbal. Halimbawa nito ay pagngiti, pagtango o pagkaway ng kamay. Ang naantalang tugon naman, katulad ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, ay iyong mga tugon na nangangailangan pa ng panahon upang maipadala at matanggap. Isang halimbawa nito ay ang pagtugon sa pamamagitan ng sulat.
Dapat tandaan na sa sandaling ang isang tao ay nagpapadala ng tugon o feedback, siya ay nagiging tagapagdala na ng mensahe o nagiging enkoder at ang dating tagapagpadala ng mensahe ay nagiging tagatanggap na o dekoder.

6. Mga Potensyal na Sagabal sa Komunikasyon. Ito ang tinatawag sa Ingles na communication noise o filter. Bawat proseso ng komunikasyon ay maaaring magkaroon ng potensyal na sagabal. Ito ang mga bagay-bagay na maaaring makasagabal sa mabisang komunikasyon o sa komunikasyon mismo, Maaari itong matagpuan sa tagapagpadala ng mensahe, sa mensahe mismo, sa daluyan ng mensahe o di kaya’y sa tagatanggap nito. Ito ay mauuri sa apat: a) semantikang sagabal, 2) pisikal na sagabal, 3) pisiolohikal na sagabal at 4) sikolohikal na sagabal.
Ang pagkakaroon ng isang salita ng dalawa o higit pang kahulugan, pangungusap na hindi tiyak ang kahulugan at hindi maayos na organisasyon ng isang pahayag ay mga halimbawa ng semantikang sagabal. Halimbawa nito ay ang paggamit ng wika na Ingles ka nang Ingles, ngunit mali-mali rin naman ang gramar o hindi naman pala bihasa sa Ingles ang kausap, malamang maputol na ang linya ng komunikasyon.
Ang mga ingay sa paligid, mga distraksyong biswal, suliraning teknikal na kaugnay ng sound system, hindi mahusay na pag-iilaw at hindi komportableng upuan ay mga halimbawa ng pisikal na sagabal. Kasama rin dito ang panahon, na maaaring napakainit o napakalamig, may bagyo o napakalakas ng hangin o di kaya’y distraksyon sa paligid, tulad ng biglang pagpasok ng ibang tao, hayop at iba pa.
Tinutukoy naman sa pisiolohikal na sagabal ang mga kapansanan mismo ng enkoder o dekoder ang hindi maayos na pagbigkas sa mga salita, hindi mabigkas ang mga salita, at may kahinaan ang boses.
Samantala ang mga halimbawa naman ng mga sikolohikal na sagabal ay ang mga biases, prejudices, pagkakaiba-iba ng mga kinalakhang paligid at pagkakaiba-iba ng mga nakagawiang kultura na maaaring magbunga ng misinterpretasyon sa kahulugan ng mga mensahe.

7. Konteksto/Sitwasyon. Ang konteksto ay ang sitwasyon o kalagayan kung saan nagaganap ang komunikasyon. Ayon kina Barker at Barker, ang elementong ito ang isa sa mga pinakamahalaga dahil naaapektuhan nito ang iba pang mga elemento kasama na ang buong proseso ng komunikasyon. Ito ay may limang dimensyon; ang dimensyong pisikal, sosyal, kultural, historikal at sikolohikal.
Sa dimensyong pisikal ng konteksto ay nabibilang ang lugar na pinangyarihan ng komunikasyon at ang kondisyon ng kapaligiran. Malaki ang epektong nagagawa ng dimensyong pisikal sa uri ng talastasang magaganap. Kabilang sa mga salik ng dimensyong pisikal ay ang temperatura, liwanag, pook kung saan nag-uusap, lebel ng ingay, agwat o espasyo sa pagitan ng dalawang nag-uusap at maging ang oras. Ang bawat isa sa mga salik na binanggit ay makaapekto sa uri at sa proseso ng komunikasyon o sa talastasan ng nag-uusap o ng mga grupong kalahok sa talastasan. Halimbawa, iba ang magiging proseso at bunga ng komunikasyon kung nagsasalita ang guro sa harap ng klase kaysa sa pagkausap niya sa isang maliit na grupo sa parke. Maaaring maiba ang takbo ng komunikasyon na nagaganap ng umaga at nakaupo nang maayos at komportable ang mga kalahok kaysa sa kung ang mga kalahok ay gitgitang nangakatayo sa isang mainit at hindi komportableng pook.
Sa dimensyong sosyal ng konteksto ay pumapasok ang epekto sa komunikasyon batay sa uri ng relasyon ng dalawang nag-uusap o ng mga nag-uusap. Iba ang takbo ng usapan ng magkakaibigan, ng dati nang magkakakilala, ng magkakapatid, ng mag-ama o mag-ina, ng estudyante sa kapwa estudyante o ng estudyante at guro. May mga pangyayari sa isang grupo ng nag-uusap na sila lamang ang nagkakaintindihan. Maaaring malapit sila sa isa’t isa at magkakapalagayang-loob. Maaari nilang sabihin ang mga salita na masakit para sa iba o kaya’y biruan na pangkaraniwan sa kanila subalit hindi para sa iba. Naaapektuhan ang bunga ng proseso ng komunikasyon batay sa uri ng relasyon ng mga kalahok sa komunikasyon.
Ang dimensyong kultural ng konteksto ay naoobserbahan sa kung minsan ay di pagkakaunawaan sa komunikasyon sanhi sa pagkakaiba ng pananalig sa Poong Maykapal o pagkakaiba ng relihiyon. Gayon din ang pagkakaiba ng kinagisnang kultura. May epekto rin ang magkaibang pagpapahalaga, magkaibang uri ng pamumuhay at pagtanaw sa buhay.
Sa dimensyong historikal ng konteksto ay magkakaroon ng tuwiran o ng di-tuwirang impluwensya sa pag-unawa ng kasalukuyang pag-uusap o talastasan ang naunang usapan o pakikipagtalastasan. Halimbawa, sina Mikhael at Nolan ay nag-uusap tungkol sa balak na isasagawang proyekto ni Mikhael. Pinipigil ito ni Nolan at pinagsabihang baka hindi ito magtagumpay. Natapos ang usapan nila na sabi ni Mikhael ay pag-iisipan niya. Nang muli silang magkita ang unang tanong ni Nolan ay “Itutuloy mo rin ba?” Sagot ni Mikhael ay “oo”. Ang mga nakarinig sa usapan ay walang naunwaan kung ano ang tinutukoy o hindi itutuloy ni Mikhael. Subalit para kay Mikhael at kay Nolan lubos nilang batid ito at mayroon silang pagkaunawaan sa takbo ng usapan dahil sa kanilang nauna nang nakaraang pag-uusap. Iyon ang ibig sabihin ng dimensyong historikal.
Ang damdamin at emosyon taglay ng taong nag-uusap o ng mga taong kasangkot sa usapan ay nakaapekto sa uri, proseso at bunga ng usapan o komunikasyon. Halimbawa, maingat tayo sa pakikipag-usap sa isang taong bagong gising o taong naabala sa pagtulog. May kasabihan nga na magbiro ka na sa lasing huwag lang sa bagong gising. Gaya rin halimbawa, ng taong gutom o pagod. Medyo mainit ang ulo, wika nga tila wala pa sa kondisyon. Naaapektuhan ng kanilang damdamin at emosyon ang proseso ng usapan.

8. Sistema. Nangangahulugan ito ng relasyon o ugnayan na nalikha sa pamamagitan ng proseso ng komunikasyon. Halimbawa, kung hind mo kakilala ang isang tao, maaari ring magkaroon ng komunikasyon sa pagitan ninyo subalit madalang ang pakikipag-usap. Maaaring isang-tanong-isang-sagot ang mangyaring usapan. Maaari ring masyado kang ingat na ingat sa binibitiwang salita at maging sa komunikasyong verbal man. Subalit habang tumatagal ang panahon, nakilala mo na nang husto ang taong ito. Ang isang tanong-isang-sagot na pag-uusap ay nagkaroon ng pagbabago. Dahil nadevelop na ang relasyon ninyo ng taong ito, naging komportable ka na sa pakikipag-usap hindi na gaanong formal ang ginagamit mong wika, at naging panatag na ang loob mo sa paggamit ng di-verbal na mensahe. Nabuo ang sistema o ang ugnayan ninyo sa pamamagitan ng proseso ng komunikasyon. Kung gayon, ang sistema o ang ugnayan ang nagdidirekta sa kung ano at paano ka nakikipagkomunikasyon. Nangangahulugan lamang na ang proseso ng komunikasyon ay hindi lamang nagaganap sa isang tagpuan at tagpo lamang – ito ay patuluyang proseso o gawain.


Paraan ng Komunikasyon

Sa pagpapahayag ng mensahe sa komunikasyon ay kadalasang ginagamit ang pasalitang paraan o ang tinatawag na berbal na komunikasyon. Ayon kina Lorenzo (1994:6) ang komunikasyong berbal ay komunikasyong gumagamit ng wika na maaaring pasulat at pasalita. Pasulat ang uri ng komunikasyong nababasa at pasalita yaong mga binibigkas at naririnig. Ang berbal na komunikasyon ang siyang pinakamahalaga at pinakamabisa. Sa pamamagitan nito, lubos at buong linaw na naipahahayag ng tao ang kanyang naiisip at nadarama. Samakatwid, wika ang mahalagang kasangkapan sa pagpapahayag, paghahatid at pagbibigay o pagtanggap ng mensahe.
Ngunit, upang higit na maging malinaw ang isang mensahe ay sinasamahan ito ng senyas o galaw ng bahagi ng katawan. Ito ang tinatawag na di-berbal na komunikasyon. Ayon kina Belvez (2004:17), ang mga di-berbal na komunikasyon ay bahagi ng mga mensaheng berbal kahit na ang mga ito’y naisasagawa nang wala sa loob o hindi kinukusa. Ito ay sa pamamagitan ng kilos ng katawan, kumpas ng kamay, galaw ng braso, iba-ibang uri ng pagtingin at pagtitig, taas ng kilay at mga ekspresyon ng mukha at iba pa.
Narito ang iba’t ibang uri ng komunikasyong di-verbal:

1. proxemics. Maaaring may kahulugan din ang espasyong inilalagay natin sa pagitan ng ating sarili at ng ibang tao. Ano ang iyong iisipin kung ang kaharap mo sa jeep na iyong sinasakyan ay halos magkapalitan na ang mukha, ika nga, sa kabila ng kaluwagan ng sasakyan? Paano ka makipag-usap sa iyong kasintahan? Gaano ang layo ninyo sa isa’t isa kadalasan? Gayon din ba ang layo mo kapag ika’y nakikipag-usap sa isang kaibigan, o sa isang di-kakilala o sa isang pangkat ng tagapakinig kapag ika’y nagtatalumpati? Hindi, di ba? May iba’t ibang uri ng proxemic distance tayong ginagawa sa iba’t ibang pagkakataon at ang distansyang ito ay maaaring mangahulugang intimate, personal, social o public. Makikita rin ito sa pakikitungo sa iba’t ibang tao depende sa edad, kasarian, kultura, at personalidad.

2. chronemics. Mahalaga ang oras. Ito ay isang bagay na kulang sa maraming tao. Ang paggamit ng oras, kung gayon ay maaaring kaakibatan ng mensahe. Halimbawa, ang pagdating nang huli sa isang job interview ay maaaring iinterpret na kakulangan ng disiplina. Samantala, ang pagdating naman nang maaga sa isang salu-salo ay maaaring makainsulto sa magbibigay ng salu-salo dahil maaari niya iyong ikataranta sa paghahanda. Ang pagtawag sa telepono sa madaling-araw ay malamang na ikagalit ng ibang tao. Maaari niyang ipalagay iyong sinasadyang pang-iistorbo sa kanyang pagpapahinga at kung gayo’y isang kabastusan. Ngunit maaari naman niya iyong ipalagay na isang matinding pangangailangan o isang emergency. May narinig din tayo na kapag mabilis magsalita ang isang tao, ang taong ito ay naghahabol sa oras. Kung napakabagal namang magsalita ang isang tao, sinasabi namang parang pag-aari niya ang oras.

3. oculesics. Ito ay tumutukoy sa paggamit ng mga mata sa komunikasyon. Ang mata raw ang siyang “pintuan ng ating kaluluwa” sapagkat sa pamamagitan nito ay maaari tayong makipag-ugnayan nang makahulugan. May galaw ang mga mata na nagpapakita ng kondisyon, reaksyon, at gawi at atityud o saloob ng tao. Ipinababatid lamang nito na maaaring maghatid-impormasyon ang galaw ng mata tungkol sa tao. Anu-ano ang posibleng kahulugan ng mapupungay na mata, namumugtong mata, umiiwas na tingin, papikit-pikit na mga mata, pag-irap, pamimilog ng mga mata, pagtaas ng kilay habang nanliliit ang mga mata, at iba pa?

4. haptics. Ito ang pagpapadama ng iba’t ibang damdamin sa tulong ng paghawak sa kausap. Kabilang dito ang paghawak ng mga kamay upang makiramay at bumati. Maaaring hawakan ang pisngi ng nakababatang kausap kapag natutuwa rito, o kaya’y hawakan at guluhin ang buhok dahil din sa katuwaan. Maaari ring maghayag ng iba’t ibang damdamin kapag hinawakan ang siko o kaya’y ang balikat. Sa ating wika, may iba-iba tayong tawag sa paraan ng paghawak sa ibang tao o bagay at bawat paraan ay may kanya-kanyang kahulugan. Ilarawan ang mga sumusunod at tukuyin ang posibling kahulugan ng bawat isa: hawak, pindot, hablot, pisil, tapik, batok, haplos at hipo.

5. kinesics. Maraming sinasabi ang ating katawan, minsan pa nga’y higit pa sa mga tunog na lumalabas sa ating bibig. Kaya nga may tinatawag sa Ingles na body language. May mga natatanging kahulugan ang pagkikibit-balikat, pagdila, pagkakamot ng batok, pagtatakip ng ilong, pagpadyak, pagtulis ng nguso, paraan ng paglakad at napakarami pang iba.
Hindi rin maitatago ang ating damdamin at tunay na intensyon sa ating ating mukha. Sa mukha, maaaring makita kung ang isang tao ay masaya, umiibig, malungkot, nag-aalala, natatakot, may suliranin, nahihirapan, galit o di kaya’y nag-iisip.
Ang kumpas ng kamay ay isa ring mayamang pinanggagalingan ng mensaheng di-berbal. Maaaring ang kumpas ay regulative katulad ng kumpas ng pulis sa pagpapahinto ng mga sasakyan sa daan o kumpas ng isang guro sa pagpapatahimik ng mga bata. Mayroon din tayong mga tinatawag na descriptive na kumpas na maaaring maglarawan ng laki, haba, layo, taas at hugis ng isang bagay. Ang mga kumpas naman na nagpapahiwatig ng damdamin tulad ng paghampas ng kamay sa mesa, sabay na pagtaas ng dalawang kamay, pagkuyom na mga palad at pakikipagkamay ay tinatawag na mga kumpas emphatic.

6. objectics. Ito ay ang paggamit ng mga bagay sa komunikasyon sa pagpapaliwanag ng mga gustong sabihin, o kaya’y paggamit din ng mga bagay kapag may damdaming nais ipahayag. Gumagamit ng ruler ang titser hindi lamang sa kanyang leksyon sa Matematika kundi kapag siya’y nagagalit, o kung may gusto siyang bigyang-diin sa mga nakasulat sa blakbord.

7. paralanguage. Ito ay tumutukoy sa paraan ng pagbigkas sa isang salita. Ang salitang oo, halimbawa, ay maaaring mangahulugan ng pagsuko, pagsang-ayon, galit, kawalan ng interes o paghamon, depende kung paano iyon binibigkas. Nakapaloob din dito ang pagbibigay-diin sa mga salita, bilis ng pagbigkas, paghinto sa loob ng pangungusap, lakas ng boses at taginting ng tinig. Ang mga ito ay maaaring magpabagu-bago sa kahulugan kahit ng isang salita lamang. Halimbawa, subukan mong bigkasin ng tung na oh sa iba’t ibang paraan. Ano ang posibleng kahulugan ng bawat paraan mo ng pagbigkas ng tunog na iyon? Kahit hindi mo nakikita ang nagsasalita ay matutukoy mo kung siya ay babae o lalake sa pamamagitan ng boses. Hindi na kailangan pang sabihin ng tao na lalake siya o babae siya. Maaari ring makilala ang etnikong grupong kinabibilangan ng isang tao sa pamamagitan ng punto. Alam na alam natin kung ang nagsasalita ay isang Maranao dahil sa punto o intonasyon ng pagsalita.


8. Kulay. Ang kulay ay maaari ring magpahiwatig ng damdamin o oryentasyon. Ano ang ipinahihiwatig ng damit na itim? Ng bandilang pula? Ng taling dilaw sa noo? Sa mga interseksyon ng daan, ano ang ibig sabihin ng ilaw na dilaw, berde at pula? Ano ang ipinahihiwatig ng puting panyo? Sadya ngang ang kulay ng mga bagay-bagay ay madalas nating nilalapatan ng kahulugan.

9. iconics. Sa ating paligid ay marami kang makikitang simbulo o icons na may malinaw na mensahe. Sa pintuan ng mga palikuran, ano’ng simbulo ang nagpapahiwatig na ang isa ay pambabae at ang isa ay panlalake? Paano sinisimbulo na bawal manigarilyo sa isang lugar? Anong simbulo ang ginagamit sa mga lugar na para sa mga may kapansanan? Anong simbulo ang makikita sa botelya ng lason, o sa reseta ng mga duktor, o sa tanggapan ng mga husgado. Sa mga kalsada o daan, anu-anong mga simbulong panlansangan ang iyong makikita? Ilarawan ang bawat isa at sabihin ang kahulugan ng mga iyon.

10. personal na anyo. Kasama rito ang hugis ng katawan, ayos ng buhok, pagsusuot ng alahas, kuko at iba pa. May matatabang gustong pumayat, at may mga payat namang gustong tumaba. Depende sa persespyon ng bawat indibidwal kung ano ang nais nilang ayos o hitsura/anyo. Ano man ang gusto ng bawat indibidwal na maging anyo o ayos nila ay tiyak na may ipinararating na mensahe sa mga tumitingin o nakakakita.

11. damit. Sinasabing makikita sa damit na isinusuot ng isang tao ang kanyang hilig, edad, personalidad at maging ang mga pag-uugali. May ibang nagdaramit dahil kailangang magdamit, ibig sabihin kahit ano lang ang maisuot. Mayroong pumipili ng isusuot na komportable sila. May nagdaramit upang maging kaakit-akit. May iba namang nais laging sunod sa uso ang damit. Ano man ang layunin ng mga nagdaramit, may mensahe rin itong ipinarating. Maging ang disenyo ng damit ay may kahulugan.

12. amoy
13. lasa
14. musika
15. tunog

Kahit saan man, ang komunikasyon ay palaging ginagamit upang higit na magkaunawaan ang bawat indibidwal, pasalita man o pasenyas. Ang mahalaga ay nagkakaunawaan ang mga partisipant at nalinang ang kasanayang umunawa sa mga salik na personal at salik-sosyal at kahusayang magpaunawa sa mensaheng nilalayong ipahatid sa paraang angkop, tumpak, at katanggap-tanggap sa lipunan at pamayanan.


Mga Konsiderasyon sa Mabisang Komunikasyon

Upang maging mabisa, ang komunikasyon, kailangan din itong isaayos. Si Dell Hymes ay nagbigay ng ilang mungkahi kung paano dapat isaayos ang paggamit ng wika. Ayon kay Hymes, kailangang isaalang-alang ang ang konsiderasyon upang matiyak na magiging mabisa ang komunikasyon. Ginamit niya ang akronim na S.P.E.A.K.I.N.G. na tinalakay sa mga sumusunod na talata.

1. Setting. (saan nag-uusap?) Sa pakikipagkomunikasyon, ang pook o lugar saan naganap ang usapan ay dapat isaalang-alang. Ang paraan ng pagpapahayag ng mga salitang ginagamit, ang tono at tunog ng pagsasalita ay nag-iiba ayon sa lokasyon na pinangyarihan ng salitaan. Hindi maaaring ang pakikipag-usap sa kaibigan sa gitna ng lansangan ay maging katulad ng pakikipag-usap sa kanya sa loob ng simbahan. Ang lugar ay may malaking impluwensya sa komunikasyon. Kung hindi ito isasaalang-alang, maaari kang mapagkamalang bastos o walang pinag-aralan. Subukan mong magsisigaw sa loob ng inyong klase. Ano kaya ang kahihinatnan mo?

2. Participants. (sino ang kausap, nag-uusap?) Dito isinaalang-alang ang tao o mga taong kasangkot sa komunikasyon. Ang pag-uugali, katauhan, damdamin, maging ang estado sa buhay, katungkulan, hanapbuhay, gulang kasarian, paniniwala at pilosopiya sa buhay ay nakakaimpluwensya sa daloy at paraan ng pagpapahayag ng nagsasalita at ng kanyang kausap. Halimbawa, maaari mong sabihing Pare, pahiram nga ng bolpen mo sa iyong kaibigan, ngunit hindi mo maaaring sabihin iyon sa iyong ama. Subukan mo kayang sabihin iyon sa kanya, ano kaya ang magiging reaksyon niya? Bakit? Paano ba ang angkop na pahayag kung ang gayong diwa ay sasabihin mo sa kanya?

3. End. (ano ang layunin ng usapan?) Sa komponent na ito ang interaksyon ay ayon sa layuning nais matamo sa pakikipagkomunikasyon: pagpapahayag o pagbibigay ng impormasyon, pag-uutos, pakikiusap, pagpapahiwatig, pagpapakahulugan, pagmumungkahi, pagbabahagi ng damdamin, pangangarap o paglikha. Ano kaya ang layunin ng isang taong mangungutang? Makahiram ng salapi sa taong uutangan niya, hindi ba? Makakamit ba niya ang kanyang layunin kung ang sasabihin niya’y Hoy! Pautang nga ng isanlibo! Samantala, kung siya nama’y manghoholdap, makakamit ba niya ang kanyang layunin kung sa malumanay na pananalita’y sasabihin niyang Para mo nang awa, akin na ‘yang pera mo? Hindi ang sagot sa dalawang huling tanong. Kung gayon, sa paggamit ng wika, kailangan munang isaalang-alang ang layunin sa pakikipag-usap.

4. Acts Sequence. (paano ang takbo ng pag-uusap?) Ito ang tumutukoy sa pagkakaugnay ng usapang nagaganap sa uri ng pangyayari. Halimbawa, sa pagtitipan (date) inaasahang masuyo at malambing ang himig ng usapan at takbo ng pananalita ng magkasintahan ngunit, kapag may mga bagay silang pinagtatalunan maaaring magbago ang ayos ng usapan. Ito ay maaaring magresulta sa di pagkikibuan o away.

5. Keys. (pormal ba o impormal ang usapan?) Nakakita ka na ba ng isang taong nakakamiseta at naka-shorts sa isang debut party? O di kaya’y ng isang taong naka-gown o barong Tagalog habang naglalaro ng basketball o volleyball? Parang ganito rin ang magiging hitsura mo kung hindi mo isaalang-alang ang pormalidad ng isang okasyon sa iyong pakikipag-usap. Kung gayon, kung pormal ang isang okasyon, paano ka makikipag-usap sa ibang tao? Anong salita ang iyong gagamitin? Kung makikipag-usap ka sa iyong pamilyar na kaibigan, gayon di ba ang paraan ng iyong pagsasalita at ang mga salitang iyong gagamitin?

6. Instrumentalities. (ano ang midyum ng usapan, pasalita ba o pasulat?) Sa madaling salita, kailangang ikonsider din ang gamit o daluyan ng komunikasyon. Daluyang sensori ba o daluyang institusyunal? Bakit kailangang isaalang-alang ito? Pakaisipin mo. Maaari mo bang ikwento sa iyong kaibigan ang nobelang iyong nabasa sa pamamagitan ng text? Maipapaamoy mo ba sa kanya ang halimuyak ng bulaklak sa pamamagitan ng telepono? Susulat ka pa ba sa bumbero kung nasusununog na ang bahay mo? Kung hindi mo kayang magsinungaling nang harapan, magdadahilan ka ba pa sa iyong kasintahan sa kanyang harapan? Kung mahusay kang gumawa ng sulat o ng tula, paano ka manliligaw kaya? Ang midyum ang humuhubog at naglilimita sa isang mensahe. Kung mabisang maisasaalang-alang ito, kung gayon, magiging kontrolado natin ang hugis at lawak o limitasyon ng mensahe sa komunikasyon.

7. Norms. (ano ang paksa ng usapan?) Mahalagang maisaalang-alang din ng isang tao ang paksa ng usapan. Halimbawa, maaaring hindi mo na igigiit ang iyong katwiran kung batid mong limitado lamang ang nalalaman mo sa paksa ng isang pagtatalo. Makakabuti ring itikom na lamang ang bibig kung sa gitna ng isang talakayan ay wala ka namang nalalaman sa paksang tinatalakay. May mga paksa ring eksklusibo. Halimbawa, may mga paksang pambabae, kung paanong may panlalaki rin. Makabubuti, kung gayon, sa mga lalaki ang umiwas sa mga talakayang may paksang eksklusibo sa mga babae kung paanong makabubuti sa mga babae ang umiwas sa pakikilahok sa mga talakayang may paksang eksklusibong panlalaki.

8. Genre. (ano ang uri ng pagpapahayag? Pagsasalaysay, paglalarawan, paglalahad o pangangatwiran?) Sa komponent na ito, isinaalang-alang ang layunin ng participants. Kung ang nais niya ay ang magkwento ng isang pangyayari o mga pangyayari, pasalaysay ang pagpapahayag. Kung ang nilalayon naman niya ay magpakitang anyo, katangian, hugis, at kulay ng isang bagay, tao, pook, pangyayari at damdamin, paglalarawan ang paraan. Paglalahad naman ang paraan ng pagpapahayag kung ang nais nito ay magpapaliwanag at magbigay ng impormasyon, samantalang kung ang layunin niya ay ang manghikayat, magpatunay at pagbulaanan ang opinyon, katwiran at paninindigan ng iba, pangangatwiran ang paraan ng pagpapahayag.

Ang layon sa pagtuturo-pagkatuto ng wika ay ang pagtatamo ng pangkalahatang kahusayan sa paggamit ng wika upang makapagpahayag nang mabisa at maiugnay ang sarili sa kanyang paligid. Dapat malinang ang kasanayang umunawa sa mga salik na personal at salik-sosyal at kahusayang magpaunawa sa mensaheng nilalayong ipahatid sa paraang angkop, tumpak, at katanggap-tanggap sa lipunan at pamayanan..


Kahalagahan ng Komunikasyon

Tayo ay nabubuhay sa panahon ng pagbabago –panlipunan, pampulitika at pangkabuhayan. Ang isa sa mga salik na makatutulong sa ating pakikibagay sa mabilis na pag-inog ng daigdig at sa panahon ng globalisasyon ay ang kakayahan nating makipagtalastasan.

Kahalagahang Panlipunan. Isang sitwasyong nararapat harapin sa araw-araw na buhay ang pakikipagtalastasan. Kinakailangang maging mabisa ito upang maging normal ang pakikisalamuha natin sa mga taong makatatagpo sa lahat ng dako: sa tahanan, simbahan, opisina, palengke, paaralan at iba pa.
Sinumang maghahangad na maiagpang ang sarili sa lipunang ginagalawan ay gumagamit ng komunikasyon. Ang tagaumpay at kabiguan, ang hinaharap ng tao ay nakasalalay sa paraan ng kanyang pakikipag-unawaan. Pinatatag din ng pakikipag-unawaan ang kalagayan at binibigyang-halaga ang pagkatao. Sa pamamagitan ng mahusay at maayos na pakikipag-usap at pakikisalamuha sa iba, nakagagawa siya ng desisyon tungkol sa anumang bagay: sa kabuhayan, relihiyon, edukasyon at pulitika. Ang mensaheng dala ng bawat aklat, pahayagan, magasin, telebisyon at teatro ay nagbibigay ng ideya sa tao at naghahamon sa kanyang piliin ang landas na tatahakin o kalagayang haharapin. Nakapagbabago ito ng pag-uugali at pananaw ng isang nilikha.

Kahalagahang Pangkabuhayan. Anumang propesyon upang maging matagumpay ay nangangailangan ng mabisang pakikipagtalastasan. Ang isang abugado, bilang halimbawa, ay bumabalangkas ng mabisang pangangatwiran sa pagtanggol ng kanyang kliyente. Ang guro, sa pagtuturo, ay nangangailangan ng kasanayan sa pagpapaliwanag ng liksyon ay maging ang doktor sa pagsusuri ng maysakit ay kailangang makapagbigay ng tagubilin sa paraang nauunawaan ng pasyente. Kailangan ang mahusay na pakikipagtalastasan sa alinmang negosyo upang magkaunawaan ang nagbibili at ang mamimili.

Kahalagahang Pampulitika. Sa isang bansang demokratiko, ay may layang makisangkot ang mga tao sa pag-ugit ng pamahalaan. Malaya ang mga pagtatalakayan ng mga bagay-bagay na nauukol sa bayan. Ang mga karaingan at mungkahi ng madla ay maipaaabot sa itaas sa pamamagitan ng mga salitang may katapatan at linaw, hindi sa mabibigat na pananalitang magdudulot ng pagkapoot o salungatan. Kailangang maging maluwag ang pagkakasulat ng mga panuntunan at saligang batas upang mapanatili ang katarungan at kapayapaan.
Maging ang bansa, sa pakikipag-ugnayan sa iba pang bansa ay nangangailangan ng mabisang pakikipagtalastasan. Upang maging matagumpay sa kanyang relasyong pandeplomatiko, kailangang ang embahador o ministro ay maingat at mapili sa pagbibitiw ng anumang salita. Ang munting pagkakamali ay maaaring magbunga ng hidwaan ng mga bansa, sa halip na pagkakasundo.